Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Bibliya Online

BAGONG SANLIBUTANG SALIN NG BANAL NA KASULATAN

Genesis 32:1-32

32  At kung tungkol kay Jacob, siya ay yumaon, at sinalubong siya ngayon ng mga anghel ng Diyos.+  Kaagad na sinabi ni Jacob, nang makita niya sila: “Ito ang kampo ng Diyos!”+ Kaya tinawag niyang Mahanaim+ ang pangalan ng dakong iyon.  Nang magkagayon ay nagsugo si Jacob ng mga mensahero+ sa unahan niya kay Esau na kaniyang kapatid sa lupain ng Seir,+ na parang ng Edom,+  at inutusan niya sila, na sinasabi: “Ito ang sasabihin ninyo sa aking panginoon,+ kay Esau, ‘Ito ang sinabi ng iyong lingkod na si Jacob: “Kay Laban ay nakipanirahan ako bilang dayuhan at nanatili ako nang matagal na panahon hanggang ngayon.+  At nagkaroon ako ng mga toro at mga asno, mga tupa, at mga alilang lalaki at mga alilang babae,+ at nais kong magsugo upang pasabihan ang aking panginoon, upang makasumpong ako ng lingap sa iyong paningin.” ’ ”+  Nang maglaon ay bumalik kay Jacob ang mga mensahero, na nagsasabi: “Nakarating kami sa iyong kapatid na si Esau, at paparating na rin siya upang salubungin ka, at apat na raang lalaki ang kasama niya.”+  At si Jacob ay lubhang natakot at nabalisa.+ Kaya hinati niya ang mga taong kasama niya, at ang mga kawan at ang mga baka at ang mga kamelyo sa dalawang kampo,+  at sinabi niya: “Kung pumaroon si Esau sa isang kampo at salakayin iyon, tiyak na may isang kampo na maiiwan upang tumakas.”+  Pagkatapos ay sinabi ni Jacob: “O Diyos ng aking amang si Abraham at Diyos ng aking amang si Isaac,+ O Jehova, ikaw na nagsasabi sa akin, ‘Bumalik ka sa iyong lupain at sa iyong mga kamag-anak at gagawan kita ng mabuti,’+ 10  ako ay di-karapat-dapat sa lahat ng maibiging-kabaitan at sa lahat ng katapatan na ipinakita mo sa iyong lingkod,+ sapagkat ang dala ko lamang ay ang aking baston nang tawirin ko itong Jordan at ngayon ay naging dalawang kampo na ako.+ 11  Iligtas mo ako, ipinamamanhik ko sa iyo,+ mula sa kamay ng aking kapatid, mula sa kamay ni Esau, sapagkat natatakot ako sa kaniya na baka dumating siya at salakayin nga ako,+ ang ina kasama ang mga anak. 12  At ikaw, ikaw ang nagsabi, ‘Walang pagsalang gagawan kita ng mabuti at gagawin kong tulad ng mga butil ng buhangin sa dagat ang iyong binhi, na hindi mabibilang dahil sa dami.’ ”+ 13  At nanatili siya sa panunuluyan doon nang gabing iyon. At mula sa anumang napasakaniyang kamay ay kumuha siya ng kaloob para kay Esau na kaniyang kapatid:+ 14  dalawang daang kambing na babae at dalawampung kambing na lalaki, dalawang daang babaing tupa at dalawampung barakong tupa, 15  tatlumpung kamelyo na nagpapasuso at ang mga anak ng mga ito, apatnapung baka at sampung toro, dalawampung asnong babae at sampung hustong-gulang na asno.+ 16  Nang magkagayon ay ipinaubaya niya sa kaniyang mga lingkod ang bawat kawan na bukud-bukod at paulit-ulit niyang sinabi sa kaniyang mga lingkod: “Mauna kayong tumawid sa akin, at maglalagay kayo ng agwat sa pagitan ng bawat kawan.”