Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN BLG. 5 2016

 TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA | DAVID

“Kay Jehova ang Pagbabaka”

“Kay Jehova ang Pagbabaka”

NASASALUBONG ni David ang mga nagmamadaling sundalo. Takot na takot sila habang tumatakbo papalayo sa lugar ng labanan. Bakit kaya? Paulit-ulit na naririnig ni David ang isang salitang sinasabi nila. Pangalan iyon ng isang tao. At naroon nga mismo ang lalaking iyon na buong-yabang na nakatayo sa libis o lambak. Marahil, siya na ang pinakamalaking taong nakita ni David sa buong buhay niya.

Siya si Goliat! Nakita ni David kung bakit takot sa kaniya ang mga sundalo—hindi kapani-paniwala ang taas niya at para siyang higante. Kahit walang suot na napakabigat na baluti, malamang na mas mabigat pa rin siya kaysa sa dalawang malaking tao. Pero kumpleto siya sa armas. Isa rin siyang napakalakas at makaranasang mandirigma. Naghahamon si Goliat. Isip-isipin ang kaniyang dumadagundong na boses habang iniinsulto ang hukbo ng Israel at ang hari nitong si Saul. Hinahamon niya ang sinumang maglalakas-loob na lumaban sa kaniya para matapos na ang digmaang iyon!—1 Samuel 17:4-10.

Naduwag ang mga Israelita. Naduwag din si Haring Saul. Nalaman ni David na mahigit nang isang buwan ang pang-iinsultong ito ni Goliat! Walang kumikilos sa hukbo ng Filisteo at ng Israelita habang araw-araw na nang-iinsulto si Goliat. Nabahala si David. Nakakahiyang isipin na nanginginig sa takot ang hari ng Israel at ang kaniyang mga sundalo, pati na ang tatlong kuya ni David! Para kay David, higit pa sa pang-iinsulto sa hukbo ng Israel ang ginagawa ni Goliat; iniinsulto niya ang Diyos ng Israel, si Jehova! Pero ano naman ang magagawa ng kabataang si David? At ano ang matututuhan natin sa kaniyang pananampalataya?—1 Samuel 17:11-14.

“PAHIRAN MO SIYA, SAPAGKAT SIYA NA NGA!”

Balikan natin ang pangyayari ilang buwan na ang nakalilipas. Papalubog na ang araw. Pinapastulan noon ni David ang mga tupa ng kaniyang ama sa dalisdis ng burol malapit sa Betlehem. Malamang na tin-edyer pa siya, makisig at mamula-mula ang kutis. Makikita sa kaniyang magagandang mata na siya ay matalino. Kapag tahimik ang paligid, tumutugtog siya ng alpa para magpalipas ng oras. Naging inspirasyon niya ang magagandang nilalang ng Diyos, at lalo siyang humusay sa musika dahil sa madalas na pag-eensayo. Pero noong gabing iyon, ipinatawag si David. Gusto siyang makausap agad ng kaniyang ama.—1 Samuel 16:12.

Nadatnan niya ang kaniyang ama, si Jesse, na kausap ang isang matandang lalaki. Siya ang tapat na propetang si Samuel. Isinugo siya ni Jehova para pahiran ang isa sa mga anak ni Jesse bilang ang susunod na hari ng Israel! Nakita na ni Samuel ang pitong kuya ni David, pero nilinaw ni Jehova kay Samuel na wala sa kanila ang pinili Niya. Nang dumating si David, sinabi ni Jehova kay Samuel: “Pahiran mo siya, sapagkat siya na nga!” Sa harap ng lahat ng kuya ni David, binuksan ni Samuel ang sisidlang sungay na may espesyal na langis at binuhusan ang ulo ni David. Mula noon, nagbago na ang buhay ni David. Sabi ng Bibliya: “Ang espiritu ni Jehova ay nagsimulang kumilos kay David magmula nang araw na iyon.”—1 Samuel 16:1, 5-11, 13.

Mapagpakumbabang kinilala ni David na natalo niya ang mababangis na hayop sa tulong ni Jehova

Naging ambisyoso na ba si David? Hindi, nagpagabay siya sa banal na espiritu ni Jehova at naghintay kung kailan ipagagawa sa kaniya ang mas mabibigat na atas. Samantala, nagpatuloy siya sa kaniyang pagpapastol. Ang trabahong ito ay ginawa  niya nang buong puso at buong tapang. Nanganib ang mga tupa ng kaniyang ama sa dalawang pagkakataon—una, sa isang leon, at pagkatapos, sa isang oso. Hindi lang basta itinaboy ni David ang mga iyon. Sa halip, nilabanan niya mismo ang mga ito. Sa dalawang pagkakataong iyon, mag-isang pinatay ni David ang mababangis na hayop!—1 Samuel 17:34-36; Isaias 31:4.

Nang maglaon, ipinatawag ulit si David. Ang magandang reputasyon niya ay nabalitaan ni Haring Saul. Kahit isa pa ring makapangyarihang mandirigma si Saul, naiwala na niya ang pagsang-ayon ni Jehova dahil sinuway niya ang mga tagubilin ng Diyos. Inalis na ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu kay Saul kaya ang hari ay naging magagalitin, mapaghinala, at marahas. Kapag nakadarama ng ganito si Saul, nakatutulong ang musika para maging kalmado siya. Nalaman ng mga tauhan ni Saul ang husay ni David sa pagtugtog at pakikipaglaban. Kaya ipinatawag si David, at siya ay naging manunugtog sa korte ni Saul at tagapagdala ng baluti.—1 Samuel 15:26-29; 16:14-23.

Maraming matututuhan ang mga kabataan sa ipinakitang pananampalataya ni David. Pansinin na ginamit ni David ang kaniyang libreng panahon sa mga gawaing makatutulong para mas mapalapít siya kay Jehova. Karagdagan pa, matiyaga niyang nilinang ang kaniyang mga kasanayan kaya madali siyang nagkatrabaho. Pero higit sa lahat, nagpagabay siya sa banal na espiritu ni Jehova. Napakagandang mga aral para sa ating lahat!—Eclesiastes 12:1.

“HUWAG NAWANG MALUGMOK SA LOOB NIYA ANG PUSO NG SINUMANG TAO”

Habang naglilingkod kay Saul, madalas pa ring umuuwi si David para magpastol ng mga tupa, na kung minsan ay inaabot nang ilang araw. Noong minsang umuwi si David, inutusan siya ni Jesse na kumustahin ang kaniyang tatlong kuya, na naglilingkod sa hukbo ni Saul. Pumunta si David sa Libis ng Elah, dala ang maraming pagkain para sa kaniyang mga kapatid. Pagdating niya, nadismaya siya nang makita ang kalagayan ng dalawang hukbo, gaya ng inilarawan sa simula ng artikulong ito. Magkaharap ang dalawang panig mula sa magkabilang dalisdis ng malapad at palikong libis na iyon.—1 Samuel 17:1-3, 15-19.

Hindi iyon mapalampas ni David. Bakit matatakot ang hukbo ng buháy na Diyos, si Jehova, sa isang tao—at pagano pa? Para kay David, si Jehova ang talagang iniinsulto ni Goliat. Kaya pilit niyang pinalalakas ang loob ng mga sundalo na labanan at talunin si Goliat. Narinig ito ni Eliab na kuya ni David. Pinagalitan nito si David, at pinagbintangang nagpunta lang siya roon para mag-usyoso. Pero sumagot si David: “Ano ba ang ginawa ko ngayon? Hindi ba iyon ay salita lamang?” At nagpatuloy siya sa pagsasabing kaya nilang labanan at talunin si Goliat, hanggang sa may nakapagsabi nito kay Saul. Ipinatawag ng hari si David.—1 Samuel 17:23-31.

Sinabi ni David sa hari ang nakapagpapatibay na pananalitang ito: “Huwag nawang malugmok sa loob niya ang puso ng sinumang tao.” Ang totoo, natakot talaga si Saul at ang kaniyang hukbo kay Goliat. Marahil ay ikinumpara nila ang kanilang sarili sa napakataas na lalaking iyon, anupat iniisip na hanggang dibdib lang sila nito. Iniisip nilang wala silang kalaban-laban sa higanteng iyon na kumpleto sa armas. Pero hindi iyon ang nasa isip ni David.  Gaya ng makikita natin, ibang-iba ang tingin niya sa problema. Kaya sinabi niyang siya mismo ang lalaban kay Goliat.—1 Samuel 17:32.

