Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Maging Malapít kay Jehova

 KABANATA 25

“Magiliw na Pagkamahabagin ng Ating Diyos”

“Magiliw na Pagkamahabagin ng Ating Diyos”

1, 2. (a) Paano likas na tumutugon ang isang ina sa pag-iyak ng kaniyang bunso? (b) Anong damdamin ang makapupong higit na masidhi kaysa sa pagkamahabagin ng isang ina?

ISANG hatinggabi, may isang sanggol na umiyak. Agad na nagising ang ina. Hindi na mahimbing ang tulog niya ngayon na gaya ng dati—hindi na nga, mula nang isilang ang kaniyang bunso. Natutuhan na niyang kilalanin ang iba’t ibang uri ng pag-iyak ng kaniyang bunso. Kaya naman, alam na niya kung ang kaniyang bunso ay gutóm, nagpapakalong, o kaya naman ay nagpapapansin lamang. Subalit anuman ang dahilan ng pag-iyak ng sanggol, naririyan agad ang ina. Hindi niya maatim na di-pansinin ang mga pangangailangan ng kaniyang anak.

2 Ang habag na nadarama ng isang ina para sa kaniyang anak na nagmula sa kaniyang sinapupunan ay isa sa pinakamagigiliw na damdaming nadarama ng mga tao. Gayunman, may isang damdamin na makapupong higit na masidhi—ang magiliw na pagkamahabagin ng ating Diyos, si Jehova. Ang pagsasaalang-alang sa mapagmahal na katangiang ito ay makatutulong sa atin upang higit na mápalapít kay Jehova. Kung gayon, pag-usapan natin kung ano ang pagkamahabagin at kung paano ito ipinamamalas ng ating Diyos.

Ano ba ang Pagkamahabagin?

3. Ano ang kahulugan ng pandiwang Hebreo na isinaling “maawa” o “mahabag”?

3 Sa Bibliya, may malapit na kaugnayan ang pagkamahabagin at pagkamaawain. Ipinahihiwatig ng ilang salita sa Hebreo at Griego ang diwa ng magiliw na pagkamahabagin. Halimbawa, isaalang-alang ang pandiwang Hebreo na ra·chamʹ, na karaniwang isinasaling “maawa” o “mahabag.” Ipinaliliwanag ng isang reperensiyang akda na ang pandiwang ra·chamʹ “ay nagpapahiwatig ng isang masidhi at magiliw na damdamin ng pagkamahabagin, gaya ng nadarama natin kapag nakikita ang panghihina o pagdurusa  ng ating mga minamahal o ng mga nangangailangan ng ating tulong.” Ang Hebreong terminong ito na ikinakapit ni Jehova sa kaniyang sarili ay may kaugnayan sa salitang “sinapupunan” at mailalarawan bilang “makainang pagkamahabagin.” *Exodo 33:19; Jeremias 33:26.

“Malilimutan ba ng asawang babae . . . ang anak ng kaniyang tiyan?”

4, 5. Paano ginagamit sa Bibliya ang damdamin ng isang ina para sa kaniyang bunso upang ituro sa atin ang tungkol sa pagkamahabagin ni Jehova?

4 Ginagamit sa Bibliya ang damdaming taglay ng isang ina sa kaniyang bunso upang ituro sa atin ang kahulugan ng pagkamahabagin ni Jehova. Sa Isaias 49:15, mababasa natin: “Malilimutan ba ng asawang babae ang kaniyang pasusuhin anupat hindi niya kahahabagan [ra·chamʹ] ang anak ng kaniyang tiyan? Maging ang mga babaing ito ay makalilimot, ngunit ako ay hindi makalilimot sa iyo.” Ang nakaaantig na paglalarawang iyan ay nagdiriin ng sidhi ng pagkahabag ni Jehova sa kaniyang bayan. Paano?

