Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Maging Malapít kay Jehova

 KABANATA 1

“Narito! Ito ang Ating Diyos”

“Narito! Ito ang Ating Diyos”

1, 2. (a) Anu-anong tanong ang nais mong iharap sa Diyos? (b) Ano ang itinanong ni Moises sa Diyos?

MAGUGUNIGUNI mo bang ikaw ay nakikipag-usap sa Diyos? Ang isipin man lamang ito ay nakapangingilabot na—ang Soberano ng uniberso ay nakikipag-usap sa iyo! Sa pasimula’y atubili ka, subalit maya-maya’y nakasagot ka rin. Nakinig siya, tumugon siya, at ipinadama pa man din niya sa iyo na malaya kang magharap ng anumang tanong na gusto mo. Ngayon, ano ang gusto mong itanong?

2 Noon, may isang lalaki na nasa ganiyang-ganiyang kalagayan. Ang pangalan niya ay Moises. Gayunman, baka magulat ka sa tanong na pinili niyang iharap sa Diyos. Hindi siya nagtanong tungkol sa kaniyang sarili, sa kaniyang kinabukasan, o maging sa malungkot na kalagayan ng sangkatauhan. Sa halip, itinanong niya ang pangalan ng Diyos. Maaaring ipagtaka mo iyan, dahil alam na naman ni Moises ang personal na pangalan ng Diyos. Kung gayon, tiyak na may mas malalim na kahulugan ang kaniyang tanong. Sa katunayan, iyon ang pinakamahalagang tanong na maaaring iharap ni Moises. Apektado tayong lahat ng sagot. Makatutulong ito sa iyo na gumawa ng isang napakahalagang hakbang upang maging malapít sa Diyos. Paano? Tingnan natin ang pambihirang pag-uusap na iyon.

3, 4. Anong mga pangyayari ang umakay sa pakikipag-usap ni Moises sa Diyos, at ano ang buod ng pag-uusap na iyon?

3 Si Moises ay 80 taóng gulang noon. Apat na dekada siyang napalayo sa kaniyang bayan, ang mga Israelita, na mga alipin sa Ehipto. Isang araw, habang inaalagaan niya ang kawan ng kaniyang biyenang lalaki, nakakita siya ng isang kababalaghan. Nagliliyab ang isang tinikang-palumpong, subalit hindi naman ito natutupok. Patuloy lamang itong nagliliyab, nagniningning na parang isang parola sa gilid ng bundok. Lumapit si Moises upang magsiyasat. Tiyak na nagulantang siya nang makipag-usap sa kaniya ang isang tinig mula sa gitna ng apoy! Sa pamamagitan ng isang tagapagsalitang anghel, ang Diyos at si Moises ay nag-usap na mabuti. At, gaya marahil ng alam mo, doon ay inatasan ng Diyos ang nag-aatubiling si  Moises na iwan ang kaniyang mapayapang buhay at magbalik sa Ehipto upang iligtas ang mga Israelita mula sa pagkaalipin.Exodo 3:1-12.

4 Nang sandaling iyon, maaari sanang tanungin ni Moises ang Diyos ng kahit ano. Gayunman, pansinin ang kaniyang piniling tanong: “Sakaling pumaroon ako ngayon sa mga anak ni Israel at sabihin ko sa kanila, ‘Isinugo ako sa inyo ng Diyos ng inyong mga ninuno,’ at sabihin nila sa akin, ‘Ano ang pangalan niya?’ Ano ang sasabihin ko sa kanila?”Exodo 3:13.

5, 6. (a) Ang tanong ni Moises ay nagtuturo sa atin ng anong simple at mahalagang katotohanan? (b) Anong mabigat na pagkakasala ang ginawa sa personal na pangalan ng Diyos? (c) Bakit napakahalaga na isiniwalat ng Diyos ang kaniyang pangalan sa sangkatauhan?

