Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya

Kuwento 42: Nagsalita ang Isang Asno

Kuwento 42: Nagsalita ang Isang Asno

NAKARINIG ka na ba ng isang asnong nagsasalita? ‘Hindi pa,’ baka sabihin mo. ‘Hindi nagsasalita ang mga hayop.’ Pero noong araw ay may isang asnong nagsalita. Alamin natin kung papaano nangyari ito.

Isang anghel

Si Balak, ang hari ng Moab, ay takot sa mga Israelita. Kaya ipinatawag niya ang isang matalinong lalaki na nagngangalang Balaam para sumpain ang mga Israelita. Nangako siya kay Balaam na bibigyan niya ito ng maraming pera, kaya sumakay si Balaam sa kaniyang asno at pinuntahan si Balak.

Nagsugo si Jehova ng isang anghel na may mahabang tabak at pinatayo ito sa gitna ng daan upang harangin si Balaam. Hindi makita ni Balaam ang anghel, pero nakita ito ng kaniyang asno. Iniwasan ng asno ang anghel, at nang bandang huli ay nahiga na lamang ito sa tabi ng daan. Galit-na-galit si Balaam at pinaghahampas ang asno.

Kaya pinapagsalita ni Jehova ang asno ni Balaam.

Si Balaam habang nakasakay sa asno

‘Bakit mo ako hinahampas?’ tanong ng asno.

‘Kasi ginawa mo akong parang tanga,’ sabi ni Balaam.

‘Dati ko ba itong ginagawa sa iyo?’ tanong ng asno.

‘Hindi,’ sagot ni Balaam.

Pagkatapos ay hinayaan ni Jehova na makita ni Balaam ang anghel. Sinabi ng anghel: ‘Hindi mo dapat sumpain ang Israel. Kung hindi ako iniwasan ng iyong asno, sana’y napatay na kita.’

Bilang 21:21-35; 22:1-40; 23:1-30; 24:1-25



Mga Tanong

  • Sino si Balak, at bakit niya ipinatawag si Balaam?
  • Bakit nahiga ang asno ni Balaam sa tabi ng daan?
  • Ano ang narinig ni Balaam na sinasabi ng asno?
  • Ano ang sinabi ng anghel kay Balaam?
  • Ano ang nangyari nang subukang sumpain ni Balaam ang Israel?

Karagdagang mga tanong

  • Basahin ang Bilang 21:21-35.

    Bakit natalo ng Israel si Haring Sihon ng mga Amorita at Haring Og ng Basan? (Bil. 21:21, 23, 33, 34)

  • Basahin ang Bilang 22:1-40.

    Ano ang motibo ni Balaam sa pagtatangkang sumpain ang Israel, at anu-anong mga leksiyon ang makukuha natin dito? (Bil. 22:16, 17; Kaw. 6:16, 18; 2 Ped. 2:15; Jud. 11)

  • Basahin ang Bilang 23:1-30.

    Bagaman nagsalita si Balaam na para bang isa siyang mananamba ni Jehova, paano nakita sa kaniyang mga kilos na hindi talaga siya mananamba ni Jehova? (Bil. 23:3, 11-14; 1 Sam. 15:22)

  • Basahin ang Bilang 24:1-25.

    Paano pinatitibay ng ulat na ito ng Bibliya ang ating pananampalataya sa katuparan ng layunin ni Jehova? (Bil. 24:10; Isa. 54:17)