Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Maging Malapít kay Jehova

 KABANATA 29

“Upang Makilala ang Pag-ibig ng Kristo”

“Upang Makilala ang Pag-ibig ng Kristo”

1-3. (a) Ano ang nag-udyok kay Jesus upang maghangad na maging katulad ng kaniyang Ama? (b) Anong mga pitak ng pag-ibig ni Jesus ang ating susuriin?

NAKAKITA ka na ba ng isang batang lalaki na nagsisikap na maging katulad ng kaniyang ama? Maaaring ginagaya ng anak na ito ang paraan ng kaniyang ama sa paglakad, pagsasalita, o pagkilos. Sa kalaunan, maaaring manahin pa nga ng bata ang moral at espirituwal na mga pamantayan ng kaniyang ama. Oo, ang pag-ibig at paghangang nadarama ng isang anak sa isang maibiging ama ang nag-uudyok sa bata upang maghangad na maging katulad ng kaniyang tatay.

2 Kumusta naman ang ugnayan ni Jesus at ng kaniyang makalangit na Ama? “Iniibig ko ang Ama,” minsan ay sinabi ni Jesus. (Juan 14:31) Walang sinuman ang makaiibig kay Jehova nang higit pa kaysa sa Anak na ito, na malaon nang kasa-kasama ng Ama bago pa man lumitaw ang ibang mga nilalang. Ang pag-ibig na iyan ang nag-udyok sa debotong Anak na ito na maghangad na maging katulad ng kaniyang Ama.Juan 14:9.

3 Sa naunang mga kabanata ng aklat na ito, tinalakay natin kung paano ganap na tinularan ni Jesus ang kapangyarihan, katarungan, at karunungan ni Jehova. Subalit, paano naman kaya ipinamalas ni Jesus ang pag-ibig ng kaniyang Ama? Suriin natin ang tatlong pitak ng pag-ibig ni Jesus—ang kaniyang espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili, ang kaniyang magiliw na pagkamahabagin, at ang kaniyang pagiging handang magpatawad.

“Walang Sinuman ang May Pag-ibig na Mas Dakila Kaysa Rito”

4. Paano nagpakita si Jesus ng pinakadakilang halimbawa ng pag-ibig na may pagsasakripisyo sa sarili bilang isang tao?

4 Si Jesus ay nagpakita ng isang namumukod-tanging halimbawa ng pag-ibig na may pagsasakripisyo sa sarili. Ang pagsasakripisyo sa sarili ay nangangahulugan ng walang pag-iimbot na pag-una sa  mga pangangailangan at kapakanan ng iba kaysa sa ating sarili. Paano ipinamalas ni Jesus ang gayong pag-ibig? Siya mismo ay nagpaliwanag: “Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito, na ibigay ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 15:13) Kusang-loob na ibinigay ni Jesus ang kaniyang sakdal na buhay para sa atin. Ito ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig na nagawa kailanman ng isang tao. Subalit ipinakita ni Jesus ang pag-ibig na may pagsasakripisyo sa sarili sa iba rin namang paraan.

5. Bakit ang pag-alis niya sa mga langit ay isang maibiging pagsasakripisyo ng bugtong na Anak ng Diyos?

5 Sa kaniyang pag-iral bago naging tao, ang bugtong na Anak ng Diyos ay may bukod-tangi at nakatataas na posisyon sa mga langit. Siya ay may matalik na pakikipagsamahan kay Jehova at sa pulu-pulutong na mga espiritung nilalang. Sa kabila ng personal na mga bentahang ito, “hinubad [ng minamahal na Anak na ito] ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at napasawangis ng tao.” (Filipos 2:7) Kusang-loob siyang namuhay na kasama ng makasalanang mga tao sa isang sanlibutan na “nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Hindi ba’t iyan ay isang maibiging pagsasakripisyo ng Anak ng Diyos?

6, 7. (a) Sa anu-anong paraan ipinakita ni Jesus ang pag-ibig na may pagsasakripisyo sa sarili noong kaniyang ministeryo sa lupa? (b) Anong nakaaantig na halimbawa ng walang pag-iimbot na pag-ibig ang nakaulat sa Juan 19:25-27?

