Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Maging Malapít kay Jehova

 KABANATA 3

“Banal, Banal, Banal si Jehova”

“Banal, Banal, Banal si Jehova”

1, 2. Anong pangitain ang tinanggap ni propeta Isaias, at ano ang itinuturo nito sa atin tungkol kay Jehova?

GAYON na lamang ang pagkasindak ni Isaias sa tanawing nasa harapan niya—isang pangitain mula sa Diyos. Parang totoong-totoo! Pagkaraan ay isinulat ni Isaias na aktuwal na ‘nakita [niya] si Jehova’ sa Kaniyang matayog na trono. Napunô ng mahabang laylayan ni Jehova ang napakalaking templo sa Jerusalem.Isaias 6:1, 2.

2 Nasindak din si Isaias sa kaniyang narinig—napakalakas na pag-aawitan anupat nauga nito ang templo hanggang sa mga pundasyon nito. Ang awit ay nagmumula sa mga serapin, mga espiritung nilalang na may napakataas na ranggo. Ang kanilang malakas at nagkakaisang tinig ay umalingawngaw na may simpleng mga salita ng karingalan: “Banal, banal, banal si Jehova ng mga hukbo. Ang kabuuan ng buong lupa ay kaniyang kaluwalhatian.” (Isaias 6:3, 4) Ang tatlong ulit na pag-awit ng salitang “banal” ay nagbibigay rito ng pantanging pagdiriin, at angkop lamang ito, sapagkat taglay ni Jehova ang pinakamataas na antas ng kabanalan. (Apocalipsis 4:8) Ang kabanalan ni Jehova ay idiniriin sa buong Bibliya. Daan-daang talata ang nag-uugnay ng kaniyang pangalan sa mga salitang “banal” at “kabanalan.”

3. Paanong ang mga maling pangmalas sa kabanalan ni Jehova ay nakaakay sa marami na lumayo sa Diyos sa halip na lumapit sa kaniya?

3 Kung gayon, maliwanag na ang isa sa mga pangunahing bagay na nais ni Jehova na maunawaan natin tungkol sa kaniya ay na siya’y banal. Gayunman, marami sa ngayon ang nayayamot sa mismong ideyang ito. Ang kabanalan ay may kamaliang iniuugnay ng ilan sa pagbibigay-matuwid sa sarili o pagbabanal-banalan. Para sa mga taong binabagabag ng isang negatibong pangmalas sa kanilang sarili, ang kabanalan ng Diyos ay baka lalong makatakot sa halip na makahikayat. Maaaring sila’y nangangamba na hindi na sila kailanman magiging karapat-dapat na mápalapít sa banal na Diyos na ito. Kaya naman, marami ang lumalayo sa Diyos dahil sa kaniyang kabanalan. Nakalulungkot iyan, sapagkat ang kabanalan ng Diyos sa katunayan ay isang matibay na dahilan upang lumapit  sa kaniya. Bakit? Bago natin sagutin ang tanong na iyan, pag-usapan muna natin kung ano ang tunay na kabanalan.

Ano ang Kabanalan?

4, 5. (a) Ano ang kahulugan ng kabanalan, at ano ang hindi kahulugan nito? (b) Sa anong dalawang mahalagang paraan “hiwalay” si Jehova?

4 Ang pagiging banal ng Diyos ay hindi nangangahulugang siya’y mapagmapuri, palalo, o mapanghamak sa iba. Sa kabaligtaran, kinapopootan niya ang mga ugaling ito. (Kawikaan 16:5; Santiago 4:6) Kung gayon, ano nga ba talaga ang kahulugan ng salitang “banal”? Sa Biblikal na Hebreo, ang salitang ito ay kinuha sa isang termino na nangangahulugang “hiwalay.” Sa pagsamba, ang “banal” ay kumakapit sa isang bagay na hiwalay sa karaniwang gamit, o na itinuturing na sagrado. Ang kabanalan ay nagdadala rin ng ideya ng pagiging malinis at dalisay. Paano kumakapit ang salitang ito kay Jehova? Nangangahulugan ba ito na siya’y “hiwalay” sa di-sakdal na mga tao, anupat malayo sa atin?

