Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Maging Malapít kay Jehova

 KABANATA 21

Isinisiwalat ni Jesus ang “Karunungan Mula sa Diyos”

Isinisiwalat ni Jesus ang “Karunungan Mula sa Diyos”

1-3. Paano tumugon ang dating mga kapitbahay ni Jesus sa kaniyang pagtuturo, at ano ang hindi nila nakilala tungkol sa kaniya?

NATIGILAN ang mga naroroon. Ang binatang si Jesus ay nakatayo sa harap nila sa sinagoga at nagtuturo. Kilala nila siya—sa kanilang lunsod siya lumaki, at sa loob ng maraming taon ay kasama nila siyang nagtrabaho bilang isang karpintero. Marahil ang iba sa kanila ay nakatira sa mga bahay na doo’y katulong si Jesus sa pagtatayo, o maaaring binubungkal nila ang kanilang mga lupang sinasaka sa pamamagitan ng mga araro at pamatok na ginawa mismo ng kaniyang mga kamay. * Subalit paano kaya sila tutugon sa turo ng dating karpinterong ito?

2 Karamihan sa mga nakikinig ay namangha, anupat nagtanong: “Saan kinuha ng taong ito ang ganitong karunungan?” Subalit sinabi rin nila: “Ito ang karpintero na anak ni Maria.” (Mateo 13:54-58; Marcos 6:1-3) Nakalulungkot, ang dating mga kapitbahay ni Jesus ay nangatuwiran, ‘Ang karpinterong ito ay kagaya lamang natin na tagarito.’ Sa kabila ng karunungan sa kaniyang mga salita, tinanggihan nila siya. Wala silang kamalay-malay na ang karunungang ibinabahagi niya ay hindi sa kaniya.

3 Saan kaya kinuha ni Jesus ang karunungang ito? “Ang itinuturo ko ay hindi sa akin,” ang sabi niya, “kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.” (Juan 7:16) Ipinaliwanag ni apostol Pablo na si Jesus “sa atin ay naging karunungan mula sa Diyos.” (1 Corinto 1:30) Ang sariling karunungan ni Jehova ay isinisiwalat sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesus. Ito’y talagang totoo kung kaya nasabi tuloy ni Jesus: “Ako at ang Ama ay iisa.” (Juan 10:30) Suriin natin ang tatlong pitak na doo’y kinakitaan si Jesus ng “karunungan mula sa Diyos.”

 Ang Kaniyang Itinuro

4. (a) Ano ang tema ng mensahe ni Jesus, at bakit iyan ay napakahalaga? (b) Bakit ang payo ni Jesus ay palaging praktikal at sa ikabubuti ng kaniyang mga tagapakinig?

4 Una, isaalang-alang ang itinuro ni Jesus. Ang tema ng kaniyang mensahe ay “ang mabuting balita ng kaharian.” (Lucas 4:43) Iyan ay napakahalaga dahil sa papel na gagampanan ng Kaharian sa pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova at sa pagdadala ng namamalaging mga pagpapala sa sangkatauhan. Sa kaniyang pagtuturo, nag-alok din si Jesus ng matalinong payo para sa araw-araw na pamumuhay. Pinatunayan niyang siya ang inihulang “Kamangha-manghang Tagapayo.” (Isaias 9:6) Sa katunayan, paano nga ba hindi magiging kamangha-mangha ang kaniyang payo? Taglay niya ang malalim na kaalaman sa Salita at kalooban ng Diyos, matalas na pagkaunawa sa kalikasan ng tao, at matinding pag-ibig sa sangkatauhan. Kaya naman, ang kaniyang payo ay palaging praktikal at sa ikabubuti ng kaniyang mga tagapakinig. Binigkas ni Jesus ang “mga pananalita ng buhay na walang hanggan.” Oo, kapag sinunod, ang kaniyang payo ay aakay sa kaligtasan.Juan 6:68.