5 Mahirap isipin na malilimutang pasusuhin at alagaan ng isang ina ang kaniyang anak. Kasi, ang isang sanggol ay walang magagawa sa kaniyang sarili; gabi’t araw ang isang sanggol ay nangangailangan ng atensiyon at pagmamahal ng kaniyang ina. Gayunman, nakalulungkot sabihin na may nababalitaan tayo tungkol sa pagpapabaya ng ina, lalo na sa “mga huling araw” na ito na kakikitaan ng kawalan ng “likas na pagmamahal.” (2 Timoteo 3:1, 3) “Ngunit,” ipinahayag ni Jehova, “ako ay hindi makalilimot sa iyo.” Ang magiliw na pagkamahabagin na taglay ni Jehova para sa kaniyang mga lingkod ay walang pagmamaliw. Ito’y mas masidhi pa kaysa sa pinakamagiliw na likas na damdamin na maiisip natin—ang pagkahabag na karaniwang nadarama ng isang ina sa kaniyang bunso. Hindi nga kataka-taka na isang komentarista ang nagsabi tungkol sa Isaias 49:15: “Ito ang isa sa pinakamasisidhi, kung hindi man pinakamasidhing kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos na nasa Matandang Tipan.”

6. Minamalas ng maraming di-sakdal na tao ang magiliw na pagkamahabagin sa anong paraan, subalit ano ang tinitiyak sa atin ni Jehova?

6 Ang magiliw na pagkamahabagin ba ay tanda ng kahinaan?  Maraming di-sakdal na tao ang may gayong pangmalas. Halimbawa, itinuro ng pilosopong Romano na si Seneca, na kapanahon ni Jesus at nangunguna bilang marunong na tao sa Roma, na “ang pagkahabag ay isang kahinaan sa isipan.” Si Seneca ay tagapagtaguyod ng Stoisismo, isang pilosopiya na nagtatampok ng isang kahinahunan na walang anumang damdamin. Maaaring tulungan ng isang marunong na tao ang mga nababagabag, sabi ni Seneca, subalit hindi siya dapat maawa, sapagkat ang gayong damdamin ay mag-aalis ng kaniyang mahinahong kalagayan. Ang gayong makasariling pangmalas sa buhay ay nag-aalis ng taimtim na pagkahabag. Subalit hinding-hindi ganiyan si Jehova! Sa kaniyang Salita, tinitiyak sa atin ni Jehova na siya ay “napakamagiliw sa pagmamahal at mahabagin.” (Santiago 5:11, talababa sa Ingles) Gaya ng makikita natin, ang pagkamahabagin ay hindi kahinaan kundi isang malakas at mahalagang katangian. Suriin natin kung paanong si Jehova, gaya ng isang maibiging magulang, ay nagpapamalas nito.

Nang Magpakita si Jehova ng Pagkamahabagin sa Isang Bansa

7, 8. Sa anong paraan nagdusa ang mga Israelita sa sinaunang Ehipto, at paano tumugon si Jehova sa kanilang pagdurusa?

7 Kitang-kita ang pagkamahabagin ni Jehova sa paraan ng pakikitungo niya sa bansang Israel. Sa pagtatapos ng ika-16 na siglo B.C.E., milyun-milyong Israelita ang inalipin sa sinaunang Ehipto na doo’y buong-kalupitan silang pinahirapan. ‘Patuloy na pinapapait [ng mga Ehipsiyo] ang kanilang buhay sa mabigat na pagkaalipin sa argamasang luwad at mga laryo.’ (Exodo 1:11, 14) Dahil sa kanilang kagipitan, ang mga Israelita ay nagmakaawang tulungan sila ni Jehova. Paano tumugon ang Diyos ng magiliw na pagkamahabagin?

