Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Tularan ang Kanilang Pananampalataya

 KABANATA 1

“Siya, Bagaman Namatay Siya, ay Nagsasalita Pa”

“Siya, Bagaman Namatay Siya, ay Nagsasalita Pa”

1. Bakit hindi makapasok sa hardin ng Eden ang pamilya nina Adan at Eva, at ano ang tanging hangad ni Abel?

PINAGMAMASDAN ni Abel ang kaniyang kawan ng mga tupa habang nanginginain ang mga ito sa gilid ng burol. Mula sa kinaroroonan niya, marahil ay tumingin siya sa malayo at natanaw ang isang malamlam na liwanag. Alam niyang iyon ang nagliliyab na tabak na patuloy na umiikot at humaharang sa pasukán ng hardin ng Eden. Doon nakatira noon ang mga magulang niya, pero hindi na sila puwedeng pumasok doon, kahit ang kanilang mga anak. Habang humihihip ang hangin sa dapit-hapon, tumingala si Abel sa langit at inisip ang kaniyang Maylalang. Maaayos pa kaya ang kaugnayan ng tao sa Diyos? Iyan ang tanging hangad ni Abel.

2-4. Sa anong diwa nagsasalita sa atin si Abel ngayon?

2 Si Abel ay nagsasalita sa iyo ngayon. Naririnig mo ba siya? Baka isipin mong imposible iyan dahil halos 6,000 taon nang patay ang ikalawang anak na ito ni Adan. Tungkol sa mga patay, ganito ang itinuturo ng Bibliya: “Sila ay walang anumang kabatiran.” (Ecles. 9:5, 10) Isa pa, ang Bibliya ay walang anumang iniulat na pananalita ni Abel. Kaya paano siya nagsasalita sa atin ngayon?

3 Tungkol kay Abel, ipinasulat ng Diyos kay apostol Pablo: “Sa pamamagitan nito siya, bagaman namatay siya, ay nagsasalita pa.” (Basahin ang Hebreo 11:4.) Sa pamamagitan ng ano nagsasalita si Abel? Sa pamamagitan ng pananampalataya. Si Abel ang unang taong nagtaglay ng napakagandang katangiang ito. Nagpakita siya ng napakahusay na halimbawa ng pananampalataya na matutularan natin ngayon. Kung matututo tayo sa kaniyang pananampalataya at sisikapin nating tularan ito, masasabing nagsasalita sa atin si Abel at naririnig natin siya.

4 Pero ano ang matututuhan natin kay Abel at sa kaniyang pananampalataya kung kaunti lang ang ulat ng Bibliya tungkol sa kaniya? Tingnan natin.

 Nabuhay sa Panahon ng “Pagkakatatag ng Sanlibutan”

5. Ano ang kahulugan ng pananalita ni Jesus na nag-uugnay kay Abel sa “pagkakatatag ng sanlibutan”? (Tingnan din ang talababa.)

5 Isinilang si Abel sa pasimula ng kasaysayan ng tao. Iniugnay siya ni Jesus sa “pagkakatatag ng sanlibutan.” (Basahin ang Lucas 11:50, 51.) Maliwanag na ang tinutukoy rito ni Jesus ay ang sanlibutan ng mga tao na maaaring tubusin mula sa kasalanan. Bagaman si Abel ang ikaapat na taong nabuhay, lumilitaw na siya ang unang taong nakita ng Diyos na maaaring tubusin. * Maliwanag na lumaki si Abel na walang magandang halimbawang matutularan.

6. Paano mailalarawan ang mga magulang ni Abel?

6 Nagsisimula pa lang ang kasaysayan ng tao, nabalot na ito ng kalungkutan. Ang mga magulang ni Abel, sina Adan at Eva, ay malamang na larawan ng kagandahan at kalakasan. Gayunman, gumawa sila ng napakalaking pagkakamali, at alam nila iyon. Sakdal sila noon at maaari sanang mabuhay magpakailanman. Pero nagrebelde sila sa Diyos na Jehova kaya pinalayas sila sa kanilang Paraisong tahanan, ang hardin ng Eden. Dahil mas inuna nila ang kanilang pagnanasa kaysa sa anupamang bagay—kahit sa pangangailangan ng kanilang mga supling—naiwala nila ang kasakdalan at ang walang-hanggang buhay.Gen. 2:15–3:24.