5. Ano ang ilang paksang tinalakay ni Jesus sa Sermon sa Bundok?

5 Ang Sermon sa Bundok ay isang napakagandang halimbawa ng walang katulad na karunungang masusumpungan sa mga turo ni Jesus. Ang sermong ito, gaya ng nakaulat sa Mateo 5:3–7:27, ay malamang na abutin lamang ng 20 minuto kung bibigkasin. Gayunman, ang payo nito ay laging napapanahon—angkop pa rin ngayon gaya noong una itong ibinigay. Tinalakay ni Jesus ang napakaraming iba’t ibang paksa, lakip na yaong tungkol sa kung paano mapabubuti ang pakikisama sa iba (5:23-26, 38-42; 7:1-512), kung paano makapananatiling malinis sa moral (5:27-32), at kung paano magkakaroon ng isang makabuluhang buhay (6:19-24; 7:24-27). Subalit hindi lamang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig kung ano ang landas ng karunungan; ipinakita rin niya ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapaliwanag, pangangatuwiran, at paghaharap ng katibayan.

6-8. (a) Anong nakakakumbinsing mga dahilan ang ibinibigay ni Jesus upang maiwasan ang kabalisahan? (b) Ano ang nagpapakita na nasasalamin sa payo ni Jesus ang karunungan mula sa itaas?

 6 Halimbawa, isaalang-alang ang matalinong payo ni Jesus kung paano haharapin ang kabalisahan tungkol sa materyal na mga bagay, gaya ng sinasabi sa Mateo kabanata 6. “Huwag na kayong mabalisa tungkol sa inyong mga kaluluwa kung ano ang inyong kakainin o kung ano ang inyong iinumin, o tungkol sa inyong mga katawan kung ano ang inyong isusuot,” ang payo ni Jesus sa atin. (Talatang 25) Ang pagkain at damit ay pangunahing mga pangangailangan, at likas lamang na mabahala tungkol sa pagkakaroon ng mga ito. Subalit sinabihan tayo ni Jesus na “huwag na kayong mabalisa” tungkol sa mga bagay na ito. * Bakit?

7 Makinig habang nagpapaliwanag si Jesus sa nakakakumbinsing paraan. Yamang si Jehova ang nagbigay sa atin ng buhay at ng katawan, hindi ba niya kayang maglaan ng pagkain upang masustinihan ang buhay na iyan at ng kasuutan upang damtan ang katawang iyan? (Talatang 25) Kung ang Diyos ay naglalaan ng pagkain sa mga ibon at dinaramtan niya ng kagandahan ang mga bulaklak, lalo pa ngang pangangalagaan niya ang mga taong sumasamba sa kaniya! (Talatang 26, 28-30) Sa totoo lamang, ang di-kinakailangang kabalisahan ay talaga namang walang mararating. Hindi nito mapahahaba ang ating buhay kahit kapiraso. * (Talatang 27) Paano natin maiiwasan ang kabalisahan? Pinapayuhan tayo ni Jesus: Patuloy na unahin sa buhay ang pagsamba sa Diyos. Yaong mga gumagawa nito ay makapagtitiwala na lahat ng kanilang pangangailangan sa araw-araw ay “idaragdag” sa kanila ng kanilang makalangit na Ama. (Talatang 33) Sa dakong huli, nagbigay si Jesus ng napakapraktikal na mungkahi—gawin lamang ang magagawa sa isang araw. Bakit idaragdag ang mga kabalisahan bukas sa mga kabalisahan sa araw na ito? (Talatang 34) Bukod diyan, bakit mababahala sa mga bagay na maaaring hindi naman kailanman mangyayari? Ang pagkakapit  ng gayong matalinong payo ay makapagliligtas sa atin sa napakaraming dalamhati sa maigting na sanlibutang ito.

8 Maliwanag na ang payong ibinigay ni Jesus ay praktikal pa rin sa ngayon gaya noong ibinigay ito halos 2,000 taon na ang nakalilipas. Hindi ba’t iyan ay katibayan ng karunungan mula sa itaas? Maging ang pinakamagaling na payo mula sa mga taong tagapayo ay naluluma at sa maikling panahon ay binabago o pinapalitan. Gayunman, ang mga turo ni Jesus ay hindi naiiwan ng panahon. Subalit hindi natin dapat pagtakhan iyan, sapagkat ang Kamangha-manghang Tagapayong ito ay nagsalita “ng mga pananalita ng Diyos.”Juan 3:34.