5 Hindi naman. Bilang “ang Banal ng Israel,” inilarawan ni Jehova ang kaniyang sarili bilang nananahan “sa gitna ng” kaniyang bayan, bagaman sila’y makasalanan. (Isaias 12:6; Oseas 11:9) Kaya ang kaniyang kabanalan ay hindi naglálayô sa kaniya. Kung gayon, paano siya nagiging “hiwalay”? Sa dalawang mahalagang paraan. Una, siya ay hiwalay sa lahat ng mga nilalang sa dahilang siya lamang ang Kataas-taasan. Ang kaniyang kadalisayan, ang kaniyang kalinisan, ay ganap at walang limitasyon. (Awit 40:5; 83:18) Ikalawa, si Jehova ay lubusang hiwalay sa lahat ng kasalanan, at iyan ay nakaaaliw isipin. Bakit?

6. Bakit nakaaaliw sa atin ang pagiging lubusang hiwalay ni Jehova sa kasalanan?

6 Tayo’y nabubuhay sa isang daigdig na salat sa tunay na kabanalan. Lahat ng bagay sa lipunan ng tao na hiwalay sa Diyos ay marumi sa ilang antas, anupat may bahid ng kasalanan at di-kasakdalan. Tayong lahat ay kailangang makipagbaka sa kasalanang nakapaloob sa atin. At tayong lahat ay nanganganib na madaig ng kasalanan kung tayo’y hindi mag-iingat. (Roma 7:15-25; 1 Corinto 10:12) Wala kay Jehova ang gayong panganib. Palibhasa’y lubusang hiwalay sa pagkakasala, hindi siya kailanman mababahiran ng bahagya mang bakas ng kasalanan. Pinatitibay nito ang ating pagtingin kay Jehova bilang ang ulirang Ama, sapagkat  nangangahulugan ito na siya’y lubusang maaasahan. Di-gaya ng maraming makasalanang amang tao, si Jehova ay hindi kailanman magiging tiwali, buktot, o mapang-abuso. Dahil sa kaniyang kabanalan, tiyak na imposibleng mangyari ang gayong bagay. Sa pana-panahon ay ipinanunumpa pa nga ni Jehova ang kaniyang kabanalan, sapagkat wala nang iba pang bagay na higit na mapagkakatiwalaan. (Amos 4:2) Hindi ba’t iyan ay nakaaaliw?

7. Bakit masasabing ang kabanalan ay likas kay Jehova?

7 Ang kabanalan ay likas kay Jehova. Ano ang ibig sabihin nito? Bilang halimbawa: Isaalang-alang ang mga salitang “tao” at “di-sakdal.” Hindi mo mailalarawan ang una nang hindi binabanggit ang huli. Ang di-kasakdalan ay nananaig sa atin at nakaiimpluwensiya sa lahat ng ating ginagawa. Isaalang-alang naman ngayon ang dalawang salita na ibang-iba—“Jehova” at “banal.” Kabanalan ang nananaig kay Jehova. Lahat ng tungkol sa kaniya ay malinis, dalisay, at matuwid. Hindi natin makikilala kung sino talaga si Jehova hangga’t hindi natin nauunawaang mabuti ang makahulugang salitang ito—“banal.”

“Ang Kabanalan ay kay Jehova”

8, 9. Ano ang nagpapakita na tinutulungan ni Jehova ang di-sakdal na mga tao na maging banal sa isang relatibong diwa?

8 Yamang si Jehova ang mismong larawan ng katangian ng kabanalan, makatuwiran lamang na sabihing siya ang bukal ng lahat ng kabanalan. Hindi niya buong-kasakimang sinasarili ang mahalagang katangiang ito; ibinabahagi niya ito sa iba, at ibinibigay niya ito nang sagana. Aba, nang makipag-usap ang Diyos kay Moises sa pamamagitan ng isang anghel sa nagniningas na palumpong, maging ang lugar sa palibot nito ay naging banal dahil sa koneksiyon nito kay Jehova!Exodo 3:5.