7, 8. Ano ang sinabi ni Eva nang isilang niya si Cain, at ano ang maaaring nasa isip niya?

7 Mahirap ang buhay nina Adan at Eva sa labas ng hardin. Pero  nang isilang ang kanilang panganay, pinangalanan nila itong Cain, o “Isang Bagay na Iniluwal,” at sinabi ni Eva: “Ako ay nagluwal ng isang lalaki sa tulong ni Jehova.” Ipinahihiwatig nito na maaaring nasa isip niya ang pangako ni Jehova sa hardin, nang ihula Niya na isang babae ang magluluwal ng “binhi,” o supling, na pupuksa sa napakasamang espiritu na umakay kina Adan at Eva na magkasala. (Gen. 3:15; 4:1) Inisip kaya ni Eva na siya ang babae sa hula at si Cain ang ipinangakong “binhi”?

8 Kung oo, maling-mali siya. At kung iyan ang itinanim nilang mag-asawa sa isip ni Cain, tinuruan lang nilang maging hambog ang kanilang anak. Muling nagkaanak si Eva, pero wala siyang sinabing maganda tungkol sa sanggol na ito. Pinangalanan nila itong Abel, na maaaring nangangahulugang “Singaw,” o “Kawalang-kabuluhan.” (Gen. 4:2) Ipinahihiwatig kaya ng pangalang ito na walang gaanong inaasahan sina Adan at Eva kay Abel kumpara kay Cain? Posible.

9. Ano ang matututuhan ng mga magulang sa ginawa nina Adan at Eva?

9 Maraming matututuhan ang mga magulang sa ginawa nina Adan at Eva. Sa inyong sinasabi at ginagawa, natuturuan ba ninyo ang inyong mga anak na maging hambog, ambisyoso, at makasarili? O natuturuan ninyo sila na mahalin ang Diyos na Jehova at makipagkaibigan sa kaniya? Nakalulungkot, nabigo sina Adan at Eva sa kanilang responsibilidad. Pero may pag-asa ang kanilang mga supling.

Kung Paano Nagkaroon ng Pananampalataya si Abel

10, 11. Ano ang naging trabaho nina Cain at Abel, at nagkaroon ng anong katangian si Abel?

10 Habang lumalaki sina Cain at Abel, malamang na sinanay sila ni Adan na magtrabaho para mapaglaanan ang pamilya. Naging magsasaka si Cain at pastol naman si Abel.

11 Pero may nagawa si Abel na di-hamak na mas mahalaga. Sa paglipas ng panahon, nagkaroon siya ng pananampalataya—ang magandang katangiang binanggit ni Pablo nang maglaon. Pag-isipan ito! Walang tao noon na nagsilbing mabuting halimbawa kay Abel. Kaya paano siya nagkaroon ng pananampalataya sa Diyos na Jehova? Tingnan natin ang tatlong posibleng dahilan.

12, 13. Paano maaaring nakatulong ang pagmamasid sa mga nilalang ni Jehova para tumibay ang pananampalataya ni Abel?

12 Mga nilalang ni Jehova. Totoo, isinumpa ni Jehova ang lupa, kaya sumibol ang mga tinik at dawag na nakaapekto sa agrikultura. Pero sagana pa ring naglaan ng pagkain ang lupa para kina Abel. At hindi naman isinumpa ang mga hayop, gaya ng mga ibon at isda; ni ang mga bundok, lawa, ilog, at dagat; ni ang langit, ulap, araw, buwan, at mga bituin. Saanman tumingin si Abel, nakikita niya ang katibayan ng dakilang pag-ibig, karunungan, at kabutihan ng Diyos na Jehova, ang isa na lumalang sa lahat ng bagay. (Basahin ang  Roma 1:20.) Walang-alinlangang tumibay ang pananampalataya ni Abel dahil binubulay-bulay niya ang mga bagay na ito.

