Pagkatapos ng Baha, ang mga anak ni Noe at ang kanilang asawa ay nagkaroon ng maraming anak. Lumaki ang pamilya nila, at tumira sila sa iba’t ibang lugar sa lupa, gaya ng iniutos ni Jehova.

Pero may ilan sa pamilya na hindi sumunod kay Jehova. Sinabi nila: ‘Magtayo tayo ng isang lunsod para dito na lang tayo. Gagawa tayo ng isang tore na aabot sa langit. At magiging sikát tayo.’

 Hindi natuwa si Jehova sa ginagawa ng mga taong iyon, kaya nagdesisyon siyang pahintuin sila. Alam mo ba kung ano ang ginawa niya? Bigla niyang pinag-iba-iba ang wika nila. Dahil hindi sila magkaintindihan, napahinto ang pagtatayo nila. Ang lunsod na itinatayo nila ay tinawag na Babel, na nangangahulugang “Kaguluhan.” Naghiwa-hiwalay ang mga tao at tumira sa iba’t ibang lugar sa lupa. Pero gumagawa pa rin sila ng masama. Mayroon pa kayang nagmamahal kay Jehova? Malalaman natin sa susunod na kabanata.

“Ang bawat isa na nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, pero ang sinumang nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.”—Lucas 18:14