Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Tularan ang Kanilang Pananampalataya

 KABANATA 20

“Naniniwala Ako”

“Naniniwala Ako”

1. Ilarawan ang pamimighati ni Marta at ang dahilan nito.

SARIWA pa sa isip ni Marta ang larawan ng libingan ng kaniyang kapatid, isang kuweba na sinarhan ng bato. Para siyang pinagsakluban ng langit at lupa. Hindi siya makapaniwalang patay na ang minamahal niyang si Lazaro. Apat na araw na itong patay, at napakaabala nila nang panahong iyon sa dami ng mga bisitang nagdadalamhati at nakikiramay.

2, 3. (a) Ano ang malamang na nadama ni Marta nang makita niya si Jesus? (b) Ano ang ipinahihiwatig tungkol kay Marta ng isa sa pinakamahalagang sinabi niya?

2 At ngayon, nakatayo sa harap ni Marta ang matalik na kaibigan ni Lazaro. Pagkakita kay Jesus, malamang na lalong tumindi ang kirot sa kaniyang puso, dahil ang taong ito sana ang makapagliligtas sa kaniyang kapatid. Pero naaliw pa rin si Marta dahil naroon na si Jesus sa labas ng maliit na bayan ng Betania. Ilang sandali pa lang niyang kasama si Jesus, pero napatibay na siya sa kabaitan at empatiya nito. Nagbangon si Jesus ng mga tanong na nakatulong sa kaniya na magpokus sa kaniyang pananampalataya at paniniwala sa pagkabuhay-muli. Sa pag-uusap na iyon, sinambit ni Marta ang isa sa pinakamahalaga sa lahat ng sinabi niya: “Naniniwala ako na ikaw ang Kristo na Anak ng Diyos, ang Isa na darating sa sanlibutan.”Juan 11:27.

3 Ipinakikita ng pananalitang iyon na kahanga-hanga ang pananampalataya ni Marta. Kaunti lang ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaniya, pero may mahahalagang aral tayong matututuhan sa kaniya na magpapalakas sa ating pananampalataya. Tingnan natin ang unang ulat ng Bibliya tungkol kay Marta.

“Nababalisa at Nababagabag”

4. Ano ang kakaiba sa pamilya nina Marta, at ano ang kaugnayan ng kanilang pamilya kay Jesus?

4 Mga ilang buwan bago nito, buháy pa at malusog si Lazaro. Dadalaw sa kanilang tahanan sa Betania ang pinakaimportanteng bisita, si Jesu-Kristo. Kakaiba ang pamilya nina Lazaro, Marta, at Maria —tatlong magkakapatid na nasa hustong gulang na pero nakatira sa iisang bahay. Sinasabi ng ilang mananaliksik na maaaring si Marta ang panganay, yamang tila siya ang nag-aasikaso ng mga bagay-bagay at kung minsan ay unang binabanggit sa kanilang tatlo. (Juan 11:5) Hindi natin alam kung nag-asawa ang sinuman sa kanila. Gayunman, naging matalik silang mga kaibigan ni Jesus. Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa Judea, kung saan dumanas siya ng matinding pagsalansang at pagkapoot, sa kanilang tahanan siya tumutuloy. Tiyak na lubha niyang pinahalagahan ang kanilang suporta at ang kapayapaan sa tahanang iyon.

5, 6. (a) Bakit abalang-abala si Marta noong minsang dumalaw si Jesus? (b) Paano sinamantala ni Maria ang pagkakataon noong dumalaw si Jesus?

5 Mapagpatuloy si Marta. Masipag siya at parang hindi nauubusan ng ginagawa. Abalang-abala siya gaya noong minsang dumalaw si Jesus. Nagplano siya agad ng maraming espesyal na pagkain para sa kanilang kilaláng bisita at marahil, para sa mga kasama nito. Napakahalaga noon ng pagiging mapagpatuloy. Pagdating ng bisita, siya ay sinasalubong ng halik, inaalisan ng sandalyas para hugasan ang mga paa, at pinapahiran ng mabangong langis sa ulo. (Basahin ang Lucas 7:44-47.) Inaasikaso rin nang husto ang kaniyang tutuluyan at pagkain.