+ 17  Karagdagan pa ay nag-utos siya sa una, na sinasabi: “Kapag sinalubong ka ni Esau na aking kapatid at tinanong ka, na sinasabi, ‘Kanino ka ba, at saan ka paroroon at kanino ang mga ito na nasa unahan mo?’ 18  kung magkagayon ay sasabihin mo, ‘Sa iyong lingkod, kay Jacob. Isang kaloob ito,+ na ipinadala sa aking panginoon,+ kay Esau, at narito! siya mismo ay nasa likuran din namin.’ ” 19  At nag-utos din siya sa ikalawa, gayundin sa ikatlo, gayundin sa lahat niyaong sumusunod sa mga kawan, na sinasabi: “Alinsunod sa salitang ito ang sasalitain ninyo kay Esau sa pagsalubong ninyo sa kaniya.+ 20  At sasabihin din ninyo, ‘Narito ang iyong lingkod na si Jacob sa likuran namin.’ ”+ Sapagkat sinabi niya sa kaniyang sarili: “Mapaglulubag ko siya sa pamamagitan ng kaloob na yumayaon sa unahan ko,+ at pagkatapos ay makikita ko ang kaniyang mukha. Marahil ay magpapakita siya ng magiliw na pagtanggap.”+ 21  Kaya ang kaloob ay itinawid nang una sa kaniya, ngunit siya naman ay nanatili nang gabing iyon sa kampo.+ 22  Nang maglaon nang gabing iyon ay bumangon siya at kinuha ang kaniyang dalawang asawa+ at ang kaniyang dalawang alilang babae+ at ang kaniyang labing-isang batang anak na lalaki+ at tumawid sa tawiran ng Jabok.+ 23  Kaya kinuha niya sila at itinawid sila sa agusang libis,+ at itinawid niya ang kaniyang tinatangkilik. 24  Nang dakong huli ay naiwang mag-isa si Jacob. At isang lalaki ang nagsimulang makipagbuno sa kaniya hanggang sa magbukang-liwayway na.+ 25  Nang makita niya na hindi niya ito madaig,+ nang magkagayon ay hinipo niya ang hugpungan ng kasukasuan ng hita nito; at ang hugpungan ng kasukasuan ng hita ni Jacob ay nalinsad habang nakikipagbuno ito sa kaniya.+ 26  Pagkatapos ay sinabi niya: “Bitawan mo ako, sapagkat nagbubukang-liwayway na.” Dito ay sinabi niya: “Hindi kita bibitawan hanggang sa pagpalain mo muna ako.”+ 27  Kaya sinabi niya sa kaniya: “Ano ang pangalan mo?” na dito ay sinabi niya: “Jacob.” 28  Pagkatapos ay sinabi niya: “Ang pangalan mo ay hindi na tatawaging Jacob kundi Israel,+ sapagkat nakipagpunyagi+ ka sa Diyos at sa mga tao anupat sa wakas ay nanaig ka.” 29  Si Jacob naman ay nagtanong at nagsabi: “Pakisuyo, sabihin mo sa akin ang iyong pangalan.” Ngunit sinabi niya: “Bakit ka nga nagtatanong ng aking pangalan?”+ Sa gayon ay pinagpala niya siya roon. 30  Kaya tinawag ni Jacob na Peniel+ ang pangalan ng dakong iyon, sapagkat, ang sabi niya, “Nakita ko ang Diyos nang mukhaan at gayunma’y naligtas ang aking kaluluwa.”+ 31  At ang araw ay nagsimulang suminag sa kaniya nang dumaan siya sa Penuel, ngunit siya ay umiika-ika sa kaniyang hita.+ 32  Iyan ang dahilan kung bakit ang mga anak ni Israel ay hindi nasanay na kumain ng litid ng ugat ng hita, na nasa hugpungan ng kasukasuan ng hita, hanggang sa araw na ito, sapagkat hinipo niya ang hugpungan ng kasukasuan ng hita ni Jacob sa litid ng ugat ng hita.+

Talababa