Si Jesus ay hindi lang nakakapagpagaling ng maysakit at nakakabuhay ng patay. Nakokontrol din niya ang hangin at ulan. Matapos manalangin sa bundok, tumingin si Jesus sa Dagat ng Galilea at nakita niyang may bagyo. Nasa bangka ang kaniyang mga apostol at hiráp na hiráp sa pagsagwan dahil sa lakas ng hangin. Bumaba si Jesus at naglakad sa tubig papunta sa bangka. Nang makita ng mga apostol na may naglalakad sa ibabaw ng tubig, natakot sila. Pero sinabi ni Jesus: ‘Ako ito. Huwag kayong matakot.’

Sinabi ni Pedro: ‘Panginoon, kung talagang ikaw ’yan, papuntahin mo ako diyan sa iyo.’ Sinabi ni Jesus: ‘Halika.’ Kaya sa gitna ng bagyo, bumaba si Pedro sa bangka at naglakad sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus. Pero noong malapit na siya kay Jesus, napatingin siya sa bagyo at natakot. Naramdaman niyang lumulubog siya. Sumigaw si Pedro: ‘Panginoon, tulungan mo ako!’ Agad na hinawakan ni Jesus ang kamay ni Pedro at sinabi: ‘Bakit ka nagduda? Nasaan ang iyong pananampalataya?’

Sumampa si Jesus at si Pedro sa bangka, at biglang tumigil ang bagyo. Naiisip mo ba kung ano ang naramdaman ng mga apostol? Sinabi nila: ‘Talagang ikaw ang Anak ng Diyos.’

Hindi lang iyan ang pagkakataong kinontrol ni Jesus ang lagay ng panahon. Minsan, habang naglalayag si Jesus at ang kaniyang mga apostol papunta sa kabilang ibayo ng dagat, natulog si Jesus sa may likuran ng bangka. Nagkaroon ng napakalakas na bagyo. Hinampas ng mga alon ang bangka, at pinasok ito ng tubig. Ginising ng mga apostol si Jesus, at sumigaw: ‘Guro, mamamatay na kami! Tulong!’ Bumangon si Jesus at sinabi sa dagat: “Tumahimik ka!” Biglang tumahimik ang hangin at ang dagat. Tinanong ni Jesus ang mga apostol: ‘Nasaan ang inyong pananampalataya?’ Sinabi nila sa isa’t isa: ‘Kahit ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kaniya.’ Natutuhan ng mga apostol na kung talagang magtitiwala sila kay Jesus, hindi sila matatakot sa anumang bagay.

“Nasaan na ako ngayon kung wala akong pananampalataya na makikita ko ang kabutihan ni Jehova sa lupain ng mga buháy?”—Awit 27:13