6 Maraming kailangang gawin sina Marta at Maria. Si Maria, na kung minsa’y inaakalang mas sensitibo at palaisip sa dalawa, ay tiyak na tumutulong sa kaniyang kapatid. Pero pagdating ni Jesus, nagbago ang mga bagay-bagay. Itinuring ni Jesus na panahon iyon para magturo—at nagturo nga siya! Di-gaya ng mga lider ng relihiyon noon, may paggalang si Jesus sa mga kababaihan at tinuruan niya sila tungkol sa Kaharian ng Diyos, ang tema ng kaniyang ministeryo. Sinamantala ni Maria ang pagkakataong ito kaya naupo siya sa paanan ni Jesus at matamang nakinig.

7, 8. Bakit nakadama ng tensiyon si Marta, at paano niya ito ipinahayag?

7 Maguguniguni natin ang tensiyong nadarama ni Marta. Sa dami ng pagkaing ihahanda at sa lahat ng kailangan pa niyang gawin para sa mga bisita, lalo siyang nabalisa at nataranta. Habang paroo’t parito siya at nakikita niya ang kaniyang kapatid na nakaupo lang at hindi tumutulong, nainis ba siya, nagbuntunghininga nang malakas, o sumimangot? Hindi kataka-taka kung ginawa niya iyon. Aba, hindi niya kayang gawin ang lahat ng trabahong iyon!

8 Nang hindi na makapagpigil si Marta, sumabad siya at sinabi kay Jesus: “Panginoon, hindi ka ba nababahala na pinababayaan akong mag-isa ng aking kapatid na mag-asikaso sa mga bagay-bagay? Kaya nga sabihin mo sa kaniya na tulungan ako.” (Luc. 10:40)  Matinding pananalita iyon. Ganito ang salin ng ibang Bibliya sa tanong ni Marta: “Panginoon, bale wala ba sa inyo . . . ?” Pagkatapos ay hiniling niya kay Jesus na sabihan si Maria na tulungan siya.

9, 10. (a) Ano ang sagot ni Jesus kay Marta? (b) Paano natin nalaman na hindi binabale-wala ni Jesus ang pagpapagod ni Marta?

9 Posibleng nagulat si Marta sa sagot ni Jesus, gaya rin ng maraming mambabasa ng Bibliya. Magiliw niyang sinabi: “Marta, Marta, ikaw ay nababalisa at nababagabag tungkol sa maraming bagay. Gayunman, iilang bagay ang kinakailangan, o isa lamang. Sa ganang kaniya, pinili ni Maria ang mabuting bahagi, at hindi ito kukunin sa kaniya.” (Luc. 10:41, 42) Ano ang ibig sabihin ni Jesus? Sinasabi ba niyang materyalistiko si Marta? Bale-wala ba sa kaniya ang pagpapagod ni Marta sa paghahanda ng masarap na pagkain?

Bagaman “nababalisa at nababagabag tungkol sa maraming bagay,” mapagpakumbabang tinanggap ni Marta ang pagtutuwid

10 Hindi naman. Maliwanag na nakita ni Jesus ang maibigin at dalisay na motibo ni Marta. Bukod diyan, hindi iniisip ni Jesus na mali ang marangyang paghahanda para sa mga bisita. Dumalo siya noon sa “malaking piging” na inihanda ni Mateo para sa kaniya. (Luc. 5:29) Hindi ang paghahanda ni Marta ang isyu rito kundi ang kaniyang mga priyoridad. Masyado siyang nagpokus sa paghahanda ng magarbong pagkain kaya nakaligtaan niya ang pinakamahalagang bagay. Ano iyon?

Pinahalagahan ni Jesus ang pagkamapagpatuloy ni Marta, at alam niyang maibigin at dalisay ang motibo nito

11, 12. Paano may-kabaitang itinuwid ni Jesus si Marta?

11 Si Jesus, ang bugtong na Anak ng Diyos na Jehova, ay nasa tahanan nina Marta para magturo ng katotohanan. Di-hamak na mas mahalaga ito kaysa sa masarap na pagkaing inihahanda ni Marta. Tiyak na nalungkot si Jesus dahil napalalampas ni Marta ang pambihirang pagkakataon na mapatibay ang pananampalataya niya, pero hinayaan siya ni Jesus na gumawa ng sariling pasiya. * Ngunit walang karapatan si Marta na magpasiya para kay Maria.