Ang Kaniyang Paraan ng Pagtuturo

9. Ano ang sinabi ng ilang sundalo tungkol sa pagtuturo ni Jesus, at bakit hindi ito kalabisan?

Ang ikalawang pitak na doo’y nasasalamin kay Jesus ang karunungan ng Diyos ay ang paraan niya ng pagtuturo. Minsan, ang ilang sundalo na ipinadala upang arestuhin siya ay bumalik nang hindi siya kasama, na sinasabi: “Walang sinumang tao ang nakapagsalita nang tulad nito.” (Juan 7:45, 46) Hindi ito kalabisan. Sa lahat ng taong nabuhay kailanman, si Jesus, na “mula sa mga dakong itaas,” ang may pinakamalaking deposito ng kaalaman at karanasan na mapagkukunan. (Juan 8:23) Talagang nagturo siya sa paraang di-magagawa ng sinumang tao. Isaalang-alang ang dalawa lamang sa mga paraan ng marunong na Gurong ito.

“Lubhang namangha ang mga pulutong sa kaniyang paraan ng pagtuturo”

10, 11. (a) Bakit hindi natin mapigilang humanga sa paggamit ni Jesus ng mga ilustrasyon? (b) Ano ba ang mga talinghaga, at anong halimbawa ang nagpapakita kung bakit ang mga talinghaga ni Jesus ay napakabisa sa pagtuturo?

10 Mabisang paggamit ng mga ilustrasyon. ‘Nagsalita si Jesus sa mga pulutong sa pamamagitan ng mga ilustrasyon,’ ang sabi sa atin. “Sa katunayan, kung walang ilustrasyon ay hindi siya nagsasalita sa kanila.” (Mateo 13:34) Talagang hindi natin mapigilang humanga sa kaniyang walang-katulad na kakayahang magturo ng malalalim na katotohanan sa pamamagitan ng mga bagay na nakikita sa araw-araw. Mga magsasakang nagtatanim ng mga binhi, mga babaing naghahandang maghurno ng tinapay, mga batang naglalaro sa palengke, mga mangingisdang humihila ng mga lambat, mga pastol na naghahanap ng nawawalang tupa—ito ang mga bagay na madalas  na nakikita ng kaniyang mga tagapakinig. Kapag ang mahahalagang katotohanan ay iniugnay sa mga bagay na pamilyar, ang mga katotohanang iyan ay mabilis at malalim na napapaukit sa isip at puso.Mateo 11:16-19; 13:3-8, 33, 47-50; 18:12-14.

11 Si Jesus ay madalas na gumamit ng mga talinghaga, maiikling kuwento na pinagkukunan ng moral o espirituwal na mga katotohanan. Yamang ang mga kuwento ay mas madaling maunawaan at matandaan kaysa sa malalalim na ideya, ang mga talinghaga ay tumutulong upang maingatan ang turo ni Jesus. Sa maraming talinghaga, inilarawan ni Jesus ang kaniyang Ama sa pamamagitan ng buháy na buháy na mga ilustrasyon na mahirap malimutan. Halimbawa, sino nga ba ang hindi makauunawa sa punto ng talinghaga tungkol sa alibughang anak—na kapag ang isang naligaw ng landas ay nagpakita ng tunay na pagsisisi, si Jehova ay maaawa at magiliw na tatanggaping muli ang isang iyon?Lucas 15:11-32.

12. (a) Sa anong paraan gumamit si Jesus ng mga tanong sa kaniyang pagtuturo? (b) Paano pinatahimik ni Jesus ang mga kumukuwestiyon sa kaniyang awtoridad?

12 Mahusay na paggamit ng mga tanong. Si Jesus ay gumamit ng mga tanong upang ang kaniyang mga tagapakinig ay mapakilos na gumawa ng sarili nilang konklusyon, magsuri ng kanilang mga motibo, o gumawa ng mga pasiya. (Mateo 12:24-30; 17:24-27; 22:41-46) Nang kuwestiyunin ng mga lider ng relihiyon kung siya ba’y may bigay-Diyos na awtoridad, sumagot si Jesus: “Ang bautismo ba ni Juan ay mula sa langit o mula sa mga tao?” Palibhasa’y nagulat sa tanong, nangatuwiran sila sa isa’t isa: “Kung sasabihin natin, ‘Mula sa langit,’ sasabihin niya sa atin, ‘Kung gayon, bakit hindi kayo naniwala sa kaniya?’ Gayunman, kung sasabihin natin, ‘Mula sa mga tao,’ may pulutong tayong katatakutan, sapagkat itinuturing nilang lahat si Juan bilang isang propeta.” Sa wakas, sumagot sila: “Hindi namin alam.” (Marcos 11:27-33; Mateo 21:23-27) Sa isang simpleng tanong, napatahimik sila ni Jesus at nabunyag ang pandaraya sa kanilang puso.

