Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Bibliya Online

BAGONG SANLIBUTANG SALIN NG BANAL NA KASULATAN

Bilang 14:1-45

14  Nang magkagayon ay inilakas ng buong kapulungan ang kanilang tinig, at patuloy na ibinubulalas ng bayan ang kanilang tinig at tumatangis+ nang buong gabing iyon.  At ang lahat ng mga anak ni Israel ay nagsimulang magbulung-bulungan laban kay Moises at kay Aaron,+ at ang buong kapulungan ay nagsabi laban sa kanila: “Namatay na sana tayo sa lupain ng Ehipto, o namatay na sana tayo sa ilang na ito!  At bakit tayo dinadala ni Jehova sa lupaing ito upang mabuwal sa pamamagitan ng tabak?+ Ang ating mga asawang babae at ang ating maliliit na bata ay magiging samsam.+ Hindi ba mas mabuti para sa atin ang bumalik sa Ehipto?”+  Sinabi pa nila sa isa’t isa: “Mag-atas tayo ng isang ulo, at bumalik tayo sa Ehipto!”+  Dahil dito ay isinubsob ni Moises at ni Aaron ang kanilang mga mukha+ sa harap ng buong kongregasyon ng kapulungan ng mga anak ni Israel.  At hinapak ni Josue na anak ni Nun+ at ni Caleb na anak ni Jepune,+ na kabilang sa mga naniktik sa lupain, ang kanilang mga kasuutan,+  at sinabi nila ito sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel: “Ang lupain na dinaanan namin upang tiktikan iyon ay pagkabuti-buting lupain.+  Kung kinalulugdan tayo ni Jehova,+ tiyak na dadalhin niya tayo sa lupaing iyon at ibibigay iyon sa atin, isang lupain na inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.+  Huwag lamang kayong maghimagsik laban kay Jehova;+ at kayo, huwag kayong matakot sa bayan ng lupaing iyon,+ sapagkat sila ay tinapay sa atin. Ang kanilang silungan ay lumayo na sa kanila,+ at si Jehova ay sumasaatin.+ Huwag ninyo silang katakutan.”+ 10  Gayunman, ang buong kapulungan ay nag-usap na pagpupukulin sila ng mga bato.+ At ang kaluwalhatian ni Jehova ay lumitaw sa tolda ng kapisanan sa lahat ng mga anak ni Israel.+ 11  Nang dakong huli ay sinabi ni Jehova kay Moises: “Hanggang kailan+ ako pakikitunguhan nang walang paggalang ng bayang ito,+ at hanggang kailan sila hindi mananampalataya sa akin sa lahat ng tanda na isinagawa ko sa gitna nila?+ 12  Pasasapitan ko sila ng salot at itataboy ko sila, at gagawin kitang isang bansa na mas dakila at mas makapangyarihan kaysa sa kanila.”+ 13  Ngunit sinabi ni Moises kay Jehova: “Kung magkagayon ay tiyak na maririnig ng mga Ehipsiyo na iniahon mo sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan ang bayang ito mula sa gitna nila.+ 14  At tiyak na sasabihin nila iyon sa mga tumatahan sa lupaing ito. Narinig nila na ikaw ay si Jehova sa gitna ng bayang ito,+ na nagpakita nang mukhaan.+ Ikaw ay si Jehova, at ang iyong ulap ay nakatindig sa ibabaw nila, at yumayaon ka sa unahan nila sa haliging ulap kung araw at sa haliging apoy kung gabi.+ 15  Kung papatayin mo ang bayang ito na parang iisang lalaki,+ ang mga bansa na nakarinig ng iyong kabantugan ay tiyak na magsasabi nga ng ganito, 16  ‘Sapagkat hindi kayang dalhin ni Jehova ang bayang ito sa lupain na isinumpa niya sa kanila kaya pinatay niya sila sa ilang.’+ 17  At ngayon, pakisuyo, dakilain mo ang iyong kapangyarihan,+ O Jehova, gaya ng sinalita mo, na sinasabi, 18  ‘Si Jehova, mabagal sa pagkagalit+ at sagana sa maibiging-kabaitan,+ nagpapaumanhin sa kamalian at pagsalansang,+ ngunit sa anumang paraan ay wala siyang pinaliligtas sa kaparusahan,+ naglalapat ng kaparusahan sa mga anak dahil sa kamalian ng mga ama, sa ikatlong salinlahi at sa ikaapat na salinlahi.’+ 19  Patawarin mo, pakisuyo, ang kamalian ng bayang ito ayon sa kadakilaan ng iyong maibiging-kabaitan, at gaya nga ng pagpapaumanhin mo sa bayang ito mula sa Ehipto hanggang ngayon.”+ 20  Nang magkagayon ay sinabi ni Jehova: “Magpapatawad ako ayon sa iyong salita.+ 21  At, sa kabilang dako naman, buháy ako, ang buong lupa ay mapupuno ng kaluwalhatian ni Jehova.+ 22  Ngunit ang lahat ng taong nakakita ng aking kaluwalhatian+ at ng aking mga tanda+ na isinagawa ko sa Ehipto at sa ilang at patuloy pa ring nanunubok+ sa akin nang sampung ulit na ito, at hindi nakinig sa aking tinig,+ 23  ay hindi makakakita sa lupain na isinumpa ko sa kanilang mga ama, oo, lahat niyaong nakikitungo sa akin nang walang paggalang ay hindi makakakita niyaon.