12 May-kabaitang itinuwid ni Jesus si Marta. Magiliw niyang inulit ang pangalan ni Marta upang huminahon ito, at tiniyak ni Jesus na hindi siya kailangang ‘mabalisa at mabagabag tungkol sa maraming bagay.’ Sapat na ang isa o dalawang putahe, lalo na kapag may espirituwal na piging. Kaya hinding-hindi  kukunin ni Jesus kay Maria ang “mabuting bahagi” na pinili nito—ang matuto mula kay Jesus!

13. Anu-ano ang matututuhan natin sa paraan ng pagtutuwid ni Jesus kay Marta?

13 Maraming matututuhan ang mga tagasunod ni Kristo sa ngayon sa pangyayaring iyon. Hindi dapat maging mas mahalaga ang anumang bagay kaysa sa ating “espirituwal na pangangailangan.” (Mat. 5:3) Bagaman gusto nating tularan ang pagkabukas-palad at kasipagan ni Marta, ayaw nating labis na ‘mabalisa at mabagabag’ sa di-gaanong mahahalagang bahagi ng pagkamapagpatuloy anupat napalalampas natin ang pinakamahalagang bagay. Nakikihalubilo tayo sa mga kapananampalataya, hindi lang para maghanda o kumain ng masasarap na pagkain, kundi pangunahin na para magpatibayan at magpalitan ng espirituwal na mga kaloob. (Basahin  ang Roma 1:11, 12.) Kahit simple lang ang pagkain, maaari pa ring makapagpatibay ang okasyon.

Isang Minamahal na Kapatid na Namatay—At Binuhay-Muli

14. Bakit tayo nakatitiyak na nagpakita ng mabuting halimbawa si Marta sa pagtanggap ng pagtutuwid?

14 Tinanggap ba ni Marta ang pagsaway ni Jesus at natuto mula rito? Tiyak iyon! Nang ilahad ni apostol Juan ang kapana-panabik na ulat tungkol kay Lazaro, ipinaalaala niya sa atin: “Iniibig nga ni Jesus si Marta at ang kaniyang kapatid na babae at si Lazaro.” (Juan 11:5) Ilang buwan na ang lumipas mula noong nakaraang pagdalaw ni Jesus sa Betania. Maliwanag na hindi nagmukmok si Marta; hindi siya naghinanakit kay Jesus. Isinapuso niya ang maibiging payo ni Jesus. Sa bagay na ito, nagpakita sa atin si Marta ng mahusay na halimbawa ng pananampalataya, dahil sino ba sa atin ang hindi nangangailangan ng kaunting pagtutuwid paminsan-minsan?

15, 16. (a) Ano ang tiyak na ginawa ni Marta nang magkasakit si Lazaro? (b) Bakit gumuho ang pag-asa nina Marta at Maria?

15 Nang magkasakit si Lazaro, tiyak na naging abala si Marta sa pag-aalaga sa kaniya. Ginawa niya ang lahat upang guminhawa ito at gumaling. Pero lalong lumala ang karamdaman nito. Laging nasa tabi ni Lazaro ang kaniyang mga kapatid upang alagaan siya. Tiyak na madalas pagmasdan ni Marta ang kaawa-awang mukha ng kaniyang kapatid, na inaalaala ang masasaya at malulungkot na panahong pinagsamahan nila.

16 Noong tila wala nang pag-asa si Lazaro, nagpadala ng mensahe sina Marta at Maria kay Jesus. Nangangaral siya noon sa lugar na mga dalawang araw na paglalakbay ang layo. Simple lang ang mensahe nila: “Panginoon, tingnan mo! yaong minamahal mo ay may sakit.” (Juan 11:1, 3) Alam nilang mahal ni Jesus ang kanilang kapatid, at nananampalataya silang gagawin niya ang lahat upang tulungan ang kaniyang kaibigan. Umaasa ba silang darating si Jesus bago maging huli ang lahat? Kung gayon, gumuho ang kanilang pag-asa. Namatay si Lazaro.

