Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Maging Malapít kay Jehova

 KABANATA 23

“Siya ang Unang Umibig sa Atin”

“Siya ang Unang Umibig sa Atin”

1-3. Anu-ano ang ilang dahilan kung kaya ang kamatayan ni Jesus ay naiiba sa lahat sa kasaysayan?

ISANG araw ng tagsibol noon halos 2,000 taon na ang nakalilipas, isang walang-kasalanang tao ang nilitis, hinatulan ng mga krimeng hindi niya kailanman ginawa, at pagkatapos ay pinahirapan hanggang sa mamatay. Hindi ito ang unang malupit at di-makatarungang pagpatay na nangyari sa kasaysayan; nakalulungkot, hindi rin ito ang huli. Gayunman, ang kamatayang iyon ay naiiba sa lahat.

2 Habang ang taong iyon ay naghihirap sa kaniyang huling mga oras ng pag-aagaw-buhay, kitang-kita sa kaanyuan mismo ng langit ang kahalagahan ng pangyayaring iyon. Bagaman katanghaliang tapat noon, ang kadiliman ay biglang lumukob sa lupain. Gaya ng pagkasabi ng isang istoryador, “naglaho ang liwanag ng araw.” (Lucas 23:44, 45) Pagkatapos, bago malagutan ng hininga ang taong iyon, sinabi niya ang di-malilimot na mga salitang ito: “Naganap na!” Tunay ngang sa paghahandog ng kaniyang buhay, isinagawa niya ang isang kahanga-hangang bagay. Ang kaniyang sakripisyo ang pinakadakilang gawa ng pag-ibig na nagawa kailanman ng sinumang tao.Juan 15:13; 19:30.

3 Mangyari pa, ang taong iyon ay si Jesu-Kristo. Balitang-balita ang kaniyang pagdurusa at kamatayan noong malagim na araw na iyon ng Nisan 14, 33 C.E. Gayunman, isang mahalagang katotohanan ang madalas na di-napapansin. Bagaman si Jesus ay dumanas ng matinding hirap, may isa pang higit na naghirap. Sa katunayan, may isa pang gumawa ng mas malaking sakripisyo nang araw na iyon—ang pinakadakilang gawa ng pag-ibig na nagawa kailanman ng sinuman sa buong uniberso. Ano kayang gawa iyon? Ang sagot ay naglalaan ng angkop na pambungad sa pinakamahalagang paksa sa lahat: ang pag-ibig ni Jehova.

 Ang Pinakadakilang Gawa ng Pag-ibig

4. Paano napatunayan ng isang sundalong Romano na si Jesus ay hindi nga isang ordinaryong tao, at ano ang naging konklusyon ng sundalong iyon?

4 Ang Romanong senturyon na nangasiwa sa pagpatay kay Jesus ay nanggilalas dahil sa nangyaring kadiliman bago mamatay si Jesus at sa napakalakas na lindol na kasunod nito. “Tiyak na ito ang Anak ng Diyos,” ang sabi niya. (Mateo 27:54) Maliwanag na hindi ordinaryong tao si Jesus. Ang sundalong iyon ay tumulong sa pagpatay sa bugtong na Anak ng Kataas-taasang Diyos! Gaano nga ba kahalaga ang Anak na ito sa kaniyang Ama?

5. Paano mailalarawan ang pagkahaba-habang panahong pinagsamahan ni Jehova at ng kaniyang Anak sa langit?

5 Si Jesus ay tinatawag sa Bibliya na “ang panganay sa lahat ng nilalang.” (Colosas 1:15) Isip-isipin na lamang—ang Anak ni Jehova ay umiiral na bago pa man lumitaw ang pisikal na uniberso. Kung gayon, gaano na katagal nagsasama ang Ama at ang Anak? Tinatantiya ng ilang siyentipiko na ang uniberso ay 13 bilyong taon na ang edad. Kaya mo bang arukin kahit sa isip man lamang ang pagkahaba-habang panahong iyon? Upang matulungan ang mga tao na maunawaan ang edad ng uniberso ayon sa pagtantiya ng mga siyentipiko, isang planetarium ang naglagay ng isang talangguhit ng panahon na may 110 metro ang haba. Habang lumalakad ang mga bisita sa kahabaan ng talangguhit na iyon ng panahon, bawat hakbang nila ay kumakatawan sa mga 75 milyong taon sa buhay ng uniberso. Sa dulo ng talangguhit ng panahon, ang buong kasaysayan ng tao ay kinakatawanan ng isang markang singkapal lamang ng isang hibla ng buhok! Subalit, tama man ang pagtantiyang ito, hindi pa rin sasapat ang kabuuang talangguhit na iyon ng panahon upang kumatawan sa haba ng buhay ng Anak ni Jehova! Ano naman kaya ang kaniyang pinagkaabalahan sa loob ng pagkahaba-habang panahong iyon?

