Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Bibliya Online

BAGONG SANLIBUTANG SALIN NG BANAL NA KASULATAN

1 Hari 7:1-51

7  At ang kaniyang sariling bahay ay itinayo ni Solomon sa loob ng labintatlong taon,+ anupat natapos niya ang kaniyang sariling buong bahay.+  At itinayo niya ang Bahay ng Kagubatan ng Lebanon+ na ang haba ay isang daang siko, at ang lapad ay limampung siko, at ang taas ay tatlumpung siko, sa ibabaw ng apat na hanay ng haligi na tablang sedro; at may mga biga+ na tablang sedro sa ibabaw ng mga haligi.  At iyon ay napalilibutan ng entrepanyo na tablang sedro+ sa itaas sa ibabaw ng mga barakilang nasa ibabaw ng apatnapu’t limang haligi. May labinlima sa isang hanay.  Kung tungkol sa mga bintanang may hamba, may tatlong hanay, at may isang bukasan para sa liwanag+ na katapat ng isang bukasan para sa liwanag sa tatlong baytang.  At ang lahat ng pasukan at mga poste ng pinto ay eskuwalado sa hamba,+ at gayundin ang pinakaharap ng bukasan para sa liwanag na katapat ng isang bukasan para sa liwanag sa tatlong baytang.  At ang Beranda ng mga Haligi ay ginawa niyang limampung siko ang haba, at tatlumpung siko ang lapad; at may isa pang beranda sa harap ng mga iyon na may mga haligi at isang kulandong sa harap ng mga iyon.  Kung tungkol sa Beranda ng Trono+ na paghahatulan niya, ginawa niya ang beranda ng paghatol;+ at pinalibutan nila iyon ng tablang sedro mula sa sahig hanggang sa mga tahilan.+  Kung tungkol sa kaniyang bahay na tatahanan niya, sa kabilang looban,+ malayo iyon sa bahay na bahagi ng Beranda. Gayon ang kayarian niyaon. At may isang bahay na tulad ng Berandang ito na itinayo niya para sa anak ni Paraon,+ na kinuha ni Solomon.  Ang lahat ng ito ay yari sa mamahaling+ mga bato ayon sa mga sukat, tinabas, nilagari ng mga lagaring para sa bato, sa loob at sa labas, at mula sa pundasyon hanggang sa pinakatuktok, at sa labas hanggang sa malaking looban.+ 10  At ang mamahaling mga bato na inilatag bilang pundasyon ay malalaking bato, mga bato na sampung siko, at mga bato na walong siko. 11  At sa itaas ay may mamahaling mga bato ayon sa mga sukat, tinabas, at mayroon ding tablang sedro. 12  Kung tungkol sa malaking looban, sa palibot ay may tatlong hanay+ ng tinabas na bato at isang hanay ng mga biga na tablang sedro; at ito rin ang para sa pinakaloob+ na looban ng bahay+ ni Jehova, at para sa beranda+ ng bahay. 13  At nagsugo si Haring Solomon at sinundo si Hiram+ mula sa Tiro. 14  Siya ay anak ng isang babaing nabalo mula sa tribo ni Neptali, at ang kaniyang ama ay isang lalaking taga-Tiro,+ isang manggagawa sa tanso;+ at siya ay punô ng karunungan at ng unawa+ at ng kaalaman sa paggawa ng bawat uri ng gawa sa tanso. Sa gayon ay pumaroon siya kay Haring Solomon at pinasimulan niyang gawin ang lahat ng kaniyang gawain. 15  Nang magkagayon ay inihulma niya ang dalawang haliging tanso,+ na ang taas ng bawat haligi ay labingwalong siko, at isang pisi na labindalawang siko ang maisusukat sa palibot ng bawat isa sa dalawang haligi.+ 16  At dalawang kapital ang kaniyang ginawa upang ilagay sa ibabaw ng mga haligi, na inihulma sa tanso.+ Limang siko ang taas ng isang kapital, at limang siko ang taas ng kabilang kapital. 17  May mga lambat na kayariang tila lambat, mga palamuting pilipit na yaring-tanikala,+ para sa mga kapital na nasa ibabaw ng mga haligi;+ pito para sa isang kapital, at pito para sa kabilang kapital. 