Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Maging Malapít kay Jehova

 KABANATA 5

Kapangyarihang Lumalang—“Ang Maylikha ng Langit at ng Lupa”

Kapangyarihang Lumalang—“Ang Maylikha ng Langit at ng Lupa”

1, 2. Paano ipinamamalas ng araw ang kapangyarihang lumalang ni Jehova?

NARANASAN mo na bang tumayo sa tabi ng apoy sa gabing malamig? Marahil ay inilapit mo ang iyong mga kamay sa tamang distansiya mula sa apoy upang masiyahan sa init nito. Nang masyado kang lumapit, hindi mo natagalan ang init. Nang masyado ka namang lumayo, bumalot sa iyo ang malamig na hangin ng gabing iyon, at nanginig ka sa ginaw.

2 May isang “apoy” na nagpapainit sa ating balat kung araw. Ang “apoy” na iyan ay nagliliyab sa layong 150 milyong kilometro! * Kay tindi nga ng lakas ng araw anupat nadarama mo ang init nito mula sa gayong layò! Gayunman, umiikot ang lupa sa palibot ng nakasisindak na pagkainit-init na hurnong iyan sa eksaktong distansiya mula rito. Kung napakalapit, matutuyo ang tubig sa lupa; kung napakalayo naman, magyeyelong lahat ito. Alinman sa kalabisang ito ay mag-aalis ng buhay sa ating planeta. Yamang kailangang-kailangan upang mabuhay sa lupa, ang sinag ng araw ay malinis din at hindi pumapalya, bukod pa sa ito’y nakalulugod.Eclesiastes 11:7.

Si Jehova “ang naghanda ng tanglaw, ng araw nga”

3. Anong mahalagang katotohanan ang pinatutunayan ng araw?

3 Magkagayunman, maraming tao ang nagwawalang-bahala sa araw, kahit na nakasalalay rito ang buhay nila. Sa gayon, hindi nila nauunawaan ang naituturo sa atin ng araw. Ang Bibliya ay nagsasabi tungkol kay Jehova: “Ikaw . . . ang naghanda ng tanglaw, ng araw nga.” (Awit 74:16) Oo, ang araw ay nagpaparangal kay Jehova, “ang Maylikha ng langit at ng lupa.” (Awit 19:1; 146:6) Ito’y isa lamang sa di-mabilang na mga bagay sa langit na nagtuturo sa atin ng tungkol sa ubod-dakilang kapangyarihan ni Jehova sa paglalang. Suriin muna nating mabuti ang ilan sa mga ito at saka natin ibaling ang ating pansin sa lupa at sa buhay na naroroon.

 “Itingin Ninyo ang Inyong mga Mata sa Itaas at Masdan”

4, 5. Gaano kalakas at gaano kalaki ang araw, ngunit paano ito maihahambing sa ibang mga bituin?

4 Gaya marahil ng alam mo, ang ating araw ay isang bituin. Ito’y waring mas malaki kaysa sa mga bituing nakikita natin kung gabi sa dahilang, kung ihahambing sa kanila, ito’y mas malapit. Gaano ito kalakas? Sa pinakagitna nito, ang araw ay mga 15,000,000 digri Celsius. Kung makakakuha ka ng isang piraso ng pinakagitna ng araw na sinlaki ng ulo ng aspile at ilalagay iyon dito sa lupa, hindi ka ligtas na makatatagal kahit sa distansiyang 140 kilometro mula sa pagkaliit-liit na pirasong iyon ng init! Bawat segundo, ang araw ay naglalabas ng enerhiyang katumbas ng pagsabog ng daan-daang milyong bombang nuklear.

5 Ang araw ay pagkalaki-laki anupat mailalagay sa loob nito ang mahigit sa 1,300,000 kasukat ng ating lupa. Ang araw ba ay isang bituin na may pambihirang laki? Hindi, ang tawag ng mga astronomo rito ay bansot na kulay-dilaw. Isinulat ni apostol Pablo na “ang bituin ay naiiba sa kapuwa bituin sa kaluwalhatian.” (1 Corinto 15:41) Hindi niya natanto kung gaano nga katotoo ang kinasihang mga salitang iyon. May isang bituin na pagkalaki-laki anupat kung  ilalagay ito sa mismong puwesto ng araw, ang ating lupa ay malalagay sa loob nito. May isa pang higanteng bituin na kung ipupuwesto rin doon ay makaaabot hanggang sa Saturn—bagaman ang planetang iyon ay napakalayo sa lupa anupat inabot ng apat na taon ang isang sasakyang-pangkalawakan bago nakarating doon, na naglalakbay nang mahigit na 40 ulit na mas mabilis kaysa sa isang bala na pinaputok mula sa isang mataas-ang-kalibreng baril!

