Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Bantayan  |  Blg. 2 2017

 TAMPOK NA PAKSA | TATANGGAPIN MO BA ANG WALANG KAPANTAY NA REGALO NG DIYOS?

Paano Mo Pahahalagahan ang Walang Kapantay na Regalo ng Diyos?

Paano Mo Pahahalagahan ang Walang Kapantay na Regalo ng Diyos?

“Ang pag-ibig na taglay ng Kristo ang nag-uudyok sa amin . . . Namatay siya para sa lahat upang yaong mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa kanila.”—2 Corinto 5:14, 15.

KAPAG tumanggap tayo ng isang natatanging regalo, dapat tayong maudyukang magpasalamat. Itinampok ni Jesus ang aral na iyan matapos niyang pagalingin ang 10 lalaki na may malubhang sakit na wala pang gamot noong panahong iyon. Isa lang sa kanila ang “bumalik, na niluluwalhati ang Diyos sa malakas na tinig.” Sinabi ni Jesus: “Ang sampu ay luminis [o gumaling], hindi ba? Kung gayon, nasaan ang siyam na iba pa?” (Lucas 17:12-17) Ang aral? Napakadali nating malimutan ang kabutihang ginagawa ng iba para sa atin!

Ang pantubos ay isang natatanging regalo. Ito ang pinakadakilang regalo na naibigay kailanman. Kaya paano mo pahahalagahan ang isinakripisyo ng Diyos para sa iyo?

  • Kilalanin kung sino ang nagbigay. Hindi awtomatikong magdudulot ng buhay na walang hanggan ang pantubos. Sinabi ni Jesus sa kaniyang panalangin sa Diyos: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”  (Juan 17:3) Kapag may nagkuwento sa iyo na iniligtas ka ng isang lalaki noong bata ka pa, hindi mo ba kikilalanin ang nagligtas sa iyo at aalamin kung bakit niya ginawa iyon? Gusto ng Diyos na Jehova, ang nagregalo ng nagliligtas-buhay na pantubos, na kilalanin mo siya at magkaroon ka ng malapít na kaugnayan sa kaniya. Inaanyayahan tayo ng Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—Santiago 4:8.

  • Manampalataya sa pantubos. “Siya na nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan.” (Juan 3:36) Ano ang ibig sabihin ng manampalataya? Nangangahulugan ito ng pagkilos. Para maipakita na nananampalataya tayo sa pantubos, dapat na may kasama itong gawa. (Santiago 2:17) Paano? Magiging sa iyo lang ang isang regalo kung tatanggapin mo iyon. Ganiyan din pagdating sa pantubos. Kailangan mong alamin kung ano ang pamantayan ng Diyos, at sundin ito. * Humingi sa Diyos ng kapatawaran at ng isang malinis na konsensiya. Manalangin sa kaniya taglay ang lubos na pagtitiwalang magdudulot ang pantubos ng kapayapaan, kapanatagan, at kasaganaan magpakailanman sa lahat ng mananampalataya rito!—Hebreo 11:1.

  • Dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Pinasimulan ni Jesus ang isang taunang okasyon para ipaalaala sa atin ang pantubos na inilaan ng Diyos. Tungkol sa okasyong iyon, sinabi niya: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (Lucas 22:19) Aalalahanin ng mga Saksi ni Jehova ang kamatayan ni Jesus sa Martes, Abril 11, 2017, pagkalubog ng araw. Ipaliliwanag sa programa, na tatagal ng mga isang oras, ang kahalagahan ng kamatayan ni Jesus at kung paano tayo makikinabang dito ngayon at sa hinaharap. Noong nakaraang taon, mga 20 milyon ang dumalo sa Memoryal sa buong daigdig. Iniimbitahan ka naming dumalo para ipakita ang iyong pagpapahalaga sa pinakadakilang regalo ng Diyos.

^ par. 7 Ang pinakamahusay na paraan para makilala at mapalapít sa Diyos ay sa pamamagitan ng pag-aaral ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Para malaman kung paano ito gagawin, lumapit sa isang Saksi ni Jehova o magpunta sa aming website na www.jw.org/tl.