6. (a) Ano ang pinagkaabalahan ng Anak ni Jehova sa panahon ng kaniyang pag-iral bago naging tao? (b) Anong uri ng bigkis ang umiral sa pagitan ni Jehova at ng kaniyang Anak?

6 Ang Anak ay maligayang naglingkod bilang isang “dalubhasang manggagawa” ng kaniyang Ama. (Kawikaan 8:30) Ang Bibliya ay nagsasabi: “Kung hiwalay sa [Anak] ay walang isa mang bagay ang umiral.” (Juan 1:3) Kaya si Jehova at ang kaniyang Anak ay magkasamang gumawa upang pairalin ang lahat ng iba pang mga bagay.  Tunay ngang kapana-panabik at maliligayang panahon ang tinamasa nila! Ngayon, marami ang sasang-ayon na ang pag-iibigan ng magulang at ng anak ay talagang napakatibay. At ang pag-ibig ay “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Colosas 3:14) Kung gayon, sino kaya sa atin ang makaaarok sa tibay ng bigkis na umiral sa gayong pagkahaba-habang panahon? Maliwanag, ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak ay pinag-isa ng pinakamatibay na bigkis ng pag-ibig na nabuo kailanman.

7. Nang mabautismuhan si Jesus, paano ipinahayag ni Jehova ang kaniyang nadarama tungkol sa kaniyang Anak?

7 Sa kabila nito, isinugo ng Ama ang kaniyang Anak sa lupa upang isilang bilang isang sanggol. Ang paggawa nito ay nangangahulugang sa loob ng ilang dekada, kailangang ipagkait ni Jehova sa kaniyang sarili ang matalik na pakikipagsamahan sa kaniyang minamahal na Anak sa langit. Taglay ang matinding interes, pinagmasdan Niya mula sa langit ang paglaki ni Jesus hanggang sa maging isang sakdal na tao. Si Jesus ay nabautismuhan nang siya’y mga 30 taóng gulang na. Hindi na natin kailangan pang hulaan kung ano ang nadama ni Jehova tungkol sa kaniya. Nagsalita mismo ang Ama mula sa langit: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” (Mateo 3:17) Nang makita na buong-katapatang tinupad ni Jesus ang lahat ng inihula at ang lahat ng kahilingan sa kaniya, tiyak na tuwang-tuwa ang kaniyang Ama!Juan 5:36; 17:4.

8, 9. (a) Ano ang dinanas ni Jesus noong Nisan 14, 33 C.E., at paano naapektuhan ang kaniyang makalangit na Ama? (b) Bakit pinahintulutan ni Jehova na ang kaniyang Anak ay magdusa at mamatay?

8 Subalit, ano kaya ang nadama ni Jehova noong Nisan 14, 33 C.E.? Ano kaya ang kaniyang nadama nang si Jesus ay ipagkanulo at pagkatapos ay inaresto ng isang pangkat ng mang-uumog kinagabihan? Nang si Jesus ay pabayaan ng kaniyang mga kaibigan at mapasailalim sa isang ilegal na paglilitis? Nang siya’y tuyain, duraan, at suntukin? Nang siya’y hagupitin, anupat halos madurog ang kaniyang likod? Nang ipako ang kaniyang mga kamay at paa sa isang posteng kahoy at iniwang nakabitin doon habang nilalait siya ng mga tao? Ano kaya ang nadama ng Ama nang ang kaniyang minamahal na Anak ay dumaing sa kaniya habang nag-aagaw-buhay? Ano kaya ang nadama ni Jehova nang hugutin ni Jesus ang kaniyang huling hininga, at sa kauna-unahang pagkakataon mula sa pasimula ng lahat ng nilalang, ang Kaniyang pinakamamahal na Anak ay hindi na umiral?Mateo 26:14-16, 46, 47, 56, 59, 67; 27:38-44, 46; Juan 19:1.