6 Sa kaniyang buong ministeryo sa lupa, ipinakita ni Jesus ang pag-ibig na may pagsasakripisyo sa sarili sa iba’t ibang paraan. Wala siyang bahid man lamang ng pag-iimbot. Abalang-abala siya sa kaniyang ministeryo anupat isinakripisyo niya ang normal na kaginhawahang nakaugalian na ng mga tao. “Ang mga sorra ay may mga lungga at ang mga ibon sa langit ay may mga dapuan,” ang sabi niya, “ngunit ang Anak ng tao ay walang dakong mahihigan ng kaniyang ulo.” (Mateo 8:20) Bilang isang mahusay na karpintero, maaari sanang magtayo muna si Jesus ng sariling komportableng tahanan o gumawa muna ng magagandang muwebles na maipagbibili upang siya’y magkapera naman. Subalit hindi niya ginamit ang kaniyang kakayahan upang magtamo ng materyal na mga bagay.

7 Ang isang tunay na nakaaantig na halimbawa ni Jesus ng pag-ibig na may pagsasakripisyo sa sarili ay nakaulat sa Juan 19:25-27.  Isip-isipin na lamang ang maraming bagay na tiyak na gumagambala sa isip at puso ni Jesus noong kinahapunang iyon ng kaniyang kamatayan. Habang siya’y naghihirap sa tulos, nasa isip niya ang kaniyang mga alagad, ang pangangaral, at lalo na ang kaniyang katapatan at ang idudulot nito sa pangalan ng kaniyang Ama. Sa katunayan, nakasalalay sa kaniyang mga balikat ang buong kinabukasan ng sangkatauhan! Gayunman, mga ilang sandali na lamang bago siya mamatay, nagpakita rin ng pagkabahala si Jesus para sa kaniyang inang si Maria, na malamang na isa nang biyuda noon. Hiniling ni Jesus kay apostol Juan na alagaan niya si Maria anupat ituring na parang sarili niyang ina, at kinupkop naman ng apostol si Maria sa kaniyang tahanan. Sa gayon ay inasikaso ni Jesus ang pisikal at espirituwal na kapakanan ng kaniyang ina. Tunay ngang napakagiliw na kapahayagan ng walang pag-iimbot na pag-ibig!

“Nahabag Siya”

8. Ano ang kahulugan ng salitang Griego na ginamit sa Bibliya upang ilarawan ang pagkamahabagin ni Jesus?

8 Gaya ng kaniyang Ama, si Jesus ay mahabagin. Ang Kasulatan ay naglalarawan kay Jesus bilang isa na nagsisikap makatulong sa mga napipighati sapagkat siya’y lubhang naaantig. Upang ilarawan ang pagkamahabagin ni Jesus, ginamit sa Bibliya ang isang salitang Griego na isinaling “nahabag.” Sinabi ng isang iskolar: “Naglalarawan ito . . . ng isang damdaming umaantig sa isang tao mula sa kaibuturan ng kaniyang puso. Ito ang pinakamariing salita sa Griego para sa pagkadama ng pagkahabag.” Isaalang-alang ang ilang situwasyon na dito’y naantig si Jesus ng isang matinding pagkahabag na siyang nag-udyok sa kaniya upang kumilos.

9, 10. (a) Ano ang situwasyon noon kung kaya si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay humanap ng isang tahimik na lugar? (b) Nang maistorbo ng isang pulutong ang kaniyang pagbukod mula sa karamihan, ano ang naging reaksiyon ni Jesus, at bakit?

9 Naudyukang tugunan ang espirituwal na mga pangangailangan. Ang ulat sa Marcos 6:30-34 ay nagpapakita kung ano ang pangunahing nag-udyok kay Jesus upang mahabag. Ilarawan sa isip ang tanawin. Ang mga apostol ay tuwang-tuwa noon, dahil katatapos pa lamang nila sa malawakang paglilibot upang mangaral. Bumalik sila kay Jesus at sabik na ibinalita ang lahat ng kanilang nakita  at narinig. Subalit natipon ang isang malaking pulutong, anupat ni wala man lamang panahon si Jesus at ang kaniyang mga apostol upang kumain. Palibhasa’y likas na mapagmasid, napansin ni Jesus na pagód na ang mga apostol. “Halikayo, kayo mismo, nang sarilinan sa isang liblib na dako at magpahinga nang kaunti,” ang sabi niya sa kanila. Sakay ng isang bangka, sila’y naglayag patawid sa hilagang dulo ng Dagat ng Galilea sa isang tahimik na lugar. Subalit nakita ng pulutong ang kanilang pag-alis. Nabalitaan naman ito ng iba. Lahat sila ay nagtakbuhan sa may hilagang baybayin at nauna pa nga sa bangka na makarating sa kabilang ibayo!

