Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Bibliya Online

BAGONG SANLIBUTANG SALIN NG BANAL NA KASULATAN

Gawa 21:1-40

21  At nang makahiwalay na kami sa kanila at makapaglayag, kami ay naglakbay nang tuluy-tuloy at dumating sa Cos, ngunit nang sumunod na araw ay sa Rodas, at mula roon ay sa Patara.  At nang makasumpong kami ng isang barko na tatawid patungong Fenicia, kami ay lumulan at naglayag.  Nang matanaw na namin ang pulo ng Ciprus+ ay iniwan namin ito sa gawing kaliwa at patuloy na naglayag patungong Sirya,+ at dumaong sa Tiro, sapagkat doon ibababa ng barko ang kargamento nito.+  Sa pamamagitan ng paghahanap ay natagpuan namin ang mga alagad at nanatili kami rito nang pitong araw. Ngunit sa pamamagitan ng espiritu+ ay paulit-ulit nilang sinabihan si Pablo na huwag tumuntong sa Jerusalem.  Kaya nang matapos na namin ang mga araw na iyon, kami ay humayo at nagsimula sa aming lakad; ngunit silang lahat, kasama ang mga babae at mga anak, ay naghatid sa amin hanggang sa labas ng lunsod. At pagkaluhod+ sa dalampasigan ay nanalangin kami  at nagpaalam+ sa isa’t isa, at sumakay kami sa barko ngunit sila naman ay bumalik sa kanilang mga tahanan.  Sa gayon ay natapos namin ang biyahe mula sa Tiro at dumating kami sa Tolemaida, at binati namin ang mga kapatid at nanuluyang kasama nila nang isang araw.  Nang sumunod na araw ay humayo kami at dumating sa Cesarea,+ at pumasok kami sa bahay ni Felipe na ebanghelisador, na isa sa pitong lalaki,+ at nanatili kaming kasama niya.  Ang taong ito ay may apat na anak na babae, mga dalaga, na nanghuhula.+ 10  Ngunit samantalang nananatili kami roon nang maraming araw, isang propeta na nagngangalang Agabo+ ang bumaba mula sa Judea, 11  at pumaroon siya sa amin at kinuha ang pamigkis ni Pablo, iginapos ang kaniyang sariling mga paa at kamay at sinabi: “Ganito ang sinasabi ng banal na espiritu, ‘Ang lalaking may-ari ng pamigkis na ito ay igagapos+ ng mga Judio sa ganitong paraan sa Jerusalem at ibibigay+ sa mga kamay ng mga tao ng mga bansa.’ ” 12  Nang marinig nga namin ito, kapuwa kami at yaong mga tagaroon ay nagsimulang mamanhik sa kaniya na huwag umahon+ sa Jerusalem. 13  Nang magkagayon ay sumagot si Pablo: “Ano ang ginagawa ninyo na tumatangis+ at pinahihina ang aking puso?+ Makatitiyak kayo, handa ako na hindi lamang maigapos kundi mamatay+ rin sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.” 14  Nang ayaw niyang pahikayat, sumang-ayon kami sa mga salitang: “Maganap nawa ang kalooban+ ni Jehova.” 15  At pagkatapos ng mga araw na ito ay naghanda kami para sa paglalakbay at nagsimulang umahon patungong Jerusalem.+ 16  Ngunit ang ilan sa mga alagad mula sa Cesarea+ ay sumama rin sa amin, upang dalhin kami sa taong magpapatuloy sa amin sa kaniyang tahanan, isang Minason ng Ciprus, isa sa mga unang alagad. 17  Nang makarating kami sa Jerusalem,+ malugod kaming tinanggap ng mga kapatid.+ 18  Ngunit nang sumunod na araw, si Pablo ay pumuntang kasama namin kay Santiago;+ at ang lahat ng matatandang lalaki ay naroroon. 19  At binati niya sila at pinasimulang ilahad nang detalyado ang ulat+ tungkol sa mga bagay na ginawa ng Diyos sa gitna ng mga bansa sa pamamagitan ng kaniyang ministeryo.+ 20  Pagkarinig nito ay pinasimulan nilang luwalhatiin ang Diyos, at sinabi nila sa kaniya: “Nakikita mo, kapatid, kung ilang libong mananampalataya ang nasa gitna ng mga Judio; at silang lahat ay masigasig sa Kautusan.+ 21  Ngunit narinig nilang pinag-uusap-usapan tungkol sa iyo na tinuturuan mo ang lahat ng mga Judio sa gitna ng mga bansa ng isang apostasya laban kay Moises,+ na sinasabi sa kanila na huwag tuliin+ ang kanilang mga anak ni lumakad man sa kapita-pitagang mga kaugalian. 