Tumutol si Saul: “Hindi mo kayang yumaon laban sa Filisteong ito upang makipaglaban sa kaniya, sapagkat ikaw ay isang bata lamang, at siya ay isang lalaking mandirigma mula pa sa kaniyang pagkabata.” Bata nga lang ba si David? Hindi naman. Pero napakabata pa niya para magsundalo, at mukha siyang bata. Pero kilalá na si David bilang isang magiting na lalaki at maaaring nasa mga huling taon na siya ng pagkatin-edyer.—1 Samuel 16:18; 17:33.

Para makumbinsi si Saul, ikinuwento ni David ang tungkol sa ginawa niya sa leon at sa oso. Nagyayabang ba siya? Hindi. Alam ni David kung bakit niya natalo ang mga ito. Sinabi niya: “Si Jehova, na nagligtas sa akin mula sa pangalmot ng leon at mula sa pangalmot ng oso, siya ang magliligtas sa akin mula sa kamay ng Filisteong ito.” Sa wakas, pumayag si Saul at sinabi: “Yumaon ka, at sumaiyo nawa si Jehova.”—1 Samuel 17:37.

Gusto mo bang magkaroon ng pananampalatayang gaya ng kay David? Pansinin na hindi lang ito basta paniniwala na walang basehan. May pananampalataya siya sa Diyos dahil sa kaalaman at karanasan. Alam niyang si Jehova ay maibiging Tagapagsanggalang at Tagatupad ng mga pangako. Para magkaroon ng gayong pananampalataya, kailangan nating patuloy na kilalanin ang Diyos ng Bibliya. Habang isinasabuhay natin ang ating natututuhan, magkakaroon ito ng mabubuting resulta na magpapatibay ng ating pananampalataya.—Hebreo 11:1.

“ISUSUKO KA NI JEHOVA SA AKING KAMAY”

Ipinasuot ni Saul ang kaniyang baluti kay David. Halos katulad ito ng kay Goliat na gawa sa tanso. Malamang na may kasama itong kutamaya, isang kasuotang pandigma na kinabitan ng patong-patong na piraso ng metal na kahawig ng mga kaliskis ng isda. Pero nahirapang kumilos si David dahil sa sobrang bigat nito at naisip niyang hindi ito makatutulong. Hindi siya sundalo, kaya hindi siya sanáy magsuot ng baluti, lalo na ang baluti ni Saul, ang pinakamatangkad sa Israel! (1 Samuel 9:2) Hinubad niya ito at pinili ang nakasanayan niyang isuot kapag nagpapastol siya ng tupa.—1 Samuel 17:38-40.

Dinala ni David ang kaniyang baston sa pagpapastol, bag, at panghilagpos. Parang walang silbi ang panghilagpos, pero ang totoo, isa itong malakas na sandata. May maliit itong supot na nakakabit sa dulo ng dalawang istrap, at tamang-tamang sandata ito para sa isang pastol. Maglalagay siya ng isang bato sa supot at mabilis itong iwawasiwas paikot sa itaas ng ulo niya. Pagkatapos, bibitiwan niya ang isang istrap nito para humilagpos ang bato at tumama sa target nito nang walang mintis. Napakaepektibong sandata nito kaya kung minsan, may mga grupo ng tagapaghilagpos ang mga hukbo.

Handa nang harapin ni David ang kaaway. Malamang na abot-abot ang panalangin ni David habang nakayuko at dumadampot ng limang maliliit at makikinis na bato sa sahig ng tuyong ilog. Pagkatapos, sumugod siya papunta sa lugar ng labanan!