10 Nagalit ba si Jesus dahil naistorbo ang kaniyang pagbukod mula sa karamihan? Hindi naman! Naantig ang kaniyang damdamin nang makita ang pulutong na ito, na may bilang na libu-libo, na naghihintay sa kaniya. Sumulat si Marcos: “Nakita niya ang isang malaking pulutong, ngunit nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay gaya ng mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila ng maraming bagay.” Itinuring ni Jesus ang mga taong ito bilang mga indibiduwal na may pangangailangan sa espirituwal. Sila ay gaya ng mga tupang nagpapalabuy-laboy na lamang, palibhasa’y walang pastol na umaakay o nagsasanggalang sa kanila. Batid ni Jesus na ang karaniwang mga tao ay pinababayaan ng walang-malasakit na mga lider ng relihiyon, na dapat sana’y naging mapagmalasakit na mga pastol. (Juan 7:47-49) Nahabag siya sa mga tao, kaya tinuruan niya sila “tungkol sa kaharian ng Diyos.” (Lucas 9:11) Pansinin na si Jesus ay nahabag sa mga tao bago pa man niya makita ang kanilang reaksiyon sa kaniyang ituturo sa kanila. Sa ibang pananalita, ang magiliw na pagkamahabagin ay, hindi ang resulta ng kaniyang pagtuturo sa pulutong, kundi ang motibo na nag-udyok sa kaniya na gawin iyon.

“Iniunat niya ang kaniyang kamay at hinipo siya”

11, 12. (a) Paano pinakikitunguhan ang mga ketongin noong panahon ng Bibliya, subalit paano tumugon si Jesus nang siya’y lapitan ng isang lalaking “punô ng ketong”? (b) Paano naapektuhan ang ketongin sa paghipo ni Jesus, at paano ito ipinaghalimbawa ng karanasan ng isang doktor?

11 Naudyukang ibsan ang pagdurusa. Batid ng mga taong may iba’t ibang karamdaman na si Jesus ay mahabagin, kaya naman sila’y lumapit sa kaniya. Kitang-kita ito nang si Jesus, habang sinusundan siya ng mga pulutong, ay lapitan ng isang lalaking “punô  ng ketong.” (Lucas 5:12) Noong panahon ng Bibliya, ang mga ketongin ay ikinukuwarentenas upang huwag makahawa sa iba. (Bilang 5:1-4) Gayunman, nang maglaon, ang mga rabinikong lider ay bumuo ng isang walang-awang pangmalas sa ketong at nagpataw ng kanilang sariling mabibigat na alituntunin. * Gayunman, pansinin kung paano tinugon ni Jesus ang ketongin: “May lumapit din sa kaniya na isang ketongin, na nakaluhod pa man ding namamanhik sa kaniya, na sinasabi sa kaniya: ‘Kung ibig mo lamang, mapalilinis mo ako.’ Sa gayon ay nahabag siya, at iniunat niya ang kaniyang kamay at hinipo siya, at sinabi sa kaniya: ‘Ibig ko. Luminis ka.’ At kaagad na naglaho sa kaniya ang ketong.” (Marcos 1:40-42) Batid ni Jesus na hindi man lamang dapat na naroroon ang ketongin. Subalit sa halip na itaboy ito, si Jesus ay lubhang naantig anupat gumawa siya ng isang bagay na hindi sukat akalain. Hinipo ni Jesus ang ketongin!