Nakita ni Abel sa mga nilalang ang isang matibay na dahilan para manampalataya sa maibiging Maylalang

13 Tiyak na lagi ring iniisip ni Abel ang kaugnayan niya sa Diyos. Gunigunihin si Abel habang nagpapastol ng kawan. Ang isang pastol ay lakad nang lakad. Inaakay niya ang maaamong hayop na ito sa mga burol, libis, at patawid sa mga ilog—para humanap ng pinakasariwang damo, pinakamainam na bukal ng tubig, at pinakaligtas na pahingahang-dako. Sa lahat ng nilalang ng Diyos, ang mga tupa ang tila walang kalaban-laban, na para bang nilikha ang mga ito na nangangailangan ng gabay at proteksiyon ng tao. Naisip kaya ni Abel na kailangan din niya ng gabay, proteksiyon, at pangangalaga ng Isa na mas matalino at mas makapangyarihan kaysa sa sinumang tao? Tiyak na kasama iyan sa mga panalangin ni Abel, at lalong tumibay ang kaniyang pananampalataya dahil dito.

14, 15. Dahil sa mga pangako ni Jehova, ano ang maaaring bulay-bulayin ni Abel?

14 Mga pangako ni Jehova. Tiyak na ikinuwento nina Adan at Eva sa kanilang mga anak kung bakit sila pinalayas sa hardin ng Eden. Kaya maraming puwedeng bulay-bulayin si Abel.

15 Sinabi ni Jehova na susumpain ang lupa. Kitang-kita ni Abel ang mga tinik at dawag na katuparan ng sinabi ng Diyos. Inihula rin ni Jehova na mahihirapan si Eva sa pagdadalang-tao at panganganak. Nang isilang ang mga kapatid ni Abel, napatunayan niyang nagkatotoo rin ang hulang iyon ni Jehova. Patiunang nakita ni Jehova na makadarama si Eva ng labis na paghahangad sa pagmamahal at atensiyon ng kaniyang asawa, at na pamumunuan naman siya ni Adan. Nasaksihan ni Abel ang malungkot na katotohanang iyan. Sa lahat ng iyon, napatunayan ni Abel na lubusang mapananaligan ang salita ni Jehova. Kaya may matitibay na dahilan si Abel para manampalataya sa pangako ng Diyos tungkol sa isang “binhi,” o supling, na magtutuwid sa pagkakamaling nagsimula sa Eden.Gen. 3:15-19.

16, 17. Ano ang maaaring natutuhan ni Abel sa mga kerubin ni Jehova?

16 Mga lingkod ni Jehova. Si Abel ay walang naging mabuting huwaran mula sa kaniyang pamilya. Pero hindi lang naman mga tao ang matatalinong nilalang sa lupa noong panahong iyon. Nang palayasin  sina Adan at Eva sa hardin, tiniyak ni Jehova na hindi sila makapapasok sa Paraisong lupang iyon, ni ang kanilang mga anak. Para mabantayan ang pasukán, naglagay roon si Jehova ng mga kerubin—mga anghel na napakataas ng ranggo—at ng nagliliyab na tabak na patuloy na umiikot.Basahin ang Genesis 3:24.

17 Isip-isipin ang nadarama ng batang si Abel kapag nakikita niya ang mga kerubing iyon. Sa kanilang anyong tao, kitang-kita na napakamakapangyarihan nila. At kamangha-mangha rin ang “tabak” na iyon na patuloy na nagliliyab at umiikot. Habang lumalaki si Abel, nakita ba niyang nainip ang mga kerubing iyon at umalis sa kanilang puwesto? Hindi. Araw at gabing nanatili roon ang matatalino at makapangyarihang mga nilalang na iyon kahit pa lumipas ang mga taon at mga dekada. Kaya natutuhan ni Abel na may matuwid at tapat na mga lingkod ang Diyos na Jehova. Nakita niya sa mga kerubing iyon ang katapatan at pagkamasunurin kay Jehova na wala sa kaniyang pamilya. Tiyak na napatibay ng mga anghel na iyon ang pananampalataya ni Abel.