17. Ano ang ipinagtaka ni Marta, at ano ang reaksiyon niya nang mabalitaang paparating na si Jesus?

17 Nagdalamhati sina Marta at Maria. Inasikaso nila ang mga paghahanda para sa libing at ang maraming bisita mula sa Betania at sa kalapit na mga lugar. Pero wala pa ring balita tungkol kay Jesus. Marahil, takang-taka si Marta kung bakit hindi pa siya dumarating. Sa wakas, apat na araw pagkamatay ni Lazaro, nabalitaan ni Marta na paparating na si Jesus sa kanilang bayan. Palibhasa’y maliksing kumilos, kahit nagdadalamhati ay lumabas siya nang hindi sinasabi kay Maria at sinalubong si Jesus.Basahin ang Juan 11:18-20.

18, 19. Anong pag-asa ang ipinahayag ni Marta, at bakit kahanga-hanga ang kaniyang pananampalataya?

 18 Nang makita ni Marta ang kaniyang Panginoon, sinabi niya ang ilang araw nang gumugulo sa isip nila ni Maria: “Panginoon, kung narito ka lamang noon ay hindi sana namatay ang aking kapatid.” Pero buháy ang pag-asa at pananampalataya ni Marta. Sinabi pa niya: “At gayunman sa kasalukuyan, alam kong gaanuman karaming bagay ang hingin mo sa Diyos ay ibibigay sa iyo ng Diyos.” Para patibayin ang kaniyang pananampalataya, agad na sinabi ni Jesus: “Ang iyong kapatid ay babangon.”Juan 11:21-23.

19 Inakala ni Marta na ang tinutukoy ni Jesus ay ang pagkabuhay-muli sa hinaharap, kaya sumagot siya: “Alam kong babangon siya sa pagkabuhay-muli sa huling araw.” (Juan 11:24) Kahanga-hanga ang pananampalataya ni Marta sa turong iyon. Pinabubulaanan ng ilang Judiong lider ng relihiyon na tinatawag na mga Saduceo ang pagkabuhay-muli, bagaman malinaw na itinuturo ito sa  kinasihang Kasulatan. (Dan. 12:13; Mar. 12:18) Pero alam ni Marta na itinuro ni Jesus ang pagkabuhay-muli at bumuhay pa nga siya ng mga patay. Ngunit di-gaya ng mga iyon, apat na araw nang patay si Lazaro. Hindi alam ni Marta kung ano ang mangyayari.

20. Ipaliwanag ang kahulugan ng di-malilimutang pananalita ni Jesus sa Juan 11:25-27 at ang sagot ni Marta.

20 Pagkatapos, binigkas ni Jesus ang di-malilimutang pananalitang ito: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay.” Oo, binigyan ng Diyos na Jehova ang kaniyang Anak ng awtoridad na bumuhay ng mga patay sa buong lupa sa hinaharap. Tinanong ni Jesus si Marta: “Pinaniniwalaan mo ba ito?” Saka isinagot ni Marta ang binanggit sa pasimula ng kabanatang ito. Nananampalataya si Marta na si Jesus ang Kristo, o Mesiyas, na siya ang Anak ng Diyos na Jehova, at na siya ang isa na inihula ng mga propeta na darating sa sanlibutan.Juan 5:28, 29; basahin ang Juan 11:25-27.

21, 22. (a) Paano ipinakita ni Jesus ang kaniyang nadarama para sa mga nagdadalamhati? (b) Ilarawan ang pagkabuhay-muli ni Lazaro.

21 Pinahahalagahan ba ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo ang pananampalatayang gaya ng kay Marta? Sinasagot ito ng sumunod na mga pangyayaring nasaksihan ni Marta. Sinundo niya agad si Maria. Pagkatapos, nakita niyang lungkot na lungkot si Jesus habang nakikipag-usap kay Maria at sa maraming nagdadalamhating kasama niya. Nakita niyang lumuha si Jesus dahil sa matinding pamimighati na dulot ng kamatayan. Narinig niyang iniutos ni Jesus na alisin ang bato sa libingan ng kaniyang kapatid.Juan 11:28-39.