5 Una sa lahat, itinuturo sa atin ng tanong na iyan na ang Diyos ay may pangalan. Hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang simpleng katotohanang ito. Subalit marami ang gumagawa nito. Ang personal na pangalan ng Diyos ay inalis sa di-mabilang na mga salin ng Bibliya at pinalitan ng mga titulo, gaya ng “Panginoon” at “Diyos.” Ito ang isa sa mga pinakamasaklap at pinakamabigat na pagkakasalang ginawa sa ngalan ng relihiyon. Kung sa bagay, ano ba ang una mong ginagawa kapag may nakilala ka? Hindi ba’t itinatanong mo ang pangalan niya? Ganiyan din sa pagkilala sa Diyos. Hindi siya isang walang-pangalan at malayong puwersa, na hindi maaaring makilala o maabot ng isip. Bagaman di-nakikita, siya’y isang persona, at siya’y may pangalan—Jehova.

6 Bukod diyan, kapag isinisiwalat ng Diyos ang kaniyang personal na pangalan, isang pambihira at kapana-panabik na bagay ang napipintong mangyari. Inaanyayahan niya tayong makilala siya. Nais niyang piliin natin ang pinakamagaling na mapipili natin sa buhay—ang maging malapít sa kaniya. Subalit higit pa ang ginawa ni Jehova kaysa sabihin lamang sa atin ang kaniyang pangalan. Itinuro din niya sa atin ang mga katangian ng personang nagtataglay ng pangalang ito.

Ang Kahulugan ng Pangalan ng Diyos

7. (a) Ano ang nauunawaan natin tungkol sa kahulugan ng pangalan ng Diyos? (b) Ano ang talagang nais malaman ni Moises nang itanong niya sa Diyos ang Kaniyang pangalan?

7 Si Jehova ang pumili ng kaniyang sariling pangalan, isa na punung-puno  ng kahulugan. Nauunawaan natin na ang pangalang “Jehova” ay nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon.” Wala siyang katulad sa buong uniberso dahil siya ang lumikha sa lahat ng bagay at pinangyayari niyang matupad ang lahat ng kaniyang layunin. Lubhang kamangha-mangha iyan! Pero may iba pa bang isinisiwalat ang kahulugan ng pangalan ng Diyos? Maliwanag na nais ni Moises na matuto pa nang higit. Ang totoo, alam na niya na si Jehova ang Maylalang, at alam niya ang pangalan ng Diyos. Ang pangalan ng Diyos ay hindi na bago noon. Maraming siglo nang ginagamit ito ng mga tao. Sa katunayan, nang itanong ang pangalan ng Diyos, ang talagang itinatanong ni Moises ay tungkol sa personang kinakatawan ng pangalan. Sa diwa, sinasabi niyang: ‘Ano ang sasabihin ko sa iyong bayang Israel tungkol sa iyo na magpapatibay ng kanilang pananampalataya sa iyo, na makakakumbinsi sa kanila na talagang ililigtas mo sila?’

8, 9. (a) Paano sinagot ni Jehova ang tanong ni Moises, at ano ang kadalasang mali sa paraan ng pagsasalin sa Kaniyang tugon? (b) Ano ang kahulugan ng pangungusap na “Ako ay magiging gayon sa anumang ako ay magiging gayon”?

8 Bilang tugon ay isiniwalat ni Jehova ang isang kapana-panabik na aspekto ng kaniyang personalidad, na nauugnay sa kahulugan ng kaniyang pangalan. Sinabi niya kay Moises: “Ako ay magiging gayon sa anumang ako ay magiging gayon.” (Exodo 3:14) Sa maraming ibang bersiyon ng Bibliya, ganito ang pagkakasalin dito: “Ako yaong ako nga.” Pero ipinakikita ng maingat na mga salin dito na hindi lamang pinatutunayan ng Diyos ang kaniyang pag-iral. Sa halip, itinuturo niya kay Moises—at pati na rin sa ating lahat—na siya ay “magiging gayon,” o pipiliin niyang maging, anuman ang kinakailangan para maisakatuparan ang kaniyang mga pangako. Ganito tuwirang isinalin ni J. B. Rotherham ang talatang ito: “Ako ay Magiging anuman na kalugdan ko.” Ganito ipinaliwanag ng isang awtoridad sa Bibliyang Hebreo ang parirala: “Anuman ang kalagayan o pangangailangan . . . , ang Diyos ang ‘magiging’ solusyon sa pangangailangang iyon.”