8 Parang kinurot ang puso ni Jehova. Sabi niya: “Walang pagsalang nakita ko ang kapighatian ng aking bayan na nasa Ehipto, at narinig ko ang kanilang daing dahilan doon sa mga sapilitang nagpapatrabaho sa kanila; sapagkat nalalaman kong lubos  ang kirot na kanilang tinitiis.” (Exodo 3:7) Hindi maaaring makita ni Jehova ang mga pagdurusa ng kaniyang bayan o marinig ang kanilang mga pagdaing nang hindi siya maaawa sa kanila. Gaya ng nakita natin sa Kabanata 24 ng aklat na ito, si Jehova ay Diyos ng empatiya. At ang empatiya—ang kakayahang madama ang kirot na nadarama ng iba—ay may malapit na kaugnayan sa pagkamahabagin. Subalit hindi lamang nadama ni Jehova ang nadarama ng kaniyang bayan; siya’y naudyukang kumilos alang-alang sa kanila. Ang Isaias 63:9 ay nagsasabi: “Dahil sa kaniyang pag-ibig at sa kaniyang habag ay tinubos niya sila.” Sa pamamagitan ng “isang malakas na kamay,” iniligtas ni Jehova ang mga Israelita mula sa Ehipto. (Deuteronomio 4:34) Pagkatapos, pinaglaanan niya sila ng makahimalang pagkain at inihatid sila sa kanilang sariling mabungang lupain.

9, 10. (a) Bakit paulit-ulit na iniligtas ni Jehova ang mga Israelita matapos na sila’y mamirmihan na sa Lupang Pangako? (b) Noong kapanahunan ni Jepte, iniligtas ni Jehova ang mga Israelita sa anong paniniil, at ano ang nag-udyok sa kaniya na gawin ito?

9 Hindi natapos diyan ang pagkamahabagin ni Jehova. Nang ang Israel ay namimirmihan na sa Lupang Pangako, ito ay paulit-ulit na nagtaksil at nagdusa dahil dito. Subalit pagkaraan, ang bayan ay natatauhan naman at tumatawag kay Jehova. Paulit-ulit niya silang iniligtas. Bakit? “Sapagkat siya ay nahabag sa kaniyang bayan.”2 Cronica 36:15; Hukom 2:11-16.

10 Isaalang-alang ang nangyari noong kapanahunan ni Jepte. Yamang ang mga Israelita ay bumaling sa paglilingkod sa huwad na mga diyos, pinabayaan ni Jehova na sila’y siilin ng mga Amorita sa loob ng 18 taon. Sa wakas, nagsisi ang mga Israelita. Ang Bibliya ay nagsasabi sa atin: “Pinasimulan nilang alisin ang mga banyagang diyos mula sa gitna nila at naglingkod sila kay Jehova, kung kaya ang kaniyang kaluluwa ay hindi na nakatiis dahil sa kabagabagan ng Israel.” * (Hukom 10:6-16) Nang magpakita ng  tunay na pagsisisi ang kaniyang bayan, hindi na makayanan ni Jehova na makita silang nagdurusa. Kaya naman ang Diyos ng magiliw na pagkamahabagin ay nagbigay ng kapangyarihan kay Jepte upang iligtas ang mga Israelita mula sa kamay ng kanilang mga kaaway.Hukom 11:30-33.

11. Mula sa pakikitungo ni Jehova sa mga Israelita, ano ang matututuhan natin tungkol sa pagkamahabagin?

11 Ano ang itinuturo sa atin ng pakikitungo ni Jehova sa bansang Israel tungkol sa magiliw na pagkamahabagin? Una sa lahat, nakita natin na hindi lamang ito basta pagkadama ng habag sa mga kapighatiang dinaranas ng mga tao. Alalahanin ang halimbawa ng isang ina na naudyukan ng pagkahabag upang tumugon sa pag-iyak ng kaniyang anak. Sa katulad na paraan, si Jehova ay hindi bingi sa mga pagsusumamo ng kaniyang bayan. Ang kaniyang magiliw na pagkamahabagin ay nag-uudyok sa kaniya upang ibsan ang kanilang pagdurusa. Karagdagan pa, ang paraan ni Jehova ng pakikitungo sa mga Israelita ay nagtuturo sa atin na ang pagkamahabagin ay hindi kailanman isang kahinaan, yamang ang magiliw na katangiang ito ang nag-udyok sa kaniya upang gumawa ng matatag at dagliang pagkilos alang-alang sa kaniyang bayan. Subalit nagpapakita ba si Jehova ng pagkamahabagin sa kaniyang mga lingkod bilang isang grupo lamang?

