Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!

Liham Mula sa Lupong Tagapamahala

Liham Mula sa Lupong Tagapamahala

Mahal Naming Kapuwa Mamamahayag ng Kaharian:

ISIPIN mong miyembro ka ng pamilyang Bethel sa Brooklyn noong Oktubre 2, 1914, umaga ng Biyernes. Nakaupo ka na sa silid-kainan at hinihintay ang pagdating ni Brother C. T. Russell. Biglang bumukas ang pinto at pumasok si Brother Russell. Huminto siya sandali, gaya ng nakagawian niya, at masiglang binati ang pamilyang Bethel ng “Magandang umaga sa inyo.” Pero sa halip na dumeretso sa kaniyang inuupuan, pumalakpak siya at nagsabi: “Nagwakas na ang mga panahong Gentil; tapos na ang maliligayang araw ng kanilang mga hari!” Walang pagsidlan ang iyong kagalakan—ang tagal mong hinintay ang pagkakataong ito! Kasama ang buong pamilyang Bethel, mahabang palakpakan ang naging tugon ninyo sa kapana-panabik na balitang iyon.

Maraming dekada na ang nakararaan mula nang ipatalastas iyon ni Brother Russell. Ano na ang naisakatuparan ng Kaharian mula  noon? Napakarami! Sa pamamagitan ng Kaharian, patuloy na dinadalisay at sinasanay ni Jehova ang kaniyang bayan—mula sa iilang libo noong 1914 tungo sa halos walong milyon na ngayon. Tiyak na nakikinabang ka nang malaki sa mga pagsasanay na iyon!

Sa ngayon, madalas nating marinig sa mga kapatid, “Ang makalangit na karo ni Jehova ay kumikilos ngayon!” at totoo naman iyan. Pero noon pa mang 1914, napakabilis na ng pagkilos ng makalangit na karo, ang di-nakikitang bahagi ng organisasyon ni Jehova, gaya ng mababasa natin sa publikasyong ito. Para maipangaral ang mabuting balita sa buong daigdig, ang mga mamamahayag ng Kaharian ay gumamit ng iba’t ibang paraan, gaya ng pahayagan, placard, slide at pelikula, testimony card, ponograpo, radyo, at maging Internet.

Dahil sa pagpapala ni Jehova sa gawain, nailalathala na natin ang magaganda nating literatura sa Bibliya sa mahigit 670 wika at naiaalok sa lahat nang walang bayad. Ang mapagsakripisyong mga boluntaryo ay tumutulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall, Assembly Hall, at pasilidad ng sangay, kapuwa sa mauunlad na bansa at sa mga lupaing limitado ang kakayahan o pananalapi. At kapag may sakuna, agad na tumutulong ang mapagmahal na mga kapatid sa nasalantang mga lugar. Tunay ngang sila ay “ipinanganganak kapag may kabagabagan.”Kaw. 17:17.

Kung minsan, ang mga klero at iba pang mananalansang ay nagpapanukala ng “kaguluhan sa pamamagitan ng batas.” Pero nakapagpapatibay ng pananampalataya na makitang paulit-ulit na nababaligtad ang sitwasyon at nakatutulong pa nga ang kanilang mga pakana para “sa ikasusulong ng mabuting balita.”Awit 94:20; Fil. 1:12.

Isang karangalan na mapabilang sa inyo, mga kapuwa “lingkod ng sambahayan.” Tandaan na mahal na mahal namin kayong lahat. Dalangin namin na makatulong sa inyo ang nilalaman ng publikasyong ito para higit ninyong mapahalagahan ang inyong espirituwal na mana.Mat. 24:45.

Hangad namin ang pinakamabuti para sa inyo.

Ang inyong mga kapatid,

Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova