Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay

 KABANATA 2

Pinarangalan si Jesus Bago Pa Isilang

Pinarangalan si Jesus Bago Pa Isilang

LUCAS 1:34-56

  • DINALAW NI MARIA ANG KAMAG-ANAK NIYANG SI ELISABET

Pagkatapos sabihin ni anghel Gabriel sa dalagang si Maria na siya ay magsisilang ng isang anak na lalaki, na tatawaging Jesus at magiging Hari magpakailanman, itinanong ni Maria: “Paano ito mangyayari? Wala pa akong asawa.”—Lucas 1:34.

“Sasaiyo ang banal na espiritu,” ang sagot ni Gabriel, “at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya ang isisilang mo ay tatawaging banal, Anak ng Diyos.”—Lucas 1:35.

Marahil para maniwala si Maria sa mensahe, sinabi pa ni Gabriel: “Nagdadalang-tao rin ang kamag-anak mong si Elisabet. Anim na buwan na niyang ipinagbubuntis ang isang anak na lalaki, kahit matanda na siya at tinatawag na babaeng baog; dahil walang imposible sa Diyos.”—Lucas 1:36, 37.

Makikita sa sagot ni Maria na tinanggap niya ang sinabi ni Gabriel. “Ako ay aliping babae ni Jehova!” ang sabi niya. “Mangyari nawa sa akin ang lahat ng sinabi mo.”—Lucas 1:38.

Pag-alis ni Gabriel, naghanda na si Maria para dalawin si Elisabet, na nakatira kasama ng asawa niyang si Zacarias sa mga burol ng Juda malapit sa Jerusalem. Mula sa tahanan ni Maria sa Nazaret, mga tatlo o apat na araw ang paglalakbay.

Sa wakas, nakarating si Maria sa bahay nina Zacarias. Pagpasok niya, binati niya si Elisabet. Pagkatapos, napuspos si Elisabet ng banal na espiritu, at sinabi niya kay Maria: “Pinagpala ka sa lahat ng babae, at pinagpala ang sanggol na isisilang mo! Sino ba ako para mabigyan ng ganitong karangalan, na madalaw ng ina ng aking Panginoon? Dahil nang marinig ko ang pagbati mo, napalukso sa tuwa ang sanggol sa sinapupunan ko.”—Lucas 1:42-44.

Buong-pusong nagpasalamat si Maria, na sinasabi: “Dinadakila ko si Jehova, at hindi mapigilan ng puso ko na mag-umapaw sa kagalakan dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas, dahil binigyang-pansin niya ang mababang kalagayan ng kaniyang aliping babae. Mula ngayon, tatawagin akong maligaya ng lahat ng henerasyon dahil ang makapangyarihang Diyos ay gumawa ng dakilang mga bagay para sa akin.” Mapapansin na kahit nabigyan ng Diyos si Maria ng ganito kalaking pagpapala, iniukol pa rin niya sa Diyos ang lahat ng papuri. “Banal ang pangalan niya,” ang sabi ni Maria, “at sa bawat lumilipas na henerasyon, ang kaniyang awa ay para sa mga natatakot sa kaniya.”—Lucas 1:46-50.

Sa mga makahulang salita, patuloy na pinapurihan ni Maria ang Diyos, sa pagsasabi: “Kumilos siya gamit ang malakas niyang bisig; pinangalat niya ang mga hambog. Ibinaba niya ang makapangyarihang mga tao mula sa kanilang trono, at itinaas niya ang mabababa; lubusan niyang binusog ng mabubuting bagay ang mga gutóm at pinaalis nang walang dala ang mayayaman. Sinaklolohan niya ang Israel na kaniyang lingkod para alalahanin ang kaniyang awa, gaya ng ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kaniyang supling, magpakailanman.”—Lucas 1:51-55.

Mga tatlong buwang nanatili si Maria kasama ni Elisabet, kaya malamang na naalalayan niya si Elisabet sa huling mga linggo ng pagbubuntis nito. Kay buti nga na ang dalawang tapat na babaeng ito, na parehong nagdalang-tao sa tulong ng Diyos, ay magkasama sa mga panahong ito ng kanilang buhay!

Pansinin din ang karangalang ibinigay kay Jesus bago pa man siya isilang. Tinawag siya ni Elisabet na “aking Panginoon,” at ang sanggol sa sinapupunan nito ay “napalukso sa tuwa” nang dumating si Maria. Ibang-iba ito sa magiging pakikitungo ng ibang tao kay Maria at sa kaniyang di-pa-naisisilang na sanggol, gaya ng makikita natin.