Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Puwedeng Maging Masaya ang Iyong Pamilya

 SEKSIYON 3

Kung Paano Lulutasin ang mga Problema

Kung Paano Lulutasin ang mga Problema

“Magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.”1 Pedro 4:8

Sa pagsasama ninyong mag-asawa, babangon ang iba’t ibang problema. Maaaring dahil ito sa magkaiba kayo ng iniisip, nadarama, at paraan ng pagharap sa buhay. O baka wala naman sa inyong dalawa ang problema, baka galing sa ibang bagay o sa di-inaasahang mga pangyayari.

Baka matukso tayong takasan ang realidad ng buhay. Pero pinapayuhan tayo ng Bibliya na harapin ang mga problema. (Mateo 5:23, 24) Sa pagsunod sa mga simulain ng Bibliya, malulutas mo ang iyong mga problema.

 1 PAG-USAPAN ANG PROBLEMA

ANG SABI NG BIBLIYA: “May . . . panahon ng pagsasalita.” (Eclesiastes 3:1, 7) Siguraduhing maglaan ng panahon para pag-usapan ang problema. Sabihin kung ano ang talagang nadarama at iniisip mo. Laging “magsalita . . . ng katotohanan” sa iyong kabiyak. (Efeso 4:25) Kahit inis na inis ka na, pigilan mong magalit. Kung mahinahon ang pagsagot, hindi mauuwi sa away ang simpleng pag-uusap.Kawikaan 15:4; 26:20.

Kahit hindi ka sang-ayon, maging mabait at magpakita ng pag-ibig at paggalang. (Colosas 4:6) Sikaping malutas agad ang problema hangga’t maaari, at huwag magsawalang-kibo.Efeso 4:26.

ANG PUWEDE MONG GAWIN:

  • Magtakda ng angkop na panahon para pag-usapan ang problema

  • Kapag ikaw na ang makikinig, iwasang sumabad. May panahon ka ring magsalita

 2 MAKINIG AT UNAWAIN

ANG SABI NG BIBLIYA: “Magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Napakahalaga kung paano ka nakikinig. Sikaping unawain ang pananaw ng iyong asawa at maging “mapagpakumbaba.” (1 Pedro 3:8; Santiago 1:19) Huwag magkunwaring nakikinig. Kung posible, itigil ang ginagawa mo at ibigay ang buong pansin sa iyong kabiyak, o itanong kung puwede ninyo itong pag-usapan mamaya. Kung ituturing mong kakampi ang iyong asawa sa halip na kalaban, ‘hindi ka madaling maghihinanakit.’Eclesiastes 7:9.

ANG PUWEDE MONG GAWIN:

  • Makinig at buksan ang isip kahit hindi mo gusto ang naririnig mo

  • Huwag lang pakinggan ang mga salita. Unawain ang gusto niyang sabihin. Tingnan ang kaniyang kilos, galaw ng mata, at tono ng boses

3 GAWIN ANG NAPAGPASIYAHAN

ANG SABI NG BIBLIYA: “Sa bawat uri ng pagpapagal ay may kapakinabangan, ngunit ang salita lamang ng mga labi ay humahantong sa kakapusan.” (Kawikaan 14:23) Hindi sapat na nakabuo kayo ng magandang solusyon. Kailangan ninyong gawin ang inyong napagpasiyahan. Baka hindi ito madali, kaya kailangan ninyo talagang magsikap. Pero sulit naman. (Kawikaan 10:4) Kung magtutulungan kayo, tatanggap kayo ng “mabuting gantimpala” dahil sa inyong pagsisikap.Eclesiastes 4:9.

ANG PUWEDE MONG GAWIN:

  • Isipin ang praktikal na mga hakbang na magagawa ng bawat isa sa inyo para malutas ang problema

  • Paminsan-minsan, tingnan kung ano na ang nagagawa ninyo

Higit Pang Impormasyon

Kung Paano Magiging Mabuting Tagapakinig

Ang matamang pakikinig ay isang paraan ng pagpapakita ng pag-ibig. Alamin kung paano ka magiging mas mabuting tagapakinig.

Kung Paano Iiwasang Magsalita Nang Nakasasakit

Ano ang puwede ninyong gawin kung nagiging karaniwan na lang sa inyong mag-asawa ang magsalita nang nakasasakit sa isa’t isa at naapektuhan na nito ang inyong pagsasama?

Kung Paano Maiiwasan ang Di-pagkikibuan

Bakit nagagawa ng ilang mag-asawa na hindi magkibuan, at paano nila ito malulutas?