9 Maaari kayang maging banal ang di-sakdal na mga tao sa tulong ni Jehova? Oo, sa isang relatibong diwa. Binigyan ng Diyos ang kaniyang bayang Israel ng pag-asang maging “isang banal na bansa.” (Exodo 19:6) Pinagpala niya ang bansang iyon ng isang paraan ng pagsamba na banal, malinis, at dalisay. Kaya naman ang kabanalan ay isang paulit-ulit na tema ng Kautusang Mosaiko. Sa katunayan, ang mataas na saserdote ay may suot na isang gintong  lámina sa harapan ng kaniyang turbante, kung saan makikita ng lahat ang pagkislap nito sa liwanag. Nakaukit dito ang mga salitang: “Ang kabanalan ay kay Jehova.” (Exodo 28:36) Kaya naman isang mataas na pamantayan ng kalinisan at kadalisayan ang magiging pagkakakilanlan ng kanilang pagsamba at, sa katunayan, ng kanilang paraan ng pamumuhay. Sinabi sa kanila ni Jehova: “Magpakabanal kayo, sapagkat akong si Jehova na inyong Diyos ay banal.” (Levitico 19:2) Hangga’t ang mga Israelita ay namumuhay ayon sa payo ng Diyos sa abot-kaya ng di-sakdal na mga tao, sila’y banal sa isang relatibong diwa.

10. May kinalaman sa kabanalan, ano ang pagkakaiba ng sinaunang Israel at ng nakapalibot na mga bansa?

10 Ang pagdiriing ito sa kabanalan ay ibang-iba sa pagsamba ng mga bansang nakapalibot sa Israel. Ang mga paganong bansang iyon ay sumasamba sa mga diyos na ang pag-iral ng mga ito mismo ay isang kasinungalingan at panlilinlang, mga diyos na inilalarawan bilang marahas, sakim, at mahalay. Sila’y di-banal sa lahat ng aspekto. Ang pagsamba sa gayong mga diyos ang dahilan kung bakit ang mga tao ay naging di-banal. Kaya naman, binabalaan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na manatiling hiwalay sa paganong mga mananamba at sa kanilang maruruming relihiyosong gawain.Levitico 18:24-28; 1 Hari 11:1, 2.

11. Paanong ang kabanalan ng makalangit na organisasyon ni Jehova ay maliwanag na nakikita (a) sa mga anghel? (b) sa mga serapin? (c) kay Jesus?

11 Kahit sa pinakamabuting kalagayan, ang piniling bansa ni Jehova na sinaunang Israel ay makapaglalaan lamang ng bahagyang larawan ng kabanalan ng makalangit na organisasyon ng Diyos. Ang milyun-milyong espiritung nilalang na tapat na naglilingkod sa Diyos ay tinutukoy bilang kaniyang “laksa-laksang banal.” (Deuteronomio 33:2; Judas 14) Ganap nilang inilalarawan ang maningning at dalisay na kagandahan ng kabanalan ng Diyos. At alalahanin ang mga serapin na nakita ni Isaias sa kaniyang pangitain. Ipinahihiwatig ng nilalaman ng kanilang awit na ang makapangyarihang mga espiritung nilalang na ito ay gumaganap ng mahalagang papel sa paghahayag ng kabanalan ni Jehova sa buong uniberso. Gayunman, isang espiritung nilalang ang nakatataas sa lahat ng mga ito—ang bugtong na Anak ng Diyos. Si Jesus ang pinakadakilang larawan ng kabanalan ni Jehova. Makatuwiran  lamang na makilala siya bilang “ang Banal ng Diyos.”Juan 6:68, 69.

Banal na Pangalan, Banal na Espiritu

12, 13. (a) Bakit angkop lamang na ilarawan ang pangalan ng Diyos bilang banal? (b) Bakit dapat pakabanalin ang pangalan ng Diyos?

12 Kumusta naman ang sariling pangalan ng Diyos? Gaya ng nakita natin sa Kabanata 1, ang pangalang iyan ay hindi basta titulo o katawagan lamang. Ito ay kumakatawan sa Diyos na Jehova, anupat saklaw nito ang lahat ng kaniyang katangian. Kaya naman, sinasabi sa atin ng Bibliya na ang kaniyang ‘pangalan ay banal.’ (Isaias 57:15) Itinakda ng Kautusang Mosaiko ang parusang kamatayan sa sinumang lumapastangan sa pangalan ng Diyos. (Levitico 24:16) At pansinin kung ano ang inuna ni Jesus sa panalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Mateo 6:9) Ang pagpapabanal sa isang bagay ay nangangahulugan ng pagbubukod dito bilang sagrado at pagsamba rito, pagtataguyod dito bilang banal. Subalit bakit kaya kailangan pang pakabanalin ang isang bagay na likas nang dalisay na gaya ng sariling pangalan ng Diyos?