“Ibinigay [ng Diyos] ang kaniyang bugtong na Anak”

 9 Kulang ang mga salita upang masagot natin ito. Yamang si Jehova ay may damdamin, ang kirot na dinanas niya sa pagkamatay ng kaniyang Anak ay hindi kayang ilarawan ng mga salita. Ang maaaring ipaliwanag ay ang motibo ni Jehova sa pagpapahintulot na ito’y maganap. Bakit kaya pumayag ang Ama na sumailalim siya sa gayong mga damdamin? Isinisiwalat ni Jehova sa atin ang isang kahanga-hangang bagay sa Juan 3:16—isang talata sa Bibliya na napakahalaga anupat tinawag itong munting Ebanghelyo. Ito’y nagsasabi: “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Kaya ang motibo ni Jehova sa kabuuan ay ito: pag-ibig. Ang kaloob ni Jehova—ang pagsusugo niya sa kaniyang Anak upang magdusa at mamatay para sa atin—ang pinakadakilang gawa ng pag-ibig kailanman.

Binigyang-Katuturan ang Pag-ibig ng Diyos

10. Ano ang pangangailangan ng mga tao, at ano ang nangyari sa kahulugan ng salitang “pag-ibig”?

10 Ano ang kahulugan ng salitang ito na “pag-ibig”? Ang pag-ibig ay inilarawan bilang ang pinakamahalagang pangangailangan ng mga tao. Mula sa pagsilang hanggang sa kamatayan, ang mga tao ay naghahangad ng pag-ibig, sumisigla sa init nito, nananamlay at namamatay pa nga dahil sa kawalan nito. Sa kabila nito, nakapagtataka na mahirap itong bigyan ng katuturan. Mangyari pa, napakadalas pag-usapan ng mga tao ang tungkol sa pag-ibig. Walang katapusan ang pagdagsa ng mga aklat, awitin, at mga tula tungkol dito. Hindi pa rin laging nililinaw ng mga ito ang kahulugan ng pag-ibig. Sa katunayan, sobra na ang paggamit sa salitang ito anupat lalo nang hindi matukoy ang tunay na kahulugan nito.

11, 12. (a) Saan tayo matututo nang marami tungkol sa pag-ibig, at bakit doon? (b) Anong mga uri ng pag-ibig ang ginamit sa sinaunang wikang Griego, at anong salita para sa “pag-ibig” ang pinakamadalas na ginagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan? (Tingnan din ang talababa.) (c) Ano ba ang a·gaʹpe?

11 Gayunman, malinaw ang turo ng Bibliya hinggil sa pag-ibig. Ang Expository Dictionary of New Testament Words ni Vine ay nagsasabi: “Ang pag-ibig ay makikilala lamang sa mga kilos na iniuudyok nito.” Ang mga nakaulat sa Bibliya na mga pagkilos ni Jehova ay napakaraming itinuturo sa atin tungkol sa kaniyang pag-ibig—ang magiliw na pagmamahal na taglay niya para sa kaniyang mga nilalang. Halimbawa,  ano pa nga ba ang higit na makapagsisiwalat sa katangiang ito kaysa sa pinakadakilang gawa ng pag-ibig ni Jehova mismo na inilarawan kanina? Sa susunod na mga kabanata, makikita natin ang marami pang mga halimbawa ng pagpapakita ni Jehova ng pag-ibig. Karagdagan pa, may makukuha tayong unawa mula sa orihinal na mga salita para sa “pag-ibig” na ginamit sa Bibliya. Sa sinaunang wikang Griego, may apat na salita para sa “pag-ibig.” * Sa mga ito, ang pinakamadalas gamitin sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay ang a·gaʹpe. Ang tawag dito ng isang diksyunaryo sa Bibliya ay “ang pinakamabisang salita na maiisip para sa pag-ibig.” Bakit?

