Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay

 KABANATA 135

Nagpakita sa Marami ang Binuhay-Muling si Jesus

Nagpakita sa Marami ang Binuhay-Muling si Jesus

LUCAS 24:13-49 JUAN 20:19-29

  • NAGPAKITA SI JESUS SA DAAN PATUNGO SA EMAUS

  • PAULIT-ULIT NIYANG BINUKSAN SA MGA ALAGAD ANG KASULATAN

  • NAPAWI ANG PAGDUDUDA NI TOMAS

Linggo, Nisan 16, lugmok sa kalungkutan ang mga alagad. Naguguluhan sila kung bakit walang laman ang libingan. (Mateo 28:9, 10; Lucas 24:11) Nang maglaon noong araw na iyon, si Cleopas at isa pang alagad ay umalis sa Jerusalem at nagpunta sa Emaus, na mga 11 kilometro ang layo.

Pinag-uusapan nila ang nangyari habang naglalakad. Pagkatapos, isang estranghero ang sumabay sa kanila. Nagtanong ito: “Ano ba ang pinagtatalunan ninyo habang naglalakad?” Sumagot si Cleopas: “Dayuhan ka ba sa Jerusalem at walang nakakausap? Bakit hindi mo alam ang mga nangyari doon nitong nakaraan?” Nagtanong ang estranghero: “Ano?”—Lucas 24:17-19.

“Ang mga nangyari kay Jesus na Nazareno,” ang sabi nila. “Inaasahan namin na ang taong ito ang magliligtas sa Israel.”—Lucas 24:19-21.

Patuloy na inilahad ni Cleopas at ng kasama niya ang mga nangyari nang mismong araw na iyon. Ikinuwento nila na may ilang babae na nagpunta sa libingan ni Jesus at nakita itong walang laman at na isang kababalaghan ang nasaksihan ng mga babaeng ito—ang mga anghel na nagpakita at nagsabing buháy si Jesus. Sinabi rin nila na may iba pang nagpunta sa libingan at “nakita nilang totoo ang sinabi ng mga babae.”—Lucas 24:24.

Talagang naguguluhan ang dalawang alagad sa mga nangyari. Itinuwid ng estranghero ang iniisip nila, na nakakaapekto sa kanila: “Mga di-makaunawa at mabagal ang puso sa pagtanggap sa lahat ng sinabi ng mga propeta! Hindi ba kailangang danasin ng Kristo ang mga ito para matanggap niya ang kaluwalhatiang nararapat sa kaniya?” (Lucas 24:25, 26) At patuloy na ipinaliwanag ng lalaki ang maraming hula sa Kasulatan tungkol sa Kristo.

Malapit na sa Emaus ang tatlo. Gusto pang makinig ng dalawang alagad, kaya niyaya nila ang estranghero: “Sumama ka muna sa amin, dahil lumulubog na ang araw at malapit nang dumilim.” Pumayag siya, at naghapunan sila. Matapos manalangin ang estranghero, pagputol-putulin ang tinapay, at iabot ito sa kanila, saka lang nila siya nakilala, pero bigla siyang nawala. (Lucas 24:29-31) Kumbinsido na sila ngayong buháy si Jesus!

Sa tuwa ng dalawang alagad, nasabi nila: “Hindi ba nagniningas ang puso natin habang kinakausap niya tayo sa daan, habang malinaw niyang ipinapaliwanag sa atin ang Kasulatan?” (Lucas 24:32) Nagmadali sila pabalik sa Jerusalem, at doon nila nakita ang mga apostol at ang iba pa. Bago pa man masabi ni Cleopas at ng kasama niya ang nangyari sa kanila, narinig nilang nagsasabi ang iba: “Talaga ngang binuhay-muli ang Panginoon at nagpakita siya kay Simon!” (Lucas 24:34) Saka sinabi ng dalawa kung paano nagpakita sa kanila si Jesus. Oo, sila rin ay mga saksi.

Ngayon, nagulat ang lahat—nagpakita sa silid si Jesus! Parang imposible ito kasi ikinandado nila ang mga pinto sa takot sa mga Judio. Pero nandoon sa gitna nila si Jesus. Mahinahon niyang sinabi: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.” Pero natakot sila. Gaya noong minsan, “akala nila, isang espiritu ang nakikita nila.”—Lucas 24:36, 37; Mateo 14:25-27.

Para patunayang hindi siya aparisyon o imahinasyon lang, kundi may katawang laman, ipinakita ni Jesus ang mga kamay at paa niya, na sinasabi: “Bakit kayo naguguluhan, at bakit nagkaroon ng mga pag-aalinlangan sa puso ninyo? Tingnan ninyo ang mga kamay at paa ko para malaman ninyo na ako nga ito; hawakan ninyo ako at tingnan, dahil ang isang espiritu ay walang laman at buto, hindi gaya ng nakikita ninyo sa akin.” (Lucas 24:36-39) Tuwang-tuwa sila at manghang-mangha pero parang hindi pa rin makapaniwala.

Para mas matulungan pa silang maniwala na  totoo siya, nagtanong siya: “Mayroon ba kayong pagkain?” Binigyan siya ng inihaw na isda at kinain niya iyon. Pagkatapos, sinabi niya: “Ito ang sinasabi ko sa inyo noong kasama pa ninyo ako [bago ako namatay], na kailangang matupad ang lahat ng bagay tungkol sa akin na nakasulat sa Kautusan ni Moises at sa mga Propeta at sa Mga Awit.”—Lucas 24:41-44.

Tinulungan ni Jesus si Cleopas at ang kasama niya na maintindihan ang Kasulatan, at ganoon din ngayon ang ginawa niya para sa lahat ng nagkatipon: “Ito ang nakasulat: Ang Kristo ay magdurusa at mabubuhay-muli sa ikatlong araw, at sa ngalan niya ay ipangangaral ang mensahe ng pagsisisi at kapatawaran ng kasalanan sa lahat ng bansa, pasimula sa Jerusalem. Kayo ay magpapatotoo tungkol sa mga ito.”—Lucas 24:46-48.

Sa hindi malamang dahilan, wala roon si Tomas. Sa nagdaang mga araw, masayang sinasabi sa kaniya ng iba: “Nakita namin ang Panginoon!” Pero sinabi ni Tomas: “Maniniwala lang ako kung makikita ko ang butas ng pako sa mga kamay niya at maipapasok ko ang daliri ko sa mga butas na iyon at ang kamay ko sa tagiliran niya.”—Juan 20:25.

Makalipas ang walong araw, muling nagtipon ang mga alagad sa isang silid na nakakandado, pero kasama na si Tomas ngayon. Nagpakita si Jesus sa gitna nila sa katawang laman at binati sila: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.” Bumaling si Jesus kay Tomas at sinabi: “Ilagay mo rito ang daliri mo, at tingnan mo ang mga kamay ko, at ipasok mo ang iyong kamay sa tagiliran ko, at huwag ka nang magduda kundi manampalataya ka.” Biglang nasabi ni Tomas: “Panginoon ko at Diyos ko!” (Juan 20:26-28) Oo, wala na siyang duda ngayon na buháy si Jesus bilang isang makapangyarihang espiritung nilalang na kinatawan ng Diyos na Jehova.

“Naniwala ka ba dahil sa nakita mo ako?” ang sabi ni Jesus. “Maligaya ang mga naniniwala kahit hindi nakakita.”—Juan 20:29.

Higit Pang Impormasyon

Pagkabuhay-Muli ni Jesus—Talaga Bang Nangyari Ito?

Yamang ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay pangunahing turo sa Bibliya, dapat nating malaman kung nangyari nga ito.