13 Ang banal na pangalan ng Diyos ay tinuligsa at dinungisan ng mga kasinungalingan at paninirang-puri. Sa Eden, si Satanas ay nagsinungaling tungkol kay Jehova at nagpahiwatig na Siya’y isang di-makatarungang Soberano. (Genesis 3:1-5) Mula noon, tiniyak ni Satanas—ang tagapamahala ng di-banal na sanlibutang ito—na lumaganap ang mga kasinungalingan tungkol sa Diyos. (Juan 8:44; 12:31; Apocalipsis 12:9) Inilarawan ng mga relihiyon ang Diyos bilang di-makatuwiran, malayô, o malupit. Inangkin nilang siya’y sumusuporta sa kanilang uhaw-sa-dugong pagdidigmaan. Ang papuri sa kamangha-manghang gawang paglalang ng Diyos ay madalas na ibinibigay sa di-sinasadyang pagkakataon, o ebolusyon. Oo, ang pangalan ng Diyos ay walang-patumanggang siniraang-puri. Dapat itong pakabanalin; ang nararapat na kaluwalhatian nito ay dapat isauli. Nasasabik tayo sa pagpapabanal sa kaniyang pangalan at pagbabangong-puri sa kaniyang soberanya, at nalulugod tayong gumanap ng anumang bahagi sa dakilang layuning iyan.

14. Bakit tinawag na banal ang espiritu ng Diyos, at bakit napakaselang ng pamumusong sa banal na espiritu?

 14 May isa pang matalik na nauugnay kay Jehova na halos palaging tinatawag na banal—ang kaniyang espiritu, o aktibong puwersa. (Genesis 1:2) Ginagamit ni Jehova ang di-mapipigilang puwersang ito upang isagawa ang kaniyang mga layunin. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay ginagawa niya sa isang banal, dalisay, at malinis na paraan, kung kaya ang kaniyang aktibong puwersa ay angkop na tawaging banal na espiritu, o espiritu ng kabanalan. (Lucas 11:13; Roma 1:4) Ang pamumusong sa banal na espiritu, na nagsasangkot ng kusang pagsalansang sa mga layunin ni Jehova, ay isang di-mapatatawad na kasalanan.Marcos 3:29.

Kung Bakit ang Kabanalan ni Jehova ay Naglalapit sa Atin sa Kaniya

15. Bakit ang pagkakaroon ng makadiyos na takot ay isang angkop na pagtugon sa kabanalan ni Jehova, at ano ang nasasangkot sa gayong pagkatakot?

15 Kung gayon, hindi mahirap unawain kung bakit pinag-uugnay ng Bibliya ang kabanalan ng Diyos at ang makadiyos na takot sa panig naman ng tao. Halimbawa, mababasa sa Awit 99:3: “Purihin nila ang iyong pangalan. Dakila at kakila-kilabot, iyon ay banal.” Gayunman, ang pangingilabot na ito ay hindi isang malagim na pagkatakot. Sa halip, ito ay isang matinding pagkadama ng mapitagang pagkasindak, ang pinakadakilang antas ng paggalang. Angkop lamang na makadama ng ganiyan, yamang gayon na lamang ang kahigitan sa atin ng kabanalan ng Diyos. Ito’y nagniningning sa kalinisan at kaluwalhatian. Subalit hindi ito dahilan upang tayo’y lumayo. Sa kabaligtaran, ang isang angkop na pangmalas sa kabanalan ng Diyos ay maglálapít sa atin sa kaniya. Bakit?

Kung paanong naaakit tayo ng kagandahan, dapat na maakit din tayo ng kabanalan

16. (a) Paano iniuugnay ang kabanalan sa kagandahan? Magbigay ng halimbawa. (b) Paanong ang mga paglalarawan kay Jehova sa mga pangitain ay nagbibigay-diin sa kalinisan, kadalisayan, at liwanag?

