Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Maging Malapít kay Jehova

 KABANATA 16

“Magsagawa ng Katarungan” sa Paglakad na Kasama ng Diyos

“Magsagawa ng Katarungan” sa Paglakad na Kasama ng Diyos

1-3. (a) Bakit may utang na loob tayo kay Jehova? (b) Ano ang sukling hinihingi sa atin ng ating maibiging Tagapagligtas?

ISIPIN mong nakulong ka sa isang lumulubog na barko. Nang sandaling nawawalan ka na ng pag-asa, dumating ang isang tagapagligtas at hinila kang palabas. Nakahinga ka nang maluwag habang inilalayo ka ng iyong tagapagligtas mula sa panganib at sinasabi: “Ligtas ka na”! Hindi ba’t pakiramdam mo’y may utang na loob ka sa taong iyon? Sa totoo lamang, talaga ngang utang mo sa kaniya ang iyong buhay.

2 Sa ilang aspekto, inilalarawan nito ang ginawa ni Jehova para sa atin. Tiyak ngang may utang na loob tayo sa kaniya. Sa katunayan, siya’y naglaan ng pantubos, anupat nangyari na tayo’y mailigtas mula sa kuko ng kasalanan at kamatayan. Nadarama nating tayo’y ligtas sa pagkaalam na habang tayo’y nagsasagawa ng pananampalataya sa napakahalagang haing iyan, ang ating mga kasalanan ay patatawarin, at ang ating walang-hanggang kinabukasan ay titiyakin. (1 Juan 1:7; 4:9) Gaya ng nakita na natin sa Kabanata 14, ang pantubos ay isang sukdulang kapahayagan ng pag-ibig at katarungan ni Jehova. Paano tayo dapat tumugon?

3 Angkop lamang na isaalang-alang ang sukling hinihingi sa atin ng ating maibiging Tagapagligtas. Sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng propetang si Mikas: “Sinabi niya sa iyo, O makalupang tao, kung ano ang mabuti. At ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?” (Mikas 6:8) Pansinin na ang isa sa mga bagay na hinihingi ni Jehova sa atin bilang sukli ay na tayo’y “magsagawa ng katarungan.” Paano natin ito magagawa?

Pagtataguyod ng “Tunay na Katuwiran”

4. Paano natin nalalaman na inaasahan ni Jehova na tayo’y mamumuhay ayon sa kaniyang matuwid na mga pamantayan?

4 Si Jehova ay umaasang tayo’y mamumuhay ayon sa kaniyang  mga pamantayan ng tama at mali. Yamang ang kaniyang mga pamantayan ay makatarungan at matuwid, tayo’y nagtataguyod ng katarungan at katuwiran kapag tayo’y sumusunod sa mga ito. “Matuto kayong gumawa ng mabuti; hanapin ninyo ang katarungan,” ang sabi sa Isaias 1:17. Pinapayuhan tayo ng Salita ng Diyos na ‘hanapin ang katuwiran.’ (Zefanias 2:3) Hinihimok din tayo nito na “magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran.” (Efeso 4:24) Ang tunay na katuwiran—tunay na katarungan—ay umiiwas sa karahasan, karumihan, at imoralidad, sapagkat nilalabag ng mga ito ang bagay na banal.Awit 11:5; Efeso 5:3-5.

5, 6. (a) Bakit hindi isang pabigat para sa atin ang sumunod sa mga pamantayan ni Jehova? (b) Paano ipinakikita sa Bibliya na ang pagtataguyod sa katuwiran ay isang patuluyang gawain?

5 Isang pabigat ba para sa atin na sumunod sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova? Hindi. Ang isang pusong malapít kay Jehova ay hindi nayayamot sa kaniyang mga kahilingan. Dahil sa iniibig natin ang ating Diyos at ang lahat ng nakapaloob sa kaniyang pagkapersona, nanaisin nating mamuhay sa paraang nakalulugod sa kaniya. (1 Juan 5:3) Alalahanin na si Jehova ay ‘umiibig sa matuwid na mga gawa.’ (Awit 11:7) Kung talagang nais nating tularan ang katarungan, o katuwiran ng Diyos, dapat nating ibigin ang iniibig ni Jehova at kapootan ang kinapopootan niya.Awit 97:10.

