Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Bibliya Online

BAGONG SANLIBUTANG SALIN NG BANAL NA KASULATAN

Exodo 12:1-51

12  Sinabi ngayon ni Jehova kay Moises at kay Aaron sa lupain ng Ehipto:  “Ang buwang ito ang magiging pasimula ng mga buwan para sa inyo. Ito ang magiging una sa mga buwan ng taon para sa inyo.+  Magsalita kayo sa buong kapulungan ng Israel, na sinasabi, ‘Sa ikasampung araw ng buwang ito ay kukuha ang bawat isa sa kanila ng isang tupa+ para sa sambahayan ng kanilang ninuno, isang tupa para sa isang sambahayan.  Ngunit kung ang sambahayan ay napakakaunti para sa isang tupa, iyon nga ay dadalhin niya at ng kaniyang malapit na kapitbahay sa kaniyang bahay ayon sa bilang ng mga kaluluwa; tutuusin ninyo para sa bawat isa ang ayon sa kaniyang makakain sa tupa.  Ang tupa ninyo ay dapat na malusog,+ isang lalaki, isang taóng gulang.+ Makakakuha kayo mula sa mga batang barakong tupa o mula sa mga kambing.  At patuloy ninyong iingatan iyon hanggang sa ikalabing-apat na araw ng buwang ito,+ at papatayin iyon ng buong kongregasyon ng kapulungan ng Israel sa pagitan ng dalawang gabi.+  At kukuha sila ng dugo at isasaboy iyon sa dalawang poste ng pinto at sa itaas na bahagi ng pintuan ng mga bahay na kanilang kakainan niyaon.+  “‘At kakainin nila ang karne sa gabing iyon.+ Kakainin nila iyon na inihaw sa apoy at may kasamang mga tinapay na walang pampaalsa+ kasama ng mapapait na gulay.+  Huwag ninyong kainin ang anumang bahagi niyaon na hilaw o pinakuluan, na niluto sa tubig, kundi inihaw sa apoy, ang ulo niyaon kasama ang mga binti niyaon at ang mga lamang-loob niyaon. 10  At huwag kayong magtitira ng anumang bahagi niyaon hanggang sa kinaumagahan, kundi ang matitira hanggang sa kinaumagahan ay susunugin ninyo sa apoy.+ 11  At sa ganitong paraan ninyo iyon kakainin, may bigkis ang inyong mga balakang,+ may mga sandalyas+ ang inyong mga paa at ang inyong baston ay nasa inyong kamay; at kakainin ninyo iyon nang dali-dali. Ito ay paskuwa ni Jehova.+ 12  At daraan ako sa lupain ng Ehipto sa gabing ito+ at sasaktan ko ang lahat ng panganay sa lupain ng Ehipto, mula sa tao hanggang sa hayop;+ at maglalapat ako ng mga kahatulan sa lahat ng diyos ng Ehipto.+ Ako ay si Jehova.+ 13  At ang dugo ay magsisilbing tanda sa inyo sa mga bahay na kinaroroonan ninyo; at makikita ko ang dugo at lalampasan ko kayo,+ at ang salot ay hindi darating sa inyo upang manlipol kapag nanakit ako sa lupain ng Ehipto. 14  “‘At ang araw na ito ay magsisilbing pinakaalaala sa inyo, at ipagdiriwang ninyo iyon bilang isang kapistahan para kay Jehova sa lahat ng inyong mga salinlahi. Bilang isang batas hanggang sa panahong walang takda ay dapat ninyong ipagdiwang iyon. 15  Pitong araw kayong kakain ng mga tinapay na walang pampaalsa. Oo, sa unang araw ay aalisin ninyo ang pinaasim na masa mula sa inyong mga bahay, sapagkat ang sinumang kakain ng may lebadura, mula sa unang araw hanggang sa ikapito,+ ang kaluluwang iyon ay lilipulin mula sa Israel.+ 16  At sa unang araw ay gaganapin ninyo ang isang banal na kombensiyon, at sa ikapitong araw ay banal na kombensiyon.+ Walang gawa ang gagawin sa mga araw na iyon.+ Tanging ang kailangang kainin ng bawat kaluluwa, iyon lamang ang maaari ninyong gawin.