Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Bibliya Online

BAGONG SANLIBUTANG SALIN NG BANAL NA KASULATAN

Genesis 37:1-36

37  At si Jacob ay nagpatuloy na manahanan sa lupain na pinanirahan ng kaniyang ama bilang dayuhan,+ sa lupain ng Canaan.+  Ito ang kasaysayan ni Jacob. Si Jose,+ nang labimpitong taóng gulang, ay nag-aalaga ng mga tupa kasama ng kaniyang mga kapatid sa gitna ng kawan,+ at, palibhasa’y bata pa, siya ay kasama ng mga anak ni Bilha+ at ng mga anak ni Zilpa,+ na mga asawa ng kaniyang ama. At nagdala si Jose sa kanilang ama ng masamang ulat tungkol sa kanila.+  At iniibig ni Israel si Jose nang higit kaysa sa lahat ng iba pa niyang anak,+ sapagkat siya ang anak sa kaniyang katandaan; at nagpagawa siya ng isang mahaba at guhit-guhit na tulad-kamisang kasuutan para sa kaniya.+  Nang makita ng kaniyang mga kapatid na iniibig siya ng kanilang ama nang higit kaysa sa lahat ng kaniyang mga kapatid, sila ay nagsimulang mapoot sa kaniya,+ at hindi sila makapagsalita sa kaniya nang mapayapa.+  Nang maglaon ay nanaginip si Jose at sinabi niya iyon sa kaniyang mga kapatid,+ at nagkaroon sila ng karagdagang dahilan upang kapootan siya.  At sinabi niya sa kanila: “Pakisuyo, pakinggan ninyo ang panaginip na ito na aking napanaginipan.+  Buweno, narito, nagtatali tayo ng mga tungkos sa gitna ng parang nang narito, ang aking tungkos ay tumindig at tumayo rin nang tuwid at narito, ang inyong mga tungkos ay pumalibot at yumukod sa aking tungkos.”+  At ang kaniyang mga kapatid ay nagsimulang magsabi sa kaniya: “Ikaw ba ay talagang maghahari sa amin?+ o, Ikaw ba ay talagang magpupuno sa amin?”+ Kaya nagkaroon sila ng bagong dahilan upang kapootan siya dahil sa kaniyang mga panaginip at dahil sa kaniyang mga salita.  Pagkatapos ay nagkaroon siya ng isa pang panaginip, at isinaysay niya iyon sa kaniyang mga kapatid at sinabi: “Narito, nanaginip ako nang minsan pa, at narito, ang araw at ang buwan at ang labing-isang bituin ay yumuyukod sa akin.”+ 10  Nang magkagayon ay isinaysay niya iyon sa kaniyang ama at gayundin sa kaniyang mga kapatid, at pinasimulan siyang sawayin ng kaniyang ama at sinabi sa kaniya:+ “Ano ang kahulugan ng panaginip na ito na iyong napanaginipan? Ako ba at gayundin ang iyong ina at ang iyong mga kapatid ay talagang yayaon at yuyukod sa lupa sa harap mo?” 11  At ang kaniyang mga kapatid ay nanibugho sa kaniya,+ ngunit iningatan ng kaniyang ama ang pananalita.+ 12  Ang kaniyang mga kapatid ay yumaon ngayon upang pakainin ang kawan ng kanilang ama malapit sa Sikem.+ 13  Pagkaraan ng ilang sandali ay sinabi ni Israel kay Jose: “Ang iyong mga kapatid ay nag-aalaga ng mga kawan malapit sa Sikem, hindi ba? Halika, at isusugo kita sa kanila.” Dahil dito ay sinabi nito sa kaniya: “Narito ako!”+ 14  Sa gayon ay sinabi niya rito: “Yumaon ka, pakisuyo. Tingnan mo kung ligtas at tiwasay ang iyong mga kapatid at kung ligtas at tiwasay ang kawan, at magbalik ka sa akin ng salita.”+ Sa gayon ay pinayaon niya siya mula sa mababang kapatagan ng Hebron,+ at yumaon siya patungong Sikem. 15  Nang maglaon ay nasumpungan siya ng isang lalaki at narito, siya ay pagala-gala sa parang. At nag-usisa ang lalaki sa kaniya, na sinasabi: “Ano ang hinahanap mo?” 16  Dito ay sinabi niya: “Hinahanap ko ang aking mga kapatid. Sabihin mo sa akin, pakisuyo, Saan sila nag-aalaga ng mga kawan?” 17  At nagpatuloy ang lalaki: “Lumisan na sila mula rito, sapagkat narinig kong sinasabi nila, ‘Pumaroon tayo sa Dotan.’ ” Kaya sinundan ni Jose ang kaniyang mga kapatid at nasumpungan sila sa Dotan. 