22  Ano nga ang dapat gawin tungkol dito? Sa paanuman ay maririnig nila na dumating ka na. 23  Kaya nga gawin mo itong sinasabi namin sa iyo: Mayroon kaming apat na lalaki na may panata sa kanilang sarili. 24  Isama mo ang mga lalaking ito+ at maglinis ka ng iyong sarili sa seremonyal na paraan kasama nila at sagutin mo ang kanilang mga gastusin,+ upang mapaahitan nila ang kanilang mga ulo.+ At sa gayon ay malalaman ng lahat na walang katotohanan ang mga usap-usapan na sinabi sa kanila tungkol sa iyo, kundi sa halip ay lumalakad ka nang maayos, na ikaw rin mismo ay tumutupad sa Kautusan.+ 25  Kung tungkol sa mga mananampalataya mula sa mga bansa, nagsugo na kami, na ibinibigay ang aming pasiya na dapat nilang ingatan ang kanilang sarili sa anumang inihain sa mga idolo+ at gayundin sa dugo+ at sa anumang binigti+ at sa pakikiapid.”+ 26  Nang magkagayon ay isinama ni Pablo ang mga lalaki nang sumunod na araw at naglinis ng kaniyang sarili sa seremonyal na paraan kasama nila+ at pumasok sa templo, upang ipagbigay-alam ang mga araw na dapat maganap+ para sa seremonyal na paglilinis, hanggang sa maialay ang handog+ para sa bawat isa sa kanila.+ 27  At nang magtatapos na ang pitong+ araw, nang makita siya sa templo ng mga Judio mula sa Asia, pinasimulan nilang guluhin ang buong pulutong,+ at sinunggaban nila siya ng kanilang mga kamay, 28  na sumisigaw: “Mga lalaki ng Israel, saklolo! Ito ang taong nagtuturo sa lahat ng tao sa lahat ng dako laban sa bayan+ at sa Kautusan at sa dakong ito at, higit pa riyan, nagpapasok pa siya ng mga Griego sa templo at dinungisan ang banal na dakong ito.”+ 29  Sapagkat noong una ay nakita nilang kasama niya sa lunsod si Trofimo+ na taga-Efeso, ngunit inakala nilang pinapasok siya ni Pablo sa templo. 30  At ang buong lunsod ay nagkagulo,+ at nangyari na sama-samang nagtakbuhan ang mga tao; at sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad siya sa labas ng templo.+ At kaagad na isinara ang mga pinto. 31  At habang pinagsisikapan nilang patayin siya, dumating sa kumandante ng pangkat ang impormasyon na ang buong Jerusalem ay nagkakagulo;+ 32  at siya ay karaka-rakang nagdala ng mga kawal at mga opisyal ng hukbo at tumakbong patungo sa kanila.+ Nang makita nila ang kumandante ng militar+ at ang mga kawal, itinigil nila ang pambubugbog kay Pablo. 33  Nang magkagayon ay lumapit ang kumandante ng militar at hinawakan siya at nagbigay ng utos na igapos siya ng dalawang tanikala;+ at ito ay nagtanong kung sino siya at kung ano ang kaniyang ginawa. 34  Ngunit ang ilan sa pulutong ay nagsimulang sumigaw ng isang bagay, at ang iba pa ay iba naman.+ Kaya nga, sapagkat hindi niya malaman nang may katiyakan ang anumang bagay dahil sa kaguluhan, iniutos niyang dalhin siya sa kuwartel ng mga kawal.+ 35  Ngunit nang makarating siya sa hagdan, lumubha ang kalagayan anupat binubuhat na siya ng mga kawal dahil sa karahasan ng pulutong; 36  sapagkat ang karamihan ng mga tao ay patuloy na sumusunod, na sumisigaw: “Alisin siya!”+ 37  At nang dadalhin na siya sa kuwartel ng mga kawal, sinabi ni Pablo sa kumandante ng militar: “Maaari ba akong magsalita sa iyo?” Sinabi niya: “Nakapagsasalita ka ba ng Griego? 38  Hindi nga ba ikaw ang Ehipsiyo na bago ang mga araw na ito ay nanulsol ng sedisyon+ at naglabas sa ilang ng apat na libong lalaking may sundang?” 39  Sa gayon ay sinabi ni Pablo: “Ako, sa katunayan, ay isang Judio,+ mula sa Tarso+ sa Cilicia, mamamayan ng isang lunsod na hindi kulang sa katanyagan. Kaya nagsusumamo ako sa iyo, pahintulutan mo akong magsalita sa mga tao.” 40  Pagkatapos niyang magbigay ng pahintulot, si Pablo, samantalang nakatayo sa hagdan, ay nagsenyas+ ng kaniyang kamay sa mga tao. Nang magkaroon ng lubos na katahimikan, kinausap niya sila sa wikang Hebreo,+ na sinasabi:

Talababa