13-15. Paano nasasalamin sa talinghaga tungkol sa madamaying Samaritano ang karunungan ni Jesus?

13 Kung minsan ay pinagsasama ni Jesus ang mga paraan sa pamamagitan ng pagsisingit ng pumupukaw-kaisipang mga tanong sa kaniyang mga ilustrasyon. Nang magtanong kay Jesus ang isang  abogadong Judio kung ano ang kailangan upang magtamo ng buhay na walang hanggan, binanggit ni Jesus sa kaniya ang Kautusang Mosaiko, na nag-uutos ng pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. Sa kagustuhang mapatunayan na siya’y matuwid, ang lalaki ay nagtanong: “Sino ba talaga ang aking kapuwa?” Sumagot si Jesus sa pamamagitan ng pagkukuwento. Isang lalaking Judio ang mag-isang naglalakbay noon nang bigla siyang salakayin ng mga magnanakaw, anupat iniwan siyang nag-aagaw-buhay. May dumating na dalawang Judio, ang una’y saserdote at ang sumunod ay Levita. Hindi siya pinansin ng dalawang ito. Subalit isang Samaritano naman ang dumating sa eksena. Dahil sa pagkahabag, maingat niyang ginamot ang mga sugat ng biktima at mapagmahal na dinala ang lalaki sa ligtas na lugar sa isang bahay-tuluyan na doo’y maaari siyang magpagaling. Sa pagtatapos ng kuwento, tinanong ni Jesus ang nagtanong sa kaniya: “Sino sa tatlong ito sa wari mo ang naging kapuwa ng taong nahulog sa kamay ng mga magnanakaw?” Napilitang sumagot ang lalaki: “Ang isa na kumilos nang may awa sa kaniya.”Lucas 10:25-37.

14 Paano nasasalamin sa talinghaga ang karunungan ni Jesus? Noong kapanahunan ni Jesus, ikinakapit ng mga Judio ang katagang “kapuwa” doon lamang sa mga sumusunod sa kanilang mga tradisyon—tiyak na hindi sa mga Samaritano. (Juan 4:9) Kung sa kuwento ni Jesus ay ang Samaritano ang biktima at ang Judio ang tumulong, maaalis ba niyan ang pagtatangi? Buong-karunungang binalangkas ni Jesus ang kuwento upang lumabas na ang Samaritano ay magiliw na nagmalasakit sa Judio. Pansinin din ang tanong na iniharap ni Jesus sa pagtatapos ng kuwento. Ibinaling niya ang pansin sa katagang “kapuwa.” Sa diwa, ganito ang tanong ng abogado: ‘Sino ang dapat kong pagpakitaan ng pag-ibig sa kapuwa?’ Subalit ito ang itinanong ni Jesus: “Sino sa tatlong ito sa wari mo ang naging kapuwa?” Itinuon ni Jesus ang pansin, hindi sa tumanggap ng kabaitan, ang biktima, kundi sa nagpakita ng kabaitan, ang Samaritano. Ang isang tunay na kapuwa ay yaong unang nagpapakita ng pag-ibig sa iba anuman ang kanilang etnikong pinagmulan. Wala nang hihigit pa sa paraang ito ni Jesus ng pagdiriin ng kaniyang punto.

15 Kataka-taka ba na ang mga tao’y humanga sa “paraan ng pagtuturo” ni Jesus at maakit sa kaniya? (Mateo 7:28, 29) Minsan ay  “isang malaking pulutong” ang namalaging kasama niya sa loob ng tatlong araw, kahit wala nang makain ang mga ito!Marcos 8:1, 2.

