Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya

Kuwento 39: Namulaklak ang Tungkod ni Aaron

Kuwento 39: Namulaklak ang Tungkod ni Aaron

NAKIKITA mo ba ang mga bulaklak at almendro na tumutubo sa tungkod na ito? Tungkod ito ni Aaron. Ang mga bulaklak at prutas ay tumubo sa tungkod ni Aaron sa loob lamang ng magdamag! Bakit kaya?

Ibinibigay ni Moises ang namulaklak na tungkod kay Aaron

Matagal na ring nagpapalabuy-laboy ang mga Israelita sa ilang. Iniisip ng iba na si Moises ay hindi nila dapat maging pinuno, ni si Aaron ang dapat maging mataas na saserdote. Si Kore ang isa sa mga nag-isip ng ganito, pati na rin sina Datan, Abiram at 250 pinuno sa bayan. Sila ay lumapit at nagsabi kay Moises: ‘Bakit kayo naghahari-harian sa amin?’

Sinabi ni Moises kay Kore at sa mga tagasunod niya na pumasok sa tabernakulo ni Jehova dala ang kanilang mga sulo. Makikita nila kung sino ang pipiliin ni Jehova. Kinabukasan si Kore at 250 mga tagasunod niya ay dumating sa tabernakulo. Marami siyang naakit. Galit-na-galit si Jehova.

Sinabi ni Moises: ‘Lumayo kayo sa mga tolda ng masasamang taong ito.’ Kaya lumayo ang bayan. Pagkatapos ay sinabi ni Moises: ‘Ngayon ay makikilala ninyo kung sino ang pinili ni Jehova. Bubuka ang lupa at lalamunin ang masasamang taong ito.’

Agad-agad ay bumuka ang lupa. Sina Datan, Abiram at yaong mga kasama nila ay nahulog, pati na ang mga tolda ni Kore. Sumara uli ang lupa sa ibabaw nila. Napasigaw ang bayan sa takot: ‘Takbo! Baka lamunin din tayo ng lupa!’

Si Kore at ang 250 tagasunod niya ay malapit sa tabernakulo. Nagpadala si Jehova ng apoy, at lahat sila ay nasunog. Pagkatapos ay sinabi ni Jehova na ang mga sulo ng nangamatay ay dapat gawing takip para sa altar. Ito ay magsisilbing babala sa bayan na si Aaron lang at ang mga anak niya ang dapat maging saserdote ni Jehova.

Pero gusto pa ring idiin ni Jehova kung sino ang pinili niya bilang saserdote. Iniutos niya sa mga pinuno ng bawa’t tribo na maglagay ng isang tungkod sa harap ng kaban ng tipan. Naglagay si Aaron ng tungkod para sa tribo ni Levi. Ang tungkod ng táong mapipili ay mamumulaklak!

Kinabukasan, ang tungkod ni Aaron ay may mga bulaklak at almendro! Kaya alam mo na ba kung bakit namulaklak ang tungkod ni Aaron?

Bilang 16:1-49; 17:1-11; 26:10



Mga Tanong

  • Sinu-sino ang mga nagrebelde sa awtoridad nina Moises at Aaron, at ano ang sinasabi nila kay Moises?
  • Ano ang ipinagawa ni Moises kay Kore at sa 250 tagasunod nito?
  • Ano ang sinabi ni Moises sa bayan, at ano ang agad-agad na nangyari?
  • Ano ang nangyari kay Kore at sa 250 tagasunod niya?
  • Ano ang ginawa sa mga sulo ng nangamatay, at bakit?
  • Bakit namulaklak ang tungkod ni Aaron? (Tingnan ang larawan.)

Karagdagang mga tanong

Higit Pang Impormasyon

Aaron Bible Card

Bakit hindi siya nakapasok sa Lupang Pangako?