Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Bibliya Online | BAGONG SANLIBUTANG SALIN NG BANAL NA KASULATAN

Josue 2:1-24

2  At si Josue na anak ni Nun ay palihim na nagsugo ng dalawang lalaki mula sa Sitim+ bilang mga tiktik, na sinasabi: “Yumaon kayo, tingnan ninyo ang lupain at ang Jerico.” Kaya sila ay yumaon at pumaroon sa bahay ng isang babaing patutot na ang pangalan ay Rahab,+ at nanuluyan sila roon.  Sa kalaunan ay may nagsabi sa hari ng Jerico: “Narito! May mga lalaki mula sa mga anak ni Israel na pumasok dito ngayong gabi upang siyasatin ang lupain.”  Sa gayon ay nagsugo kay Rahab ang hari ng Jerico, na sinasabi: “Ilabas mo ang mga lalaking pumarito sa iyo, na pumasok sa iyong bahay, sapagkat pumarito sila upang siyasatin ang buong lupain.”+  Samantala ay isinama ng babae ang dalawang lalaki at ikinubli sila. At sinabi niya: “Oo, ang mga lalaki ay pumarito sa akin, at hindi ko alam kung saan sila nanggaling.  At nangyari nga na sa pagsasara ng pintuang-daan+ nang magdilim ay lumabas ang mga lalaki. Hindi ko lamang alam kung saan pumaroon ang mga lalaki. Habulin ninyo silang madali, sapagkat maaabutan ninyo sila.”  (Gayunman, iniakyat niya sila sa bubong,+ at ikinubli niya sila sa mga tangkay ng lino na nakalatag nang hanay-hanay para sa kaniya sa bubong.)  At hinabol sila ng mga lalaki patungo sa Jordan sa may mga tawiran,+ at kaagad nilang isinara ang pintuang-daan pagkalabas ng mga humahabol sa kanila.  Kung tungkol sa mga ito, bago sila makahiga, siya ay umakyat sa kanila sa bubong.  At sinabi niya sa mga lalaki: “Alam ko na tiyak na ibibigay sa inyo ni Jehova ang lupain,+ at na ang pagkatakot sa inyo ay napasaamin,+ at na ang lahat ng tumatahan sa lupain ay nasiraan na ng loob dahil sa inyo.+ 10  Sapagkat narinig namin kung paanong tinuyo ni Jehova ang tubig ng Dagat na Pula mula sa harap ninyo nang lumabas kayo mula sa Ehipto,+ at kung ano ang ginawa ninyo sa dalawang hari ng mga Amorita na nasa kabilang ibayo ng Jordan, na sina Sihon+ at Og,+ na itinalaga ninyo sa pagkapuksa.+ 11  Nang marinig namin iyon ay nagsimula ngang matunaw+ ang aming mga puso, at wala pang espiritung bumabangon sa kaninuman dahil sa inyo,+ sapagkat si Jehova na inyong Diyos ay Diyos sa langit sa itaas at sa lupa sa ibaba.+ 12  At ngayon, pakisuyo, sumumpa kayo sa akin sa harap ni Jehova+ na, dahil pinagpakitaan ko kayo ng maibiging-kabaitan, kayo rin naman ay magpapakita ng maibiging-kabaitan sa sambahayan ng aking ama,+ at bibigyan ninyo ako ng isang mapagkakatiwalaang tanda.+ 13  At iingatan ninyong buháy ang aking ama+ at ang aking ina at ang aking mga kapatid na lalaki at ang aking mga kapatid na babae at lahat niyaong sa kanila, at ililigtas ninyo sa kamatayan ang aming mga kaluluwa.”+ 14  Sa gayon ay sinabi sa kaniya ng mga lalaki: “Ang aming mga kaluluwa ang mamamatay sa halip na kayo!+ Kung hindi ninyo ihahayag ang bagay na ito tungkol sa amin, mangyayari rin naman na kapag ibinigay sa amin ni Jehova ang lupain, tiyak na magpapakita rin kami sa inyo ng maibiging-kabaitan at ng pagiging mapagkakatiwalaan.”+ 15  Pagkatapos ay pinababa niya sila sa bintana sa pamamagitan ng isang lubid, sapagkat ang kaniyang bahay ay nasa isang panig ng pader, at sa ibabaw ng pader siya nananahanan.+ 16  At sinabi niya sa kanila: “Pumaroon kayo sa bulubunduking pook, upang hindi kayo maabutan niyaong mga tumutugis; at magtago kayo roon nang tatlong araw, hanggang sa makabalik yaong mga tumutugis, at pagkatapos ay makayayaon na kayo sa inyong patutunguhan.” 17  Sinabi naman sa kaniya ng mga lalaki: “Malaya kami sa pagkakasala may kaugnayan sa sumpa mong ito na ipinasumpa mo sa amin.+ 18  Narito! Papasok kami sa lupain. Ang panaling ito na yari sa sinulid na iskarlata ay itali mo sa bintana na siyang pinababaan mo sa amin, at ang iyong ama at ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na lalaki at ang buong sambahayan ng iyong ama ay tipunin mo sa iyo sa loob ng bahay.+ 19  At mangyayari nga na ang sinumang lumabas sa mga pinto ng iyong bahay patungo sa dakong hantad,+ ang kaniyang dugo ay mapapasakaniyang sariling ulo, at magiging malaya kami sa pagkakasala; at lahat ng nananatiling kasama mo sa bahay, ang kaniyang dugo ay mapapasaaming mga ulo kung may kamay na gagalaw sa kaniya. 20  At kung ihahayag mo ang bagay na ito tungkol sa amin,+ magiging malaya rin naman kami sa pagkakasala may kaugnayan sa sumpa mong ito na ipinasumpa mo sa amin.” 21  Sinabi naman niya: “Mangyari nawa iyon ayon sa inyong mga salita.” Sa gayon ay pinayaon niya sila, at sila ay yumaon. Pagkatapos ay itinali niya sa bintana ang panaling iskarlata. 22  Kaya sila ay humayo at pumaroon sa bulubunduking pook at patuloy na nanahanan doon nang tatlong araw, hanggang sa makabalik ang mga tumutugis. At hinanap sila ng mga tumutugis sa bawat daan, at hindi sila nasumpungan ng mga ito. 23  At ang dalawang lalaki ay muling bumaba mula sa bulubunduking pook at tumawid at pumaroon kay Josue na anak ni Nun, at pinasimulan nilang isaysay sa kaniya ang lahat ng bagay na nangyari sa kanila. 24  At sinabi nila kay Josue: “Ibinigay ni Jehova sa ating kamay ang buong lupain.+ Dahil dito ay nasiraan na rin ng loob ang lahat ng tumatahan sa lupain dahil sa atin.”+

Talababa