Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya

 ARAL 64

Si Daniel sa Kuweba ng mga Leon

Si Daniel sa Kuweba ng mga Leon

Ang isa pang naging hari ng Babilonya ay si Dario na Medo. Nakita ni Dario na hindi basta-basta si Daniel. Kaya naman siya ang ginawang tagapangasiwa ng mga pinakaimportanteng lalaki sa lupain. Nainggit ang mga lalaking ito kay Daniel kaya gusto nila siyang ipapatay. Alam nilang tatlong beses sa isang araw siya kung manalangin kay Jehova, kaya sinabi nila kay Dario: ‘O mahal na hari, kailangan tayong gumawa ng batas na sa iyo lang dapat manalangin ang lahat. Ang sinumang hindi sumunod sa batas ay dapat ihagis sa kuweba ng mga leon.’ Nagustuhan ito ni Dario, kaya pinirmahan niya ang batas.

Nang malaman ni Daniel ang bagong batas, umuwi siya. Lumuhod siya sa harap ng bintanang nakabukas at nanalangin kay Jehova. Biglang pumasok sa bahay ang mga inggiterong lalaki at nahuli nila siyang nananalangin. Tumakbo sila pabalik kay Dario at nagsumbong: ‘Hindi po sumusunod sa inyo si Daniel. Tatlong beses po siyang nananalangin sa Diyos niya araw-araw.’ Paborito ni Dario si Daniel at ayaw niya itong mamatay. Buong araw siyang nag-isip kung paano niya ito maililigtas. Pero dahil napirmahan na niya ang batas, hindi na niya ito puwedeng bawiin. Napilitan siyang ipahagis si Daniel sa kuweba ng mababangis na leon.

 Nang gabing iyon, hindi makatulog si Dario sa kaiisip kay Daniel. Kinabukasan, pinuntahan niya si Daniel sa kuweba at nagtanong: ‘Iniligtas ka ba ng iyong Diyos?’

May narinig na boses si Dario. Si Daniel iyon! Sinabi niya kay Dario: ‘Itinikom ng anghel ni Jehova ang bibig ng mga leon. Hindi man lang nila ako sinaktan.’ Tuwang-tuwa si Dario! Iniutos niyang ilabas si Daniel sa kuweba. Wala man lang kalmot si Daniel. Pagkatapos, iniutos ng hari: ‘Ihagis n’yo sa kuweba ang mga nagbintang kay Daniel.’ Pagkahagis sa kanila sa kuweba, nilapa sila ng mga leon.

Naglabas si Dario ng utos: ‘Ang lahat ay dapat matakot sa Diyos ni Daniel. Iniligtas niya si Daniel mula sa mga leon.’

Araw-araw ka bang nananalangin kay Jehova, gaya ni Daniel?

“Alam ni Jehova kung paano iligtas ang mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok.”—2 Pedro 2:9