Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Matuto Mula sa Dakilang Guro

 KABANATA 39

Inaalaala ng Diyos ang Kaniyang Anak

Inaalaala ng Diyos ang Kaniyang Anak

SI Jesus ay umiyak nang mamatay ang kaniyang kaibigang si Lazaro. Sa palagay mo, sumama kaya ang loob ni Jehova nang magdusa at mamatay si Jesus?— Sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ay maaaring ‘magdamdam’ at ‘masaktan’ pa nga dahil sa mga nangyayari.Awit 78:40, 41; Juan 11:35.

Naiisip mo ba ang kirot na nadama ni Jehova habang nakikita niyang namamatay ang kaniyang mahal na Anak?— Nakatitiyak si Jesus na hindi siya kalilimutan ng Diyos. Kaya naman ganito ang kaniyang huling mga salita bago siya mamatay: “Ama, sa iyong mga kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking [buhay].”Lucas 23:46.

Natitiyak ni Jesus na siya’y bubuhaying muli, na siya’y hindi iiwan “sa impiyerno,” o libingan. Pagkatapos na ibangon si Jesus, sinipi ni apostol Pedro ang nakasulat sa Bibliya tungkol kay Jesus, na sinasabi: “Hindi iniwan ang kaniyang kaluluwa sa impiyerno, ni nakakita man ng kasiraan ang kaniyang laman.” (Gawa 2:31,  King James Version; Awit 16:10) Hindi, ang katawan ni Jesus ay hindi kailanman nagkaroon ng pagkakataong masira sa libingan, anupat hindi ito nabulok at bumaho.

Nang nasa lupa si Jesus, sinabi pa nga niya sa kaniyang mga alagad na hindi siya mananatiling patay nang napakatagal. Ipinaliwanag niya sa kanila na siya ay ‘papatayin, at sa ikatlong araw ay ibabangon.’ (Lucas 9:22) Kaya nga hindi sana dapat magulat ang mga alagad nang buhaying muli si Jesus. Pero nagulat ba sila?— Tingnan natin.

Mga alas tres na ng hapon ng Biyernes nang mamatay ang Dakilang Guro sa pahirapang tulos. Si Jose, isang mayamang miyembro ng Sanedrin, ay lihim ding sumasampalataya kay Jesus. Nang malaman niyang patay na si Jesus, pumunta siya kay Pilato, ang Romanong gobernador. Hiniling niya kung puwede niyang ibaba ang katawan ni Jesus mula sa tulos para ilibing ito. Pagkatapos, dinala ni Jose ang katawan ni Jesus sa isang hardin na may libingan, na pinaglalagyan ng mga bangkay.

Pagkatapos mailagay ang katawan sa libingan, isang malaking bato ang iginulong sa harapan nito. Kaya sarado na ang libingan. Ikatlong araw na ngayon, araw ng Linggo. Hindi pa sumisikat ang araw, kaya madilim pa. Naroroon ang mga lalaking nagbabantay sa libingan. Pinapunta sila ng mga punong saserdote para gawin ito. Alam mo ba kung bakit?

Narinig din ng mga saserdote na sinabi ni Jesus na siya’y bubuhaying muli. Kaya para hindi manakaw ng kaniyang mga alagad ang kaniyang katawan at pagkatapos ay sabihing si Jesus ay ibinangon, ang mga saserdote ay naglagay ng mga bantay. Walang anu-ano, biglang nayanig ang lupa. Sa gitna ng dilim, suminag ang liwanag. Ito’y anghel ni Jehova! Takot na takot ang mga sundalo kung kaya hindi sila makakilos. Pumunta ang anghel sa libingan at pinagulong ang bato mula rito. Wala nang laman ang libingan!

Bakit walang laman ang libingan? Ano ba ang nangyari?

Oo, gaya nga ng sinabi ni apostol Pedro pagkaraan: “Ang Jesus na ito ay binuhay na muli ng Diyos.” (Gawa 2:32) Binuhay ng Diyos si Jesus na may katawang gaya ng dating taglay ni Jesus bago siya pumunta sa lupa.  Siya ay binuhay muli na may katawang espiritu na gaya ng sa mga anghel. (1 Pedro 3:18) Kaya para makita ng mga tao si Jesus, kailangan siyang magkatawang laman. Ganoon ba ang ginawa niya?— Tingnan natin.

Unti-unti nang sumisikat ang araw. Umalis na ang mga sundalo. Papunta sa libingan sina Maria Magdalena at iba pang mga alagad na babae ni Jesus. Nag-uusap sila: ‘Sino kaya ang magpapagulong sa mabigat na batong iyon para sa atin?’ (Marcos 16:3) Pero pagdating nila sa libingan, naigulong na ang bato. At wala nang laman ang libingan! Wala na ang patay na katawang laman ni Jesus! Dali-daling tumakbo si Maria Magdalena para hanapin ang ilan sa mga apostol ni Jesus.