16 Una sa lahat, iniuugnay ng Bibliya ang kabanalan sa kagandahan. Sa Isaias 63:15, ang langit ay inilalarawan bilang ang “marangal na tahanan ng kabanalan at kagandahan” ng Diyos. Naaakit tayo ng kagandahan. Halimbawa, tingnan ang larawan sa pahina 33. Hindi ka ba naaakit sa tanawing iyan? Bakit ito lubhang nakahahalina? Pansinin kung gaano kalinaw tingnan ang tubig. Tiyak na maging ang hangin ay malinis din, sapagkat ang langit ay  asul at ang liwanag ay waring kumikinang. Ngayon, kung babaguhin ang tanawing iyan—ang batis ay barado sa basura, ang mga punungkahoy at mga bato ay pinapangit ng mga graffiti, ang hangin ay pinarumi ng usok—hindi na tayo maaakit dito; mandidiri tayo. Natural lamang na iugnay natin ang kagandahan sa kalinisan, kadalisayan, at liwanag. Magagamit din ang mga salitang ito upang ilarawan ang kabanalan ni Jehova. Hindi nga kataka-takang mapahanga tayo sa mga paglalarawan kay Jehova sa mga pangitain! Kumikislap sa liwanag, nakasisilaw na parang batong-hiyas, nagliliwanag na gaya ng apoy o ng pinakadalisay at pinakamakinang na mamahaling metal—ganiyan kaganda ang ating banal na Diyos.—Ezekiel 1:25-28; Apocalipsis 4:2, 3.

17, 18. (a) Paanong sa pasimula’y naapektuhan si Isaias ng kaniyang pangitain? (b) Paano ginamit ni Jehova ang isang serapin upang aliwin si Isaias, at ano ang kahulugan ng ginawa ng serapin?

17 Gayunman, dapat ba nating madama na tayo’y napakababa kung ihahambing sa kabanalan ng Diyos? Mangyari pa, ang sagot ay oo. Kung tutuusin, tayo ay talaga namang mas mababa kay Jehova—at ang ganitong pananalita ay kulang na kulang pa nga. Dahil ba sa pagkaalam nito ay dapat na tayong mápalayô sa kaniya? Isaalang-alang ang reaksiyon ni Isaias nang marinig ang paghahayag ng mga serapin sa kabanalan ni Jehova. “Sinabi ko: ‘Sa aba ko! Sapagkat para na rin akong pinatahimik, dahil ako ay lalaking may maruruming labi, at sa gitna ng isang bayan na may maruruming labi ay tumatahan ako; sapagkat nakita ng aking mga mata ang Hari mismo, si Jehova ng mga hukbo!’ ” (Isaias 6:5) Oo, ang walang-limitasyong kabanalan ni Jehova ay nagpaalaala kay Isaias kung gaano kalaki ang kaniyang kasalanan at di-kasakdalan. Sa pasimula, lubhang nasiraan ng loob ang tapat na taong iyon. Subalit hindi siya pinabayaan ni Jehova sa gayong kalagayan.

18 Agad na inaliw ng isang serapin ang propeta. Paano? Lumipad patungong altar ang makapangyarihang espiritu, kumuha ng isang uling mula roon, at isinalíng ang uling sa mga labi ni Isaias. Waring lalong makasasakit iyan kaysa makaaliw. Subalit, alalahanin na ito’y isang pangitain na sagana sa makasagisag na kahulugan. Alam na alam ni Isaias, isang tapat na Judio, na ang mga hain ay inihahandog araw-araw sa altar ng templo  upang magbayad-sala sa mga kasalanan. At maibiging pinaalalahanan ng serapin ang propeta na bagaman siya’y hindi nga sakdal, “may maruruming labi,” maaari pa rin siyang magkaroon ng isang malinis na katayuan sa harap ng Diyos. * Handa si Jehova na malasin ang isang di-sakdal at makasalanang tao bilang banal—sa isang relatibong diwa sa paanuman.Isaias 6:6, 7.