Nang makita ni Goliat ang kaniyang kalaban, ano ang reaksiyon niya? Mababasa natin: “Pinasimulan niya itong hamakin, sapagkat ito ay isang bata at may mapulang kutis, na may magandang anyo.” Sumigaw si Goliat: “Ako ba ay aso, kung kaya pumaparito ka sa akin na may mga baston?” Maliwanag na nakita niya ang dalang baston ni David, pero hindi ang panghilagpos. Isinumpa niya si David sa ngalan ng mga diyos ng Filisteo at sinabing ipakakain sa mga ibon at mga hayop sa parang ang walang-kuwentang kalabang ito.—1 Samuel 17:41-44.

Kitang-kita sa isinagot ni David ang kaniyang pananampalataya. Isip-isipin ang kabataang ito habang isinisigaw kay Goliat: “Ikaw ay pumaparito sa akin taglay ang isang tabak at isang sibat at isang diyabelin, ngunit ako ay pumaparito sa iyo taglay ang pangalan ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel, na iyong tinuya.” Alam ni David na hindi ganoon kahalaga ang lakas ng tao at mga sandata. Winalang-galang ni Goliat ang Diyos na Jehova, at tiyak na hindi Niya ito palalampasin. Gaya ng sinabi ni David, “kay Jehova ang pagbabaka.”—1 Samuel 17:45-47.

Nakikita ni David na napakalaki ni Goliat at kumpleto sa sandata. Pero hindi ito nagpahina ng kaniyang loob. Hindi niya tinularan ang pagkakamaling  ginawa ni Saul at ng hukbo nito. Hindi niya ikinumpara ang kaniyang sarili kay Goliat. Sa halip, ikinumpara niya si Goliat kay Jehova. Sa taas na 2.9 metro (siyam at kalahating talampakan), talagang napakataas ni Goliat kumpara sa ibang tao. Pero gaano ba siya kalaki kumpara sa Soberano ng uniberso? Aba, para lang siyang insekto na kayang-kayang tirisin ni Jehova!

Sinugod ni David ang kaniyang kalaban habang dumudukot ng bato sa kaniyang bag. Inilagay niya ito sa panghilagpos at saka iwinasiwas hanggang sa humugong ito. Papalapít naman si Goliat kay David, na malamang ay protektado ng tagapagdala ng kalasag na nasa unahan niya. Sa halip na makatulong, nakasamâ pa nga ang pagiging matangkad ni Goliat dahil hindi maprotektahan ng tagapagdala ng kalasag ang ulo ng higanteng ito. At iyon ang pinuntirya ni David.—1 Samuel 17:41.

Kumbinsido si David na maging ang higante ay napakaliit kumpara sa Diyos na Jehova

Pinahilagpos ni David ang bato. Tahimik na tahimik ang lahat habang inaabangan ang mangyayari. Tiniyak ni Jehova na hindi na ulit magpapahilagpos ng bato si David. Bumaon sa noo ni Goliat ang bato! At pataob itong bumagsak. Malamang na tumakas ang tagapagdala ng kalasag dahil sa sobrang takot. Lumapit si David, kinuha ang tabak ni Goliat, at pinugot ang ulo nito.—1 Samuel 17:48-51.

Sa wakas, lumakas ang loob ni Saul at ng kaniyang mga sundalo. Sinugod nila ang mga Filisteo habang malakas na humihiyaw. Nagkatotoo ang sinabi ni David kay Goliat: ‘Ibibigay kayo ni Jehova sa aming kamay.’—1 Samuel 17:47, 52, 53.

Sa ngayon, ang mga lingkod ng Diyos ay hindi na nakikipagdigma. Tapos na ang panahong iyon. (Mateo 26:52) Pero kailangan pa rin nating tularan ang pananampalataya ni David. Gaya niya, dapat na maging totoong-totoo sa atin si Jehova, at siya lamang ang tanging Diyos na dapat paglingkuran at igalang. Kung minsan, baka pakiramdam natin ay napakalaki ng ating problema, pero napakaliit lang nito kumpara sa walang-hanggang kapangyarihan ni Jehova. Kung ang ating Diyos ay si Jehova at may pananampalataya tayo sa kaniya, gaya ni David, hindi natin katatakutan ang anumang pagsubok at problema. Wala nang hihigit pa sa kapangyarihan ni Jehova!