12 Maiisip mo kaya ang kahulugan para sa ketongin ng paghipong iyon? Bilang paghahalimbawa, isaalang-alang ang isang karanasan. Ikinuwento ni Dr. Paul Brand, espesyalista sa ketong, ang tungkol sa isang ketongin na ginamot niya sa India. Habang sinusuri niya ito, inakbayan ng doktor ang ketongin at ipinaliwanag, sa tulong ng isang interprete, ang paggamot na gagawin sa lalaki. Kapagdaka, biglang umiyak ang ketongin. “May nasabi ba akong masama?” tanong ng doktor. Tinanong ng interprete ang binata sa kaniyang wika at sumagot: “Wala raw po, doktor. Napaiyak daw po siya dahil inakbayan ninyo siya. Sa loob ng maraming taon ay ngayon lamang daw po may humipo sa kaniya.” Para sa ketonging lumapit kay Jesus, ang paghipo sa kaniya ay may mas malawak pa ngang kahulugan. Pagkatapos ng minsang paghipong iyon, ang karamdamang naging dahilan upang siya’y itakwil ay nawala!

13, 14. (a) Anong prusisyon ang nasalubong ni Jesus pagdating sa lunsod ng Nain, at bakit ito’y isang napakalungkot na situwasyon? (b) Ang pagkahabag ni Jesus ay nag-udyok sa kaniya upang gawin ang ano alang-alang sa babaing balo ng Nain?

 13 Naudyukang pawiin ang pamimighati. Si Jesus ay lubhang naantig sa pamimighati ng iba. Halimbawa, isaalang-alang ang nakaulat sa Lucas 7:11-15. Naganap ito nang, sa mga kalahatian ng kaniyang ministeryo, si Jesus ay dumating sa may hangganan ng lunsod ng Nain sa Galilea. Habang papalapit si Jesus sa pintuang-daan ng lunsod, nasalubong niya ang isang prusisyon ng libing. Tunay na napakalungkot ng mga pangyayari. Ang namatay ay nag-iisang anak na binata, at ang ina naman nito ay isang balo. Malamang na nakasama na rin siya noon sa ganitong prusisyon—yaong sa kaniyang asawa. Sa pagkakataong ito ay sa kaniyang anak naman, na marahil ay siyang tanging sumusuporta sa kaniya. Kabilang marahil sa mga kasama niyang nakikipaglibing noon ang karagdagang mga mang-aawit ng mga panaghoy at manunugtog ng malulungkot na himig. (Jeremias 9:17, 18; Mateo 9:23) Gayunman, napatitig si Jesus sa namimighating ina, na walang-alinlangang naglalakad sa tabi ng langkayan na kinalalagyan ng bangkay ng kaniyang anak.

14 Si Jesus ay “nahabag” sa naulilang ina. Sa nakaaaliw na tinig, sinabi niya sa kaniya: “Huwag ka nang tumangis.” Kusa siyang lumapit sa langkayan at hinipo niya iyon. Ang mga tagapagdala—at marahil ang iba pang nakikipaglibing noon—ay napahinto. Sa malakas na tinig, kinausap ni Jesus ang bangkay: “Binata, sinasabi ko sa iyo, Bumangon ka!” Ano kaya ang sumunod na nangyari? “Ang taong patay ay umupo at nagsimulang magsalita” na para bang nagising sa mahimbing na pagtulog! Pagkatapos ay isinunod ang isang totoong nakaaantig na pangungusap: “At ibinigay siya [ni Jesus] sa kaniyang ina.”

15. (a) Ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa pagkahabag ni Jesus ay nagpapakita ng anong kaugnayan sa pagitan ng pagkahabag at pagkilos? (b) Paano natin matutularan si Jesus sa bagay na ito?

15 Ano ang matututuhan natin sa mga ulat na ito? Sa bawat pangyayari, pansinin ang kaugnayan ng pagkahabag at pagkilos. Hindi maaaring hindi mahabag si Jesus kapag nakikita niya ang malungkot na kalagayan ng iba, at hindi maaaring hindi siya kikilos kapag nahahabag siya. Paano kaya natin matutularan ang kaniyang halimbawa? Bilang mga Kristiyano, tayo ay may obligasyon  na mangaral ng mabuting balita at gumawa ng mga alagad. Pangunahin nang tayo ay nauudyukan ng pag-ibig sa Diyos. Gayunman, alalahanin natin na ito ay isa ring gawain ng pagkahabag. Kung tayo ay may empatiya sa mga tao na gaya ni Jesus, mauudyukan tayo ng ating puso na gawin ang lahat ng ating makakaya upang ibahagi ang mabuting balita sa kanila. (Mateo 22:37-39) Kumusta naman ang pagpapakita ng pagkahabag sa mga kapananampalatayang nagdurusa o namimighati? Wala tayong kakayahan na makahimalang magpagaling ng karamdaman o bumuhay ng patay. Subalit, maipakikita natin ang pagkahabag sa pamamagitan ng pagmamalasakit o paglalaan ng kinakailangang tulong.Efeso 4:32.

