Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Sagot sa 10 Tanong ng mga Kabataan

 TANONG 1

Sino Ba Talaga Ako?

Sino Ba Talaga Ako?

KUNG BAKIT ITO MAHALAGA

Kung kilala mo ang iyong sarili at alam mo ang pinaninindigan mo, makapagdedesisyon ka nang tama kahit pine-pressure ka.

ANO ANG GAGAWIN MO?

Pag-isipan ang senaryong ito: Wala pang 10 minuto si Karen sa party nang marinig niya ang isang pamilyar na boses.

“Hoy, ano’ng itinatayo-tayo mo d’yan?”

Lumingon si Karen at nakita niya si Jessica na may dalang dalawang bote ng beer. Iniabot ni Jessica kay Karen ang isang bote at sinabi, “Mag-enjoy ka! Hindi ka na bata.”

Tatanggi sana si Karen, pero kaibigan niya si Jessica. At ayaw niyang isipin nitong killjoy siya. Isa pa, disenteng babae si Jessica. Kaya kung umiinom siya, ibig sabihin, hindi ito masama. ‘Beer lang naman,’ ang sabi ni Karen sa sarili. ‘Hindi naman drugs.’

Kung ikaw si Karen, ano ang gagawin mo?

MAG-ISIP MUNA!

Para makapagdesisyon nang tama sa ganitong sitwasyon, dapat alam mo ang pagkatao mo. Ang pagkatao ay kung sino ka talaga at kung ano ang pinaninindigan mo. Dahil kilala mo ang iyong sarili, ikaw ang kumokontrol sa buhay mo sa halip na ipakontrol ito sa iba.—1 Corinto 9:26, 27.

Paano ka magkakaroon ng ganiyang katangian? Ang pagsagot sa sumusunod na mga tanong ay magandang pasimula.

 1 ANO ANG MAGAGANDANG KATANGIAN KO?

Kung alam mo ang iyong mga kakayahan at magagandang katangian, magkakaroon ka ng tiwala sa sarili.

HALIMBAWA SA BIBLIYA: Sumulat si apostol Pablo: “Kung ako man ay di-bihasa sa pananalita, tiyak namang hindi ako gayon sa kaalaman.” (2 Corinto 11:6) Dahil alam na alam ni Pablo ang Kasulatan, matatag pa rin siya kahit sinasalansang. Hindi nanghina ang loob niya sa mga negatibong komento ng iba.—2 Corinto 10:10; 11:5.

SURIIN ANG SARILI: Isulat ang isang talento o kakayahan mo.

Pagkatapos, ilarawan ang isang magandang katangian mo. (Halimbawa, ikaw ba ay mapagmalasakit? bukas-palad? maaasahan? laging nasa oras?)

2 ANO ANG MGA KAHINAAN KO?

Kung paanong ang kadena ay malamang na maputol sa pinakamahinang bahagi nito, puwede ring masira ang pagkatao mo kung magpapatalo ka sa mga kahinaan mo.

HALIMBAWA SA BIBLIYA: Alam ni Pablo ang mga kahinaan niya. Sumulat siya: “Tunay ngang nalulugod ako sa kautusan ng Diyos ayon sa aking pagkatao sa loob, ngunit nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang kautusan na nakikipagdigma laban sa kautusan ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa kautusan ng kasalanan.”—Roma 7:22, 23.

SURIIN ANG SARILI: Anong kahinaan ang kailangan mong kontrolin?

 3 ANO ANG MGA TUNGUHIN KO?

Sasakay ka ba ng taxi at sasabihin sa drayber na magpaikot-ikot lang hanggang sa maubos ang gasolina? Kalokohan iyan—at magastos!

Ang aral? Kapag may mga tunguhin ka, magkakaroon ng direksiyon ang buhay mo at hindi ka magpapaikot-ikot, wika nga. Mayroon kang tiyak na destinasyon at may plano ka kung paano makakarating doon.

HALIMBAWA SA BIBLIYA: Sumulat si Pablo: “Ang paraan ng aking pagtakbo ay hindi walang katiyakan.” (1 Corinto 9:26) Sa halip na magpatangay lang sa agos, nagtakda si Pablo ng mga tunguhin at namuhay ayon doon.—Filipos 3:12-14.

SURIIN ANG SARILI: Isulat ang tatlong tunguhin na gusto mong maabot hanggang sa susunod na taon.

4 ANO ANG MGA PINANININDIGAN KO?

Kapag sigurado ka sa iyong pagkatao, para kang isang puno na nakatayo pa rin kahit napakalakas ng bagyo

Kung wala kang pinaninindigan, mahihirapan kang magdesisyon. Gaya ng isang hunyango, mag-iiba-iba ka ng kulay para mapatulad sa mga kasama mo—isang malinaw na senyales na hindi mo kilala ang sarili mo.

Samantala, kapag kumikilos ka ayon sa pinaninindigan mo, napananatili mo kung sino ka talaga—anuman ang ginagawa ng iba.

HALIMBAWA SA BIBLIYA: Malamang na tin-edyer pa lang si propeta Daniel, ‘ipinasiya na niya sa kaniyang puso’ na susundin niya ang mga kautusan ng Diyos, kahit mapalayo siya sa kaniyang pamilya. (Daniel 1:8) Sa paggawa nito, naging tapat siya sa sarili niya. Namuhay si Daniel ayon sa kaniyang mga pinaninindigan.

SURIIN ANG SARILI: Ano ang mga pinaninindigan mo? Halimbawa: Naniniwala ka ba sa Diyos? Kung oo, bakit? Ano ang nakakumbinsi sa iyo na talagang may Diyos?

Naniniwala ka bang para sa kabutihan mo ang mga pamantayan ng Diyos sa kung ano ang tama at mali? Kung oo, bakit?

Ngayon, alin ang gusto mong makatulad—isang lagás na dahon na tinatangay ng hangin o isang punong nakatayo pa rin kahit napakalakas ng bagyo? Patibayin mo ang iyong pagkatao para maging tulad ka ng punong iyan. Sa gayo’y masasagot mo ang tanong na, Sino ba talaga ako?