12 Ang a·gaʹpe ay tumutukoy sa pag-ibig na inuugitan ng simulain. Kaya ito’y hindi lamang isang bugso ng damdamin para sa ibang tao. Mas malawak ang saklaw nito, mas pinag-iisipan at pinag-aaralang mabuti ang saligan nito. Higit sa lahat, ang a·gaʹpe ay walang anumang pag-iimbot. Halimbawa, tingnan muli ang Juan 3:16. Anong “sanlibutan” ang inibig ng Diyos nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak? Iyon ay ang sanlibutan na binubuo ng sangkatauhang maaaring tubusin. Kalakip dito ang maraming tao na tumatahak sa makasalanang landasin sa buhay. Iniibig ba ni Jehova ang bawat isa bilang isang personal na kaibigan, gaya ng pag-ibig niya sa tapat na si Abraham? (Santiago 2:23) Hindi naman, ngunit ang lahat ay maibiging pinagpapakitaan ni Jehova ng kabutihan, mangahulugan man ito ng napakalaking sakripisyo para sa kaniya. Nais niyang lahat ay magsisi at magbago ng kanilang landas. (2 Pedro 3:9) Marami ang gumawa nito. Ang mga ito’y masaya niyang tinatanggap bilang kaniyang mga kaibigan.

13, 14. Ano ang nagpapakitang karaniwan nang kalakip sa a·gaʹpe ang mainit na pagmamahal?

13 Gayunman, ang ilan ay may maling ideya tungkol sa a·gaʹpe. Ipinalalagay nilang ito’y nangangahulugan ng isang malamig at intelektuwal na uri ng pag-ibig. Ang totoo, karaniwan nang kalakip sa a·gaʹpe ang mainit at personal na pagmamahal. Halimbawa, nang  isulat ni Juan na, “Iniibig ng Ama ang Anak,” gumamit siya ng isang anyo ng salitang a·gaʹpe. Ang pag-ibig bang iyan ay salat sa mainit na pagmamahal? Pansinin na sinabi ni Jesus, “Minamahal ng Ama ang Anak,” na ginagamit ang isang anyo ng salitang phi·leʹo. (Juan 3:35; 5:20) Karaniwan nang kalakip sa pag-ibig ni Jehova ang magiliw na pagmamahal. Gayunman, ang kaniyang pag-ibig ay hindi kailanman basta nadadala lamang ng damdamin. Ito’y palaging inuugitan ng kaniyang marunong at makatarungang mga simulain.

14 Gaya ng nakita na natin, lahat ng katangian ni Jehova ay napakagaling, sakdal, at kaakit-akit. Subalit ang pinakakaakit-akit sa lahat ay ang pag-ibig. Walang ibang may gayong puwersa na makapaglálapít sa atin kay Jehova. Nakatutuwa, pag-ibig ang siya ring nangingibabaw na katangian niya. Paano natin ito nalalaman?

“Ang Diyos ay Pag-ibig”

15. Anong pangungusap ang binabanggit ng Bibliya tungkol sa katangian ni Jehova na pag-ibig, at sa anong paraan naiiba ang pangungusap na ito? (Tingnan din ang talababa.)

15 Ang Bibliya ay may binabanggit tungkol sa pag-ibig na hindi nito kailanman binabanggit tungkol sa iba pang pangunahing mga katangian ni Jehova. Hindi sinasabi sa Kasulatan na ang Diyos ay kapangyarihan o na ang Diyos ay katarungan o na ang Diyos ay karunungan pa nga. Siya ay nagtataglay ng mga katangiang ito, ang tanging bukal ng mga ito, at walang katulad kung tungkol sa lahat ng tatlong ito. Gayunman, tungkol sa ikaapat na katangian, isang bagay na mas malalim ang sinasabi: “Ang Diyos ay pag-ibig.” * (1 Juan 4:8) Ano ang kahulugan niyan?

16-18. (a) Bakit sinasabi sa Bibliya na “ang Diyos ay pag-ibig”? (b) Sa lahat ng mga nilalang sa lupa, bakit ang tao ay isang angkop na sagisag ng katangian ni Jehova na pag-ibig?

16 Ang pangungusap na “ang Diyos ay pag-ibig” ay hindi isang simpleng pagtutumbas na gaya ng pagsasabing, “ang Diyos ay katumbas ng pag-ibig.” Hindi tama na baligtarin natin ang pangungusap at sabihing  “ang pag-ibig ay Diyos.” Si Jehova ay makapupong nakahihigit kaysa sa isang simpleng katangian lamang. Siya’y isang persona na nagtataglay ng napakaraming iba’t ibang damdamin at mga katangian bukod pa sa pag-ibig. Gayunman, ang pag-ibig ay nasa kaibuturan mismo ng damdamin ni Jehova. Kaya naman isang reperensiyang akda ang nagsabi tungkol sa talatang ito: “Ang likas na katangian ng Diyos ay pag-ibig.” Karaniwan na, maaari natin itong ilarawan nang ganito: Ang kapangyarihan ni Jehova ang nagpapangyari sa kaniya na kumilos. Ang kaniyang katarungan at karunungan ang umuugit sa kaniyang pagkilos. Subalit ang pag-ibig ni Jehova ang nag-uudyok sa kaniya na kumilos. At palaging kaakibat ang kaniyang pag-ibig sa kaniyang paggamit ng iba pa niyang mga katangian.