6. Paano ipinakikita ng Bibliya na ang bilang ng mga bituin ay ubod ng dami mula sa punto de vista ng tao?

6 Ang lalo pang kagila-gilalas kaysa sa sukat ng mga bituin ay ang bilang ng mga ito. Sa katunayan, ipinahihiwatig ng Bibliya na ang mga bituin ay napakahirap bilangin, anupat kasinghirap ng pagbilang sa ‘buhangin sa dagat.’ (Jeremias 33:22) Ipinahihiwatig ng pangungusap na ito na napakarami pang bituin bukod sa nakikita lamang ng mata. Ang totoo, kung ang isang manunulat ng Bibliya, na gaya ni Jeremias, ay tumingala sa langit isang gabi at sinubukang  bilangin ang nakikitang mga bituin, mga tatlong libo lamang ang mabibilang niya, sapagkat ganiyang karami lamang ang nakikita ng mata ng tao sa isang maaliwalas na gabi. Ang bilang na iyan ay maaaring itulad sa bilang ng mga butil sa isang dakot lamang ng buhangin. Gayunman, sa totoo lamang, ang bilang ng mga bituin ay sadyang di-malirip, na gaya ng buhangin sa dagat. * Sino ang makatutuos ng gayong bilang?

“Lahat sila ay tinatawag niya ayon sa pangalan”

7. (a) Mga ilang bituin mayroon sa ating galaksing Milky Way, at gaano kalaki ang bilang na iyan? (b) Bakit kapansin-pansin na nahihirapan ang mga astronomo sa pagbilang ng mga galaksi, at ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa kapangyarihang lumalang ni Jehova?

7 Sumasagot ang Isaias 40:26: “Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? Iyon ang Isa na naglalabas sa hukbo nila ayon sa bilang, na lahat sila ay tinatawag niya ayon sa pangalan.” Ang Awit 147:4 ay nagsasabi: “Tinutuos niya ang bilang ng mga bituin.” Ano ba “ang bilang ng mga bituin”? Hindi iyan isang madaling tanong. Tinataya ng mga astronomo na may mahigit na 100 bilyong bituin sa ating galaksi lamang na Milky Way. * Subalit ang atin ay isa lamang sa maraming galaksi, at marami sa mga iyon ay hitik na hitik sa mas marami pang bituin. Ilan bang lahat ang mga galaksi? Tinataya ng ilang astronomo na mga 50 bilyon. Kinakalkula naman ng iba na maaaring umabot sa 125 bilyon. Kaya kung ang bilang ng mga galaksi ay hindi man lamang matiyak ng tao, lalo pa nga ang eksaktong dami ng lahat ng bilyun-bilyong bituing nakapaloob sa mga iyon. Subalit, alam ni Jehova ang bilang na iyan. Bukod diyan, binibigyan niya ang bawat bituin ng sarili nitong pangalan!

8. (a) Paano mo ipaliliwanag ang sukat ng galaksing Milky Way? (b) Sa anong mga paraan isinaayos ni Jehova ang galaw ng mga bagay sa langit?

8 Lalo lamang tumitindi ang ating pagkasindak kapag binubulay-bulay natin ang sukat ng mga galaksi. Ang galaksing Milky Way ay  tinatayang may sukat na 100,000 light-year ang diyametro. Gunigunihin ang isang sinag ng liwanag na naglalakbay sa pagkabilis-bilis na takbo na 300,000 kilometro sa bawat segundo. Aabutin ng 100,000 taon ang sinag na iyon bago matawid ang ating galaksi! At ang ilang galaksi ay maraming ulit na mas malaki kaysa sa ating galaksi. Sinasabi ng Bibliya na “iniuunat” ni Jehova ang napakalawak na mga langit na ito na para bang ang mga ito’y tela lamang. (Awit 104:2) Isinasaayos din niya ang galaw ng mga nilalang na ito. Mula sa pinakamaliit na butil ng alabok na nasa palibot ng mga bituin hanggang sa pinakamalaking galaksi, bawat isa ay kumikilos ayon sa pisikal na mga batas na itinatag at ipinatupad ng Diyos. (Job 38:31-33) Dahil dito, itinulad ng mga siyentipiko sa masalimuot na sayaw na ballet ang eksaktong galaw ng mga bagay sa langit! Ngayon ay isipin naman ang Isa na gumawa ng mga bagay na ito. Hindi ka ba masisindak sa Diyos na nagtataglay ng gayong dakilang kapangyarihang lumalang?