18  At ginawa niya ang mga granada at may dalawang hanay sa palibot ng isang kayariang tila lambat upang tumakip sa mga kapital na nasa ibabaw ng mga haligi; at ganiyan ang ginawa niya para sa kabilang kapital.+ 19  At ang mga kapital na nasa ibabaw ng mga haligi sa beranda ay mga yaring liryo,+ na apat na siko. 20  At ang mga kapital ay nasa ibabaw ng dalawang haligi, gayundin sa itaas malapit sa tabi ng pinakatiyan na karugtong ng kayariang tila lambat; at may dalawang daang granada+ na hanay-hanay sa buong palibot sa bawat kapital. 21  At itinayo niya ang mga haligi+ na bahagi ng beranda+ ng templo. Kaya itinayo niya ang haligi sa kanan at tinawag na Jakin ang pangalan nito, at pagkatapos ay itinayo niya ang haligi sa kaliwa at tinawag na Boaz ang pangalan nito. 22  At sa ibabaw ng mga haligi ay may yaring liryo. At ang paggawa sa mga haligi ay unti-unting natapos. 23  At ginawa niya ang binubong dagat+ na sampung siko mula sa isang labi nito hanggang sa kabilang labi nito, pabilog sa buong palibot; at ang taas nito ay limang siko, at nangailangan ng isang pising tatlumpung siko upang mapaikutan ito sa buong palibot.+ 24  At may mga palamuting+ hugis-upo+ sa ibaba ng labi nito sa buong palibot, na pinalilibutan ito, sampu sa isang siko, na pinaliligiran ang dagat sa buong palibot,+ na may dalawang hanay ng mga palamuting hugis-upo na inihulma sa hulmahan nito. 25  Ito ay nakapatong sa ibabaw ng labindalawang toro,+ tatlo ang nakaharap sa hilaga, at tatlo ang nakaharap sa kanluran, at tatlo ang nakaharap sa timog, at tatlo ang nakaharap sa silangan; at ang dagat ay nakapatong sa ibabaw ng mga ito, at ang lahat ng kanilang mga hulihang bahagi ay tungo sa gitna.+ 26  At ang kapal nito ay sinlapad-ng-kamay;+ at ang labi nito ay tulad ng kayarian ng labi ng isang kopa, isang bulaklak na liryo.+ Dalawang libong takal na bat+ ang mailalaman nito.+ 27  At gumawa siya ng sampung karwahe+ na yari sa tanso, na ang haba ng bawat karwahe ay apat na siko, at ang lapad nito ay apat na siko, at ang taas nito ay tatlong siko. 28  At ito ang kayarian ng mga karwahe: ang mga iyon ay may mga panggilid na dingding, at ang mga panggilid na dingding ay nasa pagitan ng mga pahalang na barakilan. 29  At sa mga panggilid na dingding na nasa pagitan ng mga pahalang na barakilan ay may mga leon,+ mga toro+ at mga kerubin,+ at sa ibabaw ng mga pahalang na barakilan ay gayon nga. Sa itaas at sa ilalim ng mga leon at ng mga toro ay may mga tirintas+ na nakabitin. 30  At may apat na gulong na yari sa tanso sa bawat karwahe, na may mga ehe na yari sa tanso; at ang apat na panulok nito ay mga suhay para sa mga iyon. Sa ilalim ng hugasan ay may mga suhay, na hinulmahan ng mga tirintas sa tapat ng bawat isa. 31  At ang bunganga nito mula sa loob hanggang sa mga suhay at paitaas ay [?] siko; at ang bunganga nito ay bilog, ang kayarian ng isang patungan na isang siko at kalahati, at sa bunganga rin nito ay may mga inukit. At ang mga panggilid na dingding ng mga iyon ay eskuwalado, hindi bilog. 32  At ang apat na gulong ay nasa ibaba ng mga panggilid na dingding, at ang mga suhay ng mga gulong ay nasa tabi ng karwahe; at ang taas ng bawat gulong ay isang siko at kalahati. 33  At ang kayarian ng mga gulong ay tulad ng kayarian ng gulong+ ng karo. Ang mga suhay nito at ang mga liyanta nito at ang mga rayos nito at ang mga boha nito, ang lahat ng ito ay inihulma. 