+ 24  Kung tungkol sa aking lingkod na si Caleb,+ sa dahilang ibang espiritu ang sumakaniya at patuloy siyang sumusunod nang lubusan sa akin,+ tiyak na dadalhin ko siya sa lupain na kaniyang pinaroonan, at aariin iyon ng kaniyang supling.+ 25  Habang ang mga Amalekita at ang mga Canaanita+ ay nananahanan sa mababang kapatagan, bumalik kayo bukas at lumisan kayo upang humayo sa ilang sa daang patungo sa Dagat na Pula.”+ 26  At nagsalita si Jehova kay Moises at kay Aaron, na sinasabi: 27  “Hanggang kailan magbubulung-bulungan nang ganito laban sa akin ang masamang kapulungang ito?+ Narinig ko ang mga bulung-bulungan ng mga anak ni Israel na pinagbubulung-bulungan nila laban sa akin.+ 28  Sabihin mo sa kanila, ‘“Buháy ako,” ang sabi ni Jehova, “kung hindi gayon ang gagawin ko sa inyo gaya ng sinalita ninyo sa aking pandinig!+ 29  Sa ilang na ito ay mabubuwal ang inyong mga bangkay,+ oo, lahat ng mga rehistrado sa inyo sa buong bilang ninyo mula dalawampung taóng gulang pataas, kayong mga nagbubulung-bulungan laban sa akin.+ 30  Kung tungkol sa inyo, hindi kayo papasok sa lupain na ipinagtaas ko ng aking kamay+ sa panunumpa na tatahanang kasama ninyo, maliban kay Caleb na anak ni Jepune at kay Josue na anak ni Nun.+ 31  “‘“At ang inyong maliliit na bata na sinabi ninyong magiging samsam,+ ang mga ito rin ay tiyak na ipapasok ko, at makikilala nga nila ang lupain na inyong itinakwil.+ 32  Ngunit ang inyo mismong mga bangkay ay mabubuwal sa ilang na ito.+ 33  At ang inyong mga anak ay magiging mga pastol sa ilang+ nang apatnapung taon, at sila ang mananagot dahil sa inyong mga pakikiapid,+ hanggang sa ang inyong mga bangkay ay sumapit sa kanilang kawakasan sa ilang.+ 34  Ayon sa bilang ng mga araw na tiniktikan ninyo ang lupain, apatnapung araw,+ isang araw ay isang taon, isang araw ay isang taon,+ ay mananagot kayo dahil sa inyong mga kamalian nang apatnapung taon,+ upang malaman ninyo kung ano ang kahulugan ng pagiging hiwalay sa akin.+ 35  “‘“Akong si Jehova ang nagsalita kung hindi nga ito ang gagawin ko sa buong masamang kapulungang ito,+ yaong mga nagtitipon laban sa akin: Sa ilang na ito ay sasapit sila sa kanilang kawakasan, at doon sila mamamatay.+ 36  At ang mga lalaki na isinugo ni Moises upang tiktikan ang lupain at nang bumalik ay nagpangyaring ang buong kapulungan ay magbulung-bulungan laban sa kaniya, nang magdala ng masamang ulat laban sa lupain,+ 37  oo, ang mga lalaki na nagdadala ng masamang ulat tungkol sa lupain ay mamamatay sa salot sa harap ni Jehova.+ 38  Ngunit si Josue na anak ni Nun at si Caleb na anak ni Jepune ay tiyak na mananatiling buháy, mula sa mga lalaking iyon na yumaon upang tiktikan ang lupain.”’”+ 39  Nang salitain ni Moises ang mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel, ang bayan ay nagsimulang magdalamhati nang labis-labis.+ 40  Bukod diyan, sila ay maagang bumangon sa kinaumagahan at nagtangkang umahon sa taluktok ng bundok, na sinasabi: “Narito kami, at kailangang umahon kami sa dako na binanggit ni Jehova. Sapagkat kami ay nagkasala.”+ 41  Ngunit sinabi ni Moises: “Bakit nga ninyo nilalampasan ang utos ni Jehova?+ Ngunit iyan ay hindi magtatagumpay. 42  Huwag kayong umahon, sapagkat si Jehova ay wala sa gitna ninyo, upang hindi kayo matalo sa harap ng inyong mga kaaway.+ 43  Sapagkat ang mga Amalekita at ang mga Canaanita ay nariyan sa harap ninyo;+ at tiyak na mabubuwal kayo sa pamamagitan ng tabak, sapagkat, sa dahilang tumalikod kayo mula sa pagsunod kay Jehova, si Jehova ay hindi mananatili sa inyo.”+ 44  Gayunman, sila ay nangahas na umahon sa taluktok ng bundok,+ ngunit ang kaban ng tipan ni Jehova at si Moises ay hindi umalis mula sa gitna ng kampo.+ 45  Nang magkagayon ay bumaba ang mga Amalekita+ at ang mga Canaanita na tumatahan sa bundok na iyon at sinaktan sila at pinangalat sila hanggang sa Horma.+

Talababa