Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Manumbalik Ka kay Jehova

 BAHAGI 3

Sama ng Loob—Kapag Tayo ay “May Dahilan sa Pagrereklamo”

Sama ng Loob—Kapag Tayo ay “May Dahilan sa Pagrereklamo”

“Pinagbintangan ako ng isang sister sa aming kongregasyon na ninakawan ko raw siya ng pera. Nalaman ito ng ibang mga kapatid at nagkaroon na ng kampihan. Nang bandang huli, sinabi sa akin ng sister na napatunayan niyang hindi pala ako ang kumuha ng pera niya. Kahit nag-sorry na siya, parang hindi ko pa rin siya mapatawad.”—Linda.

NARANASAN mo na rin ba ang dinanas ni Linda, na nasaktan nang husto sa ginawa ng isang kapananampalataya? Nakalulungkot, labis na nasasaktan ang ilan dahil sa paggawi ng iba. Naaapektuhan tuloy ang kanilang espirituwalidad. Totoo ba iyan sa iyo?

Mayroon Bang “Makapaghihiwalay sa Atin sa Pag-ibig ng Diyos”?

Totoo, baka mahirapan tayong patawarin ang isang kapananampalatayang nakasakit sa atin. Kaya lang, dapat ibigin ng mga Kristiyano ang isa’t isa. (Juan 13:34, 35) Kapag may isang kapananampalatayang nakagawa sa atin ng mali, baka hindi natin ito matanggap at labis tayong masaktan.—Awit 55:12.

Sabihin pa, binabanggit ng Bibliya na kung minsan, ang mga Kristiyano ay “may dahilan sa pagrereklamo” sa isa’t isa. (Colosas 3:13) Pero kapag sa atin na mismo ito nangyari, baka mahirapan tayong harapin ito. May makatutulong ba sa atin? Pag-usapan natin ang tatlong simulain sa Bibliya:

Alam ng ating Ama sa langit ang lahat ng bagay. Nakikita ni Jehova ang lahat ng nangyayari, pati na ang anumang kawalang-katarungang nararanasan natin at ang pagdurusang dulot nito. (Hebreo 4:13) Isa pa, nasasaktan din si Jehova kapag nagdurusa tayo. (Isaias 63:9) Hinding-hindi niya hahayaang ang “kapighatian [o] kabagabagan” o anupaman—kahit pa nga ang ibang lingkod niya—ay maging dahilan para ‘mahiwalay tayo sa pag-ibig ng Diyos.’ (Roma 8:35, 38, 39) Hindi ba’t nauudyukan tayo nito na huwag ding hayaan ang anuman o ang sinuman na maging dahilan para maihiwalay tayo kay Jehova?

Ang pagpapatawad ay hindi pagkunsinti. Kapag pinatatawad natin ang mga nakagawa sa atin ng mali, hindi ibig sabihin nito na minamaliit natin, ipinagmamatuwid, ipinagdadahilan, o kinukunsinti ang kanilang ginawa. Tandaan, hinding-hindi sinasang-ayunan ni Jehova ang kasalanan, pero pinatatawad niya ito kung may basehan. (Awit 103:12, 13; Habakuk 1:13) Kapag hinihimok tayo ni Jehova na magpatawad, hinihiling niyang tularan natin siya. Hindi siya ‘naghihinanakit hanggang sa panahong walang takda.’—Awit 103:9; Mateo 6:14.

Kapag hindi tayo nagkikimkim ng sama ng loob, tayo rin ang nakikinabang. Paano? Halimbawa, dumampot ka ng isang bato na wala pang isang kilo ang bigat at hinawakan mo ito nang nakaunat ang iyong braso. Malamang na hindi ka mahirapan kung sandali lang naman. Pero paano kung mas matagal mo na itong hawak? Hanggang kailan mo ito matatagalan—ilang minuto? isang oras? o higit pa? Tiyak na mangangawit ka! Siyempre pa, hindi naman nagbabago ang timbang ng bato. Pero habang tumatagal ito sa iyong kamay, pakiramdam mo’y pabigat ito nang pabigat. Ganiyan din pagdating sa pagkikimkim ng sama ng loob. Habang nagkikimkim tayo ng sama ng loob—kahit maliit na bagay lang ang dahilan—lalo nating sinasaktan ang ating sarili. Kaya hindi nakapagtatakang himukin tayo ni Jehova na kalimutan ang sama ng  loob. Oo, tayo rin ang makikinabang kung gagawin natin iyan.—Kawikaan 11:17.

Kapag hindi tayo nagkikimkim ng sama ng loob, tayo rin ang nakikinabang

“Parang si Jehova Mismo ang Kumakausap sa ’Kin”

Ano ang nakatulong kay Linda para hindi magkimkim ng sama ng loob dahil sa ginawa sa kaniya ng isang kapananampalataya? Isa na rito ang pagbubulay-bulay niya sa mga dahilang binanggit ng Bibliya kung bakit dapat magpatawad. (Awit 130:3, 4) Naantig si Linda sa katotohanang kapag nagpatawad tayo, patatawarin din tayo ni Jehova. (Efeso 4:32–5:2) Talagang naapektuhan siya nito, kaya nasabi niya: “Parang si Jehova mismo ang kumakausap sa ’kin.”

Nang maglaon, kinalimutan na ni Linda ang kaniyang sama ng loob. Pinatawad na niya ang sister at ngayon, mahal na niya ito bilang kaibigan. Nagpatuloy si Linda sa paglilingkod kay Jehova. Makatitiyak kang tutulungan ka ni Jehova na gawin din iyan.