Ang Pagkamahabagin ni Jehova sa mga Indibiduwal

12. Paano namamalas sa Kautusan ang pagkamahabagin ni Jehova sa mga indibiduwal?

12 Ang Kautusan na ibinigay ng Diyos sa bansang Israel ay nagpakita ng kaniyang pagkamahabagin sa mga indibiduwal. Halimbawa, isaalang-alang ang kaniyang pagmamalasakit sa mahihirap. Batid ni Jehova na maaaring bumangon ang di-inaasahang pangyayari na maaaring magsadlak sa isang Israelita tungo sa karalitaan. Paano dapat pakitunguhan ang mahihirap? Mahigpit na inutusan ni Jehova ang mga Israelita: “Huwag mong patitigasin ang iyong puso o pagtitikuman ng iyong kamay ang iyong dukhang kapatid. Dapat ka ngang magbigay sa kaniya, at ang iyong puso ay hindi dapat maging maramot sa pagbibigay mo sa kaniya, sapagkat sa dahilang ito ay pagpapalain ka ni Jehova na iyong Diyos sa lahat ng iyong gawa.” (Deuteronomio 15:7, 10) Iniutos pa nga ni  Jehova sa mga Israelita na huwag sasairin ang pag-ani sa gilid ng kanilang mga bukid o pupulutin ang mga natira. Ang mga himalay na iyon ay para sa mga maralita. (Levitico 23:22; Ruth 2:2-7) Kung susunod ang bansa sa makonsiderasyong batas na ito alang-alang sa mahihirap na nasa gitna nila, ang gipit na mga indibiduwal sa Israel ay hindi na kailangan pang mamalimos ng pagkain. Hindi ba’t namamalas diyan ang magiliw na pagkamahabagin ni Jehova?

13, 14. (a) Paano tinitiyak sa atin ng mga salita ni David na si Jehova ay lubos na nagmamalasakit sa atin bilang mga indibiduwal? (b) Paano maipaghahalimbawa na si Jehova ay malapit sa mga “wasak ang puso” o “may espiritung nasisiil”?

13 Gayundin sa ngayon, ang ating maibiging Diyos ay lubos na nagmamalasakit sa atin bilang mga indibiduwal. Makatitiyak tayong alam na alam niya ang anumang pagdurusang maaaring dinaranas natin. Ang salmistang si David ay sumulat: “Ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang paghingi ng tulong. Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.” (Awit 34:15, 18) Hinggil doon sa mga inilalarawan ng mga salitang ito, isang komentarista sa Bibliya ang nagsabi: “Sila ay may wasak na puso at napipighating espiritu, samakatuwid nga, nagpakahamak dahil sa kasalanan, at walang respeto sa sarili; mababa ang tingin nila sa kanilang sarili, at walang tiwala sa sarili nilang halaga.” Maaaring madama ng gayong mga tao na si Jehova ay napakalayo at na sila’y walang kahala-halaga upang pagmalasakitan niya. Subalit hindi totoo iyan. Tinitiyak sa atin ng mga salita ni David na hindi pinababayaan ni Jehova yaong “mababa ang tingin sa kanilang sarili.” Alam ng ating mahabaging Diyos na sa gayong mga pagkakataon ay kailangang-kailangan natin siya, at siya’y malapit naman.

14 Isaalang-alang ang isang karanasan. Sa Estados Unidos, isinugod ng isang ina ang kaniyang dalawang-taóng-gulang na anak na lalaki sa ospital dahil sa grabeng ubo. Matapos suriin ang bata, sinabi ng mga doktor sa ina na kailangan muna itong manatili sa ospital sa buong magdamag. Saan natulog ang ina? Sa isang silya sa kuwarto ng ospital, sa tabi ng kama ng kaniyang anak! Ang  kaniyang anak ay may-sakit, at kailangang nasa tabi niya siya. Tiyak na mas higit pa riyan ang maaasahan natin sa ating maibiging Ama sa langit! Tutal, tayo’y ginawa ayon sa kaniyang larawan. (Genesis 1:26) Ang nakaaantig na mga salita sa Awit 34:18 ay nagsasabi sa atin na kapag “wasak ang [ating] puso” o tayo’y “may espiritung nasisiil,” si Jehova, gaya ng isang maibiging magulang, “ay malapit”—palaging nahahabag at handang tumulong.