18  Buweno, nakita nila siya mula sa malayo, at bago siya makalapit sa kanila ay nagsimula silang magpakana nang may katusuhan laban sa kaniya upang patayin+ siya. 19  Kaya sinabi nila sa isa’t isa: “Narito! Dumarating ang mapanaginiping+ iyan. 20  At ngayon ay halikayo at patayin natin siya at ihagis sa isa sa mga balon;+ at sabihin natin na isang mabalasik at mabangis na hayop ang lumamon sa kaniya.+ Pagkatapos ay tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kaniyang mga panaginip.” 21  Nang marinig ito ni Ruben ay sinikap niyang iligtas siya mula sa kanilang kamay.+ Kaya sinabi niya: “Huwag nating patayin ang kaniyang kaluluwa.”+ 22  At si Ruben ay nagsabi pa sa kanila: “Huwag kayong magbubo ng dugo.+ Ihagis ninyo siya sa balon na ito na nasa ilang at huwag ninyo siyang pagbuhatan ng marahas na kamay.”+ Ang layunin niya ay iligtas siya mula sa kanilang kamay upang maibalik siya sa kaniyang ama. 23  Kaya nangyari, nang makarating si Jose sa kaniyang mga kapatid ay hinubaran nila si Jose ng kaniyang mahabang kasuutan, ang mahabang guhit-guhit na kasuutan nga na suot niya;+ 24  pagkatapos ay kinuha nila siya at inihagis siya sa balon.+ Noon ay walang laman ang hukay; walang tubig doon. 25  Nang magkagayon ay umupo sila upang kumain ng tinapay.+ Nang itingin nila ang kanilang mga mata at tumingin, aba, narito, dumarating mula sa Gilead ang isang pulutong ng mga Ismaelita,+ at ang kanilang mga kamelyo ay may dalang ladano at balsamo at madagtang talob,+ na yumayaon upang ilusong iyon sa Ehipto. 26  Dahil dito ay sinabi ni Juda sa kaniyang mga kapatid: “Ano ang magiging pakinabang kung papatayin natin ang ating kapatid at pagtatakpan ang kaniyang dugo?+ 27  Halikayo at ipagbili natin siya sa mga Ismaelita,+ at huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay.+ Tutal, siya ay ating kapatid, ating laman.” Kaya nakinig sila sa kanilang kapatid.+ 28  At may mga lalaki, mga mangangalakal na Midianita,+ na dumaraan. Kaya kanilang hinila at iniahon si Jose mula sa balon+ at pagkatapos ay ipinagbili nila si Jose sa mga Ismaelita sa halagang dalawampung pirasong pilak.+ Nang maglaon ay dinala ng mga ito si Jose sa Ehipto. 29  Di-nagtagal ay bumalik si Ruben sa balon at narito, si Jose ay wala sa balon. Dahil dito ay hinapak niya ang kaniyang mga kasuutan.+ 30  Nang bumalik siya sa iba pa niyang mga kapatid ay bumulalas siya: “Ang bata ay wala na! At ako—saan nga ako paroroon?”+ 31  Gayunman, kinuha nila ang mahabang kasuutan ni Jose at pumatay sila ng isang lalaking kambing at paulit-ulit na isinawsaw sa dugo ang mahabang kasuutan.+ 32  Pagkatapos ay ipinadala nila ang mahabang guhit-guhit na kasuutan at ipinabigay iyon sa kanilang ama at sinabi: “Ito ang nasumpungan namin. Pakisuyo, suriin+ mo kung ito nga ang mahabang kasuutan ng iyong anak o hindi.”+ 33  At sinuri niya iyon at bumulalas: “Ito nga ang mahabang kasuutan ng aking anak! Isang mabalasik at mabangis na hayop ang malamang na lumamon sa kaniya!+ Si Jose ay tiyak na nagkaluray-luray!”+ 34  Dahil dito ay hinapak ni Jacob ang kaniyang mga balabal at naglagay ng telang-sako sa kaniyang mga balakang at nagdalamhati sa kaniyang anak nang maraming araw.+ 35  At ang lahat ng kaniyang mga anak na lalaki at ang lahat ng kaniyang mga anak na babae ay tumitindig upang aliwin siya,+ ngunit siya ay tumatangging maaliw at nagsasabi:+ “Sapagkat ako ay bababang nagdadalamhati sa aking anak patungo sa Sheol!” At patuloy siyang tinangisan ng kaniyang ama. 36  Gayunman, ipinagbili siya ng mga Midianita sa Ehipto kay Potipar na isang opisyal ng korte ni Paraon,+ na pinuno ng tagapagbantay.+

Talababa