Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Bibliya Online | BAGONG SANLIBUTANG SALIN NG BANAL NA KASULATAN

Ezekiel 12:1-28

12  At ang salita ni Jehova ay patuloy na dumating sa akin, na nagsasabi:  “Anak ng tao, tumatahan ka sa gitna ng isang mapaghimagsik na sambahayan,+ na may mga mata upang makakita ngunit hindi nga sila nakakakita,+ na may mga tainga upang makarinig ngunit hindi nga sila nakaririnig,+ sapagkat sila ay isang mapaghimagsik na sambahayan.+  Ikaw naman, O anak ng tao, maghanda ka sa ganang iyo ng dala-dalahan para sa pagkatapon at yumaon ka sa pagkatapon sa araw sa kanilang paningin, at yayaon ka sa pagkatapon mula sa iyong dako patungo sa ibang dako sa kanilang paningin. Marahil ay makikita nila, bagaman sila ay isang mapaghimagsik na sambahayan.+  At ilalabas mo sa araw ang iyong dala-dalahan gaya ng dala-dalahan para sa pagkatapon sa kanilang paningin, at ikaw nga ay lalabas sa kinagabihan sa kanilang paningin gaya niyaong mga dinadala sa pagkatapon.+  “Sa kanilang paningin, bumutas ka sa pader ng iyong madaraanan, at doon mo ilabas.+  Sa kanilang paningin ay papasanin mo sa balikat. Sa kadiliman ay ilalabas mo. Tatakpan mo ang iyo mismong mukha upang hindi mo makita ang lupa, sapagkat ginawa kitang isang palatandaan+ sa sambahayan ng Israel.”+  At ginawa ko ang gaya ng iniutos sa akin.+ Ang aking dala-dalahan ay inilabas ko, na parang dala-dalahan para sa pagkatapon, sa araw; at sa kinagabihan ay bumutas ako ng aking madaraanan sa pader sa pamamagitan ng kamay. Sa kadiliman ay inilabas ko. Sa aking balikat ay pinasan ko, sa kanilang paningin.  At ang salita ni Jehova ay patuloy na dumating sa akin sa kinaumagahan, na nagsasabi:  “Anak ng tao, hindi ba sinabi sa iyo niyaong mga nasa sambahayan ng Israel, na mapaghimagsik na sambahayan,+ ‘Ano ang ginagawa mo?’ 10  Sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: “Kung tungkol sa pinuno,+ may ganitong kapahayagan laban sa Jerusalem at sa buong sambahayan ng Israel na nasa gitna nila.” ’ 11  “Sabihin mo, ‘Ako ay isang palatandaan+ sa inyo. Kung ano ang ginawa ko, gayon ang gagawin sa kanila. Sa pagkatapon, sa pagkabihag ay yayaon sila.+ 12  At kung tungkol sa pinuno na nasa gitna nila, sa balikat ay magpapasan siya sa kadiliman at lalabas; sa pader ay bubutas sila upang doon ilabas.+ Ang kaniyang mukha ay tatakpan niya upang hindi niya makita ng kaniyang sariling mata ang lupa.’ 13  At ilaladlad ko nga sa kaniya ang aking lambat, at siya ay mahuhuli sa aking pangasong lambat;+ at dadalhin ko siya sa Babilonya, sa lupain ng mga Caldeo,+ ngunit hindi niya iyon makikita; at doon siya mamamatay.+ 14  At ang lahat ng nasa palibot niya bilang katulong, at ang lahat ng kaniyang pangkat militar, ay pangangalatin ko sa bawat hangin;+ at isang tabak ang huhugutin kong kasunod nila.+ 15  At kanila ngang makikilala na ako ay si Jehova kapag pinanabog ko sila sa mga bansa at pinangalat ko nga sila sa mga lupain.+ 16  At magtitira ako sa kanila ng kaunting lalaki mula sa tabak,+ mula sa taggutom at mula sa salot, upang maisalaysay nila ang lahat ng kanilang karima-rimarim+ na bagay sa gitna ng mga bansa na kanilang paroroonan;+ at kanila ngang makikilala na ako ay si Jehova.” 17  At ang salita ni Jehova ay patuloy na dumating sa akin, na nagsasabi: 18  “Anak ng tao, kainin mo nang may pangangatal ang iyong tinapay, at inumin mo nang may kaligaligan at may pagkabalisa ang iyong tubig.+ 19  At sasabihin mo sa bayan ng lupain, ‘Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova sa mga tumatahan sa Jerusalem na nasa lupa ng Israel:+ “Kakainin nila nang may pagkabalisa ang kanilang tinapay, at iinumin nila nang may pagkagimbal ang kanilang tubig, upang ang lupain nito ay matiwangwang sa kabuuan nito+ dahil sa karahasan ng lahat ng mga nananahanan doon.+ 20  At ang mga tinatahanang lunsod ay mawawasak,+ at ang lupain ay magiging tiwangwang na kaguhuan lamang;+ at inyo ngang makikilala na ako ay si Jehova.” ’ ”+ 21  At ang salita ni Jehova ay dumating pa sa akin, na nagsasabi: 22  “Anak ng tao, ano itong kasabihan ninyo sa lupa ng Israel,+ na nagsasabi, ‘Ang mga araw ay lumalawig,+ at ang bawat pangitain ay naglaho’?+ 23  Kaya sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: “Paglilikatin ko nga ang kasabihang ito, at hindi na nila iyon sasambitin bilang isang kawikaan sa Israel.” ’+ Ngunit salitain mo sa kanila, ‘Ang mga araw ay malapit na,+ at ang kahulugan ng bawat pangitain.’ 24  Sapagkat hindi na magkakaroon ng anumang walang-saysay na pangitain+ ni ng doble-karang panghuhula man sa loob ng sambahayan ng Israel.+ 25  ‘ “Sapagkat ako mismong si Jehova ang magsasalita ng anumang salita na sasalitain ko, at iyon ay matutupad.+ Wala nang pagpapaliban pa,+ sapagkat sa inyong mga araw,+ O mapaghimagsik na sambahayan, ay sasalitain ko ang salita at tiyak na tutuparin ko iyon,” ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova.’ ” 26  At ang salita ni Jehova ay patuloy na dumating sa akin, na nagsasabi: 27  “Anak ng tao, narito! yaong mga nasa sambahayan ng Israel ay nagsasabi, ‘Ang pangitain na nakikita niya ay malayo pa nang maraming araw, at may kinalaman sa mga panahong napakalayo pa ang kaniyang inihuhula.’+ 28  Kaya sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: “ ‘Hindi na ipagpapaliban pa ang alinman sa aking mga salita.+ Anumang salita ang salitain ko, iyon nga ay matutupad,’+ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova.” ’ ”+

Talababa