17 Madalas sabihing si Jehova ang mismong personipikasyon ng pag-ibig. Kaya naman, kung nais nating matuto tungkol sa may-simulaing pag-ibig, dapat tayong matuto tungkol kay Jehova. Mangyari pa, maaari rin naman nating makita ang magandang katangiang ito sa mga tao. Ngunit bakit ito naroroon? Noong panahon ng paglalang, sinabi ni Jehova ang mga salitang ito, malamang na sa kaniyang Anak: “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis.” (Genesis 1:26) Sa lahat ng mga nilalang dito sa lupa, ang mga lalaki at babae lamang ang makapagpapasiyang umibig at sa gayon ay matularan ang kanilang makalangit na Ama. Alalahanin na si Jehova ay gumamit ng iba’t ibang nilalang upang sumagisag sa kaniyang pangunahing mga katangian. Gayunman, pinili ni Jehova ang kaniyang pinakamataas na uring nilalang sa lupa, ang tao, bilang sagisag ng Kaniyang nangingibabaw na katangian, ang pag-ibig.Ezekiel 1:10.

18 Kapag tayo’y umiibig sa paraang di-mapag-imbot at may simulain, nasasalamin sa atin ang nangingibabaw na katangian ni Jehova. Kagaya lamang ito ng isinulat ni apostol Juan: “Kung para sa atin, tayo ay umiibig, sapagkat siya ang unang umibig sa atin.” (1 Juan 4:19) Subalit sa anong mga paraan una tayong inibig ni Jehova?

Unang Kumilos si Jehova

19. Bakit masasabing ang pag-ibig ay gumanap ng mahalagang papel sa gawang paglalang ni Jehova?

19 Ang pag-ibig ay hindi bago. Tutal, ano ba ang nagpakilos kay Jehova upang lumalang? Hindi dahil sa siya’y nalulungkot at nangangailangan ng kasama. Si Jehova ay kumpleto at sapat na sa ganang  sarili, anupat wala nang kakailanganin pa mula sa sinuman. Subalit ang kaniyang pag-ibig, isang aktibong katangian, ang likas na nagpakilos sa kaniya upang naising ibahagi ang kagalakan ng buhay sa matatalinong nilalang na magpapahalaga sa gayong kaloob. “Ang pasimula ng paglalang ng Diyos” ay ang kaniyang bugtong na Anak. (Apocalipsis 3:14) Pagkatapos ay ginamit ni Jehova ang Dalubhasang Manggagawang ito upang pairalin ang lahat ng iba pang mga bagay, na pinasimulan sa mga anghel. (Job 38:4, 7; Colosas 1:16) Yamang biniyayaan ng kalayaan, katalinuhan, at damdamin, ang makapangyarihang mga espiritung ito ay nagkaroon din ng pagkakataong magpakita ng pagmamahal—sa isa’t isa at, higit sa lahat, sa Diyos na Jehova. (2 Corinto 3:17) Samakatuwid, sila’y umibig sapagkat sila’y inibig muna.

20, 21. Ano ang natamasa nina Adan at Eva bilang katibayan na iniibig sila ni Jehova, ngunit ano ang iginanti nila?

20 Gayundin naman sa sangkatauhan. Sa pasimula, sina Adan at Eva ay masasabing napaliligiran ng pag-ibig. Saanman sila tumingin sa kanilang Paraisong tahanan sa Eden, nakikita nila ang katibayan ng pag-ibig ng Ama sa kanila. Pansinin ang sinasabi sa Bibliya: “Ang Diyos na Jehova ay nagtanim ng isang hardin sa Eden, sa dakong silangan, at doon niya inilagay ang tao na kaniyang inanyuan.” (Genesis 2:8) Nakapunta ka na ba sa isang napakagandang halamanan o parke? Alin ang lubos na ikinatuwa mo? Ang pagtagos ba ng liwanag sa mga dahon sa isang liblib na lugar? Ang napakagagandang kulay ba ng nakahanay na mga bulaklak? Ang mahinang himig ba ng aliw-iw ng batis, huni ng mga ibon, at higing ng mga kulisap? Kumusta naman ang samyo ng mga punungkahoy, prutas, at mga bulaklak? Mangyari pa, walang parke sa ngayon ang makapapantay sa isa na nasa Eden. Bakit?

