Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay

 KABANATA 122

Pansarang Panalangin ni Jesus sa Silid sa Itaas

Pansarang Panalangin ni Jesus sa Silid sa Itaas

JUAN 17:1-26

  • RESULTA NG PAGKAKILALA SA DIYOS AT SA KANIYANG ANAK

  • ANG PAGIGING ISA NI JEHOVA, NI JESUS, AT NG MGA ALAGAD

Mahal na mahal ni Jesus ang mga apostol kaya inihahanda niya sila sa kaniyang pag-alis. Tumingala siya at nanalangin sa kaniyang Ama: “Luwalhatiin mo ang iyong anak para maluwalhati ka ng iyong anak. Binigyan mo siya ng awtoridad sa lahat ng tao para mabigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kaniya.”—Juan 17:1, 2.

Maliwanag, pinakamahalaga kay Jesus ang pagluwalhati sa kaniyang Ama. Pero nakapagpapatibay ang pag-asang binanggit ni Jesus—buhay na walang hanggan! Yamang siya ay may “awtoridad sa lahat ng tao,” puwede niyang gamitin ang bisa ng haing pantubos sa buong sangkatauhan. Pero hindi ganoon karami ang pagpapalain. Bakit? Dahil gagamitin lang ito ni Jesus sa mga tutupad sa sinabi niyang ito: “Para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan, kailangan nilang makilala ka, ang tanging tunay na Diyos, at ang isinugo mo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.

Dapat na makilala nang husto ng isang tao ang Ama at ang Anak, at maging malapít sa kanila. Ang saloobin niya ay dapat na kaayon ng saloobin nila. Dapat din niyang sikaping tularan ang kanilang mga katangian kapag nakikitungo sa iba. At dapat niyang maunawaan na mas mahalaga ang kapurihan ng Diyos kaysa sa pagtanggap ng buhay na walang hanggan. Tungkol dito, idinagdag ni Jesus:

“Naluwalhati kita sa lupa dahil tinapos ko ang gawain na ibinigay mo sa akin. Kaya, Ama, luwalhatiin mo ako; hayaan mong makasama kitang muli at magkaroon ako ng kaluwalhatiang taglay ko noong kasama kita bago pa umiral ang sanlibutan.” (Juan 17:4, 5) Oo, hiniling ni Jesus na ibalik siya sa kaluwalhatian sa langit sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli.

Pero hindi nalimutan ni Jesus ang nagawa niya sa kaniyang ministeryo sa lupa. Nanalangin siya: “Ipinakilala ko ang pangalan mo sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa iyo, at ibinigay mo sila sa akin, at tinupad nila ang iyong salita.” (Juan 17:6) Hindi lang basta ginamit ni Jesus ang pangalan ng Diyos, Jehova, sa pangangaral at pagtuturo. Tinulungan din niya ang mga apostol na makilala si Jehova—malaman ang kaniyang mga katangian at kung paano siya nakikitungo sa mga tao.

Nakilala ng mga apostol si Jehova, nalaman ang papel ng kaniyang Anak, at natuto kay Jesus. Mapagpakumbabang sinabi ni Jesus: “Nang sabihin ko sa kanila ang mga sinabi mo sa akin, tinanggap nila iyon at naunawaan nilang dumating ako bilang kinatawan mo, at naniwala sila na isinugo mo ako.”—Juan 17:8.

Pagkatapos, ipinakita ni Jesus ang kaibahan ng kaniyang mga tagasunod sa mga tao sa pangkalahatan: “Nakikiusap ako, hindi para sa sanlibutan, kundi para sa mga ibinigay mo sa akin, dahil sila ay sa iyo . . . Amang Banal, bantayan mo sila alang-alang sa iyong sariling pangalan, na ibinigay mo sa akin, para sila ay maging isa, kung paanong tayo ay iisa. . . . Iningatan ko sila, at walang isa man sa kanila ang napuksa maliban sa anak ng pagkapuksa,” samakatuwid nga, si Hudas Iscariote, na malapit nang magtraidor kay Jesus.—Juan 17:9-12.

“Napoot sa kanila ang sanlibutan,” ang sabi pa ni Jesus sa panalangin. “Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi hinihiling ko na bantayan mo sila dahil sa isa na masama. Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14-16) Ang mga apostol at ang iba pang alagad ay nasa sanlibutan, ang lipunan ng mga tao na pinamamahalaan ni Satanas. Pero dapat silang manatiling hiwalay rito at sa kasamaan nito. Paano?

Dapat silang manatiling banal, ibinukod para maglingkod sa Diyos, sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa mga katotohanang makikita sa  Hebreong Kasulatan at sa mga turo ni Jesus. Nanalangin si Jesus: “Pabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Sa kalaunan, papatnubayan ng Diyos ang ilang apostol para sumulat ng mga aklat na magiging bahagi ng “katotohanan” na makatutulong para mapabanal ang isang tao.

Pero darating ang panahon na may iba pang tatanggap sa katotohanang iyon. Kaya nanalangin si Jesus “hindi lang para sa kanila [ang mga naroroon nang panahong iyon], kundi para din sa mga nananampalataya sa [kaniya] dahil sa kanilang pagtuturo.” Ano ang hiniling ni Jesus para sa kanilang lahat? Na “silang lahat ay maging isa, kung paanong ikaw, Ama, ay kaisa ko at ako ay kaisa mo, para sila rin ay maging kaisa natin.” (Juan 17:20, 21) Hindi literal na iisang persona si Jesus at ang kaniyang Ama. Iisa sila dahil nagkakaisa sila sa lahat ng bagay. Idinalangin ni Jesus na magkaisa rin ang kaniyang mga tagasunod.

Hindi pa natatagalan, sinabi ni Jesus kay Pedro at sa iba pa na aalis siya at maghahanda ng lugar para sa kanila sa langit. (Juan 14:2, 3) Binanggit ni Jesus sa panalangin ang tungkol dito: “Ama, gusto ko sana na kung nasaan ako, naroon ding kasama ko ang mga ibinigay mo sa akin, para makita nila ang kaluwalhatian na ibinigay mo sa akin, dahil inibig mo ako bago pa maitatag ang sanlibutan.” (Juan 17:24) Dito, ipinakita ni Jesus na noon pa man—matagal pa bago magkaanak sina Adan at Eva—mahal na ng Diyos ang kaniyang kaisa-isang Anak, na naging si Jesu-Kristo.

Sa pagtatapos ng kaniyang panalangin, muling idiniin ni Jesus ang pangalan ng kaniyang Ama at na mahal ng Diyos ang mga apostol at ang iba pa na tatanggap sa katotohanan. Sinabi niya: “Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo at patuloy itong ipapakilala, para maipakita nila sa iba ang pag-ibig na ipinakita mo sa akin at ako ay maging kaisa nila.”—Juan 17:26.