Bumalik tayo nang ilang taon. Si Nehemias, lingkod ni Haring Artajerjes, ay isang Israelitang nakatira sa lunsod ng Susan na sakop ng Persia. Dumating galing sa Juda ang kapatid ni Nehemias na may dalang masamang balita: ‘Hindi ligtas ang mga bumalik sa Jerusalem. Hindi pa kasi naaayos ang mga pader at pintuan ng lunsod na sinira ng mga Babilonyo.’ Nalungkot si Nehemias. Gusto niyang pumunta sa Jerusalem para tumulong, kaya nanalangin siyang payagan sana siya ng hari.

Nang maglaon, napansin ng hari na malungkot si Nehemias. Sinabi ng hari: ‘Ngayon lang kita nakitang ganiyan. May problema ba?’ Sinabi ni Nehemias: ‘Kasi po giba pa rin ang aming lunsod, ang Jerusalem.’ Nagtanong ang hari: ‘Ano’ng maitutulong ko sa iyo?’ Agad nanalangin nang tahimik si Nehemias. Pagkatapos, sinabi niya: ‘Sana po, payagan n’yo akong pumunta sa Jerusalem para maitayo ulit ang mga pader nito.’ Pumayag si Haring Artajerjes, at tiniyak ng hari na ligtas ang mahabang paglalakbay ni Nehemias. Ginawa rin niyang gobernador ng Juda si Nehemias at binigyan ito ng mga kahoy para sa mga pintuan ng lunsod.

Pagdating ni Nehemias sa Jerusalem, ininspeksiyon niya ang mga pader. Pagkatapos, tinawag niya ang mga saserdote at tagapamahala at sinabi: ‘Delikado ito. Kailangan nating ayusin ito.’ Pumayag sila, at itinayo nila ulit ang mga pader.

Pero pinagtawanan sila ng mga kaaway, at sinabi: ‘Sampahan lang ng isang asong-gubat ang pader na itinatayo n’yo, giba ’yan!’ Hindi pinansin ng mga nagtatrabaho ang pang-iinsulto ng kaaway. Tuloy pa rin sila sa paggawa hanggang sa tumaas at tumibay ang pader.

Nagplano ang mga kaaway na salakayin ang Jerusalem mula sa iba’t ibang direksiyon. Natakot ang mga Judio nang mabalitaan nila ito. Pero sinabi ni Nehemias: ‘Huwag kayong matakot. Kakampi natin si Jehova.’ Naglagay si Nehemias ng mga guwardiya para protektahan ang mga nagtatrabaho, kaya hindi nakalapit ang mga kaaway.

 Sa loob lang ng 52 araw, natapos ang mga pader at pinto. Pinapunta ni Nehemias sa Jerusalem ang lahat ng Levita para sa inagurasyon. Hinati niya sila sa dalawang grupo ng mang-aawit. Umakyat sila sa hagdan sa may Pintuang-Daan ng Bukal papunta sa ibabaw ng pader. Nagmartsa sa magkabilang direksiyon ang bawat grupo paikot sa lunsod. Tumugtog sila ng trumpeta, simbalo, at alpa at kumanta para kay Jehova. Sumama si Ezra sa isang grupo, at si Nehemias naman sa kabilang grupo, hanggang sa magtagpo sila sa templo. Ang lahat—lalaki, babae, at mga bata—ay naghandog ng mga hain kay Jehova at nagsaya. Dinig na dinig ang kanilang masasayang tinig hanggang sa malayo.

“Anumang sandata ang gawin para ipanlaban sa iyo ay hindi magtatagumpay.”—Isaias 54:17