Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Bibliya Online

BAGONG SANLIBUTANG SALIN NG BANAL NA KASULATAN

Ezekiel 13:1-23

13  At ang salita ni Jehova ay patuloy na dumating sa akin, na nagsasabi:  “Anak ng tao, manghula ka may kinalaman sa mga propeta ng Israel na nanghuhula,+ at sabihin mo sa kanila na nanghuhula ayon sa kanilang sariling puso,+ ‘Dinggin ninyo ang salita ni Jehova.+  Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: “Sa aba ng mga propetang hangal,+ na sumusunod sa kanilang sariling espiritu,+ gayong wala naman silang anumang nakita!+  Naging gaya ng mga sorra sa mga wasak na dako ang iyong mga propeta, O Israel.+  Tiyak na hindi kayo aahon sa mga puwang,+ ni magtatayo man kayo ng batong pader+ para sa sambahayan ng Israel, upang makatayo sa pagbabaka sa araw ni Jehova.”+  “Nagpangitain sila ng bagay na di-totoo at ng kasinungalingang panghuhula,+ yaong mga nagsasabi, ‘Ang sabi ni Jehova ay,’ gayong hindi naman sila isinugo ni Jehova, at hinintay nila na may salitang magkatotoo.+  Hindi ba isang bulaang pangitain ang inyong nakita, at isang kasinungalingang panghuhula ang inyong sinasabi, kapag nagsasabi, ‘Ang sabi ni Jehova ay,’ gayong wala naman akong anumang sinalita?” ’+  “ ‘Kaya ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: “ ‘Sa dahilang nagsalita kayo ng kabulaanan at nagpangitain kayo ng kasinungalingan, kaya narito, ako ay laban sa inyo,’+ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova.”  At ang aking kamay ay naging laban sa mga propeta na nagpapangitain ng kabulaanan at nanghuhula ng kasinungalingan.+ Sa matalik+ na kapisanan ng aking bayan ay hindi na sila mananatili pa, at sa pagkakarehistro ng sambahayan ng Israel ay hindi sila masusulat,+ at sa lupa ng Israel ay hindi sila makaparoroon;+ at inyo ngang makikilala na ako ang Soberanong Panginoong Jehova,+ 10  sa dahilan, oo, sa dahilang iniligaw nila ang aking bayan, na sinasabi, “May kapayapaan!” gayong wala namang kapayapaan,+ at may isang nagtatayo ng pangharang na pader, ngunit walang kabuluhan+ na may mga nagpapalitada roon ng kalburo.’+ 11  “Sabihin mo sa mga nagpapalitada ng kalburo na iyon ay babagsak. Isang humuhugos na ulan ang tiyak na darating, at kayo, O mga batong graniso, ay babagsak, at isang bugso ng mga buhawi ang magpapangyari ng pagkabiyak.+ 12  At, narito! ang pader ay babagsak. Hindi ba sasabihin sa inyo, ‘Nasaan ang pahid na ipinampalitada ninyo?’+ 13  “Kaya ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘Magpapahihip din ako ng bugso ng mga buhawi dahil sa aking pagngangalit, at dahil sa aking galit ay may darating na humuhugos na ulan, at dahil sa pagngangalit ay magkakaroon ng mga batong graniso para sa paglipol.+ 14  At gigibain ko ang pader na pinalitadahan ninyo ng kalburo at ilulugmok ko iyon sa lupa, at ang pundasyon niyaon ay malalantad.+ At siya ay tiyak na babagsak, at kayo ay sasapit sa kawakasan sa gitna niya; at inyo ngang makikilala na ako ay si Jehova.’+ 15  “ ‘At tatapusin ko ang aking pagngangalit laban sa pader at laban sa mga nagpapalitada roon ng kalburo, at sasabihin ko sa inyo: “Ang pader ay wala na, at yaong mga nagpapalitada roon ay wala na,+ 16  ang mga propeta ng Israel na nanghuhula sa Jerusalem at nagpapangitain para sa kaniya ng pangitain ng kapayapaan,+ gayong wala namang kapayapaan,” ’ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova.+ 17  “At ikaw naman, O anak ng tao, ituon mo ang iyong mukha+ laban sa mga anak na babae ng iyong bayan na gumaganap bilang mga propetisa+ ayon sa kanilang sariling puso,+ at manghula ka laban sa kanila. 18  At sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: “Sa aba ng mga babaing nagtatahi ng mga panali sa lahat ng siko at gumagawa ng mga talukbong sa ulo na may iba’t ibang sukat upang manghuli ng mga kaluluwa!+ Ang mga kaluluwa ba na hinuhuli ninyong mga babae ay yaong sa aking bayan, at ang inyo bang mga kaluluwa ang siyang iniingatan ninyong buháy? 19  At lalapastanganin ba ninyo ako sa aking bayan dahil sa mga dakot ng sebada at sa mga putol ng tinapay,+ upang patayin ang mga kaluluwa na hindi dapat mamatay+ at upang ingatang buháy ang mga kaluluwa na hindi dapat mabuhay sa pamamagitan ng inyong kasinungalingan sa aking bayan, na mga nakikinig sa kasinungalingan?” ’+ 20  “Kaya ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘Narito, ako ay laban sa mga panali ninyong mga babae, na ipinanghuhuli ninyo ng mga kaluluwa na para bang sila ay mga bagay na lumilipad, at hahablutin ko ang mga iyon mula sa inyong mga bisig at payayaunin ko ang mga kaluluwa na hinuhuli ninyo, mga kaluluwa na para bang sila ay mga bagay na lumilipad.+ 21  At hahablutin ko ang inyong mga talukbong at ililigtas ko ang aking bayan mula sa inyong kamay, at sa inyong kamay ay hindi na sila magiging huli sa pangangaso; at inyo ngang makikilala na ako ay si Jehova.+ 22  Dahilan sa pagpapalumbay sa puso ng matuwid sa pamamagitan ng kabulaanan,+ gayong hindi ko naman siya sinasaktan, at dahil sa pagpapalakas sa mga kamay ng balakyot+ upang hindi niya talikuran ang kaniyang masamang lakad at sa gayon ay maingatan siyang buháy,+ 23  kaya kayong mga babae ay hindi na magpapangitain ng kabulaanan,+ at hindi na+ kayo manghuhula+ pa ng panghuhula;+ at ililigtas ko ang aking bayan mula sa inyong kamay,+ at inyo ngang makikilala na ako ay si Jehova.’ ”+

Talababa