Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Bibliya Online

BAGONG SANLIBUTANG SALIN NG BANAL NA KASULATAN

Marcos 6:1-56

6  At lumisan siya mula roon at nagpunta sa kaniyang sariling teritoryo, at ang mga alagad niya ay sumunod sa kaniya.+  Nang maging sabbath na, nagsimula siyang magturo sa sinagoga; at ang nakararami sa mga nakikinig ay lubhang namangha at nagsabi: “Saan kinuha ng taong ito ang ganitong mga bagay?+ At bakit ibinigay sa taong ito ang ganitong karunungan, at ang gayong makapangyarihang mga gawa ay isasagawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay?  Ito ang karpintero+ na anak ni Maria+ at ang kapatid nina Santiago+ at Jose at Hudas at Simon,+ hindi ba? At ang kaniyang mga kapatid na babae ay naritong kasama natin, hindi ba?” Kaya nagsimula silang matisod sa kaniya.+  Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang propeta ay hindi winawalang-dangal maliban sa kaniyang sariling teritoryo+ at sa gitna ng kaniyang mga kamag-anak at sa kaniyang sariling bahay.”+  Kaya hindi siya nakagawa roon ng anumang makapangyarihang gawa maliban sa pagpapatong ng kaniyang mga kamay sa ilang masasaktin at pagpapagaling sa kanila.  Tunay nga, siya ay nagtaka sa kanilang kawalan ng pananampalataya. At naglibot siya sa mga nayon sa isang sirkito, na nagtuturo.+  Ngayon ay tinawag niya ang labindalawa, at sinimulan niya silang isugo nang dala-dalawa,+ at binigyan niya sila ng awtoridad sa maruruming espiritu.+  Gayundin, binigyan niya sila ng mga utos na huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay maliban lamang sa isang baston, walang tinapay, walang supot ng pagkain,+ walang salaping tanso sa kanilang mga pamigkis na supot,+  kundi magtali ng mga sandalyas, at huwag magsuot ng dalawang pang-ilalim na kasuutan.+ 10  Karagdagan pa, sinabi niya sa kanila: “Saanman kayo pumasok sa isang tahanan,+ manatili kayo roon hanggang sa lumabas kayo sa dakong iyon.+ 11  At saanmang dako na hindi kayo tanggapin at hindi kayo pakinggan, sa paglabas mula roon ay ipagpag ninyo ang alikabok na nasa ilalim ng inyong mga paa bilang patotoo sa kanila.”+ 12  Kaya humayo sila at nangaral upang ang mga tao ay makapagsisi;+ 13  at nagpapalayas sila ng maraming demonyo+ at pinapahiran ng langis ang maraming taong masasaktin+ at pinagagaling sila.+ 14  At nakarating ito sa pandinig ni Haring Herodes, sapagkat ang pangalan ni Jesus ay naging hayag, at ang mga tao ay nagsasabi: “Si Juan na tagapagbautismo ay ibinangon mula sa mga patay, at dahil dito ay kumikilos sa kaniya ang makapangyarihang mga gawa.”+ 15  Ngunit ang iba ay nagsasabi: “Ito ay si Elias.”+ Gayunman ang iba pa ay nagsasabi: “Ito ay isang propeta na tulad ng isa sa mga propeta.”+ 16  Ngunit nang marinig ito ni Herodes ay sinabi niya: “Ang Juan na pinugutan ko ng ulo, ang isang ito ay ibinangon.”+ 17  Sapagkat si Herodes mismo ang nagpasugo at umaresto kay Juan at naggapos sa kaniya sa bilangguan dahil kay Herodias na asawa ni Felipe na kaniyang kapatid, sapagkat kinuha niya ito bilang asawa.+ 18  Sapagkat paulit-ulit nang sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi kaayon ng kautusan na mapasaiyo ang asawa ng iyong kapatid.”+ 19  Ngunit nagkimkim ng sama ng loob+ si Herodias laban sa kaniya at nagnais na patayin siya, ngunit hindi magawa.+ 20  Sapagkat si Herodes ay natatakot+ kay Juan, palibhasa’y nalalamang siya ay isang taong matuwid at banal;+ at iniingatan niya siyang ligtas. At pagkarinig+ sa kaniya ay lubha siyang nalito kung ano ang gagawin, gayunma’y patuloy niya siyang malugod na pinakikinggan. 21  Ngunit isang kumbinyenteng araw+ ang dumating nang si Herodes ay maghanda ng isang hapunan sa kaniyang kaarawan+ para sa kaniyang mga taong matataas ang katungkulan at sa mga kumandante ng militar at sa mga pangunahin sa Galilea. 22  At ang anak na babae ng mismong Herodias na ito ay pumasok at sumayaw at napalugdan si Herodes at yaong mga nakahilig+ na kasama niya. Sinabi ng hari sa dalaga: “Hingin mo sa akin ang anumang ibig mo, at ibibigay ko sa iyo.” 23  Oo, sumumpa siya sa kaniya: “Anuman ang hingin mo sa akin, ibibigay ko sa iyo,+ hanggang sa kalahati ng aking kaharian.”+ 24  At lumabas siya at sinabi sa kaniyang ina: “Ano ang hihingin ko?” Sinabi niya: “Ang ulo ni Juan na tagapagbautismo.”+ 25  Kaagad ay pumasok siyang nagmamadali patungo sa hari at iniharap ang kaniyang kahilingan, na sinasabi: “Ibig kong ibigay mo sa akin ngayon din sa isang bandehado ang ulo ni Juan Bautista.” 26  Bagaman lubha siyang napighati, gayunma’y hindi nais ng hari na waling-halaga siya, dahilan sa mga sumpa at doon sa mga nakahilig sa mesa.