+ 17  “‘At ipangingilin ninyo ang kapistahan ng mga tinapay na walang pampaalsa,+ sapagkat sa mismong araw na ito ay ilalabas ko ang inyong mga hukbo mula sa lupain ng Ehipto. At ipangingilin ninyo ang araw na ito sa lahat ng inyong mga salinlahi bilang isang batas hanggang sa panahong walang takda. 18  Sa unang buwan, sa ikalabing-apat na araw ng buwan, sa kinagabihan ay kakain kayo ng mga tinapay na walang pampaalsa hanggang sa ikadalawampu’t isang araw ng buwan sa kinagabihan.+ 19  Pitong araw na walang masusumpungang pinaasim na masa sa inyong mga bahay, sapagkat ang sinumang titikim ng may lebadura, siya man ay naninirahang dayuhan o katutubo sa lupain,+ ang kaluluwang iyon ay lilipulin mula sa kapulungan ng Israel.+ 20  Wala kayong kakaining anumang may lebadura. Sa lahat ng inyong mga tahanan ay kakain kayo ng mga tinapay na walang pampaalsa.’” 21  Kaagad na tinawag ni Moises ang lahat ng matatandang lalaki ng Israel+ at sinabi sa kanila: “Pumili kayo at kumuha kayo ng inyu-inyong maliliit na hayop sa kawan ayon sa inyong mga pamilya, at magpatay kayo ng hayop na pampaskuwa.+ 22  At kumuha kayo ng isang bigkis ng isopo+ at isawsaw ninyo iyon sa dugo na nasa palanggana at ipahid ninyo sa itaas na bahagi ng pintuan at sa dalawang poste ng pinto ang dugo na nasa palanggana; at walang sinuman sa inyo ang lalabas sa pasukan ng kaniyang bahay hanggang sa kinaumagahan. 23  Kaya kapag dumaan si Jehova upang salutin ang mga Ehipsiyo at makita ang dugo sa itaas na bahagi ng pintuan at sa dalawang poste ng pinto, lalampasan nga ni Jehova ang pasukang iyon, at hindi niya pahihintulutang pumasok ang paglipol sa inyong mga bahay upang salutin kayo.+ 24  “At ipangingilin ninyo ang bagay na ito bilang isang tuntunin+ para sa iyo at sa iyong mga anak hanggang sa panahong walang takda.+ 25  At mangyayari nga na kapag dumating kayo sa lupain na ibibigay sa inyo ni Jehova, gaya ng ipinahayag niya, kung gayon ay tutuparin ninyo ang paglilingkod na ito.+ 26  At mangyayari nga na kapag sinabi sa inyo ng inyong mga anak, ‘Ano ang kahulugan sa inyo ng paglilingkod na ito?’+ 27  kung gayon ay sabihin ninyo, ‘Ito ang hain ng paskuwa para kay Jehova,+ na lumampas sa mga bahay ng mga anak ni Israel sa Ehipto nang salutin niya ang mga Ehipsiyo, ngunit iniligtas niya ang aming mga sambahayan.’” Pagkatapos ay yumukod ang bayan at nagpatirapa.+ 28  At ang mga anak ni Israel ay yumaon at ginawa ang gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises at kay Aaron.+ Gayung-gayon ang ginawa nila. 29  At nangyari, nang hatinggabi na ay sinaktan ni Jehova ang lahat ng panganay sa lupain ng Ehipto,+ mula sa panganay ni Paraon na nakaupo sa kaniyang trono hanggang sa panganay ng bihag na nasa bilangguang lungaw, at lahat ng panganay ng hayop.+ 30  Nang magkagayon ay bumangon si Paraon sa kinagabihan, siya at lahat ng kaniyang mga lingkod at lahat ng iba pang Ehipsiyo; at nagsimulang magkaroon ng malakas na paghiyaw sa gitna ng mga Ehipsiyo,+ sapagkat walang isa mang bahay na hindi nagkaroon ng isang patay. 31  Kaagad niyang tinawag+ si Moises at si Aaron nang kinagabihan at sinabi: “Bumangon kayo, lumabas kayo mula sa gitna ng aking bayan, kapuwa kayo at ang iba pang mga anak ni Israel, at yumaon kayo, maglingkod kayo kay Jehova, gaya ng ipinahayag ninyo.