Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay

 KABANATA 101

Hapunan sa Bahay ni Simon sa Betania

Hapunan sa Bahay ni Simon sa Betania

MATEO 26:6-13 MARCOS 14:3-9 JUAN 11:55–12:11

  • BUMALIK SI JESUS SA BETANIA, MALAPIT SA JERUSALEM

  • BINUHUSAN NI MARIA NG MABANGONG LANGIS ANG ULO NI JESUS

Mula sa Jerico, naglakbay si Jesus papuntang Betania; mga 20 kilometro ito paahon sa mahirap na daan. Ang Jerico ay mga 250 metro ang baba sa lebel ng dagat, samantalang ang Betania ay mga 610 metro ang taas sa lebel ng dagat. Nakatira si Lazaro at ang mga kapatid niyang babae sa maliit na nayon ng Betania, na mga tatlong kilometro ang layo sa Jerusalem at nasa silangang dalisdis ng Bundok ng mga Olibo.

Dagsaan na ang mga Judio sa Jerusalem para sa Paskuwa. Maaga silang dumating para “maglinis ng sarili nila sa seremonyal na paraan” sakaling nakahipo sila ng bangkay o may nagawang nagparumi sa kanila. (Juan 11:55; Bilang 9:6-10) Ang ilan sa mga maagang dumating ay nagtipon sa templo. Iniisip nila kung darating si Jesus para sa Paskuwa.—Juan 11:56.

Usap-usapan si Jesus. Gusto ng ilang lider ng relihiyon na dakpin siya at patayin. Sa katunayan, iniutos nila na kung may sinumang makaalam sa kinaroroonan ni Jesus, dapat itong ipagbigay-alam sa kanila para “madakip nila siya.” (Juan 11:57) Tinangka na rin ng mga ito na patayin si Jesus matapos niyang buhaying muli si Lazaro. (Juan 11:49-53) Kaya duda ang ilan kung magpapakita si Jesus.

Biyernes dumating si Jesus sa Betania, “anim na araw bago ang Paskuwa.” (Juan 12:1) Nagsisimula ang bagong araw (Sabbath, Nisan 8) pagkalubog ng araw. Kaya nakarating siya bago ang Sabbath. Hindi siya puwedeng maglakbay mula Jerico kapag Sabbath—mula Biyernes pagkalubog ng araw hanggang Sabado pagkalubog ng araw—dahil bawal ito sa kautusang Judio. Malamang na tumuloy si Jesus sa bahay ni Lazaro, gaya ng dati.

Si Jesus at ang mga kasama niya pati na si Lazaro ay inimbita ni Simon, na taga-Betania rin, na maghapunan ng Sabado. Si Simon ay tinatawag na “ketongin,” marahil dahil dati siyang may ketong na pinagaling ni Jesus. Sadyang masipag si Marta kaya siya ang nagsilbi sa mga bisita. Inasikaso naman ni Maria si Jesus, pero sa pagkakataong ito, may ginawa siyang naging dahilan ng usap-usapan.

Binuksan ni Maria ang isang alabastro, o botelya, na naglalaman ng “isang libra ng mabangong langis na gawa sa nardo.” (Juan 12:3) Napakamahal ng langis na ito, katumbas ng mga isang taóng sahod (300 denario)! Ibinuhos ni Maria ang langis sa ulo at mga paa ni Jesus at saka niya pinunasan ng kaniyang buhok ang mga paa nito. Humahalimuyak sa buong bahay ang mabangong langis.

Nagalit ang mga alagad at nagtanong: “Bakit niya inaaksaya ang mabangong langis?” (Marcos 14:4) Sinabi ni Hudas Iscariote: “Bakit hindi na lang ipinagbili ang mabangong langis na ito sa halagang 300 denario at ibinigay sa mahihirap?” (Juan 12:5) Hindi naman talaga nagmamalasakit  si Hudas sa mahihirap. Ang totoo, ninanakawan niya ang kahon ng pera ng mga alagad.

Ipinagtanggol ni Jesus si Maria: “Bakit ninyo ginugulo ang babae? Mabuti ang ginawa niya sa akin. Lagi ninyong kasama ang mahihirap, pero hindi ninyo ako laging makakasama. Binuhusan niya ako ng mabangong langis bilang paghahanda sa libing ko. Sinasabi ko sa inyo, saanman sa mundo ipangaral ang mabuting balita, ang ginawa ng babaeng ito ay sasabihin din bilang pag-alaala sa kaniya.”—Mateo 26:10-13.

Mahigit isang araw na si Jesus sa Betania, at kumalat ang balitang nandoon siya. Maraming Judio ang nagpunta sa bahay ni Simon hindi lang para makita si Jesus kundi pati na si Lazaro, na binuhay-muli ni Jesus. (Juan 12:9) Nagsabuwatan ngayon ang mga punong saserdote para ipapatay si Jesus at si Lazaro. Iniisip nilang ang pagkabuhay-muli ni Lazaro ang dahilan kung bakit marami ang nananampalataya kay Jesus. Saksakan talaga ng samâ ang mga lider na ito!