Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Pumili ng wika Tagalog

 ARAL 2

Ginawa ng Diyos ang Unang Lalaki at Babae

Ginawa ng Diyos ang Unang Lalaki at Babae

Gumawa si Jehova ng isang hardin sa lugar na tinatawag na Eden. Napakaraming bulaklak, puno, at mga hayop sa harding iyon. Pagkatapos, ginawa ng Diyos ang unang lalaki, si Adan, mula sa alikabok at hinipan niya ang mga butas ng ilong nito. Alam mo ba kung ano ang nangyari? Naging buháy na tao ang lalaki! Ibinigay ni Jehova kay Adan ang trabahong alagaan ang hardin at bigyan ng pangalan ang lahat ng hayop.

Si Jehova ay nagbigay ng mahalagang utos kay Adan: ‘Puwede kang kumain ng bunga mula sa lahat ng puno, pero may isang espesyal na puno na hindi puwede. Kapag kinain mo ang bunga ng punong iyon, mamamatay ka.’

’Tapos sinabi ni Jehova: ‘Gagawa ako ng isang katulong para kay Adan.’ Pinatulog niya nang mahimbing si Adan. Pagkatapos, ginamit ng Diyos ang isang tadyang ni Adan para gumawa ng isang babae na magiging asawa ni Adan. Ang pangalan ng babae ay Eva. Sina Adan at Eva ang pinakaunang pamilya.  Ano ang naramdaman ni Adan nang makita niya ang kaniyang asawa? Masayang-masaya siya. Sinabi ni Adan: ‘Aba, ang ganda naman ng ginawa ni Jehova! Isang kagaya ko!’

Inutusan ni Jehova sina Adan at Eva na magkaanak para dumami ang tao sa lupa. Gusto niyang mag-enjoy sila sa pagtatrabaho para gawing paraiso, o magandang halamanan, ang buong lupa na gaya ng hardin ng Eden. Pero hindi ito nangyari. Bakit kaya? Malalaman natin iyan sa susunod na kabanata.

“Siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae.”—Mateo 19:4