9 Ano ang naging kahulugan niyan para sa mga Israelita? Anumang hadlang ang mapaharap sa kanila, anumang hirap ang kasadlakan nila, si Jehova ay magiging anuman na kinakailangan upang iligtas sila mula sa pagkaalipin at dalhin sila sa Lupang Pangako. Tiyak na pumukaw ng pagtitiwala sa Diyos ang pangalang iyan. Ganoon din ang magagawa niyan sa atin sa ngayon. (Awit 9:10) Bakit?

10, 11. Paanong ang pangalan ng Diyos ay nag-aanyaya sa atin na alalahanin siya bilang ang pinakamahusay sa lahat ng bagay at pinakamagaling na Ama na mailalarawan sa isip? Ipaghalimbawa.

 10 Bilang paghahalimbawa: Batid ng mga magulang na kailangang sila’y mahusay sa lahat ng bagay at marunong makibagay sa pangangalaga sa kanilang mga anak. Sa loob ng maghapon, ang magulang ay maaaring maging nars, tagapagluto, guro, tagadisiplina, hukom, at marami pa. Marami ang lubhang nabibigatan dahil sa napakaraming papel na inaasahang gagampanan nila. Napapansin nila ang lubos na pagtitiwala sa kanila ng kanilang mga anak, na hinding-hindi nag-aalinlangan na kayang pagalingin nina Tatay at Nanay ang sugat, lutasin ang lahat ng pag-aaway, ayusin ang anumang nasirang laruan, at sagutin ang anumang tanong na sumasagi sa kanilang isip na walang tigil sa pag-uusisa. Ang ilang magulang ay nakadaramang hindi sila karapat-dapat at paminsan-minsan ay nasisiraan ng loob dahil sa kanilang sariling mga limitasyon. Nadarama nilang sila’y labis na nagkukulang sa pagganap ng marami sa mga papel na ito.

11 Si Jehova rin ay isang maibiging magulang. Subalit, sa nasasaklaw ng kaniyang sakdal na mga pamantayan, walang anumang papel ang hindi niya kayang gampanan upang mapangalagaan ang kaniyang mga anak sa lupa sa pinakamabuting paraang magagawa. Kaya ang kaniyang pangalang Jehova ay nag-aanyaya sa atin na alalahanin siya bilang ang pinakamagaling na Ama na mailalarawan sa isip. (Santiago 1:17) Di-nagtagal at naranasan ni Moises at ng lahat ng iba pang tapat na mga Israelita na si Jehova ay totoo sa kaniyang pangalan. Buong-panggigilalas silang nagmasid habang pinapangyayari niyang siya’y maging isang di-nagagaping Kumandante ng Militar, ang Panginoon ng lahat ng likas na elemento, walang-kapantay na Tagapagbigay-Batas, Hukom, Arkitekto, Tagapaglaan ng pagkain at tubig, Tagapag-ingat ng kasuutan at panyapak—at marami pa.

12. Paanong ang saloobin ni Paraon kay Jehova ay naiiba sa saloobin ni Moises?

12 Sa ganitong paraan ipinakilala ni Jehova ang kaniyang personal na pangalan, isiniwalat ang kapana-panabik na mga bagay tungkol sa personang nagtataglay ng pangalang iyan, at pinatunayan pa nga na totoo ang sinasabi niya tungkol sa kaniyang sarili. Walang alinlangan, nais ng Diyos na makilala natin siya. Paano tayo tumutugon? Ninais ni Moises na makilala ang Diyos. Ang matinding hangaring  iyan ang humubog sa buong landasin ng buhay ni Moises at umakay sa kaniya na maging napakalapít sa kaniyang makalangit na Ama. (Bilang 12:6-8; Hebreo 11:27) Nakalulungkot, iilan lamang sa mga kapanahon ni Moises ang may ganiyang hangarin. Nang banggitin ni Moises ang pangalan ni Jehova kay Paraon, ang palalong Ehipsiyong monarkang iyon ay dagling tumugon: “Sino si Jehova?” (Exodo 5:2) Hindi ninais ni Paraon na matuto pa nang higit tungkol kay Jehova. Sa halip, buong-pangungutyang binale-wala niya ang Diyos ng Israel bilang walang halaga o walang kabuluhan. Ang ganiyang pananaw ay lubhang karaniwan sa ngayon. Binubulag nito ang mga tao sa isa sa pinakamahalaga sa lahat ng katotohanan—si Jehova ang Soberanong Panginoon.

