Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Bibliya Online

BAGONG SANLIBUTANG SALIN NG BANAL NA KASULATAN

Hukom 19:1-30

19  At nangyari nga na noong mga araw na iyon ay walang hari sa Israel.+ At nangyari na may isang Levita na naninirahan nang sandaling panahon sa pinakamalalayong bahagi ng bulubunduking pook ng Efraim.+ Nang maglaon ay kumuha siya ng isang babae bilang kaniyang asawa+ mula sa Betlehem+ sa Juda.  At ang kaniyang babae ay nagsimulang makiapid+ laban sa kaniya. Nang maglaon ay umalis ito mula sa kaniya patungo sa bahay ng kaniyang ama sa Betlehem sa Juda at nanatili roon nang buong apat na buwan.  Nang magkagayon ay bumangon ang kaniyang asawa at sinundan siya upang makipag-usap nang magiliw sa kaniya upang ibalik siya; at kasama niya ang kaniyang tagapaglingkod+ at ang isang tuwang ng mga asnong lalaki. Sa gayon ay pinapasok siya nito sa bahay ng kaniyang ama. Nang makita siya ng ama ng kabataang babae, kaagad itong sumaya na salubungin siya.  At pinigil siya ng kaniyang biyenan, na ama ng kabataang babae, anupat nagpatuloy siyang manahanang kasama niya nang tatlong araw; at sila ay kumakain at umiinom, at nagpapalipas siya roon ng magdamag.+  At nangyari nga nang ikaapat na araw, nang maaga silang bumangon sa kinaumagahan gaya ng dati, siya ngayon ay tumindig upang yumaon, ngunit sinabi ng ama ng kabataang babae sa kaniyang manugang: “Palakasin mo ang iyong puso ng kaunting tinapay+ at pagkatapos ay makayayaon na kayo.”  Kaya umupo sila, at silang dalawa ay nagsimulang kumain at uminom na magkasama; pagkatapos ay sinabi ng ama ng kabataang babae sa lalaki: “Halika, pakisuyo, at magpalipas ka ng magdamag,+ at pasayahin mo ang iyong puso.”+  Nang tumindig ang lalaki upang yumaon, ang kaniyang biyenan ay patuloy na nagsumamo sa kaniya, kung kaya muli siyang nagpalipas doon ng magdamag.+  Nang maaga siyang bumangon sa kinaumagahan noong ikalimang araw upang yumaon, ang ama ng kabataang babae ay nagsabi: “Pakisuyo, kumain ka para sa iyong puso.”+ At nagluwat sila hanggang sa kumulimlim ang araw. At silang dalawa ay patuloy na kumain.  Ang lalaki+ ngayon ay tumindig upang yumaon, siya at ang kaniyang babae+ at ang kaniyang tagapaglingkod;+ ngunit ang kaniyang biyenan, ang ama ng kabataang babae, ay nagsabi sa kaniya: “Narito, ngayon! Ang araw ay nagtatapos at papagabi na. Pakisuyo, magpalipas kayo ng magdamag.+ Narito, ang araw ay papalubog na. Magpalipas ka rito ng magdamag, at pasayahin mo ang iyong puso.+ At bukas ay bumangon kayo nang maaga para sa inyong paglalakbay, at yumaon ka sa iyong tolda.” 10  Gayunman, hindi pumayag ang lalaki na magpalipas ng magdamag, kundi tumindig siya at yumaon at nakarating hanggang sa tapat ng Jebus,+ na siyang Jerusalem;+ at kasama niya roon ang tuwang ng mga asnong lalaki na siniyahan, at ang kaniyang babae at ang kaniyang tagapaglingkod. 11  Samantalang sila ay malapit na sa Jebus, at ang liwanag ng araw ay nakababa na nang lubusan,+ sinabi ngayon ng tagapaglingkod sa kaniyang panginoon: “O halika ngayon at lumiko tayo sa lunsod na ito ng mga Jebusita+ at magpalipas tayo roon ng magdamag.” 12  Ngunit sinabi sa kaniya ng kaniyang panginoon: “Huwag tayong lumiko sa isang lunsod ng mga banyaga+ na hindi bahagi ng mga anak ni Israel; at kailangan tayong magpatuloy hanggang sa Gibeah.”+ 13  At sinabi pa niya sa kaniyang tagapaglingkod: “Halika at lapitan natin ang isa sa mga dakong ito, at magpalipas tayo ng magdamag alinman sa Gibeah o sa Rama.”+ 14  Sa gayon ay dumaan sila at nagpatuloy sa kanilang pagyaon, at nilubugan na sila ng araw nang malapit na sa Gibeah, na sakop ng Benjamin. 15  At lumiko sila roon upang pumasok at magpalipas ng magdamag sa Gibeah. At pumasok sila at umupo sa liwasan ng lunsod, at walang sinuman ang nagpatuloy sa kanila sa bahay upang magpalipas ng magdamag.+ 16  Nang maglaon, narito! may isang matandang lalaking dumating mula sa kaniyang gawain sa bukid nang kinagabihan,+ at ang lalaki ay mula sa bulubunduking pook ng Efraim,+ at naninirahan siya nang sandaling panahon sa Gibeah; ngunit ang mga tao sa dakong iyon ay mga Benjamita.+ 17  Nang itingin niya ang kaniyang mga mata ay nakita niya ang lalaki, ang manlalakbay, na nasa liwasan ng lunsod. Kaya ang matandang lalaki ay nagsabi: “Saan ka paroroon, at saan ka nanggaling?”+ 18  Sinabi naman niya sa kaniya: “Dumaraan kami mula sa Betlehem sa Juda patungo sa pinakamalalayong bahagi ng bulubunduking pook ng Efraim.+ Doon ako nanggaling, ngunit pumaroon ako sa Betlehem sa Juda;+ at paroroon ako sa aking sariling bahay, at walang sinuman ang nagpapatuloy sa akin sa bahay.+ 19  At may dayami at kumpay+ para sa aming mga asnong lalaki, at may tinapay+ at alak para sa akin at sa iyong aliping babae+ at para sa tagapaglingkod+ na kasama ng iyong lingkod. Walang isa mang bagay na kulang.” 20  Gayunman, ang matandang lalaki ay nagsabi: “Sumaiyo nawa ang kapayapaan!+ Ipaubaya mo lamang sa akin ang anumang kulang sa iyo.+ Huwag ka lamang magpalipas ng magdamag sa liwasan.” 21  Sa gayon ay dinala niya siya sa kaniyang bahay+ at hinagisan ng tuyong pagkain ang mga asnong lalaki.+ Pagkatapos ay naghugas sila ng kanilang mga paa+ at nagsimulang kumain at uminom. 22  Samantalang pinasasaya nila ang kanilang mga puso,+ narito! ang mga lalaki ng lunsod, na mga walang-kabuluhang lalaki,+ ay pumalibot sa bahay,+ na nagtutulakan sa pinto; at patuloy nilang sinasabi sa matandang lalaki, na may-ari ng bahay: “Ilabas mo ang lalaki na pumasok sa iyong bahay, upang makipagtalik kami sa kaniya.”+ 23  Dahil dito ay nilabas sila ng may-ari ng bahay at sinabi sa kanila:+ “Huwag, mga kapatid ko,+ huwag kayong gumawa ng anumang bagay na mali, pakisuyo, yamang ang lalaking ito ay pumasok sa aking bahay. Huwag ninyong gawin ang kadusta-dustang kahibangang ito.+ 24  Narito ang aking anak na dalaga at ang kaniyang babae. Pakisuyo, hayaan ninyong ilabas ko sila at gahasain ninyo sila+ at gawin ninyo sa kanila kung ano ang mabuti sa inyong paningin. Ngunit sa lalaking ito ay huwag ninyong gawin ang kadusta-dusta at mangmang na bagay na ito.” 25  At ayaw siyang pakinggan ng mga lalaki. Kaya tinanganan ng lalaki ang kaniyang babae+ at dinala niya siya sa kanila sa labas; at nagsimula silang makipagtalik sa kaniya,+ at patuloy siyang inabuso+ nang buong gabi hanggang sa kinaumagahan, pagkatapos ay pinayaon nila siya sa pagbubukang-liwayway. 26  Nang magkagayon ay dumating ang babae nang mag-uumaga na, at nabuwal sa pasukan ng bahay ng lalaki na kinaroroonan ng kaniyang panginoon,+—hanggang sa magliwanag na. 27  Nang maglaon ay tumindig ang kaniyang panginoon sa kinaumagahan at binuksan ang mga pinto ng bahay at lumabas upang yumaon sa kaniyang lakad, at, narito! ang babae, na kaniyang kinakasama,+ ay nakabulagta sa pasukan ng bahay at ang kaniyang mga kamay ay nasa pintuan! 28  Kaya sinabi niya sa kaniya: “Tumindig ka, at yumaon na tayo.” Ngunit walang sumasagot.+ Dahil dito ay isinakay siya ng lalaki sa asno at tumindig at yumaon sa kaniyang dako.+ 29  Pagkatapos ay pumasok siya sa kaniyang bahay at kinuha ang kutsilyong pangkatay at hinawakan ang kaniyang babae at pinagputul-putol siya ayon sa kaniyang mga buto nang labindalawang piraso+ at ipinadala siya sa bawat teritoryo ng Israel.+ 30  At nangyari nga na lahat ng makakita niyaon ay nagsabi: “Ang ganitong bagay ay hindi pa ginawa o nakita man mula nang araw na umahon mula sa lupain ng Ehipto ang mga anak ni Israel hanggang sa araw na ito. Ituon ninyo rito ang inyong mga puso, sumangguni+ kayo at magsalita.”

Talababa