Sa buong buhay ni Abel, nakita niya na ang mga kerubin ay tapat at masunuring mga lingkod ni Jehova

18. Anu-ano ang magpapatibay ng ating pananampalataya sa ngayon?

18 Sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa mga nilalang ni Jehova, sa kaniyang mga pangako, at sa halimbawa ng kaniyang mga anghel, tiyak na napatibay nang husto ang pananampalataya ni Abel. Talaga ngang marami tayong matututuhan sa halimbawa niya! Lalo nang mapatitibay nito ang mga kabataan dahil puwede pala silang magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos na Jehova, kahit hindi mabuting huwaran ang kanilang mga kapamilya. Sa ngayon, marami tayong dahilan para mapatibay ang ating pananampalataya —ang mga kamangha-manghang nilalang, ang Bibliya, at ang halimbawa ng mga taong may pananampalataya.

Kung Bakit Nakahihigit ang Hain ni Abel

19. Nang maglaon, anong mahalagang katotohanan ang naunawaan ni Abel?

19 Habang tumitibay ang pananampalataya ni Abel kay Jehova, gusto niyang ipakita ang pananampalatayang iyon. Pero ano ang maibibigay ng isang hamak na tao sa Maylalang ng uniberso? Maliwanag na hindi kailangan ng Diyos ng anumang regalo o tulong mula sa mga tao. Nang maglaon, naunawaan ni Abel ang isang napakahalagang katotohanan: Kung ihahandog niya kay Jehova ang pinakamabuti niyang maibibigay nang may tamang motibo, malulugod ang kaniyang maibiging Ama.

Naghandog si Abel taglay ang pananampalataya, pero hindi si Cain

20, 21. Ano ang inihandog ni Cain at ni Abel kay Jehova, at paano siya tumugon?

20 Kumuha si Abel ng mga tupang ihahandog mula sa kaniyang kawan. Pinili niya ang pinakamalulusog, ang mga panganay, at ang sa tingin niya ay pinakamaiinam na bahagi ng mga iyon. Sinikap din ni Cain na matamo ang pagpapala at pagsang-ayon ng Diyos, kaya naghanda siya ng ihahandog mula sa kaniyang mga pananim. Pero magkaiba ang kanilang motibo. At nakita iyan nang iharap nila sa Diyos ang kanilang mga handog.

21 Malamang na parehong gumamit ng altar at apoy ang dalawang anak na ito ni Adan nang maghandog sila, marahil malapit sa mga kerubin, ang tanging mga kinatawan ni Jehova sa lupa noong panahong iyon. Tumugon si Jehova! Mababasa natin: “Si Jehova ay nagpakita ng paglingap kay Abel at sa kaniyang handog.” (Gen. 4:4) Hindi sinasabi sa Bibliya kung paano ipinakita ng Diyos ang kaniyang paglingap.

22, 23. Bakit nilingap ni Jehova ang handog ni Abel?

22 Bakit nilingap ng Diyos si Abel? Dahil ba sa kaniyang hain? Buháy na nilalang ang inihandog niya at ibinuhos ang dugo ng mga ito na kumakatawan sa buhay. Alam kaya ni Abel kung gaano kahalaga ang gayong hain? Maraming siglo pagkamatay ni Abel, ginamit ng Diyos ang walang-kapintasang kordero para lumarawan sa hain ng Kaniyang sakdal na Anak, “ang Kordero ng Diyos,” na ang walang-salang dugo ay ititigis. (Juan 1:29; Ex. 12:5-7) Pero malamang na walang kaalam-alam si Abel sa mga bagay na ito.

23 Isang bagay ang tiyak: Inihandog ni Abel ang pinakamabuting maibibigay niya. Nilingap ni Jehova, hindi lang ang handog, kundi pati ang taong naghandog nito. Pag-ibig at tunay na pananampalataya kay Jehova ang nagpakilos kay Abel na maghandog.

