Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?

 APENDISE

Isinilang ba si Jesus sa Buwan ng Disyembre?

Isinilang ba si Jesus sa Buwan ng Disyembre?

HINDI sinasabi sa atin ng Bibliya kung kailan isinilang si Jesus. Gayunman, nagbibigay ito sa atin ng matibay na dahilan upang isipin na hindi siya isinilang sa buwan ng Disyembre.

Isaalang-alang ang lagay ng panahon sa bahaging iyon ng taon sa Betlehem, kung saan isinilang si Jesus. Ang buwan ng Kislev (katumbas ng Nobyembre/Disyembre) ng mga Judio ay isang buwan kung kailan malamig at maulan ang lagay ng panahon. Ang buwang kasunod niyan ay Tebet (Disyembre/Enero). Ito ang buwan na may pinakamababang temperatura sa buong taon, na may manaka-nakang pag-ulan ng niyebe sa kabundukan. Tingnan natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa klima ng rehiyong iyon.

Ipinakikita ng manunulat ng Bibliya na si Ezra na kilala nga ang Kislev bilang isang buwan kung kailan malamig at maulan ang lagay ng panahon. Pagkatapos sabihin na isang pulutong ang nagtipon sa Jerusalem “noong ikasiyam na buwan [Kislev] nang ikadalawampung araw ng buwan,” iniulat ni Ezra na ang mga tao ay “nangangatog . . . dahil sa pagbuhos ng ulan.” May kinalaman sa  lagay ng panahon sa bahaging iyan ng taon, ang nagkatipong mga tao mismo ang nagsabi: “Kapanahunan noon ng pagbuhos ng ulan, at hindi nga maaaring tumayo sa labas.” (Ezra 10:9, 13; Jeremias 36:22) Hindi nga kataka-taka na tinitiyak ng mga pastol na naninirahan sa bahaging iyon ng daigdig na sila at ang kanilang mga kawan ay wala na sa labas sa gabi pagsapit ng buwan ng Disyembre!

Gayunman, iniuulat ng Bibliya na ang mga pastol ay nasa parang at inaalagaan ang kanilang mga kawan noong gabing isilang si Jesus. Sa katunayan, ipinakikita ng manunulat ng Bibliya na si Lucas na nang panahong iyon, ang mga pastol ay “naninirahan sa labas at patuloy na nagbabantay sa gabi sa kanilang mga kawan” malapit sa Betlehem. (Lucas 2:8-12) Pansinin na ang mga pastol ay aktuwal na naninirahan sa labas, at hindi lamang naglalakad kung araw. Nasa parang ang kanilang mga kawan sa gabi. Ang paglalarawan bang iyan ng paninirahan sa labas ay tumutugma sa maginaw at maulang panahon sa Betlehem kung buwan ng Disyembre? Talagang hindi. Kaya ipinahihiwatig ng mga kalagayang naganap noong kapanganakan ni Jesus na hindi siya isinilang sa buwan ng Disyembre. *

Eksaktong sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos kung kailan namatay si Jesus, ngunit kakaunti lamang ang ibinibigay nitong tuwirang impormasyon kung kailan siya isinilang. Ipinaaalaala nito ang mga salita ni Haring Solomon: “Ang pangalan ay mas mabuti kaysa sa mainam na langis, at ang araw ng kamatayan kaysa sa araw ng kapanganakan.” (Eclesiastes 7:1) Kaya hindi kataka-taka na nagbibigay ang Bibliya ng maraming detalye tungkol sa ministeryo at kamatayan ni Jesus ngunit iilang detalye lamang tungkol sa pagsilang niya.

Noong gabing isilang si Jesus, nasa parang ang mga pastol at ang kanilang mga kawan

^ par. 1 Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang pahina 111-5 ng Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

Higit Pang Impormasyon

Bakit Hindi Nagdiriwang ng Pasko ang mga Saksi ni Jehova?

Marami ang nagpa-Pasko kahit alam nila kung saan ito nagmula. Alamin kung bakit hindi ito ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova.