Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Bibliya Online

BAGONG SANLIBUTANG SALIN NG BANAL NA KASULATAN

Genesis 43:1-34

43  At ang taggutom sa lupain ay matindi.+  At nangyari, nang matapos na nilang maubos ang mga binutil na dinala nila mula sa Ehipto,+ sinabi sa kanila ng kanilang ama: “Bumalik kayo, bumili kayo ng kaunting pagkain para sa atin.”+  Nang magkagayon ay sinabi ni Juda sa kaniya:+ “Ang lalaki ay mahigpit na nagpatotoo sa amin, na sinasabi, ‘Hindi ninyo makikitang muli ang aking mukha malibang kasama ninyo ang inyong kapatid.’+  Kung pasasamahin mo sa amin ang aming kapatid,+ handa kaming bumaba at bumili ng pagkain para sa iyo.  Ngunit kung hindi mo siya pasasamahin, hindi kami bababa, sapagkat sinabi ng lalaki sa amin, ‘Hindi ninyo makikitang muli ang aking mukha malibang kasama ninyo ang inyong kapatid.’ ”+  At bumulalas si Israel:+ “Bakit kinailangan ninyong gawan ako ng masama sa pagsasabi sa lalaki na may isa pa kayong kapatid?”  Dahil dito ay sinabi nila: “Ang lalaki ay tuwirang nagtanong may kinalaman sa amin at sa aming mga kamag-anak, na sinasabi, ‘Buháy pa ba ang inyong ama?+ Mayroon ba kayong isa pang kapatid?’ at sinabi namin sa kaniya ayon sa mga katotohanang ito.+ Paano nga namin malalaman na sasabihin pala niya, ‘Ibaba ninyo ang inyong kapatid’?”+  Nang dakong huli ay sinabi ni Juda kay Israel na kaniyang ama: “Pasamahin mo sa akin ang bata,+ upang kami ay makatindig at makaparoon at upang tayo ay manatiling buháy at hindi mamatay,+ kami at ikaw at ang aming maliliit na anak.+  Ako ang siyang magiging panagot para sa kaniya.+ Mula sa aking kamay ay masisingil mo ang kaparusahan para sa kaniya.+ Kung mabigo akong dalhin siya sa iyo at iharap siya sa iyo, magkakasala nga ako laban sa iyo magpakailanman. 10  Ngunit kung hindi kami nagluwat, nakarating na sana kami ngayon doon at nakabalik nitong dalawang ulit.”+ 11  Kaya sinabi sa kanila ni Israel na kanilang ama: “Kung gayon nga,+ gawin ninyo ito: Dalhin ninyo ang pinakamaiinam na produkto ng lupain sa inyong mga lalagyan at dalhin ninyo ang mga iyon sa lalaki bilang kaloob:+ kaunting balsamo,+ at kaunting pulot-pukyutan,+ ladano at madagtang talob,+ mga nuwes ng pistasyo at mga almendras.+ 12  Gayundin, dalhin ninyo ang dobleng halaga ng salapi sa inyong kamay; at ang salapi na nabalik sa bibig ng inyong mga supot ay dalhin ninyong muli sa inyong kamay.+ Baka iyon ay isang pagkakamali.+ 13  At dalhin ninyo ang inyong kapatid at tumindig kayo, bumalik kayo sa lalaki. 14  At pagkalooban nawa kayo ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ng habag sa harap ng lalaki,+ upang palayain nga niya sa inyo ang isa pa ninyong kapatid at si Benjamin. Ngunit ako, kung mauulila ako ay mauulila+ nga ako!” 15  Kaya kinuha ng mga lalaki ang kaloob na ito, at dinala nila ang dobleng halaga ng salapi sa kanilang kamay at si Benjamin. Pagkatapos ay bumangon sila at bumaba sa Ehipto at tumayo sa harap ni Jose.+ 16  Nang makita ni Jose si Benjamin na kasama nila, kaagad niyang sinabi sa lalaki na namamahala sa kaniyang sambahayan: “Dalhin mo ang mga lalaki sa bahay at magpatay ka ng mga hayop at ihanda mo,+ sapagkat ang mga lalaki ay kakaing kasama ko sa tanghali.” 17  Kaagad na ginawa ng lalaki ang gaya ng sinabi ni Jose.+ Kaya dinala ng lalaki sa bahay ni Jose ang mga lalaki. 18  Ngunit natakot ang mga lalaki sapagkat dinala sila sa bahay ni Jose,+ at sila ay nagsimulang magsabi: “Dahil sa salapi na nabalik sa atin sa ating mga supot noong pasimula kaya dinala tayo rito upang daluhungin nila tayo at lusubin tayo at kunin tayo bilang mga alipin at gayundin ang ating mga asno!”+ 19  Kaya lumapit sila sa lalaki na namamahala sa sambahayan ni Jose at nagsalita sa kaniya sa pasukan ng bahay, 20  at sinabi nila: “Pagpaumanhinan mo kami, panginoon ko! Kami ay talagang bumaba noong pasimula upang bumili ng pagkain.+ 21  Ngunit ang nangyari ay nang dumating kami sa dakong tuluyan+ at pasimulang buksan ang aming mga supot, aba, naroon ang salapi ng bawat isa sa bibig ng kaniyang supot, ang aming salapi sa hustong timbang. Kaya ibig naming ibalik iyon sa pamamagitan ng aming sariling mga kamay.+ 22  At mas marami pang salapi ang dala namin sa aming mga kamay upang bumili ng pagkain. Talagang hindi namin alam kung sino ang naglagay ng aming salapi sa aming mga supot.”+ 23  Nang magkagayon ay sinabi niya: “Nasa mabuti kayong kalagayan. Huwag kayong matakot.+ Ang inyong Diyos at ang Diyos ng inyong ama ang nagbigay sa inyo ng kayamanan sa inyong mga supot.+ Ang inyong salapi ay unang dumating sa akin.” Pagkatapos ay inilabas niya si Simeon sa kanila.+ 24  Nang magkagayon ay dinala ng lalaki sa bahay ni Jose ang mga lalaki at binigyan ng tubig upang makapagpahugas sila ng kanilang mga paa,+ at nagbigay siya ng kumpay para sa kanilang mga asno.+ 25  At inihanda nila ang kaloob+ para sa pagdating ni Jose sa tanghali, sapagkat narinig nila na doon sila kakain ng tinapay.+ 26  Nang pumasok si Jose sa bahay, nang magkagayon ay dinala nila sa kaniya sa loob ng bahay ang kaloob na nasa kanilang kamay, at nagpatirapa sa kaniya sa lupa.+ 27  Pagkatapos nito ay nagtanong siya kung nasa mabuting kalagayan sila at nagsabi:+ “Ang inyo bang ama, ang matanda nang lalaki na inyong sinalita, ay nasa mabuting kalagayan? Buháy pa ba siya?”+ 28  Dito ay sinabi nila: “Ang iyong lingkod na aming ama ay nasa mabuting kalagayan. Siya ay buháy pa.” Nang magkagayon ay yumukod sila at nagpatirapa.+ 29  Nang itingin niya ang kaniyang mga mata at makita si Benjamin na kaniyang kapatid, na anak ng kaniyang ina,+ sinabi niya: “Ito ba ang inyong kapatid, ang bunso na inyong sinalita sa akin?”+ At isinusog niya: “Pagpakitaan ka nawa ng Diyos ng kaniyang paglingap,+ anak ko.” 30  Si Jose ngayon ay nagmadali, sapagkat ang kaniyang mga panloob na damdamin ay nag-alab dahil sa kaniyang kapatid,+ kung kaya naghanap siya ng dakong matatangisan at pumasok siya sa isang loobang silid at umiyak doon.+ 31  Pagkatapos ay naghilamos siya ng kaniyang mukha at lumabas at nagpigil ng kaniyang sarili at nagsabi:+ “Ihain ninyo ang pagkain.”+ 32  At inihain nila iyon para sa kaniya nang bukod at para sa kanila nang bukod at para sa mga Ehipsiyo na kumakaing kasama niya nang bukod; sapagkat hindi magagawa ng mga Ehipsiyo na kumaing kasama ng mga Hebreo, sapagkat karima-rimarim na bagay iyon sa mga Ehipsiyo.+ 33  At sila ay nakaupo sa harap niya, ang panganay ayon sa kaniyang karapatan sa pagkapanganay+ at ang bunso ayon sa kaniyang pagkabunso; at ang mga lalaki ay nagtitinginan sa isa’t isa sa pagkamangha. 34  At pinadadalhan niya sila ng mga pagkain mula sa harap niya, ngunit pinararami niya ang bahagi ni Benjamin nang limang ulit ng dami ng mga bahagi ng lahat ng iba pa.+ Sa gayon ay nagpatuloy silang magpiging at uminom na kasama niya nang lubusan.+

Talababa