6 Hindi madali para sa di-sakdal na mga tao na magtaguyod ng katuwiran. Dapat nating hubarin ang lumang personalidad pati na ang makasalanang mga gawain nito at magbihis ng bago. Sinasabi sa Bibliya na ang bagong personalidad ay “ginagawang bago” sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman. (Colosas 3:9, 10) Ang pananalitang “ginagawang bago” ay nagpapahiwatig na ang pagbibihis ng bagong personalidad ay isang patuluyang gawain, isa na nangangailangan ng lubusang pagsisikap. Gaano man ang ating pagsisikap na gawin ang tama, may mga pagkakataon na dahil sa ating pagiging likas na makasalanan ay natitisod tayo sa isip, sa salita, o sa gawa.Roma 7:14-20; Santiago 3:2.

7. Sa anong paraan natin dapat malasin ang mga kabiguan sa ating mga pagsisikap na itaguyod ang katuwiran?

7 Paano natin mamalasin ang mga kabiguan sa ating mga pagsisikap na itaguyod ang katuwiran? Mangyari pa, hindi natin nanaisin  na pagaanin ang bigat ng kasalanan. Kasabay nito, hindi tayo dapat sumuko kailanman, anupat nakadaramang hindi tayo karapat-dapat maglingkod kay Jehova dahil sa ating mga pagkukulang. Ang ating Diyos na may magandang loob ay gumawa ng paglalaan upang maisauli sa kaniyang paglingap ang mga taimtim na nagsisisi. Isaalang-alang ang nakapagpapalakas-loob na mga salita ni apostol Juan: “Isinusulat ko sa inyo ang mga bagay na ito upang hindi kayo magkasala.” Subalit makatotohanang idinagdag niya: “Gayunman, kung ang sinuman ay magkasala [ dahil sa minanang di-kasakdalan], tayo ay may katulong sa Ama, si Jesu-Kristo.” (1 Juan 2:1) Oo, inilaan ni Jehova ang haing pantubos ni Jesus upang tayo’y kaayaayang makapaglingkod sa Kaniya sa kabila ng ating pagiging likas na makasalanan. Hindi ba’t nagpapakilos iyan sa atin na magnais na gawin ang ating buong makakaya upang mapaluguran si Jehova?

Ang Mabuting Balita at ang Katarungan ng Diyos

8, 9. Paano itinatanghal ng paghahayag ng mabuting balita ang katarungan ni Jehova?

8 Maisasagawa natin ang katarungan—sa katunayan, matutularan natin ang katarungan ng Diyos—sa pamamagitan ng lubusang pakikibahagi sa pangangaral sa iba ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ano ang kaugnayan ng katarungan ni Jehova at ng mabuting balita?

9 Hindi wawakasan ni Jehova ang balakyot na sistemang ito nang hindi muna nagbibigay ng babala. Sa kaniyang hula tungkol sa mangyayari sa panahon ng kawakasan, sinabi ni Jesus: “Sa lahat ng mga bansa ay kailangang ipangaral muna ang mabuting balita.” (Marcos 13:10; Mateo 24:3) Ang paggamit ng salitang “muna” ay nagpapahiwatig na may iba pang mga pangyayaring susunod sa pandaigdig na gawaing pangangaral. Kabilang sa mga pangyayaring iyon ang inihulang malaking kapighatian, na mangangahulugan ng pagpuksa sa mga balakyot at maghahanda ng daan sa isang matuwid na bagong sanlibutan. (Mateo 24:14, 21, 22) Tiyak na walang sinuman ang maaaring magparatang kay Jehova na siya’y di-makatarungan sa mga balakyot. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng babala, binibigyan niya ang mga ito ng sapat na pagkakataon upang baguhin ang kanilang mga daan at sa gayo’y makaiwas sa pagkapuksa.Jonas 3:1-10.

Itinatanghal natin ang makadiyos na katarungan kapag ibinabahagi natin ang mabuting balita sa iba nang walang pagtatangi

10, 11. Paano ipinamamalas ng ating pakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita ang makadiyos na katarungan?

