Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Bibliya Online

BAGONG SANLIBUTANG SALIN NG BANAL NA KASULATAN

Exodo 25:1-40

25  At nagsalita si Jehova kay Moises,+ na sinasabi:  “Magsalita ka sa mga anak ni Israel, upang lumikom sila ng abuloy para sa akin: Mula sa bawat tao na pinakikilos ng kaniyang puso ay lilikumin ninyo ang abuloy para sa akin.+  At ito ang abuloy na lilikumin ninyo mula sa kanila: ginto+ at pilak+ at tanso,+  at sinulid na asul, at lanang tinina sa mamula-mulang purpura, at sinulid na iskarlatang kokus, at mainam na lino, at balahibo ng kambing,+  at mga balat ng barakong tupa na tinina sa pula, at mga balat ng poka, at kahoy ng akasya;+  langis para sa ilawan,+ langis ng balsamo+ para sa langis na pamahid+ at para sa mabangong insenso;+  at mga batong onix at mga batong pangkalupkop para sa epod+ at para sa pektoral.+  At gagawa sila ng isang santuwaryo para sa akin, sapagkat ako ay magtatabernakulo sa gitna nila.+  Ayon sa lahat ng ipinakikita ko sa iyo bilang parisan ng tabernakulo at parisan ng lahat ng kagamitan niyaon, gayon ninyo iyon gagawin.+ 10  “At gagawa sila ng isang Kaban na yari sa kahoy ng akasya,+ dalawang siko at kalahati ang haba niyaon at isang siko at kalahati ang lapad niyaon at isang siko at kalahati ang taas niyaon. 11  At kakalupkupan mo iyon ng dalisay na ginto.+ Sa loob at sa labas ay kakalupkupan mo iyon, at gagawa ka ng sinepang ginto sa palibot niyaon.+ 12  At maghuhulma ka ng apat na argolyang ginto para roon at ilalagay mo ang mga iyon sa gawing itaas ng apat na paa niyaon, na may dalawang argolya sa isang tagiliran niyaon at dalawang argolya sa kabilang tagiliran niyaon.+ 13  At gagawa ka ng mga pingga na yari sa kahoy ng akasya at kakalupkupan mo ng ginto ang mga iyon.+ 14  At ipapasok mo ang mga pingga sa mga argolya na nasa mga tagiliran ng Kaban upang mabuhat ang Kaban sa pamamagitan ng mga iyon. 15  Ang mga pingga ay pananatilihin sa mga argolya ng Kaban. Ang mga iyon ay hindi aalisin doon.+ 16  At ilalagay mo sa Kaban ang patotoo na ibibigay ko sa iyo.+ 17  “At gagawa ka ng isang takip na dalisay na ginto, dalawang siko at kalahati ang haba niyaon at isang siko at kalahati ang lapad niyaon.+ 18  At gagawa ka ng dalawang kerubing ginto. Gagawin mong yari sa gawang pinukpok ang mga iyon sa magkabilang dulo ng takip.+ 19  At gumawa ka ng isang kerubin sa dulong ito at isang kerubin sa dulong iyon.+ Sa ibabaw ng takip ay gagawa kayo ng mga kerubin sa dalawang dulo niyaon. 20  At iuunat ng mga kerubin ang kanilang dalawang pakpak nang paitaas, na nilililiman ng kanilang mga pakpak ang takip, na ang kanilang mga mukha ay nakaharap sa isa’t isa.+ Dapat na nakaharap sa takip ang mga mukha ng mga kerubin. 21  At ilalagay mo ang takip+ sa ibabaw ng Kaban, at sa loob ng Kaban ay ilalagay mo ang patotoo na ibibigay ko sa iyo. 22  At doon ako haharap sa iyo at magsasalita ako sa iyo mula sa ibabaw ng takip,+ mula sa pagitan ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo, ang lahat nga ng iuutos ko sa iyo para sa mga anak ni Israel.+ 23  “At gagawa ka ng isang mesa+ na yari sa kahoy ng akasya, dalawang siko ang haba nito at isang siko ang lapad nito at isang siko at kalahati ang taas nito. 24  At kakalupkupan mo iyon ng dalisay na ginto, at igagawa mo iyon ng sinepang ginto sa palibot.+ 25  At igagawa mo iyon ng isang gilid na sinlapad-ng-kamay sa palibot, at gagawa ka ng sinepang ginto para sa gilid niyaon sa palibot.+ 26  At igagawa mo iyon ng apat na argolyang ginto at ilalagay mo ang mga argolya sa apat na panulukan na nauukol sa apat na paa.+ 27  Ang mga argolya ay dapat na malapit sa gilid bilang mga suhay para sa mga pingga na pambuhat sa mesa.+ 28  At gagawa ka ng mga pingga na yari sa kahoy ng akasya at kakalupkupan mo ng ginto ang mga iyon, at bubuhatin nila ang mesa sa pamamagitan ng mga iyon.+ 29  “At gagawa ka ng mga pinggan niyaon at mga kopa niyaon at mga pitsel niyaon at mga mangkok niyaon na ipambubuhos nila ng mga handog na inumin. Ang mga iyon ay gagawin mong yari sa dalisay na ginto.+ 30  At ilalagay mo ang tinapay na pantanghal sa ibabaw ng mesa sa harap ko nang palagian.+ 31  “At gagawa ka ng kandelero na yari sa dalisay na ginto. Gagawing yari sa gawang pinukpok ang kandelero.+ Ang paanan nito, ang mga sanga nito, ang mga kopa nito, ang mga globito nito at ang mga bulaklak nito ay nakakabit doon. 32  At anim na sanga ang nakaungos mula sa mga tagiliran nito, tatlong sanga ng kandelero mula sa isang tagiliran nito at tatlong sanga ng kandelero mula sa kabilang tagiliran nito.+ 33  Tatlong kopa na kahugis ng bulaklak ng almendras ang nasa isang hanay ng mga sanga, na may mga globito at mga bulaklak na nagsasalitan, at tatlong kopa na kahugis ng bulaklak ng almendras ang nasa kabilang hanay ng mga sanga, na may mga globito at mga bulaklak na nagsasalitan.+ Ganito ang anim na sanga na nakaungos mula sa kandelero. 34  At sa kandelero ay may apat na kopa na kahugis ng bulaklak ng almendras, na may mga globito nito at mga bulaklak nito na nagsasalitan.+ 35  At may globito na nakausli sa ilalim ng dalawang sanga at may globito na nakausli sa ilalim ng kabilang dalawang sanga at may globito na nakausli sa ilalim ng dalawa pang sanga, para sa anim na sanga na nakaungos mula sa kandelero.+ 36  Ang mga globito ng mga iyon at ang mga sanga ng mga iyon ay nakakabit doon. Ang kabuuan niyaon ay iisang piraso na gawang pinukpok, yari sa dalisay na ginto.+ 37  At igagawa mo iyon ng pitong lampara; at ang mga lampara ay pagniningasin, at paliliwanagin ng mga ito ang lugar sa harap niyaon.+ 38  At ang mga pamatay-apoy nito at ang mga lalagyan ng apoy nito ay dalisay na ginto.+ 39  Mula sa isang talentong dalisay na ginto ay gagawin niya iyon kasama nitong lahat ng mga kagamitan niyaon. 40  At tiyakin mo na gagawin mo ang mga iyon ayon sa parisan ng mga iyon na ipinakita sa iyo sa bundok.+

Talababa