Ang Kaniyang Paraan ng Pamumuhay

16. Sa anong paraan nagbigay si Jesus ng “praktikal na katunayan” na siya’y inuugitan ng karunungan ng Diyos?

16 Ang ikatlong pitak na doo’y nasasalamin kay Jesus ang karunungan ni Jehova ay ang kaniyang paraan ng pamumuhay. Ang karunungan ay praktikal; ito’y mabisa. “Sino sa inyo ang marunong?” ang tanong ng alagad na si Santiago. Pagkatapos ay sinagot niya ang kaniyang tanong, na sinasabi: “Hayaang ang kaniyang tamang paggawi ang magbigay ng praktikal na katunayan nito.” (Santiago 3:13, The New English Bible) Ang paraan ng pagkilos ni Jesus ay nagbigay ng “praktikal na katunayan” na siya’y inuugitan ng karunungan ng Diyos. Isaalang-alang natin kung paano niya itinanghal ang mahusay na pagpapasiya, kapuwa sa kaniyang paraan ng pamumuhay at sa pakikitungo niya sa iba.

17. Anong mga pahiwatig mayroon na si Jesus ay ganap na timbang sa kaniyang buhay?

17 Napapansin mo ba na ang mga taong walang mahusay na pagpapasiya ay madalas na di-makatuwiran? Oo, kailangan ang karunungan upang maging timbang. Sa pagpapamalas ng makadiyos na karunungan, si Jesus ay ganap na timbang. Higit sa lahat, inuna niya ang espirituwal na mga bagay sa kaniyang buhay. Siya’y naging abalang-abala sa paghahayag ng mabuting balita. “Sa layuning ito ako lumabas,” ang sabi niya. (Marcos 1:38) Mangyari pa, hindi materyal na mga bagay ang pinakamahalaga sa kaniya; sa wari’y iilan-ilan lamang ang pag-aari niya sa materyal. (Mateo 8:20) Subalit, hindi naman siya mapagkait sa sarili. Gaya ng kaniyang Ama, ang “maligayang Diyos,” si Jesus ay isang masayahing tao, at nagdaragdag siya ng kagalakan sa iba. (1 Timoteo 1:11; 6:15) Nang siya’y dumalo sa isang piging ng kasalan—na karaniwan nang isang okasyon ng tugtugan, awitan, at kasayahan—naroroon siya hindi upang palungkutin ang okasyon. Nang maubusan ng alak, ang tubig ay ginawa niyang mainam na alak, isang inumin na “nagpapasaya sa puso ng taong mortal.” (Awit 104:15; Juan 2:1-11) Pinaunlakan ni Jesus ang maraming paanyaya sa kainan, at madalas niyang  ginagamit ang pagkakataong iyon upang magturo.Lucas 10:38-42; 14:1-6.

18. Paano nagpamalas si Jesus ng di-mapipintasang paghatol sa mga pakikitungo niya sa kaniyang mga alagad?

18 Si Jesus ay nagpamalas ng di-mapipintasang paghatol sa kaniyang pakikitungo sa iba. Ang kaniyang kaunawaan sa kalikasan ng tao ay nagbigay sa kaniya ng maliwanag na pagkakilala sa kaniyang mga alagad. Alam na alam niyang sila’y hindi sakdal. Gayunman, nahahalata niya ang kanilang magagandang katangian. Nakikita niya ang potensiyal sa mga taong ito na inilapit ni Jehova. (Juan 6:44) Sa kabila ng kanilang mga pagkukulang, ipinakita ni Jesus na may tiwala siya sa kanila. Upang ipamalas ang pagtitiwalang iyan, ipinagkatiwala niya ang isang mabigat na pananagutan sa kaniyang mga alagad. Inatasan niya silang mangaral ng mabuting balita, at may tiwala siya sa kanilang kakayahan na matutupad ang atas na iyan. (Mateo 28:19, 20) Ang aklat ng Mga Gawa ay nagpapatunay na buong-katapatan nilang ipinagpatuloy ang iniutos niya sa kanila na gawin. (Gawa 2:41, 42; 4:33; 5:27-32) Kung gayon, maliwanag na naging marunong si Jesus sa pagtitiwala sa kanila.