 10 Paano ipinamamalas ng ating pangangaral ng mabuting balita ang katarungan ng Diyos? Una sa lahat, nararapat lamang na gawin natin ang ating makakaya upang tulungan ang iba na makaligtas. Isaalang-alang muli ang ilustrasyon ng pagkakaligtas mula sa isang lumulubog na barko. Bagaman ligtas ka nang nakasakay sa lifeboat, tiyak na nanaisin mong tulungan ang iba na nasa tubig pa rin. Sa katulad na paraan, tayo’y may obligasyon doon sa mga nakikipagpunyagi pa rin sa “katubigan” ng balakyot na daigdig na ito. Totoo, marami ang tumatanggi sa ating mensahe. Subalit habang patuloy na pinagtitiisan sila ni Jehova, pananagutan natin na ibigay sa kanila ang pagkakataong “makaabot sa pagsisisi” at sa gayo’y mapabilang sa mga makaliligtas.2 Pedro 3:9.

11 Sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita sa lahat ng ating nakakausap, itinatanghal natin ang katarungan sa iba pang mahalagang paraan: Ipinakikita nating tayo’y hindi nagtatangi. Alalahanin na “ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Upang matularan natin ang Kaniyang katarungan, hindi natin dapat hatulan nang patiuna ang mga tao. Sa halip, kailangan nating ibahagi ang mabuting balita sa iba anuman ang kanilang lahi, kalagayan sa lipunan, o pananalapi. Sa gayon ay ibinibigay natin sa lahat ng makikinig ang pagkakataong makarinig at tumugon sa mabuting balita.Roma 10:11-13.

Kung Paano Natin Pinakikitunguhan ang Iba

12, 13. (a) Bakit hindi tayo dapat magpadalus-dalos sa paghatol sa iba? (b) Ano ang kahulugan ng payo ni Jesus na “huwag na kayong humatol” at “huwag na kayong magpataw ng hatol”? (Tingnan din ang talababa.)

12 Makapagsasagawa rin tayo ng katarungan sa pamamagitan ng pakikitungo sa iba sa paraang gaya ng pakikitungo sa atin ni Jehova. Napakadali ngang humatol sa iba, anupat pinupulaan ang kanilang mga pagkakamali at kinukuwestiyon ang kanilang mga motibo. Subalit sino kaya sa atin ang magnanais na suriin ni Jehova ang ating mga motibo at mga pagkukulang sa walang-awang paraan? Hindi ganiyan ang pakikitungo ni Jehova sa atin. Ang salmista ay nagsabi: “Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo?” (Awit 130:3) Hindi ba natin dapat ipagpasalamat  na ang ating makatarungan at maawaing Diyos ay hindi nag-uukol ng pansin sa ating mga pagkukulang? (Awit 103:8-10) Kung gayon, paano natin dapat pakitunguhan ang iba?

13 Kung nauunawaan natin ang maawaing katangian ng katarungan ng Diyos, hindi tayo magpapadalus-dalos sa paghatol sa iba tungkol sa mga bagay na wala namang kinalaman sa atin o hindi naman gaanong mahalaga. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, si Jesus ay nagbabala: “Huwag na kayong humatol upang hindi kayo mahatulan.” (Mateo 7:1) Ayon sa ulat ni Lucas, idinagdag ni Jesus: “Huwag na kayong magpataw ng hatol, at hindi kayo sa anumang paraan papatawan ng hatol.” * (Lucas 6:37) Ipinakita ni Jesus na batid niyang ang di-sakdal na mga tao ay may tendensiyang maging palahatol. Ang sinumang nakikinig sa kaniya na may ugaling humatol nang may kalupitan sa iba ay kailangang tumigil na sa paggawa nito.

