Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Bibliya Online

BAGONG SANLIBUTANG SALIN NG BANAL NA KASULATAN

Exodo 16:1-36

16  Nang maglaon ay lumisan sila mula sa Elim,+ at nang dakong huli ay dumating ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel sa ilang ng Sin,+ na nasa pagitan ng Elim at Sinai, noong ikalabinlimang araw ng ikalawang buwan pagkalabas nila mula sa lupain ng Ehipto.  At ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel ay nagsimulang magbulung-bulungan laban kay Moises at kay Aaron sa ilang.+  At patuloy na sinasabi sa kanila ng mga anak ni Israel: “Namatay na sana kami+ sa pamamagitan ng kamay ni Jehova sa lupain ng Ehipto habang nakaupo kami sa tabi ng mga kaldero ng karne,+ habang kumakain kami ng tinapay hanggang sa mabusog, sapagkat inilabas ninyo kami sa ilang na ito upang patayin sa taggutom ang buong kongregasyong ito.”+  Nang magkagayon ay sinabi ni Jehova kay Moises: “Narito, magpapaulan ako para sa inyo ng tinapay mula sa langit;+ at ang bayan ay lalabas at mamumulot ng kani-kaniyang bahagi sa bawat araw,+ upang mailagay ko sila sa pagsubok kung lalakad sila sa aking kautusan o hindi.+  At mangyayari nga na sa ikaanim na araw+ ay ihahanda nila ang kanilang kukunin, at iyon ay magiging doble ng lagi nilang pinupulot sa bawat araw.”+  Kaya sinabi ni Moises at ni Aaron sa lahat ng mga anak ni Israel: “Sa kinagabihan ay tiyak na makikilala ninyo na si Jehova ang naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto.+  At sa umaga ay makikita nga ninyo ang kaluwalhatian ni Jehova,+ sapagkat narinig niya ang inyong mga bulung-bulungan laban kay Jehova. At ano kami upang magbulung-bulungan kayo laban sa amin?”  At nagpatuloy si Moises: “Ito ay mangyayari kapag binigyan kayo ni Jehova sa kinagabihan ng karne na makakain at sa kinaumagahan ng tinapay hanggang sa mabusog, sapagkat narinig ni Jehova ang inyong mga bulung-bulungan na pinagbubulung-bulungan ninyo laban sa kaniya. At ano kami? Ang inyong mga bulung-bulungan ay hindi laban sa amin, kundi laban kay Jehova.”+  At sinabi ni Moises kay Aaron: “Sabihin mo sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, ‘Lumapit kayo sa harap ni Jehova, sapagkat narinig niya ang inyong mga bulung-bulungan.’”+ 10  Pagkatapos ay nangyari nga na pagkasalita ni Aaron sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, sila ay bumaling at humarap sa ilang, at, narito! ang kaluwalhatian ni Jehova ay lumitaw sa ulap.+ 11  At nagsalita pa si Jehova kay Moises, na sinasabi: 12  “Narinig ko ang mga bulung-bulungan ng mga anak ni Israel.+ Magsalita ka sa kanila, na sinasabi, ‘Sa pagitan ng dalawang gabi ay kakain kayo ng karne at sa kinaumagahan ay mabubusog kayo ng tinapay;+ at tiyak na makikilala ninyo na ako ay si Jehova na inyong Diyos.’”+ 13  Kaya nangyari nga nang kinagabihan, ang mga pugo+ ay nagsimulang umahon at tumakip sa kampo, at nang kinaumagahan ay nagkaroon ng latag ng hamog sa palibot ng kampo.+ 14  Nang maglaon ay sumingaw ang latag ng hamog at narito, sa ibabaw ng ilang ay may pinong bagay na malaniyebe,+ pinong tulad ng nagyelong hamog+ sa ibabaw ng lupa. 15  Nang makita iyon ng mga anak ni Israel, sila ay nagsimulang magsabi sa isa’t isa: “Ano ito?” Sapagkat hindi nila alam kung ano iyon. Kaya sinabi ni Moises sa kanila: “Ito ang tinapay na ibinigay ni Jehova sa inyo bilang pagkain.