15. Sa anong mga paraan tinutulungan tayo ni Jehova bilang mga indibiduwal?

15 Kung gayon, paano tayo tinutulungan ni Jehova bilang mga indibiduwal? Hindi niya laging kailangang alisin ang dahilan ng ating pagdurusa. Subalit si Jehova ay saganang naglalaan sa mga humihingi ng tulong sa kaniya. Ang kaniyang Salita, ang Bibliya, ay nagbibigay ng praktikal na payo na may malaking maitutulong. Sa kongregasyon, si Jehova ay naglalaan ng mga tagapangasiwang kuwalipikado sa espirituwal, na nagsisikap magpamalas ng kaniyang pagkamahabagin sa pagtulong sa mga kapuwa mananamba. (Santiago 5:14, 15) Bilang ang “Dumirinig ng panalangin,” nagbibigay siya ng “banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.” (Awit 65:2; Lucas 11:13) Magagawa ng espiritung iyan na mapuspos tayo ng “lakas na higit sa karaniwan” upang makapagbata hanggang sa alisin na ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng maiigting na suliranin. (2 Corinto 4:7) Hindi ba natin ipagpapasalamat ang lahat ng mga paglalaang ito? Huwag nating kalilimutan na ang mga ito’y kapahayagan ng magiliw na pagkamahabagin ni Jehova.

16. Ano ang pinakadakilang halimbawa ng pagkamahabagin ni Jehova, at paano ito nakaaapekto sa atin bilang mga indibiduwal?

16 Mangyari pa, ang pinakadakilang halimbawa ng pagkamahabagin ni Jehova ay nang ibigay niya ang Isa na pinakamamahal niya bilang pantubos para sa atin. Iyon ay isang maibiging sakripisyo ni Jehova, at nagbukas ito ng daan para sa ating kaligtasan. Alalahanin, ang paglalaang iyan ng pantubos ay kapit sa atin bilang mga indibiduwal. Angkop lamang na ihula ni Zacarias, ama ni Juan na Tagapagbautismo, na ang paglalaang ito ay nagtanghal ng “magiliw na pagkamahabagin ng ating Diyos.”Lucas 1:78.

 Nang Pigilin ni Jehova ang Pagkahabag

17-19. (a) Paano ipinakikita sa Bibliya na ang pagkamahabagin ni Jehova ay may limitasyon? (b) Ano ang naging dahilan kung kaya nasagad ang limitasyon ng pagkamahabagin ni Jehova sa kaniyang bayan?

17 Iisipin ba natin na ang magiliw na pagkamahabagin ni Jehova ay walang limitasyon? Sa kabaligtaran, maliwanag na ipinakikita sa Bibliya na sa kaso ng mga indibiduwal na sumasalansang sa matuwid na mga daan ni Jehova, angkop lamang na pigilin ni Jehova ang pagkahabag. (Hebreo 10:28) Upang maunawaan kung bakit niya ginagawa ito, alalahanin ang halimbawa ng bansang Israel.

18 Bagaman paulit-ulit na iniligtas ni Jehova ang mga Israelita mula sa kanilang mga kaaway, sumagad na rin ang kaniyang pagkamahabagin. Ang sutil na bayang ito ay nagsagawa ng idolatriya, anupat dinala pa nga ang kanilang kasuklam-suklam na mga idolo sa mismong templo ni Jehova! (Ezekiel 5:11; 8:17, 18) Sinabi pa sa atin: “Patuloy nilang kinakantiyawan ang mga mensahero ng tunay na Diyos at hinahamak ang kaniyang mga salita at nililibak ang kaniyang mga propeta, hanggang sa ang pagngangalit ni Jehova ay sumiklab laban sa kaniyang bayan, hanggang sa wala nang kagalingan.” (2 Cronica 36:16) Umabot na ang mga Israelita sa punto na wala nang wastong dahilan upang sila’y kahabagan pa, at pinukaw nila ang matuwid na galit ni Jehova. Ang resulta?