21 Ang halamanang iyon ay itinanim mismo ni Jehova! Tiyak na hindi kayang ilarawan ang kagandahan niyaon. Bawat punungkahoy na nakalulugod sa ganda o sa masasarap na bunga ay naroroon. Ang halamanan ay nadidiligang mabuti, maluwang, at punung-puno ng sari-saring nakahahalinang mga hayop. Taglay na nina Adan at Eva ang lahat ng kinakailangan upang ang kanilang buhay ay maging maligaya at kawili-wili, lakip na ang kasiya-siyang gawain at sakdal na pagsasamahan. Si Jehova ang unang umibig sa kanila, at taglay nila ang lahat ng dahilan upang suklian iyon ng pag-ibig din. Subalit, hindi nila ito nagawa. Sa halip na maibiging sumunod sa kanilang  makalangit na Ama, sila’y buong-pag-iimbot na naghimagsik laban sa kaniya.Genesis, kabanata 2.

22. Paano pinatunayan ng tugon ni Jehova sa paghihimagsik sa Eden na matapat ang kaniyang pag-ibig?

22 Tunay ngang pagkasakit-sakit niyaon sa damdamin ni Jehova! Subalit pumait ba ang kaniyang maibiging puso dahil sa paghihimagsik na ito? Hindi! “Ang kaniyang maibiging-kabaitan [o, “matapat na pag-ibig,” talababa sa Ingles] ay hanggang sa panahong walang takda.” (Awit 136:1) Kaya naman, agad siyang gumawa ng maibiging mga paglalaan upang tubusin ang sinumang wastong nakaayon sa mga supling nina Adan at Eva. Gaya ng nakita na natin, kalakip sa mga paglalaang iyon ang haing pantubos ng kaniyang minamahal na Anak, na nagdulot ng napakalaking sakripisyo para sa Ama.1 Juan 4:10.

23. Ano ang isa sa mga dahilan na si Jehova ay “maligayang Diyos,” at anong mahalagang tanong ang tatalakayin sa susunod na kabanata?

23 Oo, mula pa sa pasimula ay una nang nagpakita si Jehova ng pag-ibig sa sangkatauhan. Sa di-mabilang na paraan, “siya ang unang umibig sa atin.” Ang pag-ibig ay nagpapaunlad ng pagkakasuwato at kagalakan, kaya nga hindi kataka-taka na ilarawan si Jehova bilang ang “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Gayunman, isang mahalagang tanong ang bumabangon. Talaga nga bang iniibig tayo ni Jehova bilang mga indibiduwal? Tatalakayin sa susunod na kabanata ang bagay na iyan.

^ par. 11 Ang pandiwang phi·leʹo, na ang ibig sabihin ay “mahalin, kagiliwan, o maibigan (gaya ng maaaring madama ng isa sa kaniyang matalik na kaibigan o kapatid),” ay madalas na ginagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang isang anyo ng salitang stor·geʹ, o malapít na pag-ibig pampamilya, ay ginamit sa 2 Timoteo 3:3 upang ipakita na ang gayong pag-ibig ay magiging salat na salat sa mga huling araw. Ang eʹros, o romantikong pag-iibigan ng magkaibang sekso, ay hindi ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, bagaman ang uring iyan ng pag-ibig ay tinalakay sa Bibliya.Kawikaan 5:15-20.

^ par. 15 Ang ibang mga pangungusap sa Kasulatan ay may katulad na pagkakasabi. Halimbawa, “Ang Diyos ay liwanag” at ang “Diyos ay . . . apoy na tumutupok.” (1 Juan 1:5; Hebreo 12:29) Subalit ang mga ito ay dapat unawain bilang mga metapora, sapagkat itinulad ng mga ito si Jehova sa pisikal na mga bagay. Si Jehova ay tulad ng liwanag, sapagkat siya’y banal at matuwid. Walang “kadiliman,” o karumihan, sa kaniya. At siya’y maitutulad sa apoy sa paggamit niya ng kapangyarihang pumuksa.