34  At may apat na suhay sa apat na panulukan ng bawat karwahe; ang mga suhay nito kasama ng karwahe ay yari sa iisang piraso. 35  At sa ibabaw ng karwahe ay may patungan na kalahating siko ang taas, pabilog sa buong palibot; at sa ibabaw ng karwahe ang mga gilid nito at ang mga panggilid na dingding nito kasama niyaon ay yari sa iisang piraso. 36  Higit pa riyan, naglilok+ siya sa mga lamina ng mga gilid nito at sa mga panggilid na dingding nito ng mga kerubin, mga leon at mga larawan ng puno ng palma ayon sa bakanteng espasyo ng bawat isa, at ng mga tirintas sa buong palibot.+ 37  Ganito niya ginawa ang sampung karwahe;+ ang lahat ng iyon ay may iisang hulma,+ iisang sukat, iisang hugis. 38  At gumawa siya ng sampung hugasan+ na yari sa tanso. Apatnapung takal na bat ang mailalaman sa bawat hugasan. Ang bawat hugasan ay apat na siko. May isang hugasan sa ibabaw ng bawat karwahe para sa sampung karwahe. 39  Pagkatapos ay naglagay siya ng limang karwahe sa kanang panig ng bahay, at lima sa kaliwang panig ng bahay;+ at ang dagat ay inilagay niya sa kanang panig ng bahay sa gawing silangan, sa gawing timog.+ 40  At ginawa ni Hiram+ ang mga hugasan+ at ang mga pala+ at ang mga mangkok.+ Nang maglaon ay natapos+ ni Hiram na gawin ang lahat ng gawain na ginawa niya para kay Haring Solomon kung tungkol sa bahay ni Jehova: 41  Ang dalawang haligi+ at ang hugis-mangkok na mga kapital+ na nasa ibabaw ng dalawang haligi, at ang dalawang kayariang tila lambat+ upang tumakip sa dalawang bilog na kapital na nasa ibabaw ng mga haligi, 42  at ang apat na raang granada+ para sa dalawang kayariang tila lambat, dalawang hanay ng mga granada sa bawat kayariang tila lambat, upang tumakip sa dalawang hugis-mangkok na kapital na nasa ibabaw ng dalawang haligi; 43  at ang sampung karwahe+ at ang sampung hugasan+ sa ibabaw ng mga karwahe, 44  at ang isang dagat+ at ang labindalawang torong nasa ilalim ng dagat;+ 45  at ang mga lata at ang mga pala at ang mga mangkok at ang lahat ng kagamitang ito,+ na ginawa ni Hiram mula sa pinakintab na tanso para kay Haring Solomon para sa bahay ni Jehova. 46  Sa Distrito ng Jordan+ nga inihulma ng hari ang mga iyon sa moldeng luwad, sa pagitan ng Sucot+ at Zaretan.+ 47  At hinayaan ni Solomon na hindi na timbangin ang lahat ng mga kagamitan+ dahil sa lubhang pambihirang dami.+ Ang timbang ng tanso ay hindi na inalam.+ 48  At unti-unting ginawa ni Solomon ang lahat ng mga kagamitang nauukol sa bahay ni Jehova, ang altar+ na ginto at ang mesa+ na kinaroroonan ng tinapay na pantanghal, na yari sa ginto, 49  at ang mga kandelero,+ lima sa kanan at lima sa kaliwa sa harap ng kaloob-loobang silid, na yari sa dalisay na ginto,+ at ang mga bulaklak+ at ang mga lampara+ at ang mga pamatay-apoy,+ na yari sa ginto, 50  at ang mga hugasan at ang mga pamatay ng apoy+ at ang mga mangkok+ at ang mga kopa+ at ang mga lalagyan ng apoy,+ na yari sa dalisay na ginto, at ang mga paikutan para sa mga pinto+ ng pinakaloob na bahay, samakatuwid ay ang Kabanal-banalan, at para sa mga pinto+ ng bahay ng templo,+ na yari sa ginto. 51  Sa wakas ay natapos na ang lahat ng gawaing kinailangang gawin ni Haring Solomon kung tungkol sa bahay ni Jehova;+ at pinasimulang ipasok ni Solomon ang mga bagay na pinabanal ni David na kaniyang ama;+ ang pilak at ang ginto at ang mga kagamitan ay inilagay niya sa kabang-yaman ng bahay ni Jehova.+

Talababa