Ang Soberanong Panginoong Jehova

13, 14. (a) Bakit binigyan si Jehova ng maraming titulo sa Bibliya, at ano ang ilan sa mga ito? (Tingnan ang kahon sa pahina 14.) (b) Bakit tanging si Jehova lamang ang karapat-dapat na tawaging “Soberanong Panginoon”?

13 Si Jehova ay napakahusay sa lahat ng bagay at napakagaling makibagay anupat nararapat lamang na taglayin niya ang maraming titulo sa Kasulatan. Ang mga ito’y hindi kaagaw ng kaniyang personal na pangalan; sa halip, itinuturo ng mga ito sa atin ang higit pa tungkol sa kinakatawanan ng kaniyang pangalan. Halimbawa, tinatawag siyang “Soberanong Panginoong Jehova.” (2 Samuel 7:22) Ang matayog na titulong iyan, na daan-daang ulit na lumitaw sa Bibliya, ay nagsasabi sa atin ng posisyon ni Jehova. Tanging siya lamang ang may karapatang maging Tagapamahala sa buong uniberso. Isaalang-alang kung bakit.

14 Si Jehova ay namumukod-tangi bilang Maylalang. Ang Apocalipsis 4:11 ay nagsasabi: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.” Ang mariringal na salitang ito ay hindi maikakapit sa sino pa mang persona. Utang kay Jehova ng lahat ng bagay sa uniberso ang pag-iral nito! Walang alinlangan na si Jehova ay karapat-dapat sa karangalan, kapangyarihan, at kaluwalhatian na kaakibat ng pagiging Soberanong Panginoon at Maylalang ng lahat ng bagay.

15. Bakit tinawag si Jehova na “Haring walang hanggan”?

 15 Ang isa pang titulo na ikinapit tangi lamang kay Jehova ay “Haring walang hanggan.” (1 Timoteo 1:17; Apocalipsis 15:3) Ano ang kahulugan nito? Mahirap para sa ating limitadong kaisipan na maunawaan ito, subalit si Jehova ay walang hanggan sa magkabilang direksiyon—sa nakaraan at sa hinaharap. Ang Awit 90:2 ay nagsasabi: “Mula pa sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda ay ikaw ang Diyos.” Kaya si Jehova ay hindi kailanman nagkaroon ng pasimula; lagi siyang umiiral. Nararapat lamang na tawagin siyang “ang Sinauna sa mga Araw”—walang hanggan na siyang umiiral bago pa man umiral ang sinuman o anuman sa uniberso! (Daniel 7:9, 13, 22) Sino kaya ang may-katuwirang makatututol sa kaniyang karapatan na maging Soberanong Panginoon?

16, 17. (a) Bakit hindi natin nakikita si Jehova, at bakit hindi natin dapat pagtakhan iyan? (b) Sa anong diwa higit na totoo si Jehova kaysa sa anumang bagay na ating nakikita o nahihipo?

16 Gayunman, tinututulan nga ng ilan ang karapatang iyan, gaya ni Paraon. Bahagi ng suliranin ang sobrang pagtitiwala ng di-sakdal na mga tao sa nakikita ng kanilang mga mata. Hindi natin nakikita ang Soberanong Panginoon. Siya’y isang espiritung persona, di-nakikita ng mga mata ng tao. (Juan 4:24) Bukod diyan, kung ang isang taong may laman at dugo ay tatayo sa mismong presensiya ng Diyos na Jehova, ang karanasang ito ay totoong makamamatay. Sinabi mismo ni Jehova kay Moises: “Hindi mo maaaring makita ang aking mukha, sapagkat walang tao ang makakakita sa akin at mabubuhay pa.”Exodo 33:20; Juan 1:18.