“Ang Maylikha ng Lupa sa Pamamagitan ng Kaniyang Kapangyarihan”

9, 10. Paano nakikita ang kapangyarihan ni Jehova may kaugnayan sa posisyon ng ating sistema solar, Jupiter, lupa, at buwan?

9 Nakikita ang kapangyarihang lumalang ni Jehova sa ating tahanan, ang lupa. Buong-ingat na inilagay niya ang lupa sa ubod-lawak na unibersong ito. Naniniwala ang ilang siyentipiko na maraming galaksi ang hindi maaaring paglagyan ng isang pinamumuhayang planeta na gaya ng sa atin. Ang kalakhang bahagi ng ating galaksing Milky Way ay maliwanag na hindi dinisenyo upang pamuhayan. Ang pinakasentro ng galaksi ay punung-puno ng mga bituin. Napakataas ng radyasyon, at karaniwan nang halos magbanggaan ang mga bituin. Ang mga gilid ng galaksi ay hindi nagtataglay ng maraming elementong kailangan upang sumustine ng buhay. Ang ating sistema solar ay eksaktong nasa pagitan ng dalawang kalabisang ito.

10 Ang lupa ay nakikinabang sa isang malayo ngunit higanteng tagapagtanggol—ang planetang Jupiter. Mahigit sa isang libong ulit ang laki kaysa sa Lupa, ang Jupiter ay naglalabas ng napakalakas na puwersa ng grabidad. Ang resulta? Nahihigop nito o naililihis ang mga bagay na humahagibis sa kalawakan. Tinatantiya ng mga siyentipiko na kung hindi dahil sa Jupiter, ang pag-ulan ng  malalaking bagay na tumatama sa lupa ay magiging 10,000 ulit na mas matindi kaysa sa kasalukuyan. Mas malapit sa ating tahanan, ang ating lupa ay pinagpala ng isang pambihirang satelayt—ang buwan. Bukod sa pagiging maganda at isang “ilaw sa gabi,” napananatili ng buwan ang lupa sa isang di-nagbabago at matatag na pagkakatagilid. Ang pagkakatagilid na iyan ang nagiging dahilan ng pagkakaroon ng lupa ng di-nababago at maaasahang lagay ng panahon—isa pang mahalagang pakinabang para sa buhay rito.

11. Paano dinisenyo ang atmospera ng lupa upang magsilbing takip na pananggalang sa nakamamatay na mga sinag ng araw?

11 Ang kapangyarihang lumalang ni Jehova ay nakikita sa bawat pitak ng disenyo ng lupa. Isaalang-alang ang atmospera, na nagsisilbing takip na pananggalang. Ang araw ay naglalabas ng nakapagpapalusog at nakamamatay na mga sinag. Kapag tumama ang nakamamatay na mga sinag sa itaas na bahagi ng atmospera ng lupa, ginagawa nitong ozone ang ordinaryong oksiheno. Hinihigop naman ng nagiging ozone na ito ang karamihan sa mga sinag na iyon. Sa diwa, ang ating planeta ay dinisenyo na may sariling payong na pananggalang!