24. (a) Bakit masasabi na wala namang problema sa handog ni Cain? (b) Sa anong diwa katulad ni Cain ang maraming tao sa ngayon?

24 Pero iba naman sa kaso ni Cain. Si Jehova ay “hindi nagpakita ng anumang paglingap kay Cain at sa kaniyang handog.” (Gen.  4:5) Wala namang problema sa handog ni Cain; nang maglaon, ipinahintulot sa Kautusan ng Diyos ang paghahandog ng mga ani. (Lev. 6:14, 15) Pero sinasabi ng Bibliya tungkol kay Cain na “ang kaniyang sariling mga gawa ay balakyot.” (Basahin ang 1 Juan 3:12.) Gaya ng marami sa ngayon, maliwanag na inakala ni Cain na sapat na ang pakitang-taong debosyon sa Diyos. Ang kawalan niya ng tunay na pananampalataya o pag-ibig kay Jehova ay agad na nakita sa sumunod niyang mga ginawa.

25, 26. Ano ang babala ni Jehova kay Cain, pero ano ang ginawa ni Cain?

25 Nang makita ni Cain na hindi niya natamo ang lingap ni Jehova, sinikap ba niyang matuto mula sa halimbawa ni Abel? Hindi. Nag-init siya sa galit sa kaniyang kapatid. Nakita ni Jehova ang laman ng puso ni Cain kaya matiyagang sinikap ni Jehova na mangatuwiran sa kaniya. Binabalaan ng Diyos si Cain na ang kaniyang landasin ay maaaring humantong sa malubhang pagkakasala, at nangako si Jehova ng “pagkakataas” kung magbabago siya.Gen. 4:6, 7.

26 Hindi nakinig si Cain sa babala ng Diyos. Niyaya niya sa parang ang kaniyang nakababatang kapatid at doon niya ito sinaktan at pinatay. (Gen. 4:8) Kaya masasabing si Abel ang unang biktima ng pag-uusig dahil sa relihiyon, ang unang martir. Patay na siya, pero hindi riyan nagtapos ang kuwento niya.

27. (a) Bakit tayo nakatitiyak na bubuhaying muli si Abel? (b) Ano ang dapat nating gawin para tiyak na makita natin si Abel sa hinaharap?

27 Sa diwa, ang dugo ni Abel ay sumisigaw sa Diyos na Jehova para sa paghihiganti, o katarungan. At tiniyak ng Diyos na mabigyan siya ng katarungan nang parusahan Niya ang napakasamang si Cain sa ginawa nitong krimen. (Gen. 4:9-12) Mas mahalaga, ang rekord ng pananampalataya ni Abel ay nagsasalita sa atin hanggang sa ngayon. Ang buhay ni Abel—marahil mga isang daang taon ang itinagal—ay maikli kumpara sa haba ng buhay ng mga tao noon. Pero hindi niya sinayang ang mga taon ng kaniyang buhay. Namatay man siya, alam niyang natamo niya ang pag-ibig at pagsang-ayon ng kaniyang Ama sa langit, si Jehova. (Heb. 11:4) Kaya nakatitiyak tayong iniingatan siya ni Jehova sa Kaniyang walang-hanggang alaala at naghihintay na buhaying muli sa isang paraisong lupa. (Juan 5:28, 29) Magkikita kaya kayo roon? Posible iyan kung determinado kang makinig sa sinasabi ni Abel at tularan ang kaniyang pananampalataya.

^ par. 5 Ang pananalitang “pagkakatatag ng sanlibutan” ay nauugnay sa paghahagis ng binhi, na nagpapahiwatig ng pag-aanak, kaya may kinalaman ito sa unang supling ng tao. Pero bakit si Abel ang iniugnay ni Jesus sa “pagkakatatag ng sanlibutan” at hindi ang panganay na si Cain? Makikita sa mga pasiya at pagkilos ni Cain na kusa siyang nagrebelde sa Diyos na Jehova. Gaya ng mga magulang niya, lumilitaw na si Cain ay hindi nakahanay sa mga tutubusin at bubuhaying muli.