Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya

Kuwento 47: Isang Magnanakaw sa Israel

Kuwento 47: Isang Magnanakaw sa Israel
Itinatago ni Achan ang mga ninakaw niya

TINGNAN mo kung ano ang ibinabaon ng lalaki sa kaniyang tolda. Isang magandang damit, isang baretang ginto at ilang pirasong pilak. Kinuha niya ito sa lunsod ng Jerico. Natatandaan mo ba kung ano ang dapat gawin sa mga sinamsam sa Jerico?

Dapat nilang sirain ito. Ang ginto at pilak ay ibinigay sana nila sa kabang yaman sa tabernakulo ni Jehova. Kaya sila ay sumusuway sa Diyos. Ninakaw nila ang pag-aari ni Jehova. Ang pangalan ng lalaki ay Achan, at ang kasama niya ay ang mga kasambahay niya. Tingnan natin kung ano ang mangyayari.

Pagkatapos nakawin ni Achan ang mga bagay na ito, ang mga Israelita ay natalo sa digmaan laban sa lunsod ng Ai. Lungkot-na-lungkot si Josue kaya tinanong niya si Jehova kung bakit niya pinayagan na mangyari ito.

Sabi ni Jehova: ‘Nagkasala ang Israel. Kinuha nila ang mga bagay na dapat sanang sirain o ibigay sa tabernakulo ni Jehova. Hindi ko kayo pagpapalain hangga’t di ninyo sinisira ang mga ito pati na ang nagnakaw niyaon.’ Ipakikita raw ni Jehova kay Josue kung sino ang maysala.

Kaya tinipon ni Josue ang bayan, at inihiwalay ni Jehova ang masamang taong si Achan. Inamin ni Achan ang kasalanan niya at sinabi kay Josue kung saan niya itinago ang kaniyang ninakaw.

Nang matuklasan na yaon, sinabi ni Josue kay Achan: ‘Bakit mo kami ipinahamak? Ipapahamak ka ngayon ni Jehova!’ Kaya si Achan at ang kaniyang pamilya ay pinagbabato hanggang mamatay. Hindi ba ito nagpapakita na masama ang kumuha ng hindi sa atin?

Lumaban uli ang Israel sa Ai. Tinulungan na ngayon sila ni Jehova, kaya nanalo sila.

Josue 7:1-26; 8:1-29.



Mga Tanong

  • Sa larawan, sino ang lalaking nagbabaon ng mga kayamanang kinuha sa Jerico, at sino ang mga tumutulong sa kaniya?
  • Bakit napakasama ng ginawa ni Achan at ng kaniyang mga kasambahay?
  • Ano ang sinabi ni Jehova nang itanong ni Josue kung bakit natalo ang mga Israelita sa digmaan sa Ai?
  • Matapos dalhin kay Josue si Achan at ang kaniyang pamilya, ano ang nangyari sa kanila?
  • Anong mahalagang leksiyon ang itinuturo sa atin ng hatol kay Achan?

Karagdagang mga tanong

  • Basahin ang Josue 7:1-26.

    Ano ang isiniwalat ng mga panalangin ni Josue tungkol sa kaugnayan niya sa kaniyang Maylalang? (Jos. 7:7-9; Awit 119:145; 1 Juan 5:14)

    Ano ang ipinakikita ng halimbawa ni Achan, at paano ito isang babala sa atin? (Jos. 7:11, 14, 15; Kaw. 15:3; 1 Tim. 5:24; Heb. 4:13)

  • Basahin ang Josue 8:1-29.

    Ano ang ating personal na pananagutan sa kongregasyong Kristiyano sa ngayon? (Jos. 7:13; Lev. 5:1; Kaw. 28:13)