Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya

 ARAL 58

Winasak ang Jerusalem

Winasak ang Jerusalem

Paulit-ulit na iniiwan ng mga taga-Juda si Jehova at sumasamba sila sa mga diyos-diyusan. Sa loob ng maraming taon, paulit-ulit din silang tinutulungan ni Jehova. Marami nang ipinadalang propeta si Jehova para sabihan silang tumigil na sa paggawa ng masama, pero hindi sila nakinig. Pinagtawanan pa nga nila ang mga propeta. Ano ang ginawa ni Jehova?

Ang hari ng Babilonya na si Nabucodonosor ay nananakop ng mga bansa. Noong unang beses niyang sakupin ang Jerusalem, binihag niya si Haring Jehoiakin, ang mga prinsipe, mga mandirigma, at mga manggagawa, at dinala sila sa Babilonya. Kinuha din niya ang lahat ng kayamanan sa templo ni Jehova. Pagkatapos, ginawa niyang hari ng Juda si Zedekias.

Sa umpisa, sinusunod ni Zedekias si Nabucodonosor. Pero kinumbinsi siya ng kalapit na mga bansa at ng mga di-totoong propeta na magrebelde. Sinabihan siya ni Jeremias: ‘Kapag nagrebelde ka, magkakaroon ng patayan, taggutom, at sakit sa lupain ng Juda.’

Matapos mamahala nang walong taon, nagrebelde si Zedekias laban sa Babilonya. Nagpatulong siya sa hukbo ng Ehipto. Inutusan ni Nabucodonosor ang kaniyang hukbo na salakayin ang Jerusalem, at nagkampo sila sa palibot ng lunsod. Sinabi ni Jeremias kay Zedekias: ‘Kung susuko ka sa Babilonya, ikaw at ang lunsod ay makakaligtas. Pero kung hindi, susunugin ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem at ibibilanggo ka nila.’ Sinabi ni Zedekias: ‘Hindi ako susuko!’

 Pagkaraan ng isa’t kalahating taon, pinasok ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem at sinunog ito. Sinunog nila ang templo, pinatay ang maraming tao, at binihag ang libo-libong taga-Juda.

Nakatakas si Zedekias sa Jerusalem, pero hinabol siya ng mga taga-Babilonya. Naabutan siya malapit sa Jerico at dinala kay Nabucodonosor. Ipinapanood ng hari ng Babilonya kay Zedekias ang pagpatay sa mga anak niya. Pagkatapos, binulag ng ni Nabucodonosor si Zedekias at ikinulong, at doon na siya namatay. Pero nangako si Jehova sa mga taga-Juda: ‘Pagkatapos ng 70 taon, ibabalik ko kayo sa Jerusalem.’

Ano kaya ang mangyayari sa mga kabataang dinala sa Babilonya? Mananatili kaya silang tapat kay Jehova?

“Diyos na Jehova, [na] Makapangyarihan-sa-lahat, totoo at matuwid ang mga kahatulan mo.”—Apocalipsis 16:7