14. Sa anong mga dahilan kung kaya dapat na ‘huwag na tayong humatol’ sa iba?

14 Bakit dapat na ‘huwag na tayong humatol’ sa iba? Una sa lahat, limitado lamang ang ating awtoridad. Ang alagad na si Santiago ay nagpapaalaala sa atin: “May Isa na tagapagbigay-kautusan at hukom”—si Jehova. Kaya si Santiago ay mariing nagtatanong: “Sino ka para humatol sa iyong kapuwa?” (Santiago 4:12; Roma 14:1-4) Karagdagan pa, napakadali nating makagawa ng di-makatarungang paghatol dahil sa ating pagiging likas na makasalanan. Ang maraming saloobin at motibo—pati na ang pagtatangi, nasaktang amor propyo, paninibugho, at pagmamatuwid-sa-sarili—ay maaaring pumilipit sa pangmalas natin sa ating mga kapuwa tao. May iba pa tayong mga limitasyon, at ang pagsasaisip sa mga ito ay pipigil sa atin na magpadalus-dalos sa paghanap ng mali sa iba. Hindi tayo nakababasa ng puso; ni nakaaalam ng lahat ng personal na mga kalagayan ng iba. Kung gayon, sino tayo para paratangan ng mga maling motibo ang ating kapananampalataya o punahin ang kanilang mga pagsisikap na maglingkod sa Diyos? Higit na mas mabuti nga na tularan si Jehova  sa paghanap sa kabutihan ng ating mga kapatid sa halip na pag-ukulan ng pansin ang kanilang mga pagkukulang!

15. Anong pananalita at pakikitungo ang walang dako sa gitna ng mga mananamba ng Diyos, at bakit?

15 Kumusta naman ang mga miyembro ng ating pamilya? Nakalulungkot, ang ilan sa pinakamalulupit na paghatol sa ngayon ay ipinahahayag sa isang lugar na dapat sana’y isang pugad ng kapayapaan—ang tahanan. Karaniwan nang naririnig ang tungkol sa abusadong mga asawang lalaki, asawang babae, o mga magulang na “humahatol” sa mga miyembro ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng walang humpay na pang-aabuso sa salita o sa pisikal. Subalit ang masasamang salita, maaanghang na panlilibak, at pananakit sa pisikal ay walang dako sa gitna ng mga mananamba ng Diyos. (Efeso 4:29, 31; 5:33; 6:4) Ang payo ni Jesus na “huwag na kayong humatol” at “huwag na kayong magpataw ng hatol” ay patuloy na kumakapit kahit tayo’y nasa tahanan. Alalahanin na ang pagsasagawa ng katarungan ay nagsasangkot ng pakikitungo sa iba sa paraang gaya ng pakikitungo  ni Jehova sa atin. At ang ating Diyos ay hindi kailanman naging mabalasik o malupit sa pakikitungo sa atin. Sa halip, siya “ay napakamagiliw sa pagmamahal” sa mga umiibig sa kaniya. (Santiago 5:11) Tunay ngang isang kahanga-hangang halimbawa na dapat nating tularan!

Matatandang Naglilingkod “Ukol sa Katarungan”

16, 17. (a) Ano ang inaasahan ni Jehova sa matatanda? (b) Ano ang kailangang gawin kapag ang nagkasala ay hindi nagpapakita ng tunay na pagsisisi, at bakit?

16 Tayong lahat ay may pananagutang magsagawa ng katarungan, subalit ang matatanda sa kongregasyong Kristiyano lalo na ang may pananagutan sa bagay na ito. Pansinin ang makahulang paglalarawan sa “mga prinsipe,” o matatanda, na iniulat ni Isaias: “Narito! Isang hari ang maghahari ukol sa katuwiran; at tungkol sa mga prinsipe, mamamahala sila bilang mga prinsipe ukol sa katarungan.” (Isaias 32:1) Oo, inaasahan ni Jehova na ang matatanda ay maglilingkod kasuwato ng katarungan. Paano nila ito magagawa?