12. Paano ipinakikita ng siklo ng tubig sa atmospera ang kapangyarihang lumalang ni Jehova?

12 Isang aspekto lamang iyan ng ating atmospera, isang masalimuot na timpla ng mga gas na tamang-tamang pansuporta sa mga nilalang na nabubuhay sa ibabaw ng lupa o sa paligid nito. Isa sa mga kababalaghan ng atmospera ay ang siklo ng tubig. Taun-taon ay hinihigop ng araw sa pamamagitan ng ebaporasyon ang mahigit sa 400,000 kilometro kubiko ng tubig mula sa mga karagatan ng lupa. Ang tubig ay nagiging ulap, na ikinakalat naman ng hangin ng atmospera sa lahat ng dako. Ang tubig na ito, na ngayo’y nasala na at nadalisay na, ay pumapatak sa anyong ulan, niyebe, at yelo, anupat muling pinupunan ang suplay ng tubig. Ito’y gaya ng sinasabi sa Eclesiastes 1:7: “Ang lahat ng agusang-taglamig ay humuhugos sa dagat, gayunma’y hindi napupuno ang dagat. Sa dakong hinuhugusan ng mga agusang-taglamig, doon bumabalik ang mga iyon upang humugos.” Tanging si Jehova lamang ang makapagpapakilos ng gayong siklo.

13. Anong katunayan ng kapangyarihan ng Maylalang ang nakikita natin sa mga pananim at sa lupang sinasaka?

13 Saanman tayo makakita ng buhay, nakikita natin ang katunayan  ng kapangyarihan ng Maylalang. Mula sa pagkálalakíng mga redwood na umaabot nang mas mataas pa sa 30-palapag na mga gusali hanggang sa pagkaliliit na buhay-halaman na namumutiktik sa mga karagatan at naglalaan ng kalakhang bahagi ng oksihenong nilalanghap natin, nakikita ang kapangyarihang lumalang ni Jehova. Maging ang mismong lupang sinasaka ay punung-puno rin ng nabubuhay na mga bagay—mga bulati, halamang-singaw, at mga mikrobyo, na pawang gumagawang sama-sama sa masasalimuot na paraan na tumutulong upang tumubo ang mga halaman. Angkop lamang na banggitin sa Bibliya na ang lupang sinasaka ay may lakas.Genesis 4:12.

14. Anong nakatagong lakas ang taglay ng kahit na pagkaliit-liit na atomo?

14 Walang alinlangan, si Jehova “ang Maylikha ng lupa sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.” (Jeremias 10:12) Ang kapangyarihan ng Diyos ay nakikita maging sa kaniyang pinakamaliliit na nilalang. Halimbawa, ang isang milyong atomo na pinagtabi-tabi ay hindi pa rin magiging singkapal ng isang hibla ng buhok ng tao. At kahit na palakihin pa ang isang atomo hanggang sa maging kasintaas ng isang 14-na-palapag na gusali, ang nukleo nito ay magiging sinlaki lamang ng butil ng asin na nasa ikapitong palapag. Gayunman, ang pagkaliit-liit na nukleong iyon ang pinanggagalingan ng nakasisindak na lakas na nag-uumalpas sa isang nuklear na pagsabog!

“Ang Bawat Bagay na May Hininga”

15. Sa pagtalakay sa iba’t ibang maiilap na hayop, anong aral ang itinuro ni Jehova kay Job?

15 Ang isa pang maliwanag na katibayan ng kapangyarihang lumalang ni Jehova ay ang pagkarami-raming buhay-hayop sa lupa. Nakatala sa Awit 148 ang marami sa mga bagay na pumupuri kay Jehova, at inilakip sa talata 10 “kayong maiilap na hayop at kayong lahat na maaamong hayop.” Upang ipakita kung bakit dapat masindak ang tao sa Maylalang, minsan ay nakipag-usap si Jehova kay Job tungkol sa mga hayop na gaya ng leon, sebra, torong gubat, Behemot (o, hippopotamus), at Leviatan (malamang na ang buwaya). Ang punto? Kung ang tao ay nasisindak sa malakas, nakatatakot, at di-mapaamong mga kinapal na ito, ano naman kaya ang dapat niyang madama sa Maylalang ng mga ito?Job, kabanata 38-41.

