Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay

 KABANATA 129

Sinabi ni Pilato: “Narito ang Tao!”

Sinabi ni Pilato: “Narito ang Tao!”

MATEO 27:15-17, 20-30 MARCOS 15:6-19 LUCAS 23:18-25 JUAN 18:39–19:5

  • SINUBUKAN NI PILATO NA PALAYAIN SI JESUS

  • GUSTO NG MGA JUDIO NA PALAYAIN SI BARABAS

  • TINUYA AT MINALTRATO SI JESUS

Sinabi ni Pilato sa mga taong gustong magpapatay kay Jesus: “Wala akong makitang dahilan para hatulan ang taong ito ayon sa mga paratang ninyo sa kaniya. Sa katunayan, wala ring nakitang kasalanan si Herodes sa kaniya.” (Lucas 23:14, 15) Ngayon, sumubok si Pilato ng ibang paraan para mapalaya si Jesus. Sinabi niya sa mga tao: “May kaugalian kayo na magpapalaya ako ng isang tao kapag Paskuwa. Gusto ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?”—Juan 18:39.

Alam ni Pilato na may isa pang bilanggo, si Barabas, na isang magnanakaw, rebelde, at mamamatay-tao. Kaya nagtanong si Pilato: “Sino ang gusto ninyong palayain ko, si Barabas o si Jesus na tinatawag na Kristo?” Sa sulsol ng mga punong saserdote, hiniling ng mga tao na palayain si Barabas, hindi si Jesus. Tinanong sila ulit ni Pilato: “Sino sa dalawa ang gusto ninyong palayain ko?” Sumigaw ang mga tao: “Si Barabas”!—Mateo 27:17, 21.

Dismayado si Pilato. Nagtanong siya: “Ano naman ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Kristo?” Sinabi ng mga tao: “Ibayubay siya sa tulos!” (Mateo 27:22) Hindi na sila nahiyang ipapatay ang isang inosenteng tao. Nakiusap si Pilato: “Bakit? Ano ba ang ginawang masama ng taong ito? Wala akong makita sa kaniya na karapat-dapat sa kamatayan; kaya parurusahan ko siya at palalayain.”—Lucas 23:22.

Sa kabila ng pagsisikap ni Pilato, nagkakaisang isinigaw ng mga tao: “Ibayubay siya sa tulos!” (Mateo 27:23) Tagumpay ang mga lider ng relihiyon sa pagsulsol sa mga tao. Gusto nilang may dumanak na dugo—hindi ng isang kriminal kundi ng isang inosenteng tao, na limang araw lang ang nakararaan ay pumasok sa Jerusalem at ipinagbunyi bilang Hari. Naroon man ang mga alagad ni Jesus, nanatili silang tahimik at hindi nagpahalata.

Nakita ni Pilato na hindi umuubra ang pagsisikap niya. Lalo pang umiinit ang sitwasyon, kaya kumuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao. Sinabi niya: “Wala akong kasalanan sa dugo ng taong ito. Kayo na ang may pananagutan diyan.” Pero wala pa rin itong epekto sa mga tao. Sumagot pa nga sila: “Kami at ang mga anak namin ang may pananagutan sa dugo niya.”—Mateo 27:24, 25.

Mas gusto ng gobernador na pagbigyan ang mga tao kaysa gawin ang alam niyang tama. Kaya pinalaya ni Pilato si Barabas. Pero iniutos niyang hubaran si Jesus at hagupitin.

Matapos hagupitin nang walang awa, dinala ng  mga sundalo si Jesus sa palasyo ng gobernador. Pinalibutan siya ng mga sundalo at lalo pang pinagmalupitan si Jesus. Gumawa sila ng koronang tinik at isinuot iyon sa ulo niya. Pinahawak nila siya ng isang tambo sa kanang kamay niya at binihisan siya ng matingkad-na-pulang balabal, gaya ng isinusuot ng mga maharlika. Tinuya nila siya: “Magandang araw, Hari ng mga Judio!” (Mateo 27:28, 29) Dinuraan pa nila si Jesus at pinagsasampal. Kinuha nila kay Jesus ang tambo at ipinalo ito sa ulo niya, kaya lalong bumaon ang “koronang tinik” sa kaniyang anit.

Dahil sa paninindigan at katatagan ni Jesus sa kabila ng lahat ng ito, namangha si Pilato, kaya sinubukan niya muling palayain si Jesus, na sinasabi: “Tingnan ninyo! Inihaharap ko siya sa inyo para malaman ninyo na wala akong makitang dahilan para hatulan siya.” Iniisip kaya ni Pilato na magbabago ang isip ng mga tao ngayong nakita nilang bugbog na at duguan si Jesus? Habang nakatayo si Jesus sa harap ng walang-pusong mga tao, sinabi ni Pilato sa kanila: “Narito ang tao!”—Juan 19:4, 5.

Kahit sugatan at duguan, kalmado pa rin si Jesus. Talagang hinangaan ni Pilato ang katangiang ito ni Jesus dahil mapapansin sa pananalita niya ang paggalang at awa.