17 Alam na alam ng espirituwal na kuwalipikadong mga lalaking ito na ang katarungan, o katuwiran, ay humihiling na ang kongregasyon ay dapat na panatilihing malinis. Kung minsan, ang matatanda ay kinakailangang humatol sa mga kaso ng malubhang pagkakasala. Kapag nagsasagawa nito, naaalaala nila na hangad ng katarungan ng Diyos na maglawit ng awa hangga’t maaari. Sa gayon ay sinisikap nilang maakay ang nagkasala tungo sa pagsisisi. Subalit paano kaya kung ang nagkasala ay hindi nagpapakita ng tunay na pagsisisi sa kabila ng gayong mga pagsisikap na matulungan siya? Taglay ang ganap na katarungan, iniuutos ng Salita ni Jehova na kailangan nang gumawa ng isang matatag na hakbang: “Alisin ninyo ang taong balakyot mula sa gitna ninyo.” Nangangahulugan iyan na ititiwalag siya mula sa kongregasyon. (1 Corinto 5:11-13; 2 Juan 9-11) Nalulungkot ang matatanda kapag kinailangang gumawa ng gayong hakbang, subalit inaamin nilang nararapat lamang iyon upang maingatan ang moral at espirituwal na kalinisan ng kongregasyon. Magkagayunman, inaasahan nila na balang araw ang nagkasala ay matatauhan at babalik sa kongregasyon.Lucas 15:17, 18.

18. Ano ang tinatandaan ng matatanda kapag nagbibigay ng salig-Bibliyang payo sa iba?

18 Ang paglilingkod kasuwato ng katarungan ay nagsasangkot din  ng pag-aalok ng payo na salig sa Bibliya kung kinakailangan. Mangyari pa, hindi hinahanap ng matatanda ang kapintasan ng iba. Ni sinusunggaban man nila ang bawat pagkakataon upang makapagbigay ng pagtutuwid. Subalit baka ang isang kapananampalataya ay “makagawa ng anumang maling hakbang bago niya mabatid ito.” Yamang inaalaala na ang katarungan ng Diyos ay hindi malupit at hindi rin naman walang pakiramdam, ang matatanda ay mauudyukang “magsikap na ibalik sa ayos ang gayong tao sa espiritu ng kahinahunan.” (Galacia 6:1) Kaya naman, hindi pagagalitan ng matatanda ang nagkasala o pagwiwikaan ng masasakit na salita. Sa halip, ang payo na ibinibigay sa maibiging paraan ay magpapatibay-loob sa tumatanggap nito. Kahit na kung tuwirang sumasaway—anupat deretsong binabalangkas ang mga kahihinatnan ng maling landasin—tinatandaan ng matatanda na ang isang nagkasalang kapananampalataya ay isang tupa sa kawan ni Jehova. * (Lucas 15:7) Kapag ang payo o pagsaway ay maliwanag na nauudyukan ng pag-ibig at ibinibigay nang may pag-ibig, malamang na maibalik sa ayos ang nagkasala.

19. Anong mga pasiya ang kinakailangang gawin ng matatanda, at saan nila dapat ibatay ang gayong mga pasiya?

19 Ang matatanda ay madalas na kinakailangang gumawa ng mga pasiyang makaaapekto sa kanilang mga kapananampalataya. Halimbawa, ang matatanda paminsan-minsan ay nagpupulong upang isaalang-alang kung ang ibang mga kapatid na lalaki sa kongregasyon ay kuwalipikado nang irekomenda bilang matatanda o ministeryal na lingkod. Alam ng matatanda ang kahalagahan ng pagiging walang kinikilingan. Hinahayaan nila na ang mga kahilingan ng Diyos para sa gayong mga pag-aatas ang pumatnubay sa kanila sa pagpapasiya, anupat hindi umaasa sa basta personal na mga damdamin lamang. Sa gayon ay kumikilos sila “nang hindi patiunang humahatol, na walang anumang ginagawang pagkiling.”1 Timoteo 5:21.

20, 21. (a) Ang matatanda ay nagsisikap na maging ano, at bakit? (b) Ano ang magagawa ng matatanda upang matulungan ang “mga kaluluwang nanlulumo”?

 20 Ang matatanda ay naglalapat ng katarungan ng Diyos sa iba pang mga paraan. Matapos ihula na ang matatanda ay maglilingkod “ukol sa katarungan,” si Isaias ay nagpatuloy: “Bawat isa ay magiging gaya ng taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan, gaya ng mga bukal ng tubig sa lupaing walang tubig, gaya ng lilim ng malaking bato sa lupaypay na lupain.” (Isaias 32:2) Kaya naman, ang matatanda ay nagsisikap na maging mga bukal ng kaaliwan at kaginhawahan para sa kanilang mga kapuwa mananamba.