17 Hindi natin dapat pagtakhan iyan. Nakita ni Moises ang isang bahagi lamang ng kaluwalhatian ni Jehova, malamang na sa pamamagitan ng isang kinatawang anghel. Ano ang naging epekto? Ang mukha ni Moises ay ‘nagliwanag’ nang mahaba-habang panahon pagkaraan nito. Natakot ang mga Israelita na tumingin man lamang nang deretso sa mukha ni Moises. (Exodo 33:21-23; 34:5-7, 29, 30) Kung gayon, tiyak na walang hamak na tao ang makatitingin sa mismong Soberanong Panginoon sa kaniyang buong kaluwalhatian! Nangangahulugan ba ito na siya’y hindi kasintunay ng mga bagay na ating nakikita at nahihipo? Hindi, agad  nating tinatanggap na totoo ang maraming bagay na hindi natin nakikita—halimbawa ang hangin, mga radio wave, at mga ideya. Isa pa, si Jehova ay namamalagi at di-apektado ng paglipas ng panahon, kahit ng di-mabilang na bilyun-bilyong taon! Sa diwang iyan, siya’y lalong higit na totoo kaysa sa anumang nahihipo o nakikita natin, sapagkat ang pisikal na daigdig ay tumatanda at nabubulok. (Mateo 6:19) Kung gayon, iisipin ba natin na siya’y isa lamang di-matukoy, di-personal na puwersa o mahiwagang Unang Sanhi? Tingnan natin.

Isang Diyos na May Personalidad

18. Anong pangitain ang ibinigay kay Ezekiel, at ano ang isinasagisag ng apat na mukha ng mga “nilalang na buháy” na malapit kay Jehova?

18 Bagaman hindi natin nakikita ang Diyos, may kapana-panabik na mga talata sa Bibliya na tumutulong sa atin upang masilayan ang mismong langit. Ang isang halimbawa ay ang unang kabanata ng Ezekiel. Si Ezekiel ay binigyan ng isang pangitain tungkol sa makalangit na organisasyon ni Jehova, na nakita niya bilang isang pagkalaki-laking makalangit na karo. Ang lalo nang kahanga-hanga ay ang pagkakalarawan sa mga makapangyarihang espiritung nilalang na nakapalibot kay Jehova. (Ezekiel 1:4-10) Ang mga “nilalang na buháy” na ito ay may malapit na kaugnayan kay Jehova, at ang kanilang anyo ay nagsasabi sa atin ng isang bagay na mahalaga tungkol sa Diyos na kanilang pinaglilingkuran. Bawat isa ay may apat na mukha—yaong sa toro, sa leon, sa agila, at sa tao. Maliwanag na ang mga ito’y sumasagisag sa apat na namumukod na katangian ng personalidad ni Jehova.Apocalipsis 4:6-8, 10.

19. Anong katangian ang kinakatawan ng (a) mukha ng toro? (b) mukha ng leon? (c) mukha ng agila? (d) mukha ng tao?

19 Sa Bibliya, ang toro ay karaniwan nang kumakatawan sa kapangyarihan, at angkop naman, sapagkat ito’y talagang napakalakas na hayop. Sa kabilang dako naman, ang leon ay karaniwan nang lumalarawan sa katarungan, sapagkat ang tunay na katarungan ay nangangailangan ng tapang, isang bantog na katangian ng mga leon. Ang mga agila ay kilalang-kilala sa kanilang napakatalas na paningin, anupat nakikita kahit na ang napakaliliit na bagay na kilu-kilometro ang layo. Kaya ang mukha ng agila ay  angkop na lumalarawan sa malayong pananaw ng karunungan ng Diyos. At ang mukha ng tao? Buweno, ang tao na nilalang sa larawan ng Diyos ay walang katulad sa kaniyang kakayahang ipakita ang nangingibabaw na katangian ng Diyos—ang pag-ibig. (Genesis 1:26) Ang mga pitak na ito ng personalidad ni Jehova—kapangyarihan, katarungan, karunungan, at pag-ibig—ay napakadalas itampok sa Kasulatan anupat ang mga ito’y maaaring tukuyin bilang pangunahing mga katangian ng Diyos.