19 Hindi na makadama si Jehova ng habag sa kaniyang bayan. Inihayag niya: “Hindi ako mahahabag, ni malulumbay man, at hindi ako magkakaroon ng awa na pipigil sa pagpapahamak sa kanila.” (Jeremias 13:14) Sa gayon, ang Jerusalem at ang templo nito ay nawasak, at ang mga Israelita ay dinalang bihag sa Babilonya. Kalunus-lunos nga kapag ang makasalanang mga tao ay nagiging lubhang mapaghimagsik anupat nasasagad na nila ang limitasyon ng pagkamahabagin ng Diyos!Panaghoy 2:21.

20, 21. (a) Ano ang mangyayari kapag ang pagkamahabagin ng Diyos ay nasagad na sa ating kapanahunan? (b) Anong mahabaging paglalaan ni Jehova ang tatalakayin sa susunod na kabanata?

20 Kumusta naman sa ngayon? Hindi pa rin nagbabago si Jehova. Dahil sa habag, inatasan niya ang kaniyang mga Saksi na ipangaral ang ‘mabuting balita ng kaharian’ sa buong tinatahanang  lupa. (Mateo 24:14) Kapag tumutugon ang matuwid-pusong mga tao, tinutulungan sila ni Jehova na maunawaan ang mensahe ng Kaharian. (Gawa 16:14) Subalit ang gawaing ito ay hindi magpapatuloy magpakailanman. Hindi nga isang pagkamahabagin para kay Jehova na hayaang magpatuloy nang walang hanggan ang balakyot na sanlibutang ito, pati na ang lahat ng kahapisan at pagdurusa nito. Kapag nasagad na ang pagkamahabagin ng Diyos, lalapatan ni Jehova ng hatol ang sistemang ito ng mga bagay. Kahit sa panahong iyon, siya’y kikilos taglay ang pagkahabag—pagkahabag sa kaniyang “banal na pangalan” at sa kaniyang tapat na mga lingkod. (Ezekiel 36:20-23) Aalisin ni Jehova ang kabalakyutan at pangyayarihin niya ang isang matuwid na bagong sanlibutan. Tungkol sa mga balakyot, nagpahayag si Jehova: “Ang aking mata ay hindi maaawa, ni mahahabag man ako. Ang kanilang lakad ay tiyak na pasasapitin ko sa kanilang sariling ulo.”Ezekiel 9:10.

21 Hangga’t wala pa iyon, si Jehova ay patuloy na nakadarama ng habag sa mga tao, maging sa mga napapaharap sa pagkapuksa. Ang makasalanang mga tao na tapat na nagsisisi ay maaaring makinabang mula sa isa sa pinakamahabaging mga paglalaan ni Jehova—ang pagpapatawad. Sa susunod na kabanata, tatalakayin natin ang ilan sa magagandang ilustrasyon sa Bibliya na nagpapahiwatig ng pagiging ganap ng pagpapatawad ni Jehova.

^ par. 3 Gayunman, kapansin-pansin na sa Awit 103:13, ang pandiwang Hebreo na ra·chamʹ ay nagpapahiwatig ng awa, o habag, na ipinakikita ng isang ama sa kaniyang mga anak.

^ par. 10 Ang pananalitang “ang kaniyang kaluluwa ay hindi na nakatiis” ay literal na nangangahulugang “ang kaniyang kaluluwa ay naging maikli; ang kaniyang pagtitiis ay naubos.” Ang The New English Bible ay kababasahan: “Hindi na niya mabata na makita ang kaawa-awang kalagayan ng Israel.” Ganito naman ang salin ng Tanakh—A New Translation of the Holy Scriptures: “Hindi niya matiis ang mga paghihirap ng Israel.”

Higit Pang Impormasyon