Ang ibang babae naman ay nanatili sa tabi ng libingan. Nagtataka sila: ‘Nasaan kaya ang katawan ni Jesus?’ Biglang lumitaw ang dalawang lalaking may nagniningning na pananamit. Mga anghel sila! Sinabi nila sa mga babae: ‘Bakit dito ninyo hinahanap si Jesus? Ibinangon na siya. Magmadali kayo at sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad.’ Buweno, isipin na lamang kung gaano kabilis tumakbo ang mga babae! Sa daan, sinalubong sila ng isang lalaki. Alam mo ba kung sino siya?

Siya ay si Jesus, na nagkatawang laman! Sinabi rin niya sa mga babae: ‘Humayo kayo at sabihin ninyo sa aking mga alagad.’ Tuwang-tuwa ang mga babae. Nakita nila ang mga alagad at sinabi sa kanila: ‘Buháy si Jesus! Nakita namin siya!’ Nasabi na ni Maria kina Pedro at Juan ang tungkol sa libingan na walang laman. Pinuntahan nila ito, gaya ng makikita mo rito. Tiningnan nila ang mga telang lino na ibinalot kay Jesus, pero hindi nila matiyak kung ano ang dapat nilang isipin. Gusto nilang maniwala na nabuhay uli si Jesus, pero napakahirap namang paniwalaan ito.

Ano kaya ang iniisip nina Pedro at Juan?

Kinahapunan ng Linggong iyon, nagpakita si Jesus sa dalawa sa kaniyang mga alagad na naglalakad sa daan patungo sa nayon ng Emaus. Sinabayan sila ni Jesus sa paglalakad at kinausap sila, pero hindi nila siya nakilala dahil ang kaniyang katawang laman ay di-gaya noong una. Nakilala lamang nila siya nang si Jesus ay kumain na kasama nila at manalangin.  Tuwang-tuwa ang kaniyang mga alagad kung kaya nagmamadali silang bumalik sa Jerusalem na kilu-kilometro ang layo! Marahil di-nagtagal pagkatapos nito ay nagpakita naman si Jesus kay Pedro para ipakita sa kaniya na buháy Siya.

Sa kalaunan nang gabi ng Linggong iyon, maraming alagad ang nagkakatipon sa isang kuwarto. Nakasusi ang mga pinto. Walang anu-ano, si Jesus ay naroroon na sa kuwarto kasama nila! Sa gayon ay napatunayan nilang nabuhay nga uli ang Dakilang Guro. Isipin na lamang kung gaano sila kasaya!Mateo 28:1-15; Lucas 24:1-49; Juan 19:38–20:21.

Sa loob ng 40 araw ay nagpakita si Jesus na nasa iba’t ibang katawang laman upang ipakita sa kaniyang mga alagad na buháy siya. Pagkatapos ay  umalis na siya sa lupa at bumalik sa kaniyang Ama sa langit. (Gawa 1:9-11) Di-nagtagal at sinimulan na ng mga alagad na sabihin sa lahat na si Jesus ay ibinangon ng Diyos mula sa mga patay. Kahit na bugbugin sila ng mga saserdote at ipapatay ang ilan sa kanila, nagpatuloy sila sa pangangaral. Alam nila na kapag namatay sila, aalalahanin sila ng Diyos kung paanong inalaala niya ang kaniyang Anak.

Sa panahon ng taon na binuhay muli si Jesus, ano ang iniisip ng marami? Pero ano naman ang iniisip mo?

Talagang ibang-iba ang sinaunang mga tagasunod na iyon ni Jesus sa maraming tao sa ngayon! Ang mga taong ito ay nag-iisip lamang ng mga kuneho at kinulayang mga itlog ng Easter sa panahon ng taon na binuhay muli si Jesus. Pero wala namang binabanggit ang Bibliya tungkol sa mga kuneho at mga itlog ng Easter. Ang sinasabi nito ay ang paglilingkod sa Diyos.

Matutularan natin ang mga alagad ni Jesus kung sasabihin natin sa mga tao na ang Diyos ay gumawa ng isang kahanga-hangang bagay nang buhayin niyang muli ang kaniyang Anak. Hindi tayo kailangang matakot, kahit sabihin ng mga tao na papatayin nila tayo. Kung sakaling mamatay tayo, aalalahanin tayo ni Jehova at bubuhaying muli, gaya ng ginawa niya kay Jesus.

Hindi ba tayo natutuwang malaman na inaalaala ng Diyos ang mga naglilingkod sa kaniya at bubuhayin pa nga silang muli mula sa mga patay?— Ang pagkaalam nito ay dapat magpakilos sa atin na hangaring malaman kung paano natin mapasasaya ang Diyos. Alam mo ba na talagang magagawa natin ito?— Pag-uusapan natin ito sa susunod.

Ang paniniwala sa pagkabuhay-muli ni Jesus ay dapat magpatibay sa ating pag-asa at magpalakas sa ating pananampalataya. Pakibasa ang Gawa 2:22-36; 4:18-20; at 1 Corinto 15:3-8, 20-23.