16. Ano ang nakapagpapahanga sa iyo tungkol sa ilang ibon na nilalang ni Jehova?

 16 Binabanggit din sa Awit 148:10 ang “mga ibong may pakpak.” Isipin na lamang ang pagkakasarisari! Binanggit ni Jehova kay Job ang avestruz, na “pinagtatawanan [nito] ang kabayo at ang nakasakay rito.” Oo nga’t hindi makalipad ang ibong ito na ang taas ay 2.5 metro, subalit ito’y nakatatakbo nang 65 kilometro sa bawat oras, anupat ang isang hakbang ay umaabot ng hanggang 4.5 metro! (Job 39:13, 18) Sa kabilang dako naman, ang albatros ay gumugugol ng halos buong buhay nito sa himpapawid sa ibabaw ng karagatan. Bilang likas na marunong sumalimbay, ang nakabukang pakpak ng ibong ito ay may sukat na mga tatlong metro. Maaari itong pumailanlang nang tuluy-tuloy sa loob ng maraming oras nang hindi ikinakampay ang mga pakpak nito. Sa kabaligtaran naman, palibhasa’y limang sentimetro lamang ang haba, ang bee hummingbird ang pinakamaliit na ibon sa daigdig. Naikakampay nito ang mga pakpak nito hanggang 80 ulit sa isang segundo! Ang mga hummingbird, na kumikinang na parang maliliit na hiyas na may pakpak, ay nakaaali-aligid na parang mga helikopter at nakalilipad pa nga nang paurong.

17. Gaano kalaki ang blue whale, at ano ang natural na magiging konklusyon natin matapos bulay-bulayin ang mga hayop na nilalang ni Jehova?

17 Ang Awit 148:7 ay nagsasabi na maging ang “mga dambuhalang hayop-dagat” ay pumupuri kay Jehova. Isaalang-alang ang pinaniniwalaan ng marami na siyang pinakamalaking hayop na nabuhay kailanman sa planetang ito, ang blue whale. Ang “dambuhalang” ito ng kalaliman ay maaaring umabot sa haba na 30 metro o higit pa. Maaari itong tumimbang nang kasimbigat ng isang kawan ng 30 nasa hustong-gulang na elepante. Dila pa lamang nito ay kasimbigat na ng isang elepante. Ang puso nito ay kasinlaki ng isang maliit na kotse. Ang napakalaking sangkap na ito ay tumitibok nang 9 na ulit lamang sa isang minuto—kabaligtaran naman ng puso ng hummingbird, na tumitibok nang mga 1,200 ulit sa isang minuto. Isa sa mga daluyan ng dugo ng blue whale ay napakalaki anupat maaaring gumapang ang isang bata sa loob nito. Tiyak na mauudyukan tayo ng ating puso na sambitin din ang payo na siyang konklusyon ng aklat ng Mga Awit: “Ang bawat bagay na may hininga—purihin nito si Jah.”Awit 150:6.

 Pagkatuto Mula sa Kapangyarihang Lumalang ni Jehova

18, 19. Gaano ang pagkakasarisari ng nabubuhay na bagay na ginawa ni Jehova sa lupang ito, at ano ang itinuturo sa atin ng paglalang tungkol sa kaniyang soberanya?

18 Ano ang ating matututuhan mula sa paggamit ni Jehova ng kaniyang kapangyarihang lumalang? Nalilipos tayo ng pagkasindak dahil sa pagkakasarisari ng paglalang. Isang salmista ang bumulalas: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! . . . Ang lupa ay punô ng iyong mga likha.” (Awit 104:24) Totoong-totoo nga ito! Ang mga biyologo ay nakatuklas na ng mahigit sa isang milyong uri ng nabubuhay na bagay sa lupa; gayunman, iba’t iba ang kanilang opinyon kung ang bilang ng mga ito ay aabot sa 10 milyon, 30 milyon, o higit pa. Maaaring masumpungan ng isang taong dalubsining na kung minsan ay hindi na siya makaisip ng malilikha. Sa kabaligtaran, ang pagiging malikhain ni Jehova—ang kaniyang kakayahang umimbento at lumikha ng mga bago at sari-saring bagay—ay maliwanag na walang limitasyon.

19 Ang paggamit ni Jehova ng kaniyang kapangyarihang lumalang ay nagtuturo sa atin tungkol sa kaniyang soberanya. Ang mismong salitang “Maylalang” ay nagbubukod kay Jehova mula sa lahat ng iba pang bagay sa uniberso, na pawang mga “nilalang.” Maging ang bugtong na Anak ni Jehova, na nagsilbing “isang dalubhasang manggagawa” noong panahon ng paglalang, ay hindi kailanman tinawag sa Bibliya na Maylalang o kapuwa-Maylalang. (Kawikaan 8:30; Mateo 19:4) Bagkus, siya “ang panganay sa  lahat ng nilalang.” (Colosas 1:15) Ang posisyon ni Jehova bilang ang Maylalang ay nagbibigay sa kaniya ng likas na karapatang humawak ng bukod-tanging kapangyarihan bilang soberano sa buong uniberso.Roma 1:20; Apocalipsis 4:11.