“Ama, Patawarin Mo Sila”

16. Paano nakita ang pagnanais ni Jesus na magpatawad kahit na noong siya ay nasa haliging pahirapan?

16 Ganap na masasalamin kay Jesus ang pag-ibig ng kaniyang Ama sa isa pang mahalagang paraan—siya ay “handang magpatawad.” (Awit 86:5) Ang katangiang ito ay nakita kahit na noong siya ay nasa haliging pahirapan. Nang sapilitang iparanas sa kaniya ang isang nakahihiyang kamatayan, anupat nakabaon ang mga pako sa kaniyang mga kamay at paa, ano ang sinabi ni Jesus? Hiniling ba niya kay Jehova na parusahan ang mga nagpapahirap sa kaniya? Sa kabaligtaran, ganito ang naging mga huling salita ni Jesus: “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”Lucas 23:34. *

17-19. Sa anu-anong paraan ipinakita ni Jesus na pinatawad na niya si apostol Pedro sa pagtatatwa sa Kaniya nang tatlong ulit?

17 Marahil ang isa pa ngang mas nakaaantig na halimbawa ni Jesus ng pagpapatawad ay makikita sa paraan ng pakikitungo niya kay apostol Pedro. Walang kaduda-duda na pinakaiibig ni Pedro si  Jesus. Noong Nisan 14, huling gabi ng buhay ni Jesus, sinabi ni Pedro sa kaniya: “Panginoon, handa akong sumama sa iyo kapuwa sa bilangguan at sa kamatayan.” Subalit, ilang oras lamang pagkaraan nito, tatlong ulit na itinatwa ni Pedro na hindi man lamang daw niya kilala si Jesus! Sinasabi sa atin ng Bibliya ang nangyari habang binibigkas ni Pedro ang kaniyang ikatlong pagtatatwa: “Ang Panginoon ay bumaling at tumingin kay Pedro.” Palibhasa’y nanlupaypay sa bigat ng kaniyang kasalanan, si Pedro ay “lumabas at tumangis nang may kapaitan.” Nang mamatay si Jesus sa pagtatapos ng araw na iyon, malamang na naisip ng apostol, ‘Napatawad kaya ako ng aking Panginoon?’Lucas 22:33, 61, 62.

18 Hindi na kinailangang maghintay pa si Pedro nang matagal para sagutin. Si Jesus ay binuhay-muli noong umaga ng Nisan 16, at malamang na noon mismong araw na iyon, siya ay personal na dumalaw kay Pedro. (Lucas 24:34; 1 Corinto 15:4-8) Bakit kaya gayon na lamang ang atensiyong ibinigay ni Jesus sa apostol na siyang mariing nagtatwa sa Kaniya? Maaaring nais ni Jesus na patibaying-loob ang nagsisising si Pedro na siya’y iniibig pa rin at pinahahalagahan ng kaniyang Panginoon. Subalit higit pa nga rito ang ginawa ni Jesus upang mapatibay-loob si Pedro.

19 Pagkalipas ng ilang araw, si Jesus ay nagpakita sa mga alagad sa Dagat ng Galilea. Sa pagkakataong ito, tatlong ulit na tinanong ni Jesus si Pedro (na tatlong ulit na nagtatwa sa kaniyang Panginoon) hinggil sa pag-ibig ni Pedro sa kaniya. Pagkatapos ng ikatlong tanong, sumagot si Pedro: “Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay; batid mong may pagmamahal ako sa iyo.” Tunay naman na, yamang nakababasa siya ng puso, alam na alam ni Jesus ang pag-ibig at pagmamahal ni Pedro sa kaniya. Gayunman, binigyan ni Jesus si Pedro ng pagkakataong patunayan ang kaniyang pag-ibig. Bukod diyan, inatasan ni Jesus si Pedro na “pakainin” at “pastulan” ang Kaniyang “maliliit na tupa.” (Juan 21:15-17) Bago nito, tumanggap na si Pedro ng isang atas na mangaral. (Lucas 5:10) Subalit ngayon, sa isang pambihirang pagpapamalas ng pagtitiwala, binigyan siya ni Jesus ng mas mabigat na pananagutan—ang pangalagaan ang magiging mga tagasunod ni Kristo. Di-nagtagal pagkaraan, binigyan ni Jesus si Pedro ng isang prominenteng papel sa gawain ng mga alagad. (Gawa 2:1-41) Tiyak na nakahinga si Pedro nang maluwag sa pagkaalam na pinatawad na siya ni Jesus at may tiwala pa rin ito sa kaniya!