21 Sa ngayon, dahil sa lahat ng mga problemang nakapagpapahina ng loob, marami ang nangangailangan ng pampatibay-loob. Kayong matatanda, ano ang magagawa ninyo upang matulungan ang “mga kaluluwang nanlulumo”? (1 Tesalonica 5:14) Pakinggan silang taglay ang empatiya. (Santiago 1:19) Baka kailangang ihinga nila sa isang mapagkakatiwalaan ang “pagkabalisa” ng kanilang puso. (Kawikaan 12:25) Tiyakin ninyo sa kanila na sila’y kailangan, mahalaga,  at mahal—oo, ni Jehova at gayundin ng kanilang mga kapatid. (1 Pedro 1:22; 5:6, 7) Karagdagan pa, maaari kayong manalanging kasama nila at para sa kanila. Ang pakikinig sa isang matanda na sumasambit ng taimtim na panalangin alang-alang sa kanila ay lubhang nakaaaliw. (Santiago 5:14, 15) Ang inyong maibiging pagsisikap upang tulungan ang mga nanlulumo ay hindi maaaring di-mapansin ng Diyos ng katarungan.

Ipinamamalas ng matatanda ang katarungan ni Jehova kapag pinatitibay nila ang mga nasisiraan ng loob

22. Sa anu-anong paraan matutularan natin ang katarungan ni Jehova, at ano ang resulta?

22 Tunay ngang tayo’y lalong nápapalapít kay Jehova kapag tinutularan natin ang kaniyang katarungan! Kapag itinataguyod natin ang kaniyang matuwid na mga pamantayan, kapag ibinabahagi natin sa iba ang nagliligtas-buhay na mabuting balita, at kapag ang pinapansin natin sa iba ay ang mabubuting bagay sa halip na ang tingnan ay ang kanilang mga kamalian, itinatanghal natin ang makadiyos na katarungan. Kayong matatanda, kapag iniingatan ninyo ang kalinisan ng kongregasyon, kapag nagbibigay kayo ng nakapagpapatibay na payo mula sa Kasulatan, kapag gumagawa kayo ng walang-kinikilingang mga desisyon, at kapag pinatitibay ninyo ang mga nasisiraan ng loob, ipinamamalas ninyo ang makadiyos na katarungan. Tiyak ngang malulugod ang puso ni Jehova sa pagdungaw niya mula sa mga langit at makita ang kaniyang bayan na sa abot ng kanilang makakaya ay nagsisikap na “magsagawa ng katarungan” sa paglakad na kasama ng kanilang Diyos!

^ par. 13 Ang ilang salin ay nagsasabing “huwag kayong humatol” at “huwag kayong magpataw ng hatol.” Ang gayong mga salin ay nagpapahiwatig na “huwag kayong magsimulang humatol” at “huwag kayong magsimulang magpataw ng hatol.” Gayunman, ang mga manunulat ng Bibliya ay gumagamit dito ng negatibong utos na nasa pamanahong pangkasalukuyan (patuluyan). Kaya ang inilalarawang pagkilos ay kasalukuyang nagaganap subalit kailangan nang ihinto.

^ par. 18 Sa 2 Timoteo 4:2, sinasabi ng Bibliya na ang matatanda kung minsan ay dapat na ‘sumaway, sumawata, magpayo.’ Ang salitang Griego na isinaling “magpayo” (pa·ra·ka·leʹo) ay maaaring mangahulugang “magpatibay-loob.” Ang kaugnay na salitang Griego na pa·raʹkle·tos, ay maaaring tumukoy sa isang tagapagtanggol sa legal na usapin. Sa gayon, kahit na ang matatanda ay nagbibigay ng mahigpit na pagsaway, sila’y dapat na maging mga katulong para sa mga nangangailangan ng espirituwal na pagsaklolo.

Higit Pang Impormasyon

Bakit Itinitiwalag ang Ilan?

Paano nakikinabang sa maibiging disiplina ng Diyos ang nagkasala pero nagsisisi?

Mga Elder—‘Mga Kamanggagawa Ukol sa Ating Kagalakan’

Paano tinutulungan ng mga elder ang mga kapatid na maging maligaya sa paglilingkod sa Diyos?