+ 27  Kaya ang hari ay kaagad na nagsugo ng isang tagapagbantay at nag-utos sa kaniya na dalhin ang kaniyang ulo. At umalis siya at pinugutan siya ng ulo sa bilangguan+ 28  at dinala ang kaniyang ulo na nasa isang bandehado, at ibinigay niya ito sa dalaga, at ibinigay ito ng dalaga sa kaniyang ina.+ 29  Nang marinig ng kaniyang mga alagad ang tungkol dito ay pumaroon sila at kinuha ang kaniyang bangkay at inilagay ito sa isang alaalang libingan.+ 30  At ang mga apostol ay nagtipon sa harap ni Jesus at nag-ulat sa kaniya ng lahat ng mga bagay na kanilang ginawa at itinuro.+ 31  At sinabi niya sa kanila: “Halikayo, kayo mismo, nang sarilinan sa isang liblib na dako+ at magpahinga nang kaunti.”+ Sapagkat marami ang dumarating at umaalis, at wala man lamang silang libreng panahon upang kumain.+ 32  Kaya umalis sila nang sila-sila lamang na sakay ng bangka patungo sa isang liblib na dako.+ 33  Ngunit nakita sila ng mga tao na pumaparoon at marami ang nakaalam nito, at mula sa lahat ng mga lunsod ay magkakasamang nagsitakbo roon ang mga ito at nauna pa sa kanila.+ 34  Buweno, pagkababa, nakita niya ang isang malaking pulutong, ngunit nahabag+ siya sa kanila, sapagkat sila ay gaya ng mga tupang walang pastol.+ At nagsimula siyang magturo sa kanila ng maraming bagay.+ 35  Sa ngayon ang oras ay papagabi na, at ang kaniyang mga alagad ay lumapit sa kaniya at nagsimulang magsabi: “Ang dako ay kubli, at ang oras ay papagabi na.+ 36  Payaunin mo sila, upang sila ay makaparoon sa karatig na lupain at mga nayon sa palibot at makabili ng makakain para sa kanilang sarili.”+ 37  Bilang tugon ay sinabi niya sa kanila: “Bigyan ninyo sila ng makakain.” Dahil dito ay sinabi nila sa kaniya: “Aalis ba kami at bibili ng halagang dalawang daang denariong tinapay at ibibigay ito sa mga tao upang kainin?”+ 38  Sinabi niya sa kanila: “Ilang tinapay ang mayroon kayo? Pumaroon kayo at tingnan!” Pagkatapos na tiyakin ito, sinabi nila: “Lima, bukod pa sa dalawang isda.”+ 39  At tinagubilinan niya ang lahat ng mga tao na humilig nang pangkat-pangkat+ sa luntiang damo.+ 40  At sila ay humilig na nasa mga pangkat ng tig-iisang daan at ng tiglilimampu.+ 41  Pagkakuha ngayon sa limang tinapay at sa dalawang isda ay tumingala siya sa langit at bumigkas ng pagpapala,+ at pinagputul-putol+ ang mga tinapay at pinasimulang ibigay ang mga ito sa mga alagad, upang maihain nila ang mga ito sa mga tao; at hinati-hati niya ang dalawang isda para sa lahat. 42  Kaya silang lahat ay kumain at nabusog;+ 43  at tinipon nila ang mga pira-piraso, labindalawang basket na punô, bukod pa sa mga isda. 44  Karagdagan pa, yaong mga kumain ng tinapay ay limang libong lalaki.+ 45  At, walang pagpapaliban, pinilit niya ang kaniyang mga alagad na lumulan sa bangka at maunang pumaroon sa katapat na baybayin patungong Betsaida, habang pinaaalis naman niya ang pulutong.+ 46  Ngunit pagkatapos na magpaalam sa kanila ay umalis siya patungo sa isang bundok upang manalangin.+ 47  Nang sumapit na ang gabi, ang bangka ay nasa gitna ng dagat, ngunit nag-iisa siyang nasa lupa.+ 48  At nang makita niya silang nahihirapan+ sa kanilang pagsagwan, sapagkat ang hangin ay pasalungat sa kanila, nang bandang ikaapat na pagbabantay sa gabi ay pumaroon siya sa kanila, na naglalakad sa ibabaw ng dagat; ngunit lalampasan niya sana sila. 49  Sa pagkakita sa kaniya na naglalakad sa ibabaw ng dagat ay inisip nila: “Ito ay isang malikmata!” at sumigaw sila nang malakas.+ 50  Sapagkat siya ay nakita nilang lahat at nabagabag sila. Ngunit kaagad siyang nagsalita sa kanila, at sinabi niya sa kanila: “Lakasan ninyo ang inyong loob, ako ito; huwag kayong matakot.”+ 51  At sumampa siya sa bangka na kasama nila, at tumigil ang hangin. Dahil dito ay labis silang namangha sa loob nila,+ 52  sapagkat hindi nila naintindihan ang kahulugan ng mga tinapay, kundi ang kanilang mga puso ay nanatiling mapurol sa pag-unawa.+ 53  At nang makatawid sila sa lupa, dumating sila sa Genesaret at dumaong sa malapit.+ 54  Ngunit nang sandaling makababa sila sa bangka, nakilala siya ng mga tao, 55  at nagtakbuhan sila sa buong palibot ng pook na iyon at pinasimulan nilang dalhin na nasa mga teheras yaong mga may sakit kung saan nila narinig na naroon siya. 56  At saanman siya pumasok sa mga nayon o mga lunsod o karatig na lupain+ ay inilalagay nila sa mga pamilihan ang mga maysakit, at nakikiusap sila sa kaniya na mahipo+ nila kahit man lamang ang palawit+ ng kaniyang panlabas na kasuutan. At ang lahat ng mga humipo nito ay napagaling.+

Talababa