Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay

 KABANATA 77

Nagpayo si Jesus Tungkol sa Kayamanan

Nagpayo si Jesus Tungkol sa Kayamanan

LUCAS 12:1-34

  • ILUSTRASYON TUNGKOL SA TAONG MAYAMAN

  • NAGTURO SI JESUS TUNGKOL SA MGA UWAK AT LIRYO

  • ISANG “MUNTING KAWAN” ANG MAPAPABILANG SA KAHARIAN

Habang kumakain si Jesus sa bahay ng isang Pariseo, naghihintay sa kaniya ang napakaraming tao sa labas. Ganoon din karami ang nag-aabang sa kaniya noong nasa Galilea siya. (Marcos 1:33; 2:2; 3:9) Dito sa Judea, marami ang gustong makakita at makapakinig sa kaniya, di-gaya ng mga Pariseong kasama niya sa salusalo.

Ang unang sinabi ni Jesus ay para sa mga alagad niya: “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo, sa pagkukunwari nila.” Nagbabala na noon si Jesus tungkol dito, pero base sa nakita niya sa salusalo, lalo nang mahalaga ang payong ito ngayon. (Lucas 12:1; Marcos 8:15) Itinatago ng mga Pariseo ang kanilang kasamaan sa pamamagitan ng pagbabanal-banalan, at mapanganib kung hindi sila mailalantad. Ipinaliwanag ni Jesus: “Walang anumang itinagong mabuti na hindi malalantad, at walang lihim na hindi malalaman.”—Lucas 12:2.

Marahil karamihan sa mga taong nakapalibot kay Jesus ay taga-Judea na hindi pa siya naririnig magturo. Kaya inulit niya ang mga pangunahing punto na binigkas niya noon sa Galilea. Hinimok niya ang lahat ng nakikinig: “Huwag kayong matakot sa mga makapapatay sa katawan pero wala nang iba pang magagawa maliban dito.” (Lucas 12:4) Muli niyang idiniin sa mga tagasunod niya na dapat silang magtiwala na pangangalagaan sila ng Diyos. Kailangan din nilang kilalanin ang Anak ng tao at makitang kaya silang tulungan ng Diyos.—Mateo 10:19, 20, 26-33; 12:31, 32.

Pagkatapos, isang lalaki ang biglang nagbangon ng personal na problema: “Guro, sabihin mo sa kapatid ko na hatian ako sa mana.” (Lucas 12:13) Ayon sa Kautusan, tatanggap ng dalawang bahagi ng mana ang panganay na lalaki, kaya walang dapat pagtalunan. (Deuteronomio 21:17) Pero lumilitaw na higit pa sa itinakda ng batas ang gustong makuha ng lalaking ito. Walang kinampihan si Jesus. “Lalaki, sino ang nag-atas sa akin bilang hukom o tagapamagitan ninyong dalawa?” ang tanong ni Jesus.—Lucas 12:14.

Pagkatapos, pinayuhan ni Jesus ang lahat: “Mag-ingat kayo at magbantay laban sa bawat uri ng kasakiman, dahil kahit sagana ang isang tao, ang mga ari-arian niya ay hindi makapagbibigay sa kaniya ng buhay.” (Lucas 12:15) Gaano man kayaman ang isa, hindi ba’t kapag namatay siya, maiiwan niya rin ang lahat? Idiniin iyan ni Jesus sa isang di-malilimutang ilustrasyon na nagpapakita rin kung gaano kahalaga ang mabuting pangalan sa harap ng Diyos:

“Sagana ang ani sa lupain ng isang taong mayaman. Kaya sinabi niya sa sarili niya: ‘Ano ang gagawin ko? Wala na akong mapaglagyan ng mga ani ko.’ Pagkatapos, sinabi niya, ‘Ito ang gagawin ko: Gigibain ko ang mga kamalig ko at magtatayo ako ng mas malalaki, at doon ko ilalagay ang lahat ng ani ko at iba pang bagay, at sasabihin ko sa sarili ko: “Marami kang mabubuting bagay na nakaimbak para sa maraming taon; magpasarap ka na lang sa buhay, kumain, uminom, at magpakasaya.”’ Pero sinabi ng Diyos sa kaniya, ‘Ikaw na di-makatuwiran, mamamatay ka ngayong gabi. Kanino ngayon mapupunta ang mga bagay na inimbak mo?’ Ganiyan ang nangyayari sa taong nag-iimbak ng kayamanan para sa sarili niya pero hindi mayaman sa Diyos.”—Lucas 12:16-21.

Maaaring matukso ang mga alagad ni Jesus at ang iba pang nakikinig na maghanap o mag-imbak ng kayamanan. Puwede ring makagambala sa paglilingkod kay Jehova ang mga pangangailangan sa buhay. Kaya inulit ni Jesus ang napakagandang payo na ibinigay niya mga isa’t kalahating taon na ang nakararaan sa Sermon sa Bundok:

“Huwag na kayong mag-alala kung ano ang kakainin o isusuot ninyo. . . . Pansinin ninyo ang mga uwak: Hindi sila nagtatanim o umaani; wala  silang imbakan ng pagkain; pero pinakakain sila ng Diyos. Di-hamak na mas mahalaga kayo sa mga ibon, hindi ba? . . . Pansinin ninyo kung paano tumutubo ang mga liryo: Hindi sila nagtatrabaho o nananahi; pero sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon, sa kabila ng karangyaan niya, ay hindi nakapagdamit na gaya ng isa sa mga ito. . . . Kaya huwag na kayong maghanap ng kakainin at iinumin ninyo, at huwag na kayong labis na mag-alala . . . Alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga ito. . . . Patuloy na hanapin ang kaniyang Kaharian, at ibibigay niya sa inyo ang mga ito.”—Lucas 12:22-31; Mateo 6:25-33.

Sino ang mga susunod sa utos na hanapin ang Kaharian ng Diyos? Isiniwalat ni Jesus na isang maliit na bilang, isang “munting kawan,” ng tapat na mga tao ang susunod sa utos na ito. Di-magtatagal, isisiwalat na 144,000 lang sila. Ano ang naghihintay sa kanila? Tiniyak ni Jesus: “Ibinigay sa inyo ng inyong Ama ang Kaharian.” Sila ay hindi magpopokus sa pag-iipon ng kayamanan sa lupa, na maaaring manakaw. Sa halip, itutuon nila ang kanilang puso sa “di-nauubos na kayamanan sa langit,” kung saan sila maghahari kasama ni Kristo.—Lucas 12:32-34.