19. Paano ipinakita ni Jesus na siya’y “mahinahong-loob at mababa ang puso”?

19 Gaya ng ating napansin sa Kabanata 20, iniuugnay ng Bibliya ang kapakumbabaan at kahinahunan sa karunungan. Mangyari pa, si Jehova ang nagpapakita ng pinakamainam na halimbawa sa bagay na ito. Subalit kumusta naman si Jesus? Nakapagpapasigla  ng puso na makita ang kapakumbabaang ipinamalas ni Jesus sa pakikitungo sa kaniyang mga alagad. Bilang isang sakdal na tao, siya’y nakatataas sa kanila. Gayunman, hindi niya hinamak ang kaniyang mga alagad. Hindi niya kailanman hinangad na ipadama sa kanila na sila’y mahinang klase o walang kakayahan. Sa kabaligtaran, naging makonsiderasyon siya sa kanilang mga limitasyon at matiisin sa kanilang mga pagkukulang. (Marcos 14:34-38; Juan 16:12) Hindi ba’t kapansin-pansin na maging ang mga bata ay naging palagay sa piling ni Jesus? Tiyak na sila’y naging malapít sa kaniya sapagkat nadama nilang siya’y “mahinahong-loob at mababa ang puso.”Mateo 11:29; Marcos 10:13-16.

20. Paano ipinakita ni Jesus ang pagkamakatuwiran sa pakikitungo sa babaing Gentil na may anak na inaalihan ng demonyo?

20 Si Jesus ay nagpakita ng makadiyos na kapakumbabaan sa isa pang mahalagang paraan. Siya’y makatuwiran, o mapagparaya, kapag nagiging angkop ito dahil sa awa. Halimbawa, alalahanin nang pakiusapan siya noon ng isang babaing Gentil na pagalingin ang kaniyang anak na babae na malubhang inaalihan ng demonyo. Sa tatlong iba’t ibang paraan, ipinahiwatig ni Jesus sa pasimula na hindi niya siya tutulungan—una, sa pamamagitan ng di-pagsagot sa kaniya; ikalawa, sa tuwirang pagsasabi na siya’y isinugo, hindi para sa mga Gentil, kundi para sa mga Judio; at ikatlo, sa pagbibigay ng ilustrasyon na may-kabaitang nagpapakita ng gayunding punto. Gayunman, nagpumilit ang babae, na nagpapatunay sa pambihirang pananampalataya nito. Sa liwanag ng di-pangkaraniwang kalagayang ito, paano tumugon si Jesus? Ginawa niya mismo ang isang bagay na ipinahiwatig niyang hindi niya gagawin. Pinagaling niya ang anak ng babae. (Mateo 15:21-28) Kahanga-hangang pagpapakumbaba, hindi ba? At tandaan, ang kapakumbabaan ang ugat ng tunay na karunungan.

21. Bakit tayo dapat na magsikap na tularan ang personalidad, pagsasalita, at pamamaraan ni Jesus?

21 Kaylaking pasasalamat natin na isinisiwalat sa atin ng mga Ebanghelyo ang mga salita at pagkilos ng pinakamarunong na tao na nabuhay kailanman! Alalahanin natin na si Jesus ay isang sakdal na larawan ng kaniyang Ama. Sa pagtulad sa personalidad, pagsasalita, at pamamaraan ni Jesus, malilinang natin ang karunungan mula sa itaas. Sa susunod na kabanata, ating makikita kung paano natin maikakapit ang makadiyos na karunungan sa ating buhay.

^ par. 1 Noong panahon ng Bibliya, ang mga karpintero ay inuupahan sa pagtatayo ng mga bahay, paggawa ng mga muwebles, at paggawa ng mga gamit sa pagsasaka. Si Justin Martyr, ng ikalawang siglo C.E., ay sumulat tungkol kay Jesus: “Kinaugalian na niyang magtrabaho bilang isang karpintero kasama ng mga lalaki, na gumagawa ng mga araro at pamatok.”

^ par. 6 Ang pandiwang Griego na isinaling “mabalisa” ay nangangahulugang “guluhin ang isip.” Gaya ng pagkakagamit sa Mateo 6:25, ito’y tumutukoy sa pagkabahala na may halong takot na gumugulo o humahati sa isip, anupat nawawalan tuloy ng kagalakan sa buhay.

^ par. 7 Sa katunayan, ipinakikita ng siyentipikong pagsasaliksik na ang labis na kabalisahan at kaigtingan ay makapaglalagay sa atin sa panganib na magkaroon ng sakit sa puso at ng marami pang karamdaman na maaaring magpaikli ng buhay.

Higit Pang Impormasyon

Kung Bakit Ka Makapagtitiwala sa mga Ebanghelyo ng Bibliya

Alamin ang mga ebidensiya mula sa sinaunang mga manuskrito.