19. Paano kaya tayo posibleng maging banal sa isang relatibong diwa, bagaman tayo’y di-sakdal?

19 Gayundin naman sa ngayon. Ang lahat ng mga haing iyon na inihandog sa altar sa Jerusalem ay mga anino lamang ng isang bagay na lalong dakila—ang isang sakdal na hain, na inihandog ni Jesu-Kristo noong 33 C.E. (Hebreo 9:11-14) Kung talagang pinagsisisihan natin ang ating mga kasalanan, itinutuwid ang ating maling landasin, at sinasampalatayanan ang haing iyan, tayo ay pinatatawad. (1 Juan 2:2) Tayo rin ay maaaring magtamasa ng isang malinis na katayuan sa harap ng Diyos. Kaya naman ipinaaalaala ni apostol Pedro sa atin: “Nasusulat: ‘Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.’ ” (1 Pedro 1:16) Pansinin na hindi sinabi ni Jehova na  dapat tayong maging kasing banal niya. Hindi niya kailanman inaasahan sa atin ang mga bagay na imposible. (Awit 103:13, 14) Sa halip, sinasabi ni Jehova sa atin na tayo’y magpakabanal sapagkat siya ay banal. “Bilang mga anak na minamahal,” hinahangad natin na matularan siya sa abot ng ating makakaya bilang di-sakdal na mga tao. (Efeso 5:1) Kaya ang pag-abot sa kabanalan ay kailangang patuloy na gawin. Habang sumusulong tayo sa espirituwal, ating “pinasasakdal ang kabanalan” sa araw-araw.2 Corinto 7:1.

20. (a) Bakit mahalagang maunawaan na maaari tayong maging malinis sa paningin ng ating banal na Diyos? (b) Paano naapektuhan si Isaias nang malaman niyang naipagbayad-sala na ang kaniyang mga kasalanan?

20 Si Jehova ay umiibig sa anumang bagay na matuwid at dalisay. Kinapopootan niya ang kasalanan. (Habakuk 1:13) Subalit hindi siya napopoot sa atin. Hangga’t ang pangmalas natin sa kasalanan ay gaya ng sa kaniya—napopoot sa masama, umiibig sa mabuti—at nagsisikap na sumunod sa sakdal na mga yapak ni Kristo Jesus, pinatatawad ni Jehova ang ating mga kasalanan. (Amos 5:15; 1 Pedro 2:21) Kapag nauunawaan natin na maaari tayong maging malinis sa paningin ng ating banal na Diyos, ang epekto nito ay napakalaki. Tandaan, ang kabanalan ni Jehova sa pasimula’y nagpaalaala kay Isaias ng kaniyang sariling karumihan. Humiyaw siya: “Sa aba ko!” Subalit nang maunawaan niyang naipagbayad-sala na ang kaniyang mga kasalanan, nagbago ang kaniyang pangmalas. Nang humiling si Jehova ng isang boluntaryo upang magsagawa ng isang atas, agad na tumugon si Isaias, bagaman hindi pa niya alam kung ano ang nasasangkot dito. Bumulalas siya: “Narito ako! Isugo mo ako.”Isaias 6:5-8.

21. Anong saligan mayroon tayo upang magtiwalang malilinang natin ang katangian ng kabanalan?

21 Tayo’y nilalang ayon sa larawan ng banal na Diyos, pinagkalooban ng moral na mga katangian at ng kakayahang umunawa ng espirituwal na mga bagay. (Genesis 1:26) Tayong lahat ay may potensiyal para sa kabanalan. Habang patuloy nating nililinang ang kabanalan, nalulugod si Jehova na tumulong. Sa paggawa nito, lalo tayong mápapalapít sa ating banal na Diyos. Bukod diyan, habang isinasaalang-alang natin ang mga katangian ni Jehova sa susunod na mga kabanata, makikita natin na maraming matitibay na dahilan upang maging malapít sa kaniya!

^ par. 18 Angkop lamang ang pananalitang “may maruruming labi,” yamang ang mga labi ay madalas na ginagamit ng Bibliya sa makasagisag na paraan upang kumatawan sa pagsasalita o wika. Sa lahat ng di-sakdal na mga tao, ang isang mataas na porsiyento ng mga kasalanan ay dahil sa paraan ng ating paggamit ng kakayahang magsalita.Kawikaan 10:19; Santiago 3:2, 6.