20. Dapat ba tayong mag-alala na baka nagbago na ang personalidad ni Jehova, at bakit iyan ang sagot mo?

20 Dapat ba tayong mag-alala na baka nagbago na ang Diyos sa paglipas ng libu-libong taon mula nang siya’y ilarawan sa Bibliya? Hindi, ang personalidad ng Diyos ay hindi nagbabago. Sinasabi niya sa atin: “Ako ay si Jehova; hindi ako nagbabago.” (Malakias 3:6) Sa halip na biglang magbago dahil sa bugso ng damdamin, pinatutunayan ni Jehova na siya’y isang huwarang Ama sa paraan ng kaniyang pagharap sa bawat situwasyon. Ipinamamalas niya ang mga aspektong iyon ng kaniyang personalidad na pinakanaaangkop. Sa apat na mga katangian, ang nangingibabaw ay ang pag-ibig. Ito’y nakikita sa lahat ng ginagawa ng Diyos. Ginagamit niya ang kaniyang kapangyarihan, katarungan, at karunungan sa maibiging paraan. Sa katunayan, may di-pangkaraniwang bagay na sinasabi ang Bibliya hinggil sa Diyos at sa katangiang ito. Ito’y nagsasabi:  “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Pansinin na hindi nito sinasabing ang Diyos ay may pag-ibig o na ang Diyos ay maibigin. Sa halip, sinasabi nito na ang Diyos ay pag-ibig. Ang pag-ibig, na siyang buod ng kaniyang personalidad, ang gumaganyak sa kaniya sa lahat ng kaniyang ginagawa.

“Narito! Ito ang Ating Diyos”

21. Ano ang ating madarama habang higit nating napag-uunawa ang mga katangian ni Jehova?

21 Nakakita ka na ba ng isang bata na itinuturo ang kaniyang ama sa kaniyang mga kaibigan at pagkatapos ay tuwang-tuwa at buong-pagmamalaking nagsasabi, “Iyan ang tatay ko”? Taglay ng mga mananamba sa Diyos ang lahat ng dahilan upang madama ang gayundin kay Jehova. Inihula ng Bibliya na darating ang panahon na ang tapat na mga tao ay bubulalas: “Narito! Ito ang ating Diyos.” (Isaias 25:8, 9) Habang nagtatamo ka ng higit na kaunawaan sa mga katangian ni Jehova, lalo mong nadarama na ikaw ay may pinakamahusay na Ama na mailalarawan sa isip.

22, 23. Paano inilalarawan ng Bibliya ang ating makalangit na Ama, at paano natin nalalaman na nais niya tayong maging malapít sa kaniya?

22 Ang Amang ito ay hindi malamig makitungo, walang-malasakit, o malayô—di-gaya ng itinuturo ng ilang istriktong relihiyonista at mga pilosopo. Malayong mápalapít tayo sa isang malamig-makitungong Diyos, at hindi ganoon ang pagkakalarawan ng Bibliya sa ating makalangit na Ama. Sa kabaligtaran, ang tawag nito sa kaniya ay “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Taglay niya kapuwa ang mga damdaming masidhi at malumanay. Siya ay ‘nasasaktan sa kaniyang puso’ kapag ang kaniyang matatalinong nilalang ay lumalabag sa mga tagubiling ibinibigay niya para sa kanilang kapakanan. (Genesis 6:6; Awit 78:41) Subalit kapag tayo’y kumikilos nang may karunungan ayon sa kaniyang Salita, ‘pinasasaya natin ang kaniyang puso.’Kawikaan 27:11.

23 Nais ng ating Ama na tayo’y maging malapít sa kaniya. Hinihimok tayo ng kaniyang Salita na ‘apuhapin siya at talagang masumpungan siya, bagaman, sa katunayan, hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.’ (Gawa 17:27) Kung gayon, paano magiging posible para sa hamak na mga tao na mápalapít sa Soberanong Panginoon ng uniberso?