Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Bibliya—Ano ang Mensahe Nito?

 SEKSIYON 22

Walang-Takot na Nangaral ang mga Apostol

Walang-Takot na Nangaral ang mga Apostol

Mabilis na lumago ang kongregasyong Kristiyano sa kabila ng pag-uusig

SAMPUNG araw matapos umakyat si Jesus sa langit, mga 120 alagad niya ang nagkatipon sa isang bahay sa Jerusalem noong Kapistahan ng Pentecostes ng mga Judio, taóng 33 C.E. Walang anu-ano, ang buong bahay ay napunô ng ingay na gaya ng humahagibis na hangin. Isang himala ang naganap. Nakapagsalita ng iba’t ibang wika ang mga alagad. Paano kaya ito nangyari? Ito’y dahil sa banal na espiritu na ibinigay ng Diyos sa kanila.

Panahon noon ng kapistahan kaya maraming tao sa labas, kasama na ang mga bisitang nagmula sa iba’t ibang lupain. Gulát na gulát ang mga tao nang marinig nilang nagsasalita ng kanilang wika ang mga alagad ni Jesus. Ipinaliwanag ni Pedro na katuparan ito ng hula ni propeta Joel na “ibubuhos” ng Diyos ang kaniyang espiritu, upang ang mga tumatanggap nito ay makagawa ng makahimalang bagay. (Joel 2:28, 29) Ang mapuwersang patotoong ito ng banal na espiritu ay katibayan ng isang malaking pagbabago: Inalis na sa Israel ang pagsang-ayon ng Diyos, at ibinigay sa bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano. Kaya kung gusto ng isa na tanggapin ng Diyos ang kaniyang paglilingkod, dapat siyang maging tagasunod ni Kristo.

Samantala, tumindi ang pagsalansang at ipinabilanggo ng mga kaaway ang mga apostol. Pero kinagabihan, binuksan ng anghel ni Jehova ang pintuan ng bilangguan at sinabihan ang mga apostol na magpatuloy sa pangangaral. Pagputok ng araw, gayon nga ang ginawa nila. Pumasok sila sa templo at nagturo ng mabuting balita tungkol kay Jesus. Galít na galít ang kanilang mga kalaban at inutusan silang tumigil sa pangangaral. Walang-takot na sumagot ang mga apostol: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”Gawa 5:28, 29.

Tumindi ang pag-uusig. Ang alagad na si Esteban ay inakusahan ng pamumusong at pinagbabato hanggang mamatay. Isang binata—si Saul ng Tarso—ang nanonood sa pagpatay kay Esteban. Pagkaraan, pumunta siya sa Damasco para dakpin ang mga tagasunod ni Kristo. Habang naglalakbay, isang liwanag mula sa langit ang suminag kay Saul at isang tinig ang nagsabi: “Saul, Saul, bakit mo ako pinag-uusig?” Nabulag si Saul dahil sa liwanag at nagtanong: “Sino ka, Panginoon?” Sumagot ang tinig: “Ako ay si Jesus.”Gawa 9:3-5.

Pagkalipas ng tatlong araw, isinugo ni Jesus ang alagad na si Ananias para ibalik ang paningin ni Saul. Nabautismuhan si Saul at buong-tapang na nangaral tungkol kay Jesus. Nang maglaon, nakilala si Saul bilang apostol Pablo at naging masigasig na miyembro ng kongregasyong Kristiyano.

Sa mga Judio at mga Samaritano pa lamang ipinangangaral noon ng mga alagad ni Jesus ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Pero isang anghel ang nagpakita kay Cornelio, isang opisyal ng hukbo ng Roma na may takot sa Diyos, at sinabihan itong ipatawag si apostol Pedro. Si Pedro, kasama ang iba pa, ay nangaral kay Cornelio at sa sambahayan nito. Habang kausap sila ni Pedro, bumaba ang banal na espiritu sa mga mánanampalatayáng Gentil na iyon, at sinabi ng apostol na magpabautismo sila sa pangalan ni Jesus. Bukás na ngayon sa mga tao ng lahat ng bansa ang daan patungo sa buhay na walang hanggan. At handa na ang kongregasyon na ipangaral ang mabuting balita sa malalayong lupain.

Batay sa Gawa 1:1–11:21.