22 Tumutol si Marta at sinabing nangangamoy na ito dahil apat na araw na itong patay. Ipinaalaala sa kaniya ni Jesus: “Hindi ko ba sinabi sa iyo na kung maniniwala ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” Naniwala si Marta, at nakita nga niya ang kaluwalhatian ng Diyos na Jehova. Nang mismong pagkakataong iyon, binigyan ng Diyos ang kaniyang Anak ng kapangyarihang buhaying-muli si Lazaro! Isip-isipin ang mga sandaling habambuhay na napaukit sa alaala ni Marta: ang sigaw ni Jesus, “Lazaro, lumabas ka!”; ang kaluskos sa kuwebang pinaglibingan kay Lazaro nang bumangon siya at unti-unting lumabas sa kuweba na nakabalot pa rin ang katawan; ang utos ni Jesus na ‘kalagan siya at payaunin’; at siyempre pa, ang tuwang-tuwang pagyakap nina Marta at Maria sa kanilang kapatid. (Basahin ang Juan 11:40-44.) Napawi na ang matinding kalungkutan sa puso ni Marta!

Ginantimpalaan ang pananampalataya ni Marta kay Jesus nang makita nila ni Maria na binuhay-muli ang kanilang kapatid

23. Ano ang gustong gawin ni Jehova at ni Jesus para sa iyo, at ano ang kailangan mong gawin?

23 Ipinakikita ng ulat na ito na ang pagkabuhay-muli ng mga patay ay hindi pangarap lamang; isa itong nakaaaliw na turo ng Bibliya  at napatunayan nang totoo. (Job 14:14, 15) Gustung-gustong gantimpalaan ni Jehova at ng kaniyang Anak ang mga nananampalataya, gaya ng ginawa nila kina Marta, Maria, at Lazaro. Makakamit mo rin ang gayong gantimpala kung patitibayin mo ang iyong pananampalataya.

“Si Marta ay Naglilingkod”

24. Ano ang huling binanggit ng Bibliya tungkol kay Marta?

24 Minsan pang binanggit si Marta sa ulat ng Bibliya. Ito ay sa pasimula ng huling linggo ng buhay ni Jesus sa lupa. Dahil alam ni Jesus ang mga paghihirap na daranasin niya, muli siyang tumuloy sa kaniyang mga kaibigan sa Betania. Mula roon ay lalakad siya nang tatlong kilometro patungong Jerusalem. Nang sina Jesus at Lazaro ay kumakain sa bahay ni Simon na ketongin, dito huling binanggit ng Bibliya si Marta: “Si Marta ay naglilingkod.”Juan 12:2.

25. Bakit pinagpala ang mga kongregasyon sa ngayon sa pagkakaroon ng mga babaing gaya ni Marta?

25 Napakasipag na babae! Nang una siyang banggitin sa Bibliya, nagtatrabaho siya; at sa huling ulat ng Bibliya tungkol sa kaniya, nagtatrabaho rin siya, na ginagawa ang kaniyang buong makakaya para sa iba. Ang mga kongregasyon ng mga tagasunod ni Kristo sa ngayon ay pinagpala rin sa pagkakaroon ng mga babaing gaya ni Marta—buo ang loob at bukas-palad, na laging ipinakikita ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba. Patuloy ba itong ginawa ni Marta? Malamang. Isang katalinuhan iyon, yamang may daranasin pa siyang mga pagsubok.

26. Paano nakatulong kay Marta ang kaniyang pananampalataya?

26 Ilang araw na lang at babatahin na ni Marta ang kahila-hilakbot na kamatayan ng kaniyang minamahal na Panginoon, si Jesus. Bukod diyan, ang mga mapagpaimbabaw na pumatay kay Jesus ay determinado ring patayin si Lazaro, dahil napatibay ng kaniyang pagkabuhay-muli ang pananampalataya ng napakarami. (Basahin ang Juan 12:9-11.) At siyempre pa, naputol din ang maibiging buklod ng magkakapatid na iyon dahil sa kamatayan. Hindi natin alam kung paano o kailan ito nangyari, pero ito ang tiyak: Nakatulong kay Marta ang kaniyang pananampalataya na makapagbata hanggang sa wakas. Kaya makabubuting tularan ng mga Kristiyano sa ngayon ang pananampalataya ni Marta.

^ par. 11 Noong unang siglo, ang mga babaing Judio ay karaniwan nang hindi isinasali sa mga akademikong gawain. Ang pagsasanay sa kanila ay mas nakapokus sa mga gawaing-bahay. Kaya maaaring iniisip ni Marta na kakatwa para sa isang babae na umupo sa paanan ng isang guro para matuto.