Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Bibliya Online

BAGONG SANLIBUTANG SALIN NG BANAL NA KASULATAN

2 Hari 2:1-25

2  At nangyari, nang kukunin na ni Jehova si Elias+ sa pamamagitan ng isang buhawi patungo sa langit,+ si Elias at si Eliseo+ ay humayo mula sa Gilgal.+  At si Elias ay nagsimulang magsabi kay Eliseo: “Umupo ka rito, pakisuyo, sapagkat isinugo ako ni Jehova hanggang sa Bethel.” Ngunit sinabi ni Eliseo: “Buháy si Jehova+ at buháy ang iyong kaluluwa,+ hindi kita iiwan.”+ Kaya lumusong sila sa Bethel.+  Nang magkagayon ang mga anak ng mga propetang+ nasa Bethel ay pumaroon kay Eliseo at nagsabi sa kaniya: “Talaga bang alam mo na ngayon ay kukunin ni Jehova ang iyong panginoon mula sa pagkaulo sa iyo?”+ Sa gayon ay sinabi niya: “Alam na alam ko rin iyon.+ Tumahimik kayo.”  Sinabi ngayon ni Elias sa kaniya: “Eliseo, umupo ka rito, pakisuyo, sapagkat isinugo ako ni Jehova sa Jerico.”+ Ngunit sinabi niya: “Buháy si Jehova at buháy ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan.” Kaya pumaroon sila sa Jerico.  Nang magkagayon ang mga anak ng mga propetang nasa Jerico ay lumapit kay Eliseo at nagsabi sa kaniya: “Talaga bang alam mo na ngayon ay kukunin ni Jehova ang iyong panginoon mula sa pagkaulo sa iyo?” Sa gayon ay sinabi niya: “Alam na alam ko rin iyon. Tumahimik kayo.”+  Sinabi ngayon ni Elias sa kaniya: “Umupo ka rito, pakisuyo, sapagkat isinugo ako ni Jehova sa Jordan.”+ Ngunit sinabi niya: “Buháy si Jehova at buháy ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan.”+ Kaya yumaon silang dalawa.  At may limampung lalaki mula sa mga anak ng mga propeta na yumaon at nanatiling nakatayong abot-tanaw sa malayo;+ ngunit, kung tungkol sa kanilang dalawa, tumayo sila sa tabi ng Jordan.  Nang magkagayon ay kinuha ni Elias ang kaniyang opisyal na kasuutan+ at tiniklop iyon at hinampas ang tubig, at unti-unting nahati iyon patungo rito at patungo roon, kaya tumawid silang dalawa sa tuyong lupa.+  At nangyari, nang makatawid na sila, sinabi ni Elias kay Eliseo: “Hilingin mo kung ano ang gagawin ko para sa iyo bago ako kunin mula sa iyo.”+ Dito ay sinabi ni Eliseo: “Pakisuyo, na dalawang bahagi+ ng iyong espiritu+ ay mapasaakin.”+ 10  Sa gayon ay sinabi niya: “Mahirap na bagay ang iyong hiniling.+ Kung makikita mo akong kinukuha mula sa iyo, gayon ang mangyayari sa iyo; ngunit kung hindi, hindi iyon mangyayari.” 11  At nangyari, habang naglalakad sila, na nag-uusap habang sila ay naglalakad, aba, narito! isang maapoy na karong pandigma+ at maaapoy na kabayo, at silang dalawa ay pinaghiwalay ng mga iyon; at si Elias ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng buhawi.+ 12  Samantala, nakikita iyon ni Eliseo, at siya ay sumisigaw: “Ama ko, ama ko,+ ang karong pandigma ng Israel at ang kaniyang mga mangangabayo!”+ At hindi na niya siya nakita pa. Dahil dito ay hinawakan niya ang kaniyang sariling mga kasuutan at pinunit sa dalawang piraso.+ 13  Pagkatapos ay pinulot niya ang opisyal na kasuutan+ ni Elias na nahulog mula sa kaniya, at bumalik at tumayo sa tabi ng baybayin ng Jordan. 14  Pagkatapos ay kinuha niya ang opisyal na kasuutan ni Elias na nahulog mula sa kaniya at hinampas ang tubig+ at sinabi: “Nasaan si Jehova na Diyos ni Elias, Siya mismo?”+ Nang hampasin niya ang tubig, iyon ay unti-unting nahati patungo rito at patungo roon, kung kaya si Eliseo ay tumawid. 15  Nang makita siya sa malayo ng mga anak ng mga propetang nasa Jerico, sila ay nagsimulang magsabi: “Ang espiritu+ ni Elias ay suma kay Eliseo.” Sa gayon ay pumaroon sila upang salubungin siya at yumukod+ sa kaniya sa lupa. 16  At sinabi nila sa kaniya: “Narito, ngayon, may limampung lalaki na kasama ng iyong mga lingkod, magigiting na tao. Payaunin mo sila, pakisuyo, at hanapin nila ang iyong panginoon. Maaaring itinaas siya ng espiritu+ ni Jehova at pagkatapos ay inihagis siya sa isa sa mga bundok o sa isa sa mga libis.” Ngunit sinabi niya: “Huwag ninyo silang isugo.” 17  At patuloy nila siyang pinipilit hanggang sa siya ay mapahiya, kung kaya sinabi niya: “Magsugo kayo.” Sila ngayon ay nagsugo ng limampung lalaki; at patuloy silang naghanap sa loob ng tatlong araw, ngunit hindi nila siya nasumpungan. 18  Nang bumalik sila sa kaniya, siya ay tumatahan sa Jerico.+ Nang magkagayon ay sinabi niya sa kanila: “Hindi ba sinabi ko sa inyo, ‘Huwag kayong humayo’?” 19  Sa kalaunan ang mga lalaki ng lunsod ay nagsabi kay Eliseo: “Narito, ngayon, ang kalagayan ng lunsod ay mabuti,+ gaya ng nakikita ng panginoon ko; ngunit ang tubig+ ay masama, at ang lupain ay nagpapangyari ng mga pagkalaglag.”+ 20  Sa gayon ay sinabi niya: “Ikuha ninyo ako ng isang bagong mangkok na maliit at lagyan ninyo iyon ng asin.” Kaya kinuha nila iyon para sa kaniya. 21  Nang magkagayon ay lumabas siya patungo sa pinagmumulan ng tubig at naghagis doon ng asin+ at nagsabi: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Ginagawa ko ngang nakapagpapalusog ang tubig na ito.+ Hindi na ito panggagalingan ng kamatayan o ng anumang sanhi ng mga pagkalaglag.’ ” 22  At ang tubig ay nanatiling mabuti hanggang sa araw na ito,+ ayon sa salita ni Eliseo na kaniyang sinalita. 23  At umahon siya sa Bethel+ mula roon. Habang siya ay umaahon sa daan, may maliliit na batang lalaki+ na lumabas mula sa lunsod at nagsimulang mangutya+ sa kaniya at patuloy na nagsasabi sa kaniya: “Umahon ka, kalbo!+ Umahon ka, kalbo!” 24  Sa gayon ay lumingon siya sa likuran niya at nakita sila at isinumpa+ sila sa pangalan ni Jehova. Nang magkagayon ay dalawang osong-babae+ ang lumabas mula sa kakahuyan at niluray ang apatnapu’t dalawang bata sa kanila.+ 25  At nagpatuloy siyang yumaon mula roon patungo sa Bundok Carmel,+ at mula roon ay bumalik siya sa Samaria.

Talababa