 Iyo Bang ‘Nakikilala ang Pag-ibig ng Kristo’?

20, 21. Paano natin lubusang ‘makikilala ang pag-ibig ng Kristo’?

20 Tunay ngang napakaganda ng pagkakalarawan ng Salita ni Jehova sa pag-ibig ng Kristo. Kung gayon, paano kaya natin tutugunin ang pag-ibig ni Jesus? Ang Bibliya ay humihimok sa atin na “makilala ang pag-ibig ng Kristo na nakahihigit sa kaalaman.” (Efeso 3:19) Gaya ng nakita na natin, ang mga ulat ng Ebanghelyo may kinalaman sa buhay at ministeryo ni Jesus ay may malaking naituturo sa atin tungkol sa pag-ibig ng Kristo. Gayunman, higit pa sa basta pagkatuto lamang ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaniya ang kailangan upang lubusang “makilala ang pag-ibig ng Kristo.”

21 Ang terminong Griego na isinaling “upang makilala” ay nangangahulugang makilala sa “praktikal na paraan, sa pamamagitan ng karanasan.” Kung tayo ay nagpapakita ng pag-ibig na gaya ng kay Jesus—anupat walang pag-iimbot na naghahandog ng sarili alang-alang sa iba, mahabaging tumutugon sa kanilang mga pangangailangan, buong-pusong nagpapatawad sa kanila—kung gayon ay tunay na mauunawaan natin ang kaniyang damdamin. Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng karanasan ay nagagawa nating “makilala ang pag-ibig ng Kristo na nakahihigit sa kaalaman.” At huwag nating kalilimutan kailanman na habang higit tayong nagiging gaya ni Kristo, lalo tayong nápapalapít sa isa na ganap na tinularan ni Jesus, ang ating maibiging Diyos, si Jehova.

^ par. 11 Binanggit ng rabinikong mga alituntunin na dapat ay di-lalampas sa apat na siko (mga 1.8 metro) ang distansiya ng sinuman mula sa isang ketongin. Ngunit kapag mahangin, dapat ay di-kukulangin sa 100 siko (mga 45 metro) ang distansiya ng ketongin. Binabanggit sa Midrash Rabbah ang tungkol sa isang rabi na nagtago mula sa mga ketongin at sa isa pa na nambato sa mga ketongin upang itaboy ang mga ito. Kaya naman, alam ng mga ketongin ang sakit na nadarama ng isang pinandidirihan, hinahamak, at kinasusuklaman.

^ par. 16 Ang unang bahagi ng Lucas 23:34 ay inalis sa ilang sinaunang manuskrito. Gayunman, dahil sa ang mga salitang ito ay makikita sa maraming iba pang mapanghahawakang manuskrito, ang mga ito ay inilakip sa Bagong Sanlibutang Salin at sa marami pang ibang salin. Maliwanag na ang tinutukoy ni Jesus ay ang mga sundalong Romano na nagpako sa kaniya. Hindi nila alam ang kanilang ginagawa, yamang hindi nila kilala kung sino talaga si Jesus. Mangyari pa, ang mga lider ng relihiyon na nagsulsol sa pagpaslang na iyon ang mas higit na dapat sisihin, sapagkat alam nila ang kanilang ginagawa at masama ang kanilang hangarin. Para sa marami sa kanila, wala nang naghihintay na kapatawaran.Juan 11:45-53.

Higit Pang Impormasyon

Kung Paano Mananatiling Mapagsakripisyo

May kaaway tayo na maaaring dumaig sa ating pagiging mapagsakripisyo. Alamin kung ano ang kaaway na iyon at kung paano magagamit ang Bibliya para malabanan iyon.