+ 32  Dalhin ninyo kapuwa ang inyong mga kawan at ang inyong mga bakahan, gaya ng ipinahayag ninyo,+ at yumaon kayo. Bukod diyan ay pagpalain din naman ninyo ako.” 33  At pinasimulang pagmadaliin ng mga Ehipsiyo ang bayan upang mapaalis nila sila nang madalian+ mula sa lupain, “sapagkat,” sabi nila, “kaming lahat ay para na ring patay!”+ 34  Kaya dinala ng bayan ang kanilang masang harina bago pa ito mapaasim, at ang kanilang mga masahan na nakabalot sa kanilang mga balabal na nakapasan sa kanilang balikat. 35  At ginawa ng mga anak ni Israel ang ayon sa salita ni Moises anupat hiningan nila ang mga Ehipsiyo ng mga kagamitang pilak at mga kagamitang ginto at mga balabal.+ 36  At binigyan ni Jehova ng lingap ang bayan sa paningin ng mga Ehipsiyo,+ anupat ipinagkaloob sa kanila ng mga ito ang anumang hingin nila;+ at sinamsaman nila ang mga Ehipsiyo.+ 37  At ang mga anak ni Israel ay lumisan mula sa Rameses+ patungo sa Sucot,+ na may bilang na anim na raang libong matitipunong lalaki na naglalakad, bukod pa sa maliliit na bata.+ 38  At isang malaking haluang pangkat+ ang umahon ding kasama nila, gayundin ang mga kawan at mga bakahan, isang napakalaking bilang ng mga hayop. 39  At pinasimulan nilang lutuin ang masang harina na inilabas nila mula sa Ehipto upang maging mga tinapay na bilog, mga tinapay na walang pampaalsa, sapagkat hindi pa ito napaasim, sapagkat itinaboy sila mula sa Ehipto at hindi sila nakapagtagal at hindi rin sila nakapaghanda ng anumang panustos para sa kanilang sarili.+ 40  At ang pananahanan ng mga anak ni Israel, na nanahanan+ sa Ehipto,+ ay apat na raan at tatlumpung taon.+ 41  At nangyari sa pagwawakas ng apat na raan at tatlumpung taon, nangyari nga sa mismong araw na ito na ang lahat ng hukbo ni Jehova ay lumabas mula sa lupain ng Ehipto.+ 42  Iyon ay isang gabing ipangingilin para kay Jehova dahil sa paglalabas niya sa kanila mula sa lupain ng Ehipto. Para kay Jehova ay isang gabi ito na ipangingilin ng lahat ng mga anak ni Israel sa lahat ng kanilang mga salinlahi.+ 43  At sinabi ni Jehova kay Moises at kay Aaron: “Ito ang batas sa paskuwa:+ Walang banyaga ang makakakain niyaon.+ 44  Ngunit kung may sinumang aliping lalaki na binili ng salapi, tutuliin mo siya.+ Saka lamang siya makababahagi sa pagkain niyaon. 45  Ang nakikipamayan at ang upahang trabahador ay hindi makakakain niyaon. 46  Sa isang bahay iyon kakainin. Huwag mong dadalhin ang anumang bahagi ng karne sa labas ng bahay saanmang dako sa labas. At huwag ninyong babaliin kahit isang buto niyaon.+ 47  Ipagdiriwang iyon ng buong kapulungan ng Israel.+ 48  At kung ang isang naninirahang dayuhan ay manirahan bilang dayuhan na kasama ninyo at magdiriwang nga siya ng paskuwa para kay Jehova, tutuliin ang lahat ng kaniyang mga lalaki.+ Saka lamang siya makalalapit upang magdiwang niyaon; at siya ay magiging katulad ng katutubo sa lupain. Ngunit walang lalaking di-tuli ang makakakain niyaon. 49  Magkakaroon ng iisang kautusan para sa katutubo at para sa naninirahang dayuhan na naninirahan bilang dayuhan sa gitna ninyo.”+ 50  Kaya ginawa ng lahat ng mga anak ni Israel ang gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises at kay Aaron. Gayung-gayon ang ginawa nila.+ 51  At nangyari nga na nang mismong araw na ito ay inilabas ni Jehova ang mga anak ni Israel kasama ng kanilang mga hukbo+ mula sa lupain ng Ehipto.

Talababa