+ 16  Ito ang salita na iniutos ni Jehova, ‘Mamulot kayo niyaon, ang bawat isa ayon sa kaniyang makakain. Kukuha kayo ng isang takal na omer+ para sa bawat tao ayon sa bilang ng mga kaluluwa na naroroon sa tolda ng bawat isa sa inyo.’” 17  At pinasimulang gawin ng mga anak ni Israel ang gayon; at namulot sila niyaon, ang iba ay kumuha ng marami at ang iba ay kumuha ng kaunti. 18  Nang takalin nila iyon ayon sa omer, yaong kumuha ng marami ay hindi nagkaroon ng labis at yaong kumuha ng kaunti ay hindi nagkulang.+ Namulot sila niyaon, ang bawat isa ayon sa kaniyang makakain. 19  Pagkatapos ay sinabi ni Moises sa kanila: “Huwag magtitira niyaon ang sinuman hanggang sa umaga.”+ 20  Ngunit hindi sila nakinig kay Moises. Kapag ang sinumang tao ay nagtitira niyaon hanggang sa umaga, nagkakaroon iyon ng mga uod at bumabaho;+ kung kaya nagalit si Moises sa kanila.+ 21  At namumulot sila niyaon uma-umaga,+ ang bawat isa ayon sa kaniyang makakain. Kapag uminit na ang araw, iyon ay natutunaw. 22  At nangyari nga noong ikaanim na araw, namulot sila ng makalawang dami ng tinapay,+ dalawang takal na omer para sa isang tao. Kaya dumating ang lahat ng pinuno ng kapulungan at iniulat iyon kay Moises. 23  At sinabi niya sa kanila: “Iyon ang sinalita ni Jehova. Bukas ay magkakaroon ng pangingilin ng sabbath na isang banal na sabbath kay Jehova.+ Ang mailuluto ninyo ay lutuin ninyo, at ang mapakukuluan ninyo ay pakuluan ninyo,+ at lahat ng labis ay itabi ninyo para sa inyo bilang bagay na itatago hanggang sa umaga.” 24  Sa gayon ay itinabi nila iyon hanggang sa umaga, gaya ng iniutos ni Moises; at hindi iyon bumaho ni nagkaroon man iyon ng uod.+ 25  Pagkatapos ay sinabi ni Moises: “Kainin ninyo iyon ngayon, sapagkat ngayon ay sabbath+ kay Jehova. Ngayon ay hindi ninyo iyon masusumpungan sa parang. 26  Anim na araw kayong mamumulot niyaon, ngunit sa ikapitong araw ay sabbath.+ Sa araw na iyon ay hindi magkakaroon.” 27  Gayunman, nangyari nga noong ikapitong araw, ang ilan sa bayan ay lumabas upang mamulot niyaon, ngunit wala silang nasumpungan. 28  Dahil dito ay sinabi ni Jehova kay Moises: “Hanggang kailan kayo tatangging tuparin ang aking mga utos at ang aking mga kautusan?+ 29  Tandaan ninyo na ibinigay sa inyo ni Jehova ang sabbath.+ Iyan ang dahilan kung bakit niya ibinibigay sa inyo sa ikaanim na araw ang tinapay para sa dalawang araw. Manatiling nakaupo ang bawat isa sa kaniyang sariling dako.+ Huwag lumabas ang sinuman mula sa kaniyang kinaroroonan sa ikapitong araw.” 30  At ipinangilin ng bayan ang sabbath nang ikapitong araw.+ 31  At pinasimulang tawagin ng sambahayan ng Israel ang pangalan niyaon na “manna.” At iyon ay maputi na tulad ng buto ng kulantro, at ang lasa niyaon ay tulad ng tinapay na lapad na may pulot-pukyutan.+ 32  Pagkatapos ay sinabi ni Moises: “Ito ang salita na iniutos ni Jehova, ‘Punuin ninyo niyaon ang isang takal na omer bilang bagay na iingatan sa lahat ng inyong mga salinlahi,+ upang makita nila ang tinapay na ipinakain ko sa inyo sa ilang noong inilalabas ko kayo mula sa lupain ng Ehipto.’”+ 33  Kaya sinabi ni Moises kay Aaron: “Kumuha ka ng isang banga at lagyan mo iyon ng isang omer na punô ng manna at ilagay mo iyon sa harap ni Jehova bilang bagay na iingatan sa lahat ng inyong mga salinlahi.”+ 34  Gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises, inilagay iyon ni Aaron sa harap ng Patotoo+ bilang bagay na iingatan. 35  At ang mga anak ni Israel ay kumain ng manna nang apatnapung taon,+ hanggang sa pagdating nila sa isang lupaing tinatahanan.+ Ang manna ang kinain nila hanggang sa pagdating nila sa hanggahan ng lupain ng Canaan.+ 36  Ang isang omer nga ay ikasampu ng isang takal na epa.

Talababa