20. Sa anong diwa nagpahinga si Jehova mula nang matapos ang kaniyang paglalang sa lupa?

20 Huminto na ba si Jehova sa paggamit ng kaniyang kapangyarihang lumalang? Buweno, sinasabi nga sa Bibliya na nang matapos ni Jehova ang kaniyang gawang paglalang noong ikaanim na araw ng paglalang, “siya ay nagpasimulang magpahinga noong ikapitong araw mula sa lahat ng kaniyang gawain na ginawa niya.” (Genesis 2:2) Ipinahiwatig ni apostol Pablo na ang ikapitong “araw” na ito ay libu-libong taon ang haba, yamang ito’y nagpapatuloy pa rin hanggang sa kaniyang kapanahunan. (Hebreo 4:3-6) Subalit ang ‘pamamahinga’ ba ay nangangahulugang lubusan nang huminto si Jehova sa paggawa? Hindi, si Jehova ay hindi kailanman humihinto sa paggawa. (Awit 92:4; Juan 5:17) Kung gayon, ang kaniyang pamamahinga ay malamang na tumutukoy lamang sa pagtigil ng kaniyang pisikal na paglalang may kinalaman sa lupa. Subalit ang kaniyang paggawa sa ikatutupad ng kaniyang mga layunin ay walang tigil na nagpapatuloy. Lakip sa gawaing iyon ang pagkasi sa Banal na Kasulatan. Kabilang pa nga sa kaniyang gawain ang paglalabas ng “isang bagong nilalang,” na tatalakayin sa Kabanata 19.2 Corinto 5:17.

21. Paano makaaapekto ang kapangyarihang lumalang ni Jehova sa tapat na mga tao sa panahong walang hanggan?

21 Kapag sa wakas ay natapos na ang araw ng kapahingahan ni Jehova, masasabi niyang “napakabuti” ang lahat ng kaniyang ginawa sa lupa, gaya ng sinabi niya sa pagtatapos ng anim na araw ng paglalang. (Genesis 1:31) Kung paano niya gagamitin ang kaniyang walang-limitasyong kapangyarihang lumalang pagkatapos nito ay hindi pa natin alam. Sa paanuman, makatitiyak tayo na patuloy tayong mabibighani sa paggamit ni Jehova ng kapangyarihang lumalang. Sa buong panahong walang hanggan, higit pa tayong matututo tungkol kay Jehova sa pamamagitan ng kaniyang mga nilalang. (Eclesiastes 3:11) Habang mas marami pa tayong natututuhan tungkol sa kaniya, lalong sisidhi ang ating pagkasindak—at lalo tayong mápapalapít sa ating Dakilang Maylalang.

^ par. 2 Upang ilarawan ang napakalaking bilang na iyan, isipin ito: Para marating ng kotse ang distansiyang iyan—kahit na tulinan pa nang 160 kilometro sa bawat oras, 24 na oras sa isang araw—aabutin ka pa rin nang mahigit sa isang daang taon!

^ par. 6 Ipinalalagay ng ilan na malamang na gumamit daw ng isang simpleng uri ng teleskopyo ang mga sinaunang tao noong panahon ng Bibliya. Sabi ng pangangatuwiran, paano pa nga ba malalaman ng mga tao noon na ang bilang ng mga bituin ay ubod ng dami o di-mabilang, mula sa punto de vista ng tao? Hindi isinasaalang-alang ng gayong walang-batayang palagay si Jehova, na siyang Awtor ng Bibliya.2 Timoteo 3:16.

^ par. 7 Isip-isipin na lamang kung gaano mo katagal bibilangin ang 100 bilyong bituin. Kung makabibilang ka ng isa sa bawat segundo—at itutuloy iyon ng 24 na oras sa isang araw—aabutin ka ng 3,171 taon!

Higit Pang Impormasyon

ANG BANTAYAN—EDISYON PARA SA PAG-AARAL

Ipinakikilala ng mga Nilalang ang Diyos na Buháy

Alamin kung paano tutulungan ang iba na maunawaan ang katotohanan tungkol sa Maylalang at kung paano rin patitibayin ang pananampalataya natin sa kaniya.