Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya

 ARAL 28

Nagsalita ang Asno ni Balaam

Nagsalita ang Asno ni Balaam

Halos 40 taon nang nasa ilang ang mga Israelita. Marami na silang nasakop na lunsod. Ngayong nagkakampo sila sa kapatagan ng Moab, sa silangan ng Ilog Jordan, panahon na para pumasok sila sa Lupang Pangako. Si Balak, hari ng Moab, ay natatakot na masakop din ng mga Israelita ang lupain niya. Kaya niyaya niya ang lalaking si Balaam na pumunta sa Moab para isumpa ang mga Israelita.

Pero sinabi ni Jehova kay Balaam: ‘Huwag mong isusumpa ang mga Israelita.’ Kaya hindi pumunta si Balaam sa Moab. Niyaya ulit siya ni Haring Balak at nangakong ibibigay sa kaniya ang lahat ng gusto niya. Pero ayaw pa rin ni Balaam. Pagkatapos, sinabi ng Diyos: ‘Puwede kang pumunta, pero y’ong ipinapasabi ko lang ang sasabihin mo.’

Sumakay si Balaam sa kaniyang asno at naglakbay papuntang Moab. Plano niyang isumpa ang mga Israelita, kahit pinagbawalan siya ni Jehova. Habang nasa daan, tatlong beses na nagpakita ang anghel ni Jehova. Hindi ito nakikita ni Balaam, pero nakikita iyon ng asno niya. Una, umiwas ang asno at pumunta sa damuhan. Pagkatapos, sumiksik ito sa pader, at naipit ang paa ni Balaam. Pinakahuli, nahiga ito sa gitna ng daan. Sa bawat pagkakataon, pinapalo ni Balaam ng patpat ang asno.

Sa ikatlong pagkakataong ito, pinagsalita na ni Jehova ang asno. Tinanong ng asno si Balaam: ‘Bakit ka ba palo nang palo?’ Sinabi ni Balaam: ‘Niloloko mo kasi ako, e. Kung may espada lang ako, pinatay na kita.’ Sumagot ang asno: ‘Matagal mo na akong sinasakyan. Dati ko na bang ginawa ito sa iyo?’

Ipinakita ni Jehova kay Balaam ang anghel. Sinabi ng anghel: ‘Sinabihan ka na ni Jehova na huwag mong isusumpa ang Israel.’ Sumagot si Balaam: ‘Nagkamali ako. Uuwi na lang ako.’ Pero sinabi ng anghel: ‘Puwede kang pumunta sa Moab, pero y’ong ipinapasabi lang ni Jehova ang sasabihin mo.’

 Natuto ba si Balaam? Hindi. Tatlong beses pa ring sinubukan ni Balaam na isumpa ang Israel, pero sa bawat pagkakataon, pagpapala ang nasasabi niya kasi iyon ang gusto ni Jehova. Nang maglaon, sinalakay ng mga Israelita ang Moab, at napatay si Balaam. Mas maganda sana kung nakinig na lang si Balaam kay Jehova, ’di ba?

“Magbantay laban sa bawat uri ng kasakiman, dahil kahit sagana ang isang tao, ang mga ari-arian niya